Nagulat si Nessa nang matanawan sa dulo ng pasilyo ng bahay-ampunan si Nivan. Seryoso itong nakatitig sa kanya, at may kung anong emosyon ang nakapaloob sa mga mata nito. Kararating niya lang sa Hospicio Custodio at tinulungan niya ang mga volunteers na maglinis. Itinali lang niya pataas ang buhok. Simpleng T-shirt lang din ang suot niya at naka-kupasing pantalon lang. "Nivan?" sambit niya sa pangalan ng kaibigan. "Ano ang ginagawa mo riyan? Bakit nakatayo ka lang diyan? Lumapit ka nga rito at tulungan mo akong maglinis." Malapad ang pagkakangiti niya rito. Nagtaka siya kung bakit hindi gumalaw sa kinatatayuan si Nivan. Ibinaba niya tuloy ang hawak na walis at ikiniling ang ulo upang sipatin kung okay lang ba ang binata. Napaurong siya nang makitang humakbang na ito patungo sa kanya.