Hindi na mabilang ni Nessa kung makailang ulit na siyang humugot ng malalim na paghinga. Nasa loob siya ng taxi na sinabihan niyang huminto sa tapat ng gusali ng H-Precision, subalit hindi niya naman magawang bumaba ngayon. Bantulot siyang ituloy ang planong dalhin sa asawa ang niluto niyang pagkain. Baka kasi itaboy lang siya nito, o baka magalit ito.
“Miss?” untag sa kanya ng driver. “Bababa ka ba rito?”
“Ah!” igtad niya. Muli niya munang tinanaw ang gusali ng H-Precision bago siya dahan-dahang tumango. “Ito po ang bayad ko. Salamat ho.”
Nang nasa entrada na siya ay magalang siyang binati ng security guard. Tumuloy siya sa lobby at sumakay ng elevator, pinindot ang palapag kung saan naroroon ang opisina ng CEO.
Habang nasa loob ng elevator ay hinayon niya ng tingin ang kabuuan. Pormal na bestida ang kanyang suot. Walang manggas, at hanggang tuhod ang haba. Hapit iyon sa bandang baywang pero maluwag sa balakang pababa. She wore the dress in a sophisticated manner, as expected of someone who’s married to a Chief Executive Officer of the company. Tuwid na tuwid ang likod niya at malinis ang pagkakapusod niya sa buhok.
Napabuga siya ng hangin. She used to hate tying her hair into a tight bun. Mas gusto niyang nakalugay lang ang buhok niya at isinasayaw ng hangin ang mga hibla tuwing gumagalaw siya. Hindi rin siya mahilig magsuot ng sapatos na may matataas na takong, kagaya ng suot niya ngayon. But Viz said he liked prim and proper women. Sa utak niya ay isang imahe ang binuo niya upang magmukha siyang babaeng naaayon sa pamantayan ng asawa—formal clothes, neat hairstyle, and shoes with high heels.
Napatuon sa unahan ang mga mata niya nang bumukas ang elevator. Tinahak agad niya ang pasilyo patungo sa opisina ng asawa.
“Good Morning, Sassa,” bati niya sa sekretarya ni Viz. “May kausap ba sa loob ang asawa ko?” Tumitig siya sa pinto ng pinaka-opisina ng CEO. Nakasarado iyon.
Ngumiti ang babae, pero malinaw niyang nasisilip ang talas sa likod ng mga mata nito. Batid niyang may gusto ito sa asawa niya.
“May mga ka-meeting si Sir Viz.”
“Mga anong oras kaya matatapos?” Tumingin siya sa relo. Alas dose na. Kumain na kaya ang asawa? Sa anim na buwan nilang pagsasama ay napuna na niyang madalas nitong laktawan ang pagkain. Kung patuloy nitong gagawin iyon ay baka magkasakit ito. He was, most of the time, overworking himself.
“Hindi ko alam, eh.”
Bumuntong-hininga siya, nagtitimpi. Alam niyang alam ni Sassa kung hanggang anong oras ang meeting ng CEO, pero sadyang ayaw nitong sabihin sa kanya.
“Kumain na ba ang asawa ko?”
Ngumiti nang malapad ang babae sa kanya. “Ah, oo. Nagdala ako ng pagkain. Binigyan ko si Sir. Okay lang naman, hindi ba, Ma’am?”
Naglaho ang sibil na ngiting pilit niyang ipinapaskil sa mukha kanina. Sumeryoso ang mukha niya at tiyak ang hakbang na tinawid niya ang distansyang nakapagitan sa kanila ng sekretarya. “Nagpapatawa ka ba?” Kalmado ang boses niya pero may bahid iyon ng talim na nagpatikom sa bibig ng kaharap. “Sa tingin mo ay okay lang na dalhan mo ng pagkain ang asawa ko? Bakit, ikaw ba ang asawa? Ang alam ko, marunong din naman akong magluto. Sassa, hindi lang kita pinapatulan, pero hindi ibig sabihin niyon ay bulag ako sa mga pinagagawa mo.”
Napaurong ang sekretarya. Nagulat ito sa kanya. Hindi marahil nito inaasahang maririnig ang mga iyon mula sa kanya. Ano ba ang akala nito? Na mabait siya? Hah! Kung mabait siya ay hindi niya maiisipang magkunwari at papaniwalain si Viz na siya si Neza para lang makuha niya ito.
She was not a good person.
Tama si Viz. She wasn’t the warm and kind person that he thought she was.
She might not even be the female lead in this story, but the villainess.
Kaya kung inaakala ni Sassa na magpapaapi siya ay nagkakamali ito. Hindi siya gumawa ng kasakiman para lang isuko ang dahilan ng pagiging ganid niya. Hinding-hindi niya isusuko ang asawa niya.
Biglang bumukas ang pinto ng pinaka-opisina ng CEO. In the doorway stood the Chief Executive Officer, Viz Hezron, in his expensive corporate suit. His eyes, behind the rimless eyeglasses, were fixed on her. Blangko ang eskpresyon sa mukha nito.
Kinailangan pa niya itong tingalain dahil mas matangkad pa rin ito sa kanya. Sa likod nito ay dalawang lalaking kasingtangkad din nito. Nakilala niya agad ang dalawa. Ang isa ay si Zeki Castoldi, at ang isa pa ay si Nazaron Altieri, ang CEO ng Altieri Corporation. All three men, her husband included, looked like they walked straight out of a men’s fashion magazine. Walang itulak-kabigin sa tatlo kung ang pagbabatayan ay ang pisikal na anyo.
“Hi, Nessa!” nakangiting pagbati sa kanya ni Zeki.
“Hello, Zek. Kumusta ka na?” Alam niyang kapatid sa ama ni Viz si Zeki. Dumalo ito sa kasal nila ni Viz at kasama nito ang asawang si Perlas. His wife was so young and adorable. May anak na ang mga ito. At kahit ayaw niya ay nakaramdam siya ng inggit. Gusto niya ring magkaanak sila agad ni Viz. Pero nalaman agad ni Viz ang tungkol sa kasinungalingan niya, at ang una at nag-iisang gabi na inangkin siya nito nang walang proteksyon at nagpunla ito ng semilya sa sinapupunan niya ay hindi naman nagbunga. Pagkatapos ng gabing iyon ay naging maingat na ito sa pakikipagtalik sa kanya.
He never came inside her again. Or he would pull out in time. He only ‘made love’ to her once. The rest were just pure f*cking out of marital obligation. Or maybe because he was just horny—period.
“I’m good.” Napatingin si Zeki sa dala niyang lunch bag. “Is that for Viz?”
Kamuntikan na siyang mapasinghap nang mapatingin din si Viz sa hawak niya.
“O-oo sana—”
“I already ate,” sambit agad ni Viz.
Disimulado niyang naikuyom ang isang kamay. Sa likod ng utak niya ay parang nakikita na niya ang ngisi sa mukha ni Sassa. So, kinain talaga nito ang dalang pagkain ng sekretarya? Nagpuyos ang kalooban niya.
Nagkatinginan sina Zeki at Nazaron. Tapos ay ngumiti si Zeki. “Kumain na pala si Viz. Sayang naman iyang dala mo.”
“Ibigay mo na lang sa amin ni Zeki iyan,” ani Nazaron. Naging kaibigan na rin ni Viz ang mga kaibigan ni Zeki kaya naging magaan na rin ang loob niya sa mga ito. Bukod kay Zeki ay mas kilala niya lang si Nazaron dahil kasalukuyan itong may tinatrabahong proyekto kasama ang magkapatid na Castoldi. And that’s because the Altieri family had strong business connections in electronics. “Hindi pa naman kami kumakaing dalawa ni Zeki,” dagdag nito.
Hah. Nagmumukha na ba siyang kawawa? O tanga kaya? Itinago niya sa likod ng ngiti ang pagngangalit ng ngipin niya. “Sige, sa inyo na lang ’to.” Lahat ng nasa loob ng lunch bag ay paboritong pagkain ni Viz. Maaga pa siyang gumising para lang maihanda ang mga iyon.
“Why don’t you join us? We’re heading to the cafeteria anyway,” yakag sa kanya ni Zeki. “Doon na natin kainin iyang mga dala mo.”
“Uhm.” Napasulyap siya kay Viz. Nakatingin ito sa kanya, pero wala siyang mabasang emosyon sa mga mata nito. “Okay lang ba, Viz?” hinging permiso niya sa asawa.
“Gawin mo kung ano ang gusto mong gawin,” payak nitong tugon, walang kangiti-ngiti sa labi, tapos ay ibinaling na nito ang atensyon sa dalawang CEO. Awtomatiko ang pag-aliwalas ng mukha nito nang kaharap na ang dalawa. Sana ay ganoon din kagaan ang emosyong ipinapakita nito sa kanya.
“Hindi ko na kayo masasamahan sa cafeteria. Nariyan naman ang ‘asawa’ ko. Siya na ang bahala sa inyong dalawa,” anito, tinapik sa balikat sina Zeki at Nazaron bago ito tumalikod na at bumalik sa loob ng pinaka-opisina nito.
Nagsikip ang dibdib niya, pero pinuwersa niya pa rin ang sariling ngumiti at umaktong masigla. “Tara na sa baba,” anyaya na niya kina Zeki at Nazaron.
Habang naglalakad sila ay hindi na napigilan ni Zeki na magtanong. “Ano ba talaga ang naging problema n’yo ni Viz? Okay pa kayo hanggang pagkatapos ng kasal, ah? May pinag-awayan ba kayo?”
Nakagat niya ang ibabang labi. Paano ba niya ito sasagutin? Puwede ba niyang sabihing huwad siya? Na nagkunwari siya at pinaniwala niya ang kapatid nito sa isang kasinungalingan?
“Listen, Nessa, it’s normal for married couples to fight.” Si Nazaron. “But make sure that you both are doing something to resolve the root of the problem. Hindi puwedeng pabayaan na lang nang matagal.”
“Kaya kung ano man iyang pinag-awayan n’yo ni Viz, sana ay maayos n’yo na at magkabati na kayo,” dagdag ni Zeki.
Napailing si Nazaron at bahagya nitong nasapo ang likod ng ulo. “I hope I’m wrong but I feel like he’s about to do the same mistake I did before.”
Napalingap dito si Zeki. “Ano ang ibig mong sabihin?”
Nagkibit-balikat ito. “You know what I did to my wife, Zek. I abandoned her before.”
“Pero hindi naman ako inabandona ni Viz,” aniya.
“I know, but...” Matiim siyang tinitigan ni Nazaron sa mga mata. Nailang siya at nag-iwas ng mukha. Pakiwari niya kasi ay kaya nitong basahin ang mabigat na emosyong pilit niyang ikinukubli sa likod ng mga mata niya. “I might be wrong. Kagaya nga ng sabi mo, hindi ka naman inabandona ni Viz. At alam ng lahat na mag-asawa kayo.”
Alam niya ang kuwento ni Nazaron. He abandoned his wife on their wedding night. And he came to deeply regret it years later.
Pagdating nila sa cafeteria ay binuksan agad ni Zeki ang lunch bag. Hindi ito nakaimik nang makita ang mga pagkaing inihanda niya para sana sa asawa.
Chicken Biryani, Roti bread, at Beef Curry.
Humugot ng malalim na paghinga si Zeki. “Mga paborito lahat ito ni Viz, ah?” There was an awkward glint in his eyes, as if he didn’t know how to react properly. “Is it really alright for us to enjoy this? Mukhang pinaghirapan mong lutuin ang mga ito…”
Ngumiti siya upang palisin ang nararamdamang pagkaasiwa nito. “Oo naman, okay lang. Sige na, kainin n’yo na.” Ang totoo ay masama ang loob niya, pero ano ba ang magagawa niya?
Nagsimula nang kumain ang dalawa. Siya naman ay nakatutok lang ang mga mata sa baso ng tubig sa ibabaw ng mesa. Iniisip niya kung ano na kaya ang ginagawa ni Viz at ng sekretarya nito?
Paano pala kung may relasyon ang dalawa?
Parang may aspileng tumusok sa puso niya. Ipinilig niya ang ulo. Hindi magagawa iyon sa kanya ni Viz. Alam niyang hindi siya nito mahal, pero hindi ito ang klase ng lalaking makikipag-relasyon sa iba habang nakatali pa ito sa kanya. He’s not that heartless.
“Nessa?” Ipinitik ni Zeki ang mga daliri nito sa tapat ng mukha niya.
Napakurap siya. “Ha? May sinasabi ka ba?”
Napailing na lang si Zeki. “Ang lalim naman yata ng iniisip mo?”
“I’m sorry. Pagod lang siguro ako.”
“Mabuti pa siguro ay umuwi ka na ngayon para makapagpahinga ka,” suhestiyon ni Nazaron.
Tumango siya. “Siguro nga’y kailangan ko nang umuwi.” Nagpaalam na siya sa dalawa at lumabas na ng gusali. Pumara agad siya ng taxi. Halos tumalon na siya papasok ng backseat dahil pabagsak na ang mga luhang kanina pa niya pinipigilan. Sa loob ng taxi ay minasdan niya ang kanyang mga kamay. May mga sugat iyon mula sa pagluluto.
She clenched her fists. The wounds hurt more, but she didn’t care. Sana ay pisikal na sugat lang ang iniinda niya.
“Viz, mahalin mo naman ako. Kahit kaunting-kaunti lang…” mahina niyang sambit sa hangin, kasabay ng patuloy na paglandas ng mga luha sa kanyang pisngi.
_____
TAHIMIK na nakatayo si Viz sa tabi ng salaming pader ng kanyang opisina, at nakatunghay sa ibaba, sa gilid ng kalsada kung saan nakatayo ang asawa niya. Nakayuko si Nessa at matamlay. Pumara ito ng taxi at nagmadaling pumasok sa loob niyon. Umalis lang siya sa tabi ng salaming pader nang tuluyan nang makaalis ang taxi.
Bumuntong-hininga siya at ibinagsak ang sarili paupo sa ehekutibong silya. He pressed the back of his head against the headrest of the leather chair, and he took off his eyeglasses. Ibinaba niya sa lamesa ang salamin sa mata at hinilot ng hinlalaki at hintuturo niya ang tulay ng ilong na nasa pagitan ng mga matang marahan niyang ipinikit.
Kumain naman na siguro si Nessa bago ito umalis ng bahay, anang isang maliit na tinig sa likod ng utak niya. Palagi nitong ipinapaalala sa kanya na kumain sa tamang oras, subalit madalas din naman itong hindi kumain nang maayos.
He dialed Zeki’s number.
“Yes?”
“Nakauwi na ba kayo ni Nazaron?” tanong niya.
“Not yet. We’re still here in the cafeteria. Bakit? May nakalimutan ka bang sabihin sa amin kanina sa meeting?”
“No, uhm, did you really eat the food that my wife prepared for me?”
Patlang.
“Zek? Nandiyan ka pa ba?”
“Yeah. What the hell, man? Gusto mo ba sanang kainin itong mga niluto ng asawa mo? Sana sinabi mo kaagad. Naubos na namin ni Nazzie, eh.”
“No, of course not!" tanggi niya. "Gusto ko lang malaman kung kinain n’yo talaga ang mga pagkaing dinala ni Nessa.”
“Yes, we did. Is that all? I’m hanging up now—”
“Wait!” Tumikhim siya. “K-ku… kuma…”
“What the f*ck, come on, just say it!”
Napabuga siya ng hangin. “Kumain din ba siya?”
“We're talking about your wife, right? No, she didn’t eat.”
“Sinabi ba niya kung kumain na siya sa bahay?”
Pumalatak ang kapatid. “Why don’t you ask her yourself? Mag-asawa naman kayo, hindi ba?” Eksasperadong nagbuga ng hangin si Zeki. “Ano ba talaga ang pinag-awayan n’yong dalawa? Ayaw n’yo bang pag-usapan iyan at ayusin na?”
Tumiim ang bagang niya. He ended the call. Napaungol siya at naihilamos ang mga palad sa mukha. Ano ba kasi ang pakialam niya kung kumain na ito o hindi pa?
He shouldn’t be concerned with her.