Dahil hindi na kayang sarilinin ni Nessa ang mga isiping bumabagabag sa kalooban niya ay pinili niyang magkuwento na sa dalawang taong pinakamalapit sa kanya—kina Melissa at Nivan. Break naman kaya lumabas sila saglit ng Hospicio at kumain sa pinakamalapit na restaurant. Nakaupo sa tapat niya si Melissa, samantalang si Nivan ay katabi naman niya. Nakasimangot na agad ang huli habang nakikinig sa kanya. He looked terribly pissed off. Kahit hindi niya ito lingapin ay alam niyang ilang beses na itong napapailing. “Nagiging mabait at malambing sa iyo ang asawa mo, tama naman ang pagkakaintindi ko, hindi ba?” paglilinaw ni Melissa. “Oo.” Bumuntong-hininga siya. “Hinawakan pa niya ang kamay ko nang nasa mall kami. Tapos, sumasabay na siya sa aking kumain. Hindi na siya katulad ng dati na kibu