Ayaw na sana pa itong pansinin ni Jastine at ipagpatuloy ang paglalakad. Ngunit, hinawakan siya nito sa braso. Nagmatigas si Jastine. Hindi niya ito tinapunan ng tingin. Nakaharap lamang si Jastine sa kabilang diresyon kung saan hindi niya ito nakikita.
Pabawi na hinatak ni Jastine ang braso niya. Hinigpitan naman nito ang pagkakawak kay Jastine, pinipigilan si Jastine na umiwas at lumayo.
“Puwede ba, Jastine? Huwag ka na muna magmatigas ngayon. Pinapauwi ka nina mama at papa,” anas ng lalaki. “Gusto ka nilang makita. Hindi ka na kasi umuuwi ng bahay,” dagdag pa nito.
Huminga nang malalim si Jastine. “Uuwi ako kung gusto ko, kuya. Pipilitin lang naman nila ako na magpa-checkup kapag nasa bahay ako,” tugon ni Jastine.
Hinablot muli ni Jastine ang braso niya. Sa pagkakataon na ito ay nabawi niya nang tuluyan ang braso niya. Humarap si Jastine sa lalaki. “Kita mo naman na okay ang kalagayan ko ngayon, kuya. Sabihan mo na lang sina mama na maayos ang kalagayan ko. Wala sila dapat na ipag-alala. At saka kaya ko na maging independent, kuya. Ang tanda-tanda ko na,” halos walang hingahan na sambit ni Jastine.
Kahit hindi nakikita ni Jastine ang buong mukha ng lalaki ay ramdam niya na tinitigan siya nito nang seryoso. Humalukipkip ang kapatid ni Jastine kasabay nang pagbuntong-hininga nito.
“Talaga lang ha?” dudang tanong ng lalaki. “Sinasabi mo lang ‘yan ngayon, Jastine, dahil akala mo hindi ko nakita na nahimatay ka kanina saktong pagkatapos ng performance mo. Nahulog ka pa sa dulo ng stage. Mabuti na lang at may sumalo sa ‘yo.”
Nanlamig ang buong katawan ni Jastine sa tinuran ng lalaki. Tila naestatwa si Jastine sa kanyang kinatatayuan. Sa dinami-rami ng puwede nitong masaksihan ay ang pagkahimatay pa talaga niya dahil rin sa lalaki na sumalo sa kanya na hindi niya rin alam ang pangalan pero swak na swak sa ideal boyfriend and husband at magiging ama ng pinapangarap niyang mga anak.
Umangat ang tingin ni Jastine sa mukha ng kanyang kapatid kahit hindi niya ito lubos na naaaninag. Nakatayo kasi ito sa madilim na parte kung saan hindi nasisinagan ng streetlight.
So. . . Kanina pa siya nasa bar? Kailan pa? At bakit hindi man lang ako nilapitan o pinuntahan man lang kung nakita nga niya akong nahimatay. May mali. May mali rito.
Humakbang ang lalaki palapit kay Jastine. “Sabihin mo nga, Jastine. Paano mo nasasabi na okay ang kalusugan mo eh nahihimatay ka nga pa rin.” Lumapit pa ito na unti-unti ring kinaatras ni Jastine.
Sa bawat hakbang na ginagawa ng kanyang kapatid ay dahan-dahan rin na nasisilayan ni Jastine ang seryoso nitong mukha. Dahan-dahan na hinabol ni Jastine ang kanyang hininga. Pinapalakas ni Jastine ang kanyang loob dahil nakikita na niya na hindi nga nagbibiro ang kapatid niya. Pinagdudahan man niya ito kung nakita talaga nito ang pagkahimatay niya kanina, ngayon ay sigurado na siya. Hindi magiging ganito ang itsura ng kapatid niya kapag hindi nito nasaksihan mismo ang nangyari.
Nilabanan ni Jastine ang pagtitig ng kapatid niya sa kanya. Katulad ni Jastine ay bata pa rin ito tingnan. Hindi rin naman nagkakalayo ang kanilang edad. Mas matanda lang ito ng isang taon kay Jastine.
“Okay. . . I’ll take your silence as a yes. Kaya sasama ka sa akin ngayon. Nag-aalala na talaga sina mama sa ‘yo, Jastine,” pinal na saad ng lalaki. Agad na inabot nito si Jastine sa pulsuhan upang hawakan. Pero mabilis na ginalaw ni Jastine ang kanyang braso at inilayo sa kamay nito.
“Hindi ako sasama sa ‘yo. Uuwi na ako sa unit ko. Masyado nang gabi at gusto ko na magpahinga.” Tinakpan ni Jastine ang kanyang bibig gamit ang isang kamay. Napaubo si Jastine. Kanina pa niya ito pinipigilan simula nang makaharap ang kapatid. “Kung totoo nga ang sinasabi mo na nahimatay ako, bakit hindi mo man lang ako pinuntahan? Ni anino mo nga hindi ko napansin. Huwag ako, Jeremy. Huwag ako,”paghahamon pa rin ni Jastine kahit alam naman na niya ang totoo.
Mapakla na ngumiti ang kapatid ni Jastine. “Hindi ka talaga okay, Jastine. Kaya sumama ka na lang sa akin. Uuwi tayo sa bahay para makapagpahinga ka nang maayos. Hindi ka rin naman makakapagpahinga nang maayos sa unit mo dahil mag-isa ka lang. Walang mag-aalaga sa ‘yo kaya ikaw lang din ang kikilos ng lahat. In the end, hindi ka pa rin makakapagpahinga,” mahabang sermon ng kapatid ni Jastine. “At saka paano kita lalapitan? Eh mukhang enjoy na enjoy ka sa atensyon na binibigay ng nakasalamin na lalaking ‘yon? Kung sa bagay, pasok na pasok ‘yon sa qualities ng lalaki na nasa standards mo.”
Saglit na natigilan si Jastine. Agad naman siyang umiling pagkaraan ng isang segundo. “Sabing ayoko at hindi ako uuwi, kuya.” Tumalikod si Jastine at mabilis na humakbong palayo sa kanyang kapatid. Ngunit hindi pa man nakakalayo talaga si Jastine mula sa eskinita ng sa bar na kanyang pinagtatrabahuhan, naramdaman ni Jastine ang dalawang malalakas na bisig ang nag-angat sa kanya.
Napasigaw si Jastine nang wala sa oras. Nanlaki ang mga mata ni Jastine sa gulat ng mapagtanto na lamang niya na kinakarga na siya ng kapatid niya. Walang pakialam ang kapatid ni Jastine na naglakad papunta sa kung saan nakaparada ang kotse nito.
“Ano ba! Ibaba mo nga ako, Jeremy! Hindi na ako bata para kargahin mo lang nang basta-basta,” angil ni Jastine. Gumalaw-galaw si Jastine. Sinusubukan niya na makawala siya sa pagkakahawak ng kanyang kapatid. Hindi na alintana ni Jastine kung bumagsak man siya sa sementadong sidewalk na tinatahak ng kanyang kapatid. Ang importante sa kanya ay ang makawala sa pagkakakarga nito sa kanya at makatakas.
Lalo pang nagpumiglas si Jastine.
“Jastine! Huminahon ka nga. Dinaan na kita sa maayos na usapan pero ayaw mo pa rin makinig sa akin. Kaya pasensyahan na lang tayo. Napag-utusan lang din ako. At nag-aalala ako sa kalagayan mo. Halatang hindi mo inaalagaan nang maayos ang kalusugan mo,” tugon ni Jeremy. Hinigpitan nito ang pagkakahawak kay Jastine. “Kita mo, oh. Sobra ka na ring nangangayayat. Halos buto na lang ang nahahawakan ko sa ‘yo.”
Suminghap si Jastine. “Oo na. Sasama na ako sa ‘yo, Jeremy. Ibaba mo na ako. Hindi ka ba nahihiya sa pinaggagawa mo?”
“Bakit naman ako mahihiya? Wala namang malisya itong ginagawa ko sa ‘yo. Magkapatid naman tayo, Jastine. At para rin ‘to sa ikabubuti mo,” sagot ni Jeremy nang nakatingin lang sa nilalakaran nito. “And no. . . Hindi kita ibaba hangga’t wala ka sa loob ng kotse, Jastine. Alam ko kung ano ‘yang iniisip mo. Pero nice try. But try harder, Jastine. Kilalang-kilala na kita at alam ko na mga galawan mo.”
Tumigil si Jastine pagpupumiglas. Bumuntong-hininga si Jastine. Mukhang hindi na talaga niya matatakasan ang kapatid niya. Ano ba namang laban niya rito? Kung sa katawan lang naman, lamang na ito dahil malaki ang build nito at idagdag pa na natural na malakas ang lalaki.
Pinaling ni Jastine ang kanyang ulo. At sa hindi inaasahang pagkakataon ay nakita niya ang lalaking dahilan ng pagkahimatay niya at ang parehong lalaki na sumagip sa kanya. Bigla tuloy naisip ni Jastine na baka sinadya talaga nito ang lahat para makuha ang pansin niya.
Nagtama ang tingin ni Jastine at ng lalaki. Nakatayo lang ito sa tabi ng isang kumikinang na maitim na kotse. Bahagyang nakasandal ang gilid nito at ang mga kamay nito ay nasa loob ng bulsa.
Ayaw man ni Jastine gawin ang nasa isip niya ay wala na siyang naisip pa na ibang paraan. Huminga nang malalim si Jastine. “Tulong! Tulungan mo ko mula sa manyak na ‘to!” sigaw ni Jastine sa lalaki.