Habang naghihintay sa dressing room si Jastine para sa next na performance niya, ang ikalawa sa tatlong performance niya sa gabing ito, hindi maiwasan ni Jastine na isipin ang lalaki. Sa lahat ng taong nakita niya sa audience, itong lalaki lamang ang naiiba sa lahat. Parang sinasadya nito na I-distract siya para magkamali sa kanyang performance. Halatang-halata naman siguro kung paano ito natuwa nang sandaling na-out of focus siya sa kanyang gagawin. Jastine forgot to make a turn like a supermodel at the end of the platform.
Nag-iinit na naman ang ulo ni Jastine habang bumabalik sa kanyang isipan ang nangyari sa opening front niya. Mabuti na lang talaga hindi masyadong nahalata ng mga manunuod ang saglit na paghinto at hindi niya paggalaw. At mabuti na lang talaga nagpatuloy pa rin ang bibig niya sa pagkanta ng lyrics. Dahil kung hindi, it would be a shame on her reputation. Jastine is famously known for her high quality performances and fabulous dresses that matches the costumes used by drag queens in a drag race contest.
Umupo si Jastine sa tapat ng electric fan kahit na may air conditioner sa loob ng dressing room. Masyado na siyang naiinitan sa suot niyang damit, lalo pa’t balot na balot siya sa suot niya ngayon kumpara sa unang damit niya na halos naka-two piece swimsuit na lamang siya. Idagdag pa na makapal ang tela na gamit sa paggawa ng costume na ito. Kung bakit ba naman kasi ito ang naisipan niyang gamitin na material. Pwede naman iyong mas manipis na tela.
Hindi pa nakuntento si Jastine sa lamig na binubuga ng air conditioner at level three na hangin na binubuga ng nakatapat na electric fan sa kanya. Kinuha pa ni Jastine pamaypay na nasa kanyang lamesa sa tapat ng salamin na napapalibutan ng maliliwanag na light bulbs. Sumasabay sa init ng ulo niya ang init na nararamdaman niya sa katawan.
Bumuga ng hininga si Jastine. Tumitig siya sa salamin kasabay ng pagpaypay niya sa bandang leeg at mukha niya.
“Jusko naman. . .” anas ni Jastine. “Hindi dapat ako nagpapaka-stress dahil sa lalaking iyon. Sayang ang ganda ko kapag maii-stress lang ako dahil sa kanya. Nag-iisa lamang siya. Pero wengya naman kasi. . . Bakit ko pa nakita ang lalaking iyon? Sa dinami-rami ng maaari mapansin ng mga mata kong ito, ang lalaki pa talaga na iyon? Halata naman na nananadya ang isang iyon para masira ang ganda ko,” daldal ni Jastine sa harap ng salamin, kinakausap ang sarili.
Tinignan niya nang mabuti ang sarili sa salamin. Inaanggulo pa niya ang kanyang mukha upang makita ang kabuuan ng kanyang mukha na punong-puno ng makapal kolorete. “Sa ganda kong ito? Maraming nagkakandarapa sa akin.” Hinawi ni Jastine ang ilang hibla ng buhok na humarang sa kanyang mata. Sinabit niya ito pabalik sa kumpol ng buho sa may noo niya.
“Subukan niya lang muli na titigan ako nang pagkalalim at ngumisi kapag nagkamali ako. . . Mababato ko talaga siya ng high heels. Wengya siya. Kahit gwapo pa siya, wala akong pakialam kung tumama ang takong ng heels ko. He’s not worth it,” nagpapalabas ng inis na bulalas pa ni Jastine.
Siya lang mag-isa ang kasalukuyan na nasa dressing room. Katatapos lamang niya magpalkt ng damit. Ang iba ay nasa backstage na naghihintay sa kanilang turn na tumapak sa stage. Kakaalis lamang doon ni Jastine at nasa kalagitnaan pa ng show ang susunod na paglabas niya.
Huminga nang malalim si Jastine. Pinapakalma niya ang kanyang sarili. “Relax ka, self. Huwag mo na isipan ang gagong lalalki na iyon. Imaginin mo na lang ang mga fafable na nasa VIP lounge. Iyon. Mas mabuti nga ‘yon. Mas maayos pa ang mga lalaki sa VIP lounge. At higit sa lahat walang binatbat ang lalaking iyon sa mga nasa VIP lounge, mabait na, gwapo pa, at hindi mapagkakaila na maganda ang hubog ng katawan. Iyon ang worth it na pagtuunan ng pansin, Jastine,” kumbinsi ni Jastine sa sarili.
Tila effective naman ang pagkondisyon ni Jastine sa sarili. Nawala sa isipan niya ang mukha ng lalaki. Nawala rin ang inis niya at bahagyang lumamig na rin ang katawan niya. Nakapag-adjust na ang katawan niya sa suot na damit.
Tumayo na siya mula sa pagkakaupo sa high stool chair. Humarap ulit si Jastine sa salamin. Pinulotniya ang isang brush na nakalapag sa isang tabi ng lamesa. Panandalian siyang nag-retouch ng kanyang makeup sa bandang leeg na dinaanan ng pawis. Maging sa bandang noo niya at pisngi, tinapalan niya ito ng retouch. Mabuti na iyong nakakasigurado na hindi siya nagmumukhang katawa-tawa dahil sa natunaw na makeup dulot ng pamamawis niya.
Tinitigan ni Jastine ang sarili kasabay ng paglapag niya ng brush. Nag-lean pa siya palapit sa salamin at nag-pout. Tinitingnan kung maayos pa ang napakapulang lipstick sa kanyang mga labi. Nang mapansin ni Jastine na medyo manipis na lang ito, hindi siya nagdalawang isip na kunin ang ginamit niyang shade ng red lipstick na nasa lamesa lang din.
Pinahiran ng lipstick ni Jastine ang mga labi niya. Nilayo niya nang kaunti ang hawak na lipstick. Ginalaw-galaw ni Jastine ang mga labi niya upang maayos at maging pantay ang lipstick sa ibaba at itaas na labi. Pinatunog pa niya ang kanyang mga labi na tila nagbigay ng smack kiss sa harap ng salamin. At nag-smize look at inulit ang pag-akto na nagsa-smack kiss. Sinara ni Jastine ang hawak na lipstick at binalik sa lamesa nang hindi tumitingin. Nakatuon lamang ang tingin niya sa kanyang reflection sa salamin.
“Ayern! Maganda ka na ulit, gurl,” puri ni Jastine sa sarili. Tinuro pa niya ang sarili sa salamin.
Maganda na ulit ang mood ni Jastine nang matapos niyang ayusan ang sarili. Taas noo siyang lumabas ng dressing room at naglakad papunta ng backstage kung nasaan ang mga kasamahan niya. Ilang minuto na lang ay lalabas na ulit siya.
Hindi nga nagtagal ay patapos na ang susundan na act ni Jastine. Pumwesto na siya sa madilim na parte ng stage, sa kaliwang dulo. Ang mga ilaw at ang spotlight ay nakatuon pa sa kasulukuyang patapos na act. At nasa pahabang platform nagpi-perform ang mga ito.
Habang nakatago sa dilim, hinanda ni Jastine ang sarili. Inayos niya ang lapel microphone na nakasabit sa kanan niyang tenga. At saka siya nag-pose na parang isang candidate ng Miss Universe, iyong pose na pang-swimsuit. Nakaanggulo na naka-extend ang kanang binti sa gilid, pointed ang paa. Habang ang kaliwa niyang binti ay tuwid na sinusuportahan ang buong bigat niya. Nasa bewang nakahawak ang kaliwang kamay habang ang kabila ay baba lamang sa gilid. Fierce ang mga matang naka-smize ngunit may halong landi na sinabayan pa niya ng mapaglarong ngiti.
Eksakto sa pagtaas ni Jastine ng kanyang mukha ang pagtapat ng spotlight sa kanya. Mabilis na may hinanap ang kanyang mga mata habang hindi pa nagsisimula ang kanyang parte. May hinahanap ito sa audience. At sa hindi malama ni Jastine na kadahilanan, dumiretso sa bar counter ang tingin niya. Doon sa upuan na inuukupa kanina ng lalaki.
Lumaki ang ngiti ni Jastine nang hindi niya nakita roon ang lalaki.
Mabuti naman at umalis na ang gago, ang bulong ni Jastine loob ng kanyang isipan. Nakahinga siya nang maluwag.
Gaya ng nauna niyang performance, naging maayos ang daloy habang nasa malaking espasyo pa siya ng stage. Naputol lang din ulit ito sa may kalagitnaan ng kanyang performance nang pumunta na siya sa pahabang platform at naglakad na tila pinaghalong supermodel at beauty queen. May naamoy siyang usok ng sigarilyo sa paghinto niya sa may dulo ng platform.
Bahagyang sumama ang expression niya sa mukha ngunit hindi ito gaanong halata ng audience dahil pinigilan niya ang sarili na pumangit ang mukha. Ngunit dahil sa nasinghot na usok ng sigarilyo ay dahan-dahan na bumagal ang kanyang kilos. Ininda niya ang unti-unti na biglang pagsakit ng ulo at ang paghabol ng kanyang hininga.
Kumunot ang noo ni Jastine pero pinagpatuloy pa rin niya ang ginagawa. This time, hindi na ito kasing energetic gaya sa first half ng performance. Hinanap niya ang pinagmulan ng usok ng sigarilyo.
Alam ba naman kasi ang naninigarilyo malapit sa stage? Pinapaalala naman ng bar at ng host mismo na bawal ang manigarilyo malapit sa stage dahil maaari itong makaapekto sa performances ng performers na kagaya ni Jastine. Pwede naman manigarilyo sa loob ng bar as long as hindi malapit sa stage.
Nakita ni Jastine ang usok. Sinundan niya ito ng tingin pababa. At lalo lamang uminit ang ulo niya sa nahuli niyang naninigarilyo sa mismong front line ng stage. Nasa tapat niya mismo ang naninigarilyo. At wala itong iba kundi ang lalaki pa rin kanina na sumira sa performance niya kanina, ang nagdulot ng mishap sa kanya.
Wengya. Akala ko ba umalis na ang gagong ‘to?
Natutuwa ang lalaki na pinapanuod siyang nahihirapan sa stage, sa harap ng maraming manunuod. Pinausukan pa siya nito nang magtama ulit ang kanilang mga tingin.
Nahirapan si Jastine na huminga. Mabuti na lamang at eksakto sa pagtatapos ng background music at pagkawala ng spotlight sa kanya ang naging paghabol niya ng hininga. Nahihirapan siyang huminga dahil sa usok ng sigarilyo na direktang sumalubong sa mukha niya’t diretso ang pasok nito sa kanyang ilong kasabay ng paghinga niya.
Hindi makagalaw si Jastine sa kanyang kinatatayuan at pakiramdam niya’y nanghina ang kanyang katawan. Hanggang sa hindi na niya napansin ang pagbagsak niya mula sa stage.
Kapag namatay talaga ako dahil sa lalaki na ‘yon, hindi ko siya titigilan. Mumultuhin ko siya hindi lang gabi-gabi, kundi kahit sumisikat pa ang araw. Aaraw-arawin ko talaga siya, ang tila sumpa pa na huling naisip ni Jastine bago siya tuluyan na nahulog mula sa stage. Naramdaman na lamang ni Jastine ang matikas na mga bisig na sumalo sa kanya. Naamoy pa niya ang natural na mabagong amoy ng taong sumalo sa kanya na ikinangiti niya bago tuluyan na naging madilim ang paningin niya.