ISANG malakas at masakit na sampal ang tumama pisngi ko ang nagpagising sa'kin. Halos mamanhid ang pakiramdam ko sa sampal na 'yon na ginawa ng isa kong kapatid na si Daisylee. Matanda lang ako sa kanya ng tatlong taon.
"Ang sakit no'n, ah!" inis na pakli ko sabay bangon. Kukurutin ko lang ang singit ng babaeng ito kung bakit sinampal ako ng napakalakas. Nayanig yata ang maganda kong mundo.
"Hey-hey wait, ate! Sinampal lang naman kita kasi kanina pa kita ginising d'yan, puro ka lang ungol. Akala ko nga binangungot ka ni kuya Paul John. Nang ayaw mo talagang magising, ang mabisang paraan, sampalin kang walang kalaban-laban!" mahabang paliwanag niya at tinawanan ako sa huli. Kumumpas-kumpas pa ang kamay niya habang nagsasalita sa harapan ko.
"Eh, kung binuhusan mo na lang kaya ako ng tubig kesa sampalin ako ng masakit!" pinandilatan ko siya ng mata at mabilis na lumapit sa kanya para makurot ko na ang singit ng babaeng ito.
Tawang-tawa naman siya habang pinapalag niya ang aking kamay. Wala tuloy akong magawa kundi mahawa rin sa tawa niya. Lumalaban din siya ng kurutan sa'kin sa singit. Ganito kami lagi. Kahit kailan, hindi pa kami nag-aaway kahit mga immature pa sila at ako ang panganay. Tatlo kaming magkakapatid. Ako, si Daisylee at si Kiely ang bunso. Ang ama ko naman, si Juan Carlo kasama ang ina namin na subrang ganda na si Ginaphie. Kami ang pamilyang Villanueva na puno ng pagmamahalan, respito at pagbibigayan sa isa't isa.
"Ate Cauli, and'yan na si kuya Paul John sa sala."
Bigla kaming natigilan ni Daisylee nang pumasok si bunso. Bitbit pa ang paborito niyang mga tsokolate kahit agang-aga pa. Matakaw kasi siya sa pagkain pero hindi siya tumataba. Malnourished yata ang batang 'to, eh. Tiningnan ko muna ang orasang nasa dinding. 9:20am na pala. Mabilis akong pumasok sa banyo bitbit ang tuwalya. May date pala kami ng boyfriend ko ngayon.
Matapos makapagligo, agad na akong naghanap ng maisusuot. Isang casual off-shoulder dress na bulaklakin ang napili ko. Nilagyan ko narin ng seksing belt ang waist ko para maging kaakit-akit sa paningin ng boyfriend kong mag 1year na kami ngayon. Hindi na ako naglagay ng make up, lipbalm lang nilagay ko at nagmadali ng tinungo ang hagdanan. Ayokong paghintayin ng matagal ang lalaking mahal ko.
"Hi, ang tagal ko ba?" Sinalubong ko agad ng matamis na ngiti si Paul John.
Nang makita niya ako, agad siyang tumayo at nakikita ko sa mukha niya ang pagkamangha sa'kin. "Kahit abutin pa ako ng 24years sa paghihintay, hindi ako magrereklamo."
Kinilig na lamang ako sa sinabi niyang 'yon at kunwaring inirapan. "Hmp! Bolero." Agad na akong humawak sa siko niya na inilahad sa'kin. Nagpaalam muna kami na aalis na. Isang tango lang ang sagot kay mama na halatang kinilig din para sa'min dalawa.
"Botong boto talaga ang parents mo sa'kin." ang luwang ng ngiting pinakawalan niya nang igiya niya ako papasok sa kaniyang kotse.
Ako naman ay ngingiting tinanguan siya. Makita ko lang ang mukha ng lalaking ito ay sapat na sa'kin kahit katapusan pa ng mundo, basta makasama ko lang siya sa araw na ito. Binabagtas na namin ang daan sakay sa kanyang kotse ng maramdaman kong may kakaiba sa ilalim ng lupa. Parang may nilalang na gustong lumabas do'n at pati pagmamaneho ni Paul John ay muntik ng maapektuhan.
"Babe, itigil mo nga sandali!" Hinawakan ko ang braso niya tanda na pinipigilan ko siya.
"Hindi pwede babe, nasa gitna tayo." Pinisil naman niya ang aking kamay at ngumiti nang sulyapan ako.
Napatitig ako sa kanya at napabuntunghinga. Nasa gitna nga kami ng daan. Huminga na lang ako ng malalim at ipinilig ang aking ulo. Maybe I'm just hallucinating.
Marami kaming pinuntahan sa araw na ito para mag-celebrate ng aming anniversary. Nanood kami ng sine, kumain sa labas, sumakay ng mga rides at sabay nanood ng sunsets. Ang huli naming pinuntahan ay ang parke na siyang paborito naming pasyalan dalawa. Dito ko siya sinagot dati at tandang-tanda ko pa ang sayang pinakawalan niya dati nung sinagot ko siya. Giniya niya ako para maupo sana sa isang sementong bench nang biglang uminog pero hindi kalakasan. Tamang-tama lang na makaramdam ka ng takot.
"Paul..." Napakapit ako sa balikat niya.
"Stay calm babe. Mukhang may lindol lang sa kabilang lugar at dumaan lang saglit dito," wika naman niya.
Napatango na lang ako at parang may punto naman siya dahil tumigil na ang pag-inog. Halos matumba ako kung hindi ako agad nakakapit sa kanya.
"Let's go home, Paul. Sa bahay na lang tayo." Ewan, pero ito naman 'yong pakiramdam na naalala ko ang panaginip ko. Hindi kaya mangyayari ang lahat ng mga 'yon? Sana naman, hindi.
Eksaktong paglabas namin ng kasintahan ko sa kanyang kotse nang uminog ulit. Sa pagkakataong ito, malakas na 'yon na ikinamudmod ko talaga sa semento. Mabilis naman akong dinaluhan ni Paul John at pinatayo. Parang gustong umikot ng paningin ko sa lakas ng pag-inog na ginawad no'n.
"Babe, pumasok na tayo!" nagawa kong sabihin 'yon sa kanya. Pansin kong bahagyang bumiyak ang pinag-aapakan namin semento.
Ligtas kaming dumating ng bahay pero tingin ko ay may masamang mangyayari sa paligid.
"God!" Nasambit ko nang hindi pa kami tuluyang nakapasok sa loob. Nasa pintuan pa lang kami nang mapalingon ako sa paligid, nanlaki ang aking mga mata sa mga nakita ko. Ilang beses akong napalunok at pahigpit ng pahigpit ang kapit ko sa kamay ni boyfriend ko. Tama ba ang nakikita ko sa mga oras na ito o nanaginip na naman ba ako? Kinurap-kurap ko ng ilang ulit ang mata ko at pilit pinapaniwala na panaginip lang ang lahat ng ito. Ngunit hindi! Nasa realidad na ako.
Parang sa isang kisap lang ng mata ay naglaho ang hinahangaan kong siyudad, napalitan na 'yon ng sigawan at takbuhan ng mga tao. Ramdam ko rin ang napakalamig na hangin at parang tutupukin ako anumang oras sa lamig no'n ngunit hindi ko na pinansin. Ang nakakapagbigay sindak sa'kin ng mga oras na ito ay ang pagbiyak ng langit na tila nagbabaga sa subrang galit. Sinabayan pa ito ng mga nangangalaiting kidlat at kulog na parang gustong kong himatayin sa takot. Hindi lang langit ang galit sa mga sandaling ito, pati na rin ang kailaliman ng lupa na parang may gustong lumabas na nilalang do'n. Muling uminog ulit ang kapaligiran at sa pagkakataong ito, nahila na ako ni Paul John papasok sa loob.
"Cauli! Mabuti at narito na kayo! Kailangan na natin magtago bago pa mahuli ang lahat." Salubong ni papa sa'kin.
Gusto ko sanang magtanong kung ano ang nangyayari, kung ano ang gusto niyang ipahiwatig pero pinasunod na niya kami.
"Pero sina mama?" nagawa kong itanong sa kanya ng pasigaw.
"Nasa underground na sila!"
Hindi na ako umimik. Hindi ko alam na may underground pala itong bahay namin. Marahil ay ginawa ito ng aking ama para sa mga ganitong pangyayari, may matatakbuhan kami. Ngunit bago kami nakarating sa underground na sinasabi ng ama ko, isang malakas na pagsabog sa may kalayuan ang nagpabigay gimbal sa'kin! Halos masira ang pandinig ko sa subrang lakas ng impact no'n at mukhang hindi 'yon isang simpleng bomba lang.
Napapiksi ako nang magsimulang nagsibagsakan ang mga mamahalin at babasaging kagamitan namin sa sala. Parang gusto kong magwala sa mataginting na pagkabasag ng mga 'yon. Ang sakit sa teynga! Ayaw mag-function ng isip ko ng mga sandaling ito pero sinunod ko pa rin ang mga sigaw ni papa na; Magmadali raw at ilang minuto lang ay katapusan na ng lahat. Muli, isang nakakakilabot at nakakasindak na tinig ang umalingawngaw sa paligid. Naririndi ang teynga ko sa bawat tinig na bigay no'n, isabay pa ang kidlat at kulog na maririnig mo.
"Eiingghhh!"
Ito ang umaalingawngaw na boses ng mga nilalang sa paligid. Nakakatakot. Nakakasindak. Nakakakilabot. Para bang sumisigaw na katapusan ng lahat at wala na kaming magagawa pa sa mga sandaling ito.
"Hindi!" parang may kung anong tumama sa bahay namin. Kung kaya sa lakas ng impact na ginawad no'n ay natumba kaming tatlo sa sahig at saka ko lang napansin na parang nasusunog ang bahay namin.
"Pasok na dali!" malakas na sigaw ni papa at tumayo para lapitan ako. Nasa harap na pala kami na sinasabing underground. Isang secret door sa sahig na malapit sa pinagtayuan ng ref namin. Kung pagmamasdan ay parang isang tipikal na sementong sahig ito.
Unang tumambad sa'kin ang mahabang hagdanan. Mabilis na akong bumaba ro'n ayon sa utos niya. Alam kong ilang segundo lang ay masusunog na ang bahay namin kung saan ito ang pugad ng masasayang buhay naming pamilya.
"Dalian mo, Cauli! Sa pinakailalim ng bahay na ito safe tayong lahat ro'n," dagdag niya nang tuluyan na kaming makababa sa hagdanan.
"Paul, dalian..." bigla akong natigilan. Wala si Paul John sa likuran ko! Hindi siya nakasunod gaya ng inakala ko.
Kung natakot ako sa realisasyong magugunaw na ang mundo, mas natakot akong malaman na wala ang lalaking mahal ko. Hindi na ako nagdalawang isip na umakyat ulit paitaas. Nagsumigaw si papa na bumalik ako pero hindi ko siya pinakinggan. Ayukong may isa sa mga minamahal ko ang mawawala, lalo na ang lalaking mahal ko.
Nang marating ko ang bunganga ng lagusan ay mabilis kong inikot ang aking paningin. Kailangan ko siyang mahanap. There! Nakita ko siya. Walang malay na nakadapa sa sahig.
Niyugyog ko siya ng ilang ulit at pilit siyang ginising. "Paul, wake up! God, please wake up Paul! Wake up!" sa wakas nagising ko rin siya. Agad niya akong niyakap at gano'n din ako sa kanya.
Nagsibagsakan na ang mga kagamitan namin natitira pang nakasabit. Saka ko lang namalayan na nagsimula na pa lang kumalat ang apoy sa loob ng aming kabahayan. Painit nang painit ang kapaligiran at kung 'di pa kami makapagtago, baka maging isa kami sa mga bagay na nakikita ko na nasusunog.
Agad siyang bumangon at hinila na ang kamay ko upang magtungo sa underground. Subrang higpit ng pagkakahawak niya, pakiramdam ko parang kahuli-hulihang hawak niya 'yon sa kamay ko.
"Babe kahit anong mangyari, tandaan mo; mahal na mahal kita. Kung meron mang pinakamagandang nangyari sa buhay ko, ikaw 'yon. Walang babaeng pinangarap kong gusting makasama habangbuhay kundi ikaw! I love you so much!"
Parang gusto kong mainis sa sinabi niyang 'yon ngunit wala ng panahon pa para sa ganyan. Tango lang ang isinagot ko habang ang apoy ay nagsimula ng kumalat at palaki na ng palaki.
"Damn!" napapiksi siya sa'kin tabi ng bumagsak ang nasusunog na bagay sa'min harapan. Muntik pa kaming nahagip dalawa at mabuti na lang nakailag kami agad. "Cauli, babe, basta lagi mong tatandaan mahal na mahal kita ha. Gusto kitang makasama ngayong pagsapit ng bagong taon pero tingin ko..."
"Shut up, will you!" Putol ko sa ano pang sasabihin niya. Bakit pakiramdam ko ay namamaalam na siya sa'kin.
Kapag 'di siya tumigil, babatukan ko talaga siya!
Nasa bungad na kami ngayon ng underground. Isang hakbang na lang at maliligtas na kaming dalawa pero sa hindi ko inaasahang pangyayari... biglang uminog ng malakas katulad kanina.
"Paul!!!" Biglang bumagsak ang katawan ko sa hagdanan, nagpagulong-gulong ako at bumagsak sa sahig. Kasabay no'n ay nawalan na ako ng malay. Hindi ko alam kung ano ang sumunod na nangyari, basta ang kahuli-hulihang narinig ko ay mayroong tumawag sa pangalan ko at pagkatapos, nagmistula ng madilim sa'kin ang lahat.