5
Nang makita ko si kuya Max ay agad akong nagtungo sa kwarto nina Tita Bianca. Ayokong makita o makausap man lang sana si kuya. Naiinis pa rin ako!
Hindi kasi ako makapaniwala na natalo na naman ako. Alam kong mas marami siyang karanasan kaysa sa akin pero hindi ko pa rin maiwasan ang mairita. Hindi sa kaniya – kung hindi sa sarili ko.
Bakit kasi hindi ako nag-eensayo gaya nila? Bakit sinayang ko ang mga taon na dapat itinuon ko para matuto? Magpapalamig na muna ako ng ulo ko para hindi ko maibunton sa kaniya ang galit ko. Baka magtaka pa siya.
Napabuntong-hininga ako habang nakatingin sa labas ng veranda ni tita. Patungo iyon sa mas malayo pang parte ng gubat. Sa dulo ay may paakyat ng bundok pero ni minsan ay hindi pa ako nakapupunta.
"Boss?"
Napatingin ako sa pinto nang may nagsalita galing doon. Hindi ako puwedeng magkamali. Si Kuya Max ang tumawag sa akin. Tono pa lang ng pananalita niya ay may halo na itong kakisigan at kayabangan.
Hindi ko siya sinagot. Nanatili ang tingin ko sa malayo habang dinadama ang lamig ng paligid. Hindi mahangin, sadyang malamig lang talaga ang simoy ng hangin.
"Nandito ka lang pala. Nagkakasiyahan na sila sa labas pero hindi ka nakikisali. You okay?" tanong niya.
"I'm fine here. Samahan mo na lang sina kuya at mga pinsan natin doon, Kuya," kalmadong sabi ko.
Hindi siya natinag. Tumayo lang siya sa tabi ko at tinitigan ang reaksyon sa mukha ko. Nairita na naman ako. Bakit ba ang kulit niya? Gusto ko ngang mapag-isa!
"Kuya, ano ba? Gusto kong mag-isa kaya lumabas ka na!"
Natigilan siya sa pagsigaw ko. Ang ngisi na laging naka-plaster sa mukha niya ay biglang nawala. Nakakapanibago tuloy dahil ang seryoso ng tingin niya sa akin ngayon. Alam kong mainitin talaga ang ulo naming mga lobo pero hindi ko maintindihan sa sarili ko kung bakit sobrang init nito ngayon.
Dahil ba hanggang ngayon ay hindi ko matalo si kuya? O dahil baka naiinis ako sa kahinaan ko?
"Ano ba 'ng nangyayari sa iyo, Andrea? Tinatanong lang naman kita nang maayos." Nahimigan ko ang galit sa tono ng pananalita niya kaya napaatras ako nang bahagya. "Dahil ba sa laro kanina? Andrea, natalo mo naman ako, ah? Ano 'ng ikinagagalit mo?"
Natahimik ako. Walang salita ang lumalabas sa bibig ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa tanong niya. Alam ko sa sarili kong tungkol pa rin ito sa nangyari kanina.
"Ano, Andrea? Bakit bigla mo na lang ako pinagtataasan ng boses? Kuya mo pa rin ako!" This time, siya na ang galit ngayon. Ito na naman ako... tumitiklop sa kaniyang harapan.
"Wala ito, Kuya. Napu-frustrate lang ako. Nanalo ako sa tingin nila pero alam ko sa sarili kong hindi iyon sapat."
"Hindi sapat? Alin ang hindi sapat, Andrea?"
Saglit akong natahimik bago tumikhim. "You held back a while ago, Kuya. Alam kong talo pa rin ako," pag-amin ko. Natigilan din siya saglit at natulala. Parang pinag-iisipan ang nangyari kanina at kung ano ang sasabihin. Ilang saglit pa ay tumingin na rin siya sa tinitingnan ko at tumulala.
"I did held back, yes. Pero iyon lang ang kaya ng kakayahan ko kanina so you still won!" medyo galit pa rin siya habang sinasabi iyon.
"Hindi ko maintindihan," sabi ko dahil iyon ang totoo. "Bakit kailangan mong gawin iyon? Dahil ba natatakot kang saktan ako?"
Hindi siya sumagot. Nanatili siyang tulala at nakatingin sa malayo. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya ngayong seryoso ang mga tingin niya. Pero hindi ko pa rin siya tinigilan.
"Kung natatakot ka mang saktan ako, bakit mo pa rin ako hinamon? Kung ibang pinsan natin ang hinamon mo ay puwede mong ipakita ang buo mong kakayahan sa iba. Si Grasya! Agresibo siya tulad ni Kuya Matthew!"
"Hindi mo kasi naiintindihan!"
"Ipaintindi mo kasi, Kuya!"
"Ayokong ipakita sa kaniya ang buo kong kakayahan. Ayoko pa! Hindi pa kasi ako handa!" bulalas niya habang hingal na hingal – dahil sa galit at pagod.
Biglang bumukas ang pinto ng kuwarto. Sabay kaming napatingin doon ni kuya at nakita ang seryosong mukha ni Kuya Matthew.
Mabilis na kinain ng hakbang niya ang pagitan namin at hinila ako. Itinago niya ako sa likod niya na parang gusto akong iligtas sa kung ano. Ang hindi ko alam ay kung bakit kailangan niya iyong gawin kahit na si Kuya Maxwell lang naman ang kaharap namin.
"Ano sa tingin mo ang ginagawa mo, Maxwell?" mahinahon ngunit ramdam ko ang diin sa kaniyang pagsasalita. Ito ang tono ng pananalita niya kapag nagpipigil siya ng galit.
Kumunot ang noo ko sa kanilang dalawa. Pumikit nang mariin si Kuya Max sa hindi malamang dahilan. Sinuntok niya bigla ang bintana ni tita dahilan upang mabasag iyon at makalikha ng ingay.
Napapikit lang ako sa gulat.
"Hindi ko na alam ang gagawin ko, Kuya."
Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin pero parang may malaki siyang problema. Hindi siya ganitong tao at madalas lang siyang nakangisi at nakatawa. Naninibago ako sa inaasta niya.
"Kailangan mong tanggapin, Maxwell. Hindi magiging sagot ang galit mo sa lahat ng nalaman mo. Isipin mo ang puwedeng mangyari sa pack natin kung tatalikuran mo kami! Kay Andrea!" galit na asik pa rin ni kuya.
Unti-unti akong nagkaroon ng ideya sa sinasabi nila. Kung kanina ay naguguluhan ako, ngayon ay parang hindi ako makapaniwala sa mga naiisip ko. Paano nangyari iyon? At bakit binanggit ni kuya ang pangalan ko?
"Hind ko alam kung ano ang dahilan mo kung bakit mo tinanggihan, pero isa lang ang masasabi ko. Pag-isipan mong mabuti, Maxwell. Para ito sa kapakanan ng lahat."
"Kuya, ano ba ang nangyayari?" naguguluhan kong tanong.
Pareho lang silang tumayo roon at hindi nagsalita. Walang sumagot sa tanong ko na para bang hindi nila ako nakikitang dalawa. Gusto kong malaman kung ano ba talaga ang nangyayari sa kanila at nadamay pa ang buong pack.
"Anak! Ano ang nangyayari?"
Biglang pumasok sa kwarto si Mame. Kasunod niya sina Puppy at ilan pa naming tito at tita. Nakisilip lamang sina Gracie sa labas na parang gustong malaman kung ano ang nangyayari sa amin sa loob.
Naguluhan sina Mame at Puppy nang makita kaming tatlo. Napatingin sila sa basag na pinto na sinuntok ni kuya kanina. Kumunot ang noo nila at tila naguluhan sa nangyayari.
"Narinig naming may nabasag dito kanina. Ano ba 'ng nangyayari? Max, Matthew?" tanong ni Mame.
"Ano na namang kalokohan ang ginagawa mo, Maxwell?" galit na asik ni puppy na parang sigurado na siyang si Kuya Max nga ang may kasalanan.
Narinig ko ang pagtawa ni Kuya Max. "Yeah, right. Kasalanan ko. Nagalit sa akin si kuya dahil sinisigawan ko si Drea. Ako rin pala ang may kasalanan kung bakit nabasag iyong pinto. Sorry, Tita!" Bumalik na naman ang ngisi niya sa mukha ngayon.
"Maxwell!" sigaw ni Puppy na para bang binabantaan si kuya.
"Honey..." pagpapakalma ni Mame sa kaniya.
"Ano ba 'ng nangyayari? Mame? Puppy? Nag-uusap lang naman kami ni kuya. Ako ang unang nagalit at nasigawan si kuya kaya nagalit din siya sa akin," pagpapaliwanag ko.
"Andrea, anak, lumabas ka muna. Kakausapin ko lang ang Kuya Max mo," malambing na utos ni Puppy sa akin. "Matthew, samahan mo ang kapatid mo."
Napatingin ako kay kuya nang hawakan niya ang kamay ko. "P-pero Puppy, ako ang may kasalanan," pagpipilit ko sabay baling kay kuya. "Kuya Max..."
"Ayos lang ako, boss! Kakausapin lang naman daw ako," aniya. Kalmado na siya ngayon at nakangisi na. Sa tingin ko ay kumalma na naman siya hindi tulad kanina noong nag-uusap sila ni Kuya Matthew.
"Pero..."
"Sige na!" Bigla niyang ginulo ang buhok ko. "Huwag ka na mag-alala. Hindi na rin mainit ang ulo ko tulad kanina."
"O-okay..."
Nagpahatak na ako kay Kuya Matthew sa labas hanggang sa hindi ko na sila makita. Napatulala na lang ako. Hindi pa rin ako makakalma kahit na hindi na mainit ang ulo ni kuya. Paano si Puppy? It's been a long time since I've seen him that angry.
Noong unang beses ko siya nakitang nagalit ay noong napilayan ako nang sobra dahil sa pambubugbog ni kuya. Panay ang sabi kong ayos lang ako pero nagalit pa rin siya kay Kuya Max. Nakita ko na naman ang galit niya kanina.
"Huwag mo muna lalapitan si Maxwell lalo na kapag galit siya," mahinang sabi ni kuya nang makarating kami sa labas.
May malaking garden sina tita rito dahil isang Landscape Architect si Tito Gerald. Malaki ito kaysa field namin sa bahay.
"Bakit naman, Kuya? Sabi ko naman, 'di ba? Ako ang unang nagalit. Kasalanan ko!" hindi ko maiwasang bulalas sa kaniya.
"Hindi naman ito tungkol sa kung sino ang unang nagalit o sa kung sino ang may kasalanan, Drea. Just listen to me."
"Bakit ba kasi, Kuya? Hindi ko magagawa 'yon nang hindi alam ang dahilan."
Huminga siya nang malalim bago magsalita. "He's dangerous, Drea. Kanina... kaya gusto ko siyang pigilan na lumapit sa iyo ay dahil alam ko ang kaya niyang gawin."
"But I won, right?"
"Sadly, but that's because he held back, boss. Hindi ka niya kayang saktan kaya hindi niya nagawang maipanalo ang team niya."
"Iyon naman pala, Kuya. Hindi niya ako kayang saktan kasi kapatid niya ako kaya bakit kailangan ko siyang layuan at iwasan?" nagtatakang tanong ko.
"Kahit na, Drea! Hindi mo alam kung kailan siya magagalit ulit gaya na lang kanina!"
"Bakit ba kasi, Kuya? Ano ba 'ng nangyayari kay Kuya Max?"
Natigilan siya sa tanong ko na para bang ayaw sabihin sa akin ang kung anong bagay.
"He's the next pack leader, Drea -- the next Alpha."
Ilang saglit pa ay nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi ni kuya. Kaya ba nasabi niyang mapanganib ay dahil siya ang napili ni Freidrich na papalit sa kaniya? Pero bakit si kuya? Nalilito ako!
"Si kuya? Paano nangyari 'yon, Kuya?"
"Wala ka noong sinabi iyon kay Max. Pero ang kuya mo, tinanggihan iyon! Hindi niya raw kaya dahil malaking responsibilidad iyon kung nagkataon. Hindi iyon pwede! Alam mo iyon, boss!"
Tama si kuya. Kaya siya napili ay dahil siya lang ang nararapat at ang natatanging nakatakda upang pamunuan kami. Siya ang may kakayahan na pamunuan kami dahil may nakita si Freidrich sa kaniya. Alam niyang si kuya ang pinakamalakas ngayon sa aming pack.
Iba ang patakaran sa mga werewolf na gaya namin. Kung kina Reimalyn na isang werelion at kina Limea na mga werecat ay ang pinakamatanda ang namumuno, sa amin ay kung sino ang pinakamalakas. Kung hindi ako nagkakamali ay pinakamatanda rin ang namumuno kina Joanna na isang weretiger.
Hindi ako makapaniwala.
Kung hindi pala umatras si kuya kanina sa game ay baka sa hospital na naman ang bagsak ko. Kaya pala! Hindi dapat ako nagalit sa kaniya bagkus ay dapat nagpasalamat pa ako.
Malaki ang paghanga ko noon sa mga nagiging pinuno namin dahil sa lakas nila, hanggang ngayon ay bilib pa rin ako! Kakaiba talaga ang pisikal nilang kakayahan pati na sa tuwing nagpapalit sila ng anyo. Sa tingin ko ay masyado silang mataas para abutin ng mga tulad kong simpleng werewolf lamang.
"Hindi siya mapipili nang wala lang. Ibig sabihin nito ay kakaiba ang lakas niya kumpara sa kahit sino sa atin. Maswerte ka dahil kapatid ka ni Maxwell."
Napatulala na lang ako. Hindi na ako nakasagot pa sa sinabi niya dahil sa bigla. Hindi nga mapipili bilang sunod na pinuno si kuya kung wala lang. Napili siya dahil malakas siya, may potensyal siya at natatangi ang lakas niya.
"Your brother is a monster, Drea."
Napalunok ako sa sinabi ni kuya.
A monster, indeed!