"Drea! Nandito na sa baba sina Mea. Bilisan mo riyan!" sigaw ni Mame habang kinakatok ang pinto ko. Isinara ko na ang pinto ng banyo at dumeretso sa kama kung nasaan ang mga bag ko.
"Bababa na po ako!" sigaw ko pabalik.
Kinuha ko na ang backpack na itim at isang bag na binibitbit. Kinuha ko ang shades sa gilid ng salamin at muli ko munang tiningnan ang itsura ko sa harap bago lumabas. Bumaba na ako sa sala habang inaayos ang shades ko. Naka-shorts ako at maluwag na black T-shirt na may disenyong bungo.
Ngayon na ang gala ng buong section namin kaya alas otso pa lang ay nandito na sila sa amin. Ako ang pinakamalapit sa venue kaya sa bahay naisipang magkita-kita para sabay-sabay kaming mga barkada papunta. Medyo na-late ako ng gising kaya minamadali ako ni Mame.
Nakita ko na silang nakaupo sa sofa at nagmimiryenda na sila agad.
"Aga naman ng miryenda ninyo. Hindi ba kayo nag-agahan sa inyo?" tanong ko. Kinuha na ni Manong Cesar, driver nina Mea, ang bag na bitbit ko. Tumabi na muna ako kina Tine sa sala at nakikain ng biskuwit. Hindi pa naman ako nag-aagahan.
"Nag-agahan ako kina Reima, doon kasi ako natulog kagabi para sa gala natin ngayon. Pero nagugutom pa rin ako," sabi ni Tine nang puno pa ang bibig.
"Takaw," sabi ko.
Nilibot ko ang tingin sa bahay namin at hinarap si Mame. "Nasaan po sina kuya?"
Napatingin din kasi ako kanina sa rooms nila pero mga nakabukas at walang tao. Ganoon kasi sila. Hindi nagsasara ng pinto kapag aalis. Ganoon din ang madalas kong gawin. Si Mame lang ang nagsasara kapag nakaalis na kaming lahat.
"Naglalaro sila sa field nina Manong Turing mo. Iyong ginawa nila? Kanina pa sila naglalaro. Daanan mo na lang at magpaalam ka."
Inabot niya sa 'kin ang agahan ko pati na rin ang magiging tanghalian ko. Sa sasakyan na lang ako kakain.
"Salamat, Mame! Tara na."
Nagtanguan sila. Nagtangay pa nga si Tine ng isang biskwit. Nakita iyon ni Mame kaya pinagbalot pa siya para baunin. Napailing na lang ako. Oo, matakaw rin ako pero hindi ganiyan katakaw.
Nasa likod ng drayber sina Limea at Joanna. Nakatokong sila pareho at naka-shirt. Open sandals ang suot ni Mea habang close shoes ang kay Joanna.
Sa likod nila kami umupo. Ang katabi ko ay si Belle na naka-shorts at sando. Sina Tine at Reima ay nasa pinakadulo. Pareho pang nakapantalon at sando.
"Bakit pala ganiyan ang suot ninyong dalawa?" tanong ko. "Swimming ang pupuntahan natin, hindi mall. Bakit kayo nakapantalon?" Tinaasan ko pa sila ng kilay habang nakadungaw sa kanila.
Si Reima ang sumagot. "Mag-seselfie pa kasi muna kami bago mag-swimming! Marami raw kasing mga magagandang view roon kaya ito kami ngayon," nakasigaw na namang sagot niya. High pitch lagi!
Umayos na ako nang upo at dumungaw sa labas ng bintana. Madadaanan pa namin sina kuya para magpaalam ako. Madalas sumasama sila kapag ako ang gumagala pero iba ngayon. Mga kaklase ko kasi ang kasama namin.
"Manong Cesar, daan po tayo sa football field nina Mang Turing. Magpapaalam po sana ako sa mga kuya ko," sabi ko habang nakatingin kay manong sa rearview mirror.
"Sige."
"Pst! Drea, may nahanap akong mga bagay tungkol doon sa sinabi mong si Sarmiento. Kakilala pala siya ng bunso kong kapatid," bulong ni Belle sa 'kin.
Agad akong napatingin sa kaniya. "Ano 'ng mga nalaman mo?"
"Hindi naman ganoon karami. Devin Jasper Sarmiento, only child ng senador sa bansa natin. Sikat iyan dahil sa parents niya at player pa ng football sa school."
Napatango naman ako. Hindi na ako magtatakang sikat siya dahil gwapo siya.
"Anak pala siya ng senador. Akala ko naman nagkataon lang na magka-apelyido. Panigurado, kapag napakilala iyan sa media, iingay na naman," sabi ko. Medyo napasimangot ako dahil sa sinabi ko.
"Panigurado! Nag-aaral siya sa school natin. Hindi na sumasali ang football club sa mga paligsahan dahil kulang sila sa players simula noong grumaduate ng high school ang Kuya Matthew at Kuya Max mo. Pati na rin pala ang kambal, paalis na."
"Hindi na rin masyado naglalaro si Kuya Matthew. College na rin kasi siya kaya nagpo-focus na siya."
Natahimik na kami pagkatapos. Naisip ko rin kung may problema si kuya. Simula naman noong nag-college siya ay hindi nakakaabala ang training niya sa pag-aaral. Sinabi na ni Mame kay kuya ang tungkol doon pero noong lumabas ang resulta ng grades niya ay halos uno lahat. Hindi na pinansin ni Mame ang pagpu-football ni kuya. He can handle it, sabi niya.
Pero ngayon, last year na niya sa College saka pa siya nawalan ng gana maglaro. Sayang kasi. Ang alam ko may paligsahan silang sasalihan. Nakakausap ko kasi minsan ang coach nila na si Kuya Justin. Sabi niya pilitin ko si kuya, pero wala talaga. Kaya alam kong may problema si kuya ngayon.
Nang marating namin ang field, nakita kong nagpapahinga sina kuya. Nagpupunas sila ng pawis at umiinom ng tubig. Mukha ngang kanina pa sila naglalaro. Ang aga-aga, ang dami ring tao sa field. Mostly, mga babae. Kinakausap ni Kuya Max ang halos lahat sila.
"Ako na lang po ang bababa," sabi ko.
Binuksan ko na ang van nina Limea at saka nilakad ang kinaroroonan nina kuya. Unang nakapansin sa 'kin ay si Kuya Max. Nilapitan niya agad ako at iniwan ang kumpulan ng mga babae. Inakbayan niya ako palapit kina Kuya Matthew.
"Balita ko may gala raw kayo. Hindi kami isinama ni Mame dahil gala iyon ng mga kaklase mo," aniya.
"Oo, gusto nga sumama nina Kuya Marvin at Mervin pero pati sila hindi pinayagan nina Mame. Maghiwa-hiwalay naman daw tayo kahit minsan."
Bineso ko si Kuya Matthew at ang kambal. Ganoon ang batian namin tuwing umaga. Hindi ko alam, automatikong nakikipagbeso na ako sa mga taong malalapit na sa 'kin. Maliban sa barkada ko. Wala kaming batian dahil halos araw-araw kaming magkakasama.
"Kuya, mauna na kami. Dumaan lang ako rito para magpaalam."
Tumango siya sa 'kin at napatingin sa van na sinasakyan namin. Kumakaway roon ang mga kaibigan ko. Kumaway rin pabalik ang kambal pati si Kuya Max. Si Kuya Matthew hindi man lang ngumiti o kumaway. Umiwas pa nga ng tingin at ibinaling na lang sa 'kin. Napailing na lang ako.
"Mag-ingat kayo. Wala kami roon para bantayan kayo," mahinahong paalala ni Kuya Matthew. Niyakap niya ako at naramdaman kong hinigpitan niya iyon. Tss. Napaka-protective naman ng isang ito.
"Oo naman, Kuya! Huwag ka ngang OA. Kasama namin ang buong klase namin." Bahagya kong tinapik ang likod niya.
"Tama naman si kuya. Mag-ingat ka ro'n!" sabi ng kambal. Napailing ako sa kanila at niyakap din silang dalawa. Hinila naman ako ni Kuya Max palayo sa kanilang dalawa.
"Ako naman! Puro naman kayo," angal niya. Tinitigan pa niya ako saglit at saka sinugod. Imbis na yakapin ay ikinulong niya ako sa kili-kili niya. Binubugbog na naman niya ako!
"Kuya! Ano ba? Hanggang dito ba naman? Mahiya ka nga sa mga tao. Para ka talagang bata." Binitiwan naman niya ako at pinisil ang pisngi ko. Kahit ano talaga gawin niya, laging brutal. Kawawa naman magiging jowa niya, luluwa ang pisngi dahil sa pagpisil niya.
"Ingat, taba!"
Natawa lang ako hanggang sa makapasok ng van. Kaway pa ako nang kaway kahit na umaandar na ang van. May isinigaw pa si Kuya Max pero hindi ko na narinig. Ipinagkibit-balikat ko na lang.
Tahimik lang kami sa byahe. Sina Tine at Reima lang ang maingay sa likod. Puro sila selfie at kung minsan ay kinukuhanan din kami. Pati ang mga view ay hindi nakatakas sa camera nila. Kami naman ay hanggang sulyap na lang.
Nang makarating kami, nag-park na si manong kaya lumabas na kami. Nag-inat-inat ako nang makalabas. Inayos ko na ulit ang shades ko at saka kinuha ang gamit ko. Halos pare-pareho lang naman kami ng dinalang gamit. Mga pamalit lang talaga.
Pumasok na kami. Nandoon na raw sila sa loob at may cottage na para sa lahat. Kanina pa raw sila nakalusong dahil ang tagal namin.
Hinanap agad namin ang kinaroroonan nila. Ang mga lalaki ang nakalusong na sa tubig at mga naka-topless pa. Hindi naman ganoon karami ang tao kaya hindi crowded ang swimming pools.
"Akala namin hindi na kayo darating. Tara, lusong na!" yaya ni Allen, ang athlete naming kaklase. Volleyball player siya sa men's volleyball ng school namin. Marunong din siya lumangoy dahil may sarili silang swimming pool sa bahay nila.
"Kanina pa nila kayo hinihintay! Lalo na kayo, Tine at Reima. May laro kasi sila," sabi ni Cian, ang nag-ayos ng gala namin. Kasama niya ang president ng klase na si Kim. Mga kumakain pa sila kaya siguro hindi pa lumulusong.
"Dinaanan pa kasi namin ang bawat bahay namin. Nagpaalam pa siya sa mga kuya niya," sabi ni Belle. Lumapit sina Allen, Michael at Nard sa 'min kahit na mga basa.
"Bakit pala 'di sumama mga kuya mo? Buti pinayagan ka na ngayon," sabi ni Nard sabay kuha sa ulam ni Cian. Hinampas naman niya ang kamay nito na ikinatawa lang nila.
"Kung alam mo lang, Nard! Halos hindi pa nga kami makaalis no'ng dumaan kami sa field kung nasaan ang mga kuya niya," sabi naman ni Reima na kumuha rin ng ulam.
"Tara! Lusong na tayo, Drea," yaya sa 'kin ni Belle.
Inayos niya ang damit niya na kanina pa niya suot. Iyon pala talaga ang ipanglulusong niya. Akala ko ay magpapalit pa siya.
"Mauna ka na, magpapalit pa ako ng swimsuit ko." Natawa na lang kami sa sinabi ko. Kinuha ko ang pamalit ko sa bag at saka tiningnan sina Joanna at Limea. "Hindi pa ba kayo maliligo?"
Naupo naman si Joanna samantalang kumuha ng pamalit si Limea.
"Palit na tayo," ani Limea.
Sumama naman ako sa kaniya. Naiwan sina Joanna at Belle na nakabihis na. Sina Tine at Reima naman ay umalis, naghanap ng magandang view para makakuha ng litrato. Hindi ko alam kung saang banda sila pumunta.
Alam kong umiiwas ang dalawa sa pagligo dahil mga takot din. Ayos lang naman kay Reima dahil isa siyang Leon pero ibon kasi si Tine. Medyo allergic din siya sa tubig. Ano naman ang sabi nila sa amin ni Limea na hindi nga naliligo?
Tahimik lang kami ni Limea papasok sa CR. Magkahiwalay kami ng cubicle. Hindi naman kami nagtagal at lumabas na. Naka-shorts na kami pareho at nakasando. Kita ko tuloy ang hubog ng katawan niya. Maganda naman pala pero pilit niyang tinatago.
Lumabas na kami at bumalik para makapag-swimming. Baka kasi uminit na mamaya. Mas malakas makapagpa-itim iyon.
Pagbalik namin ay naglagay na kami ng sunblock. Mamaya na raw sina Cian dahil may hinihintay pa sila. Walang magbabantay ng mga gamit namin. Lumusong na rin sina Belle at Joanna. Agad kaming lumapit sa kanilang dalawa at sinamahan sila. Medyo malamig ang tubig. May araw rin pero hindi ganoon katirik.
"Nandiyan na kabilang section!" Napatingin ako kay Michael. Siya kasi ang nakapansin. Hindi ko alam na may kasabay pala kaming ibang section. Ang alam ko ay kami-kami lang. Nakita ko ang ilang pamilyar na mukha na papasok galing entrance.
"OMG! Drea, look!" pabulong na bulalas ni Belle.
Napatingin ako sa tinuturo niya. Kasabay nang pagtingin ko ay paghagip din ng tingin niya sa gawi namin. Literal na napanganga ako pero hindi nagsalita.
"Si Sarmiento," bulong pa niya ulit sabay kiliti sa 'kin. Napaiwas ako ng tingin at binaling kay Belle ang atensyon.
Bakit hindi kami nasabihan na pupunta sila!