Kalma lang, Drea! Si Sarmiento lang naman iyan. Hindi ka naman niya kilala at mas lalong hindi niya alam na crush mo siya. At kung malaman man niya, ano naman? Crush pa lang naman, 'di ba? Paniguradong maraming nagkakagusto sa kaniya. Normal lang 'yan.
Hindi ko na ulit siya tiningnan dahil sa nangyari. Nag-swimming na lang kami at nag-enjoy. Kapag iniwasan ko siya, walang mangyayari. Hindi niya malalaman. Kung kakausapin man niya ako, kakausapin ko rin. Para naman hindi masyadong obvious. Kaya ko naman iyon.
Nakita kong agad nag-topless ang mga kaklase niya at nagsitalunan. Hindi ko maiwasang hindi mapasulyap sa kaniya.
"Aw. Hindi nag-topless ang crush mo. Tumalon lang bigla," medyo disappointed na sabi ni Belle. Sa 'kin na siya nakatingin at nakangisi. Parang alam kung ano 'ng inisiip ko. Hindi ko alam kung bakit pero parang siya pa nga itong may gusto kay Sarmiento kung makaasta siya.
"Ano naman? Saka sanay na akong nakakakita ng abs, 'no! Ikaw ba naman may apat na kuyang may malalaking katawan, hindi ka pa masasanay," pangangatuwiran ko. Pero medyo nag-aalangan pa rin ako. Pakiramdam ko ay hindi ako kakalma kapag nakita ko ang katawan niya.
Nakita kong umahon siya kasama ang iba pa. Mag-slide yata sila. Napakahaba kasi ng slide tapos sa tingin ko ay mahihilo ka pa kapag nagpadulas dahil puro paikot. Naka-shirt siyang puti at fitted shorts.
Pagkatayo niya ay ginulo niya ang basa niyang buhok. Hindi rin nakawala ang abs niya sa paningin ko. Dahil basa ang shirt niya ay bakat ang abs niya. Tapos iyong muscles pa niya sa braso ay nagpe-flex sa bawat paggalaw niya. Sa tingin ko ay magkasing-katawan sila ni Kuya Matthew kahit na mas bata siya sa kaniya ng ilang taon.
Hanggang sa mag-slide sila ng mga barkada niya ay hindi ko inalis ang tingin ko sa kaniya. Medyo lumalangoy pa ako para hindi masyadong halata. Hindi ko na rin alam kung nasaan ang mga kaibigan ko.
Gusto ko na sanang umahon dahil bumabahing na ako pero gusto ko pa siyang panoorin. Hanggang dito na lang naman ang magagawa ko. Hanggang tingin na lang ako dahil hindi kami pwede.
"Hoy!"
Ibinaling ko ang tingin ko kina Tine at Reima na nakalusong na rin pala. Nakangisi silang dalawa sa 'kin sabay tingin sa barkada ni Sarmiento na kasalukuyang nagtatawanan na.
"Nandito na pala kayo? Sa'n kayo galing?" tanong ko.
Pero hindi nila pinansin ang sinabi ko. Napatingin ako kina Belle na palapit na rin sa 'ming tatlo. Nakangisi rin siya sa 'kin. Kasunod niya sina Limea at Joanna.
"Sorry, Drea! No secrets sa tropa."
Napapalo naman ako sa noo ko. I knew it! Hindi niya magagawang itahimik ang bibig niya tungkol dito. Nakakaasar! Bigla tuloy ako kinabahan sa puwede nilang gawin. Kung ano-anong kalokohan pa naman ang maiisip nila sa ganitong pagkakataon.
"Sarmiento, we love you!"
Nanlaki ang mata ko habang nakatingin kay Reima. Gusto ko siyang hampasin, gusto ko siyang sakalin pero baka mahalata nila. Kailangang itago ang kaba ko. Mamaya ko na sila bubugbugin kahit na nanggigigil na ako!
"Sarmiento, pa-kiss daw sa abs!" Halos mapanganga na talaga ako sa sinigaw ni Tine. Natatawa na lang si Belle sa gilid kaya tiningnan ko siya nang masama.
"Sarmiento, tanggalin mo na raw shirt mo. Hindi na kailangan niyan!"
Napatingin ako kina Cian at Kim na nag-apir. Nginisian nila ako kaya mas lalo akong kinabahan. Pati sila, alam na! Lagot ka talaga sa 'kin mamaya, Belle!
"Lakas mo talaga, Devin! Sa dinami-rami natin dito, ikaw talaga ang gusto," rinig kong sabi ng isa sa mga kaibigan niya. Ramdam kong palapit sila sa gawi namin kaya medyo lumayo ako. Hinatak ko si Limea nang pasimple para hindi ako mahalata.
"May gusto ka pala sa kaniya," bulong ni Limea.
Tiningnan ko naman siya dahil sa sinabi niya. Don't tell me, aasarin din niya ako gaya nila? "Haist! Sikreto nga dapat namin ni Belle pero ang daldal lang niya. Alam ko namang ganito kalalabasan kapag nalaman ng dalawang iyon kaya hindi ko sinabi."
Natahimik ulit siya kaya ganoon din ako. Naririnig ko hanggang dito ang pagkantyaw ng mga kabarkada ni Sarmiento sa kaniya. Nawala lang ang atensyon ko kina Sarmiento nang may biglang umakbay sa 'kin.
"Grabe, Drea! Hindi ko alam na babae ka rin pala. Lalaki rin pala ang type mo. E 'di sana matagal na kitang niligawan," biro ni Nard.
Sinapak ko naman siya sa braso dahil sa sinabi niya. Loko talaga ang isang ito kahit kailan. Dumaing siya dahil sa sakit.
"Tigilan mo 'ko, Nard! Naiinis ako sa pang-aasar nila pero hindi ko sila kayang sapakin. Pero ibahin mo ang sarili mo. Lalaki ka!" pagbabanta ko kahit medyo pabiro lang.
"Huwag, ssob! Joke lang naman. Hindi na mabiro."
"Saan ba punta mo at sinusundan mo 'ko?" Ibabaling ko na lang sa iba ang atensyon ko para mabawasan ang kabang nararamdaman. Ayoko kasing ipaalam agad. Wala pa ngang nagsisimula, matatapos agad?
"Kakain. Nagugutom na kasi ako. Ikaw? Bakit ka umiiwas kay Devin? Akala ko ba crush mo?" Inakmaan ko siya ng suntok dahil sa sinabi niya. "Joke! Joke lang. 'Di na mabiro talaga. Sensitive much."
"Umayos ka, ah? Tandaan mo, lalaki ka. Kayang-kaya kitang upakan."
Umupo kaming tatlo nina Mea para kumain saglit. Hindi naman maubusan ng kuwento si Nard. Ganito naman talaga siya, madaldal. Hindi na ako magtataka. Kahit sino naman kasi ay kinakausap niya. Napaka-friendly niya sa mga lalaki o kahit sa mga babae. Kahit sa mga matatanda ay ang bait niya. Ideal type!
"Dito na kayo, Nard! Mea! Drea! Laro tayo," yaya ni Michael.
Napatingin ako sa kanila. Nandoon na rin ang mga kaklase naming lalaki at mga babae. Pero ang mas napansin ko ay ang kabilang section. Kasama sila sa laro.
"Una na ako sa inyo," sabi ni Limea.
Tumango naman kami ni Nard. Inayos ko ang kainan namin at sabay na tumungo sa pool para sumali sa laro.
Sa gilid ako ng pool naglakad. Nang mapansin kong hindi na sumusunod si Nard ay lumingon ako sa likod. Bigla niya akong binuhat na parang sako. Nagsisigaw agad ako at sinapak ang likod niya. Tumalon siya sa pool, at dahil buhat niya ako, sabay kaming bumagsak.
Pagkaahon ko ay hinanap ko agad siya. Uupakan ko sana pero nakita kong nakalayo na siya. Nakipag-apir pa siya sa barkada niya. Napansin ko ring malapit siya kay Sarmiento at binigyan ako nang makahulugang tingin. Hinampas ko na lang ang tubig.
"Grabe! Ang sakit manapak. Parang lalaki. Siguro puro lalaki talaga anak ni Tita Marissa at walang babae," natatawang sabi niya.
Sinamaan ko na lang siya ng tingin at umiwas na. Napansin ko kasing nasa akin ang atensyon nilang lahat. Nakaramdam ako ng hiya.
"Tara, laro tayo Volleyball! Kung sino ang hindi makasalo o hindi maililipat sa iba, kailangang sumayaw," sabi ni Allen.
"Eyy! Paano kayo? Players kayo ng Volleyball, ibig sabihin hindi kayo makakasayaw. Unfair sa 'min iyon," angal agad ni Cian.
Napakamot si Allen sa batok niya. "Hindi iyan. Iba naman 'to. Saka nasa tubig tayo kaya mahihirapan din kami," aniya patungkol sa aming dalawa. "Gumitna kayo, Drea at Limea. Player rin kayo, eh. Maglayo kayo para ayos."
"Sige na nga. Sila nina Drea at Limea lagi ninyo puntiryahin ah?" sabi ni Kim na sinang-ayunan naman nilang lahat. Section namin at kabilang section ang magkalaban. Mayroon kaming imaginary net sa gitna kaya nag-umpisa na kami.
Nakipag-apir muna ako sa barkada bago gumitna. Marunong kaming lahat maglaro dahil nakasama ito sa P.E. namin noong junior high school.
Pumwesto ako sa pwestong malayo kay Sarmiento sa medyo gitna. Hindi pa nagtatagal ang laro ay may nataya na. Sina Janine at Kim. Napangiwi na lang ang ilan sa 'min dahil mukhang wala lang sa kanila. Mga dancers naman kasi ang mga iyan. Wala tuloy thrill dahil maganda rin ang sinayaw nila.
"Ano ba 'yan! Maganda sana si Drea ang hindi sanay para makita nating sumayaw," pang-aasar ni Nard.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Kung ikaw kaya? Ipakain ko kaya sa 'yo 'tong bola nang matahimik ka!" bulalas ko. Kapag siya talaga madalas kausap ko ay umiiksi ang pasensiya ko. Siya lang madalas mang-asar sa 'kin eh.
"Huwag na, ikaw na lang kumain tutal matakaw ka naman," natatawang sabi niya.
Nilangoy ko siya at sinapak. Pero dahil athletic din siya kahit papaano at sanay sa bugbugan ay wala ring naging silbi iyon.
"Tama na! Namumuro ka na, ah? Child abuse iyan."
Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. Feeling ng isang ito! "Child abuse? Gurang ka na kaya hindi na child iyon!"
Nag-make face siya sa 'kin kaya sinabunutan ko siya nang nakakuha ako ng pagkakataon.
"A-aray! Sorry na, ssob! Hindi na mauulit."
"Tama na iyan. Baka maka-witness kami ng langgam na lumalangoy dahil sa inyo," biglang sabat ni Allen. Natawa ang iba naming kaklase. Bumalik na ako sa puwesto ko dahil baka makasapak na naman ako.
Napatingin ako kay Sarmiento na seryoso ang tingin... sa akin. Hindi ko sigurado kung ako ba o si Limea pero umiwas na lang ako ng tingin.
Nawala ang ngiti ko nang matamaan ako ng bola sa ulo. Hindi naman masakit dahil malambot ang bola. Pero nang nilingon ko kung sino ang nag-serve, kumulo na naman ang dugo ko. The ever makulit at nakakainis na si Nard!
"Sorry na po! Hindi kasi umabot," sabi niya na sinabayan pa niya ng tawa.
"Oh! Nandito rin pala sila?" biglang sabi ni Kim habang nakatingin sa entrance. Napatingin din siya sa 'kin kaya na-curious ako kung sino.
Pagtingin ko, napaawang na lang ang bibig ko sa mga taong dumating. Parang nawala ang kahit anong nararamdaman ko. Nawala ang atensyon ko sa iba dahil sa bagong dating. Hindi ko na nga napansin pa ang pagturo sa akin ni Sarmiento dahil sa taong dumating.
Akala ko makakaiwas na ako dahil bakasyon na at 'di ko na sila masyadong makikita. Akala ko makakalimot na ako. Puro naman pala ako akala. Ang mas masakit pa roon ay kasama niya ang bago niya.
Bitter na kung bitter. Minahal ko, eh.
Napatingin ako sa babaeng nakakapit sa braso niya. Kasabay niyon ay ang pagtingin din niya sa gawi ko. Tinaasan niya ako ng kilay na ikinaiwas ko lang ng tingin.
Kung may isang bagay man akong hindi matanggap matapos ang break up namin, iyon ay si Jesse, ang bago niya. Hindi ko alam kung bakit siya ang ipinalit niya sa 'kin.
Noon pa man, alam kong may pagtingin siya kay Jackson. Noon pa lang ay hindi na niya gusto ang relasyon naming dalawa. Alam niya kung ano ako at iyon ang palagi niyang ibinabato sa 'kin.
Ayos lang naman sa 'kin dahil siya iyong nasa tabi ni Jackson noong maghiwalay kami. Kaya lang ang ugali naman niya, mas magaspang pa sa semento. Maganda sana siya pero hindi naman ako sang-ayon sa ugali niya.
Pero ano pa nga ba ang magagawa ko? Wala na akong karapatan para pagsabihan si Jackson sa kung sino ang dapat niyang ipalit sa 'kin. Mas ayos na rin ito. Kung mahal naman talaga niya si Jackson ay ayos na. Baka ako lang talaga ang ayaw niya.