3
"Hello sa pinsan kong sexy!" bati ni Faith. Nakipagbeso agad ako sa kaniya.
Nandito rin ang iba ko pang mga pinsan na sina Kaia at Dyna.
"Hi, Ate Drea!" bati ni Kaia na nakipag-fist punch pa sa akin.
"Hi, Ate! Sexy mo ngayon, ah?" natatawang sabi ni Dyna.
"Sexy raw! Payatot kamo," angal naman ng ever bitter na si Marcuz, ang tanging lalaki kong pinsan sa mother side ko.
Nakikipaglaro siya sa kuya ko ng xbox. Nakahubad ang t-shirt ni kuya kaya kita ko ang bitak sa buo niyang katawan. Siya ang pinakamaputi sa 'ming magkakapatid pero mas maputi si Faith.
Napairap na lang ako sa kawalan.
"Hoy, Marcuz! Manahimik ka riyan o gusto mong bigwasan ko 'yang makinang mong noo."
Nakita kong napanguso siya pero hindi nagsalita.
"Oh? Natakot ka rin sa banta ng pinsan mo?" natatawang sabi ni Mame habang palapit sa'ming magpipinsang nasa sala. May dala siyang juice para sa'min.
"Mame naman kasi, eh! Akala ko talaga iiwan niyo ko rito. E'di wala na kayong sexy-ng anak?"
Napaupo na lang ako sa sofa kung nasaan ang pinsan kong malapad ang noo. Tumabi ako kay kuya at hinintay pa ang tatlo kong kuya. Pinapanood ko lang sila maglaro ng left 4 dead at nakikisigaw. Minsan ay inaagawan ko si Marcuz ng controller dahil naiinis ako sa kaniya maglaro. Hindi kasi marunong! Lagi tuloy natatalo ng kuya ko. Adik pa naman itong si Kuya Matthew sa mga ganitong laro na kahit ako ay nahihirapan siya talunin.
"Huwag ka ngang epal, Drea! Para ka namang ano riyan, e. Kita mong naglalaro kami ng kuya mo. Lagi naman kayong magkasama at naglalaro kaya kami naman!" inis na sabi niya kaya mas lalo ko pa siyang kinulit.
"Mukhang nagkakasiyahan na naman kayo, ah?" nakangising bungad ni Kuya Maxwell habang pinagmamasdan kaming lahat ng nasa sala. Galing kasi siya sa training ng Football kaya kararating lang.
"Kuya Max! Pigilan mo nga itong kapatid mong walang ginawa kundi ang asarin ako," pagsusumbong ni Marcuz sa kuya ko.
Siya naman ang kuya kong lagi kong ka-wrestling. At kasalukuyan na nga niya akong kulong sa bisig niya at saka idiniin ang katawan ko. Halos magkapalit na kami ng mukha ng sahig dahil sa bigat niya.
"Ano na naman ang ginawa mo, boss?" tanong niya.
Noong unang beses kaming magbugbugan ay masakit. Iyong tipong na-admit pa ako sa hospital dahil panay ang daing ko kahit mabilis namang gumaling. Binugbog pa nga siya ni Kuya Matthew dahil sa ginawa niya, eh! Pero kalauna'y ako pa mismo ang nang-re-wrestling sa kaniya. Ganoon ang bonding naming dalawa.
"Wala akong ginawa! Nakakatuwa kasing makita si Marcuz na nagagalit. Namumula iyong noo niya!" sabi ko na sinabayan ko pa ng tawa. Hinila ko ang pisngi ng kuya ko para makaganti.
Pinagpatuloy namin ang pagbubugbugan namin hanggang sa pareho kaming magkapasa sa noo. Napapailing na lang si Mame habang nakatingin sa mga pasa namin at napabuntong hininga. Sanay na rin kasi siya.
"Ang hirap talaga magkaroon ng puro lalaking anak," natatawa at napapailing na sabi ni Mame. Nakatingin pa siya sa'kin. Ngumuso naman ako sa kaniya pero hindi na nagsalita.
Pareho lang kaming tahimik ni Kuya Max sa kusina habang tinitignan ni Mame ang mga pasa namin. Sabay-sabay kaming napalingon sa pinto nang marinig ang pamilyar na ingay.
"Catch!"
"Nice one! Nakita mo ba kung paano na-tackle 'yong kalaban?"
"Paanong hindi ko makikita, halos nasa harap lang tayo. Pero ang astig!"
"Ang galing talaga ni Silvestre. Walang tatalo!"
"Sinabi mo pa!"
Kita namin mula rito sa kusina ang kambal kong mga kuya na naglalaro ng Football. Napatingin sila sa mga pinsan namin at medyo ngumiti sabay balik sa Football na usapan. Here they are -- the noisy twins!
Si Kuya Matthew ang panganay namin, sunod si Kuya Max at ang sunod ay ang kambal. Ako ang bunso. Kaya naman laging mainit ang ulo sa'min ni Puppy. Si Mame lang ang nakakatagal sa'min dahil siya ang laging nasa bahay kasama namin.
"Hey!"
Napatingin si Kuya Mervin sa mga pasa namin at hindi na pinansin na para bang normal na lang ito sa aming magkapatid. Lumapit lang sila ni Kuya Marvin kay Mame at saka pinagdikit ang mga noo nila. Iyon ang tanda ng paggalang sa aming pack.
Si Kuya Marvin iyong may dalawang malalim na dimples kapag ngumingiti. Samantalang isa lamang sa kaliwa ang dimple ni Kuya Mervin kapag ngumingiti. Other than that, wala na. Pareho na lahat! Maputi talaga ang lahi namin pero nangingitim kami dahil sa sports na ginagawa namin.
"Aalis na tayo. Kayong dalawa ay magbihis na. Ikaw rin, Drea. Nandoon na ang Puppy ninyo sa handaan."
Si Puppy nga pala ang papa namin. Iyon ang tawag namin sa kanila dahil iyon ang tawagan nila ni Mame noong nag-de-date pa sila magpahanggang ngayon. Hindi naman ako mahilig sa aso o tuta pero naging mannerism na rin kasi namin ang nickname na iyon.
Nagbihis na kami ni Kuya Max. Suot namin ang terno naming mga pulang damit na may nakasulat na Narvaez sa likuran sa ibabang parte. Relingo naman ang nasa likod nina Faith, Kaia at Dyna. Iisang van lang ang gamit namin.
Madali kaming nakarating sa handaan dahil hindi naman ito kalayuan. Isang bukid iyon na pagmamay-ari ng mga kamag-anak nina Mame. Pero ibinigay niya ang mana sa kapatid niyang walang asawa. May negosyo naman kasi si Puppy at kumikita rin si Mame sa bukid naming ibinahagi sa'min ng kasamahan ni Puppy sa trabaho niya. Pinalalaki na lang at inaalagaan na lang namin iyon nina kuya.
Ngayon ay ito na ang pinaka-base ng aming pack. Dito na namin ginagawa ang mga aktibidad na nakalaan para sa 'min. Dito na rin madalas namamalagi ang aming Alpha.
Sinalubong kami ng mga tito't tita namin pagkarating. Mother side pa lang ay halos puno na ang lugar. Kasama kasi ang mga pinsan ni Mame at ang mga manugang hanggang sa second cousins namin na hindi ko naman ganoon ka-close. Hindi naman kasi sila tagarito.
Nang magsimula na kami sa salu-salo ay nagpalit kami ng anyo. Lumabas ang pinakapinuno ng aming pack, ang Alpha, at nagbigay-galang na kami.
May ilan siyang payo sa amin bago kami nagsimula. Parang reunion lang naman kasi ito kaya hindi na kailangan pa ng masyadong pormalidad. Nakita ko rin sa hindi kalayuan sina Tita Genevie at Tito Jack kasama ang dalawa nilang anak na sina Kuya Genesis at Ate Kiara.
Pagkatapos namin kumain ay hinayaan na kami nina Mame. Si Puppy ay nandoon na sa inuman. Halos kadarating lang din niya dahil hindi pa naman siya lasing. Buti at may driver na susundo sa'min kung sakali.
Magkatabi kami ni Kuya Matthew habang naglalaro ng PSP at naglalaro ng tekken. Ang kambal ay nagpunta na agad sa malawak na field at agad nakipaglaro. Dito sila una natutong maglaro ng Football kaya hindi ako nagulat na may field dito. Sa lawak ba naman dito ay hindi na rin nakapagtataka.
Si Kuya Max naman ay nakikipaghuntahan sa mga pinsan ko at palihim akong tinataasan ng kilay. E'di tinaasan ko rin!
"Kuya, bakit hindi ka sumali sa kambal maglaro? -- Ano ba 'yan, talo na naman ako!" Halos ibato ko na kay Kuya Max ang PSP nang ma-drain na naman ang buhay ko.
Binalingan naman ako ni kuya at pansamantalang nag-unat.
"Hindi na! Hindi ko gusto ang maglaro sa field na iyan dahil ang daming mayabang. Hindi naman sa nagmamalaki ako pero nakakainis lang na para kaming mga baguhan kung tratuhin nila," medyo pabulong na sabi niya saka inilapit ang upuan sa tabi ko.
Uminom ako ng tubig at saka nagsalita.
"Gano'n? Mukhang hindi naman, ah? Hindi ka lang siguro madalas tumambay ngayon dito kaya iyon ang akala mo. Nakakasundo nga nina Kuya Mervin at Marvin ang mga pinsan natin."
Hindi ko pa nakakausap ang mga second cousins namin. Hindi ko alam kung ano ang mga ugali nila pero ayon naman sa nakikita ko ay mukha naman silang mababait. Ewan ko ba sa kuya kong ito at kung anu-ano ang sinasabi.
"Kilala mo naman ang kambal, hindi nila pinakikinggan ang kung anu-anong sinasabi ng ibang tao. Pinapakita nila kung ano ang kaya nila sa pamamagitan ng Football."
"E'di pakitaan mo rin! Paniguradong titiklop na ang mga iyan kung isang Matthew Gaile na ang naglaro sa field."
"Tss. No, thanks! Wala rin naman ako sa mood."
Tinignan ko naman siyang umiirap na parang babae. Humalukipkip pa. Hindi ko tuloy maiwasan mapanguso dahil sa inasta niya. Parang bading lang! Sinapak ko siya sa braso niya pero hindi naman siya nasaktan.
"Hindi mo na ba na-mi-miss ang mga sigaw nila sa pangalan mo? Ang daming mga babae ang patay na patay sa'yo pero simula noong lumipat tayo ng bahay, hindi mo na sinubukan ulit," curious na tanong ko. Ang hirap basahin ng kuya ko kung minsan.
"Ewan ko ba. Nawalan lang naman ako sa mood maglaro rito saka isa pa, wala namang maayos na gamit para sa paglalaro."
Napatingin ulit ako sa kambal na masayang naglalaro. Halos dinig na namin ang pagtama ng mga katawan nila sa isa't isa sa tuwing nagkakabungguan sila. Kung normal na tao siguro sila ay nagkaroon na sila ng bali sa mga buto. Kaya lang ay hindi naman ordinaryo ang mga kuya ko, mga abnormal sila!
Napanguso pa ako nang pinalibutan silang dalawa matapos ang naging laro. Napapailing na lang ako. Hindi ko alam na ganito pala ang hatak ng mga babae sa mga Narvaez. No wonder si Mame ang nanligaw kay Puppy noon.