TANGHALI na nang matapos si Isabella sa paglalaba. Nagluto na rin siya ng pananghalian at katulong niya ang Ate Karen niya. Napakabait talaga nito sa kaniya at ipinaglalaban siya nito kahit bago lang sila magkakilala. Sa katunayan, ito ang kauna-unahang pagkikita nila ng asawa ng Kuya Ark niya. Nagulat pa nga siya kasi hindi niya inakala na may asawa na pala ito at mabilis silang nagkagaanan ng loob. Malaki ang pasasalamat ni Isabella rito dahil sa kabutihan ng puso nito. "Binasa mo ba iyong librong ibinigay ko sa iyo kagabi?" "Ah, oo, Ate Karen. Akala ko nga po'y wala akong maiintindihan pero nagkamali ako. Madadali lang pa lang basahin ang mga nakasulat doon." "Talaga ba? Sige nga, sagutin mo ito. What is your name? Alam mo naman siguro iyon, 'no?" Ngumiti si Isabella nang malapad.