Gulat na gulat ako sa nakita kong ginawa ni Cherry kay Hugo, alam ko namang hindi rin nagustuhan ni Hugo ang ginawa ng step-sister sa kanya.
"Ma'am, balikan niyo na lang ang bodyguard ninyo!" mariing turan ni Hugo matapos bahagyang maitulak si Cherry.
Mabilis na yumakap si Cherry dito.
"Hugo, alam mo naman na gusto kita, hindi ba?" ungot ni Cherry.
Hindi naman ito lasing para maintindihan kong hindi nito kontrolado ang kanyang ginagawa.
"Ma'am, don't make a scene here," giit ni Hugo rito. "Sandoval, ilayo mo muna si Cherry," utos nito sa bodyguard nito na nasa hindi kalayuan.
"Hugo, please, kahit bodyguard ka lang handa kong ibaba ang pride ko maging akin ka lamang," may kalakasang wika ni Cherry.
Mabuti na lamang at may kalakasan ang tugtog dahilan upang konti lamang ang estudyanteng nakarinig sa sinabi nito.
"Ma'am, please lang huwag kang mag-eskandalo rito!" giit ni Hugo na may diin.
"Ma'am, alalahanin niyo po ang bilin ng papa niyo," paalala naman ni Sandoval kay Cherry.
Matatalim ang tinging ipinupukol sa 'kin ni Cherry habang papalayo sa kinaroroonan namin ni Hugo.
"Kath," tawag ng tinig sa aming likuran. Batid ko na agad kung sino ang nagmamay-ari ayon sa timbre ng boses nito.
"Hey, Ken, sorry medyo natagalan ako," saad ko rito at nakita kong binaling nito ang tingin kay Hugo na noon ay pormal na naman ang mukha.
"Mukha nga," anito habang nakatitig sa akint bodyguard.
"Oo, may babae kasing gusto akong sampalin kanina, nagkaroon ng tensyon konti kaya lumapit siya," depensa ko bago pa kung ano ang isipin nito.
"Ganoon ba? Dapat pala ay hindi kita hinayaang mag-isa lamang," anito parinig kay Hugo.
"It's okay, pasensiya ka na, let's go," yakag ko rito dahil nakakuha na rin naman ako ng salad at ilang slice ng fruits.
Inalalayan ako ni Kenneth pabalik sa aming mesa dahilan upang sumunod na lamang si Hugo sa 'min.
"Kath, can I asks you something?" alanganing tanong ni Kenneth nang makabalik kami sa aming mesa at medyo nakalayo kay Hugo.
"Yes, sure, what is it?" agad ko namang tanong.
"Something personal kaya huwag ka sanang mainis o magalit," anang nito dahilan upang kabahan ako.
"Personal? What is it?" anang ko na nakakunot-noo.
"Y-Yeah," anito na tila nag-iisip kung itutuloy ba o hindi ang sasabihin.
"Okay," anang ko upang bigyan siya ng pagkakataon upang sabihin ang nais niyang itanong. "Spell it," hirit ko nang ilang segundon na ang lumipas pero wala pa rin itong imik.
"Kath, may gusto ba ang bodyguard mo sa 'yo?" tanong nito.
Napataas ang kilay ko sa tanong nito at ilang sandaling namanhid ang aking labi dahilan upang hindi ako agad nakasagot.
"I mean, may gusto ka ba sa bodyguard mo?" dagdag pa nito na binaliktad na nito ang tanong.
Ilang sunod-sunod na lunok ang aking ginawa habang matamang nakatitig si Kenneth sa 'kin.
"M-May pag-asa pa ba ako?" anito na nag-uulap ang mga mata.
Mainam na lamang at agad akong nakapag-react.
"Of course, Kenneth, sorry kung hindi agad ako nakasagot dahil nabigla ako sa tanong mo. How did you say that, he's just my bodyguard," bulong ko rito upang hindi marinig ni Hugo.
Ilang sandaling nakatitig ito sa 'kin, mata sa mata, para bang inaarok kung nagsasabi ako ng totoo o hindi.
"Sorry kung natanong ko. Lalaki ako, Kath at kilala ko ang mga tinging ipinupukol sa 'yo ng bodyguard mo," bulalas ni Kenneth.
Imbes namabahala ako ay nag-joke na lamang ako upang hindi na lumala pa ang pag-uusisa ni Kenneth pa sa amin ni Hugo.
"You mean, may gusto siya sa 'kin?" pabulong ko kunong wika rito.
"Yes, hindi lang gusto, mukhang nagnanasa siya sa 'yo," seryosong wika nito.
"God, Kenneth, paano mo naman nasabi 'yan, look at him, ang seryoso niya at blangko ang ekspresyon ng mukha," palatak ko rito.
"Are you sure hindi mo nahahalata ang mga matitiim niyang titig sa 'tin lalo na kapag hinahawakan kita?" saad nito.
"Hey, you sounds creepy," kunwari ay saway ko rito upang malihis ang pagdududa nito sa 'min ni Hugo. "Enough, Kenneth, huwag na nating pag-usapan ang bodyguard ko. Besides his name wala na akong alam sa kanya," saad ko bagay na noon ko lang napagtanto.
Napalunok ako nang maalala kong naibigay ko ang aking sarili sa tutal stranger dahil lang sa kagustuhan kong ungusan o masakitan ang step-sister kong si Cherry.
"Okay, huwag na lang natin siyang pag-usapan," anang ni Kenneth na nagsimulang kumain.
Nagsimula na ring kumanta ang bandang inimbitahan ng unibersidad upang magtanghal sa gabing 'yon dahilan upang mas lalong umingay ang kinaroroonan naming close auditurium ng unibersidad.
Sa kabila ng dami at ingay sa lugar ay hindi natitinag si Hugo sa kasusunod sa amin ni Kenneth.
"Wait lang Ken, kakausapin ko lang ang bodyguard ko para may privacy tayo at hindi niya tayo sinusundan-sundan," turan ko kay Kenneth para mawala ang mga alalahanin nito hinggil sa amin ni Hugo.
Mabilis naman itong pumayag, marahil naiinis na rin dahil sasayaw o kukuha lang kami ng drinks ay nakasunod pa rin ito. Ang ilang estudyante ay tila natatawag na rin ang pansin nila sa ginagawa nito.
"Hugo, can you please spare us some space, nakakahalata na si Kenneth. He asked me if may pagtingin ka raw ba sa 'kin o ako sa 'yo, please, wala naman sigurong mangyayari sa 'kin dito sa loob ng auditorium," anang ko kay Hugo para hindi na muna ito buntot nang buntot sa amin ni Kenneth.
Halata sa mukha ni Hugo ang pagtanggi sa nais kong mangyari. Napatingin ito sa paligid, magjlo, maingay at maraming estudyante.
"I'm sorry, ma'am pero hindi ko magagawa 'yan, my work is to—" putol na paliwanag nito nang barahin ko.
"I know and understand but please, just this one. I know it was your job pero sinasabi ko sa 'yo, walang mangyayari sa 'kin," mariing saad ko kay Hugo.
Tumitig ito na tila binabasa ang aking nasa sa loob.
"Please," pakiusap ko.
Dama ko pa rin ang pagtutol kay Hugo pero ilang sandali ay napasang-ayon ko rin sa nais kong mangyari.
"Okay, fine, kung 'yan ang gusto mo," anito saka mabilis na nag-iwas ng tingin at akmang aalis nang bigla kong hawakan ang braso nito.
"Hugo, sorry, please, just this one," pakiusap ko. "Galit ka ba?" untag ko pang tanong.
"I am just doing my job na sinabi ng daddy mo pero kung ayaw mo ako sa paligid niyo ng ka-partner mo, then I'm out," anito saka inalis ang kamay ko at umalis.
Nakailang lunok ako habang nakatitig kay Hugo na papalayo sa 'kin.
"Hey, Kath, what happen?" untag ni Kenneth na papalapit naman na nakatingin din kay Hugo na papalayo.
"I told him to give us space," anang ko at nakita ko ang tuwa sa mukha nito.
"You did?" maang nito.
"Yeah, nakakailang na kasi, panay ang bantay niya. Iniisip pa yata nang ibang estudyante, nagfe-feeling ako dahil may bodyguard pa akong kasama," palatak kong tugon kay Kenneth na tuwang-tuwa.
"Well, that's for your security pero thanks God at may pagkakataon naman tayong mag-usap nang hindi pabulong," anitong nakangisi.
Natawa na lamang ako pero sa totoo lang ay mag-aalala ako kay Hugo, baka kung ano ang gawin nito.
"Let's go, sayaw tayo," hila ni Kenneth sa 'kin at sumayaw kami sa saliw ng maharot na tugtog.
Sinulit ko na rin, matagal-tagal na rin mula noong huli akong lumabas at nagwalwal, nasa Amerika pa ako noon kaya sasamantalahin ko na rin. Hingal na kami ni Kenneth sa kasasayaw nang biglang nagbago ang timpla ng kanta at naging sweet music 'yon.
Mabilis akong niyakap ni Kenneth, gusto ko sanang tumutol at bumalik na sa mesa nang marinig ko ang pakiusap nito.
"Stay," usal nito kaya wala na akong nagawa kundi ang sumandal sa balikat nito at ninamnam ang pag-indak ng aming katawan.
"I like you so much, Kath, I want you to be my woman," anito.
Namanhid ang aking dila maging ang aking lalamunan ay natuyo dahilan upang mauhaw ako.
"Kenneth, upo na tayo, nauuhaw ako," bulong kong wika imbes na sagutin ang sinabi nito.
Nang tingnan nito ang mukha ko ay naroroon ang pagsusumamo.
"Okay, gusto mo bang kuhanan kita ng maiinom—"
"No, it's okay, ako na," mabilis kong wika saka naglakad patungo sa buffet area.
Wala akong narinig pa na pagtutol kay Kenneth at nakita kong naiiling na nakatingin sa 'kin papalapit sa kinaroroonan ng mga drinks. Paglingon ko rito ay nakita kong may tatlong lalaki itong kausap, marahil ay mga barkada o kaibigan nito. Nagtatawanan at nagkakantiyawan ang mga ito, kaya medyo lumuwag ang aking dibdib.
Saktong kakainom ko lang nang may tumawag sa 'king pangalan.
"Katherine, right?" anito.
Agad akong napalingon. Nakita ko ang isang babaeng namumukhaan ko, kaklase ko sa isang subject.
"Yes, and you are—"
"Wendice Espenosa, magkaklase tayo sa Trigo—" putol na naman nito nang ako na ang magtuloy.
"Trigonometry, right?" anang ko.
Lumawak ang pagkakangiti ng babae.
"Yes, mabuti naman at natatandaan mo ako," masayang wika nito.
"Of course, makakalimutan ko ba ang babaeng naka-perfect ng long quiz ni Mr. Mallari," bulalas ko rito with a friendly smile.
Napatawa ito. "Thank you for the compliment, sorry kung nagambala kita, mukhang ayaw kang pakawalan ni Ken," anito.
Naisip ko agad tuloy na kilala nito si Ken.
"Yeah, may pagka-possessive ang partner ko," biro ko rito pero nakita kong sumeryoso ang mukha nito dahilan upang matigilan ako.
"By the way, nice meeting you here," anang ko upang magpaalam na sana nang mabilis niya akong inawat.
"Hey, Kath, gusto sana kitang i-invite sa table namin para mapakilala kita sa iba kong friend," anito.
Gusto ko sanang tanggihan pero maagap niya akong hinila at hindi na ako nakaangal pa, nang bigla akong magsisi dahil malayo pa lamang ako ay kita ko na ang nakangising mukha ni Cherry.