Blaire Mackenzie’s POV
“What?! Sinabi niya ‘yon?!”
Dahan-dahan akong tumango kay Aubrey habang diretso lang ang tingin ko sa loob ng sasakyan niya. Kinuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari kahapon sa amin ni Douglas at pati na rin ang pag-alis niya ng hindi nagpapaalam dahil mukhang nagalit siya sa akin.
“Na-offend ka naman ba ng sinabi niya na madali kang maloko dahil sa kabaitan mo?”
“Hindi,” mahinang sagot ko.
Mas iniisip ko pa na galit siya sa akin kaysa ang huling sinabi niya sa akin kahapon. Pakiramdam ko, concern lang siya sa akin kaya niya nasabi ‘yon at nagalit sa akin ang tao na gusto lang naman magmalasakit.
“Mabait lang naman talaga siya ‘di ba?” tanong ko kay Aubrey at nilingon na siya.
Nakasimangot siya habang nakatingin sa akin. Nakaupo kami sa back seat ng sasakyan niya habang ang driver niya naman ang nagmamaneho. Ihahatid niya ko sa Makati Mall kaya sakay ako ngayon ng sasakyan niya.
“Kaya niya na sabi ‘yon kasi concern lang siya,” sambit ko pa.
“Para namang dinedepesahan mo si Douglas,” umiiling na saad niya sa akin.
“Pero ‘yon naman talaga ‘di ba?” tanong ko pa. Kahit ako nalilito na kaya nga lahat kinukwento ko sa kanya kahit na minsan mas nagugulo pa ang isip ko.
Siya lang ang kaibigan ko at gusto kong malaman niya ang lahat. Ayoko naman itago lang sa sarili ko ang nangyari lalo na’t gustong-gusto kong i-kwento sa kaniya.
“Yes, halata ngang concern siya dahil totoo nga naman na wala kang kasalanan. Suot mo ‘yan at ang mga lalaki ang may problema. Tama lang na pinagtanggol ka niya kay Dean dahil hindi mo naman talaga dapat isisi sa sarili mo at hindi na rin ako nagulat na gusto niyang paluhurin si Dean sa harapan mo dahil alam kong mas malala pa roon ang kaya niyang gawin, Blaire. I know him. Kaibigan siya ng kuya ko at ang dami ko ng narinig sa kanya. Masakit din siya magsalita kaya nga nagulat ako sa’yo na hindi ka pa na-offend sa sinabi niya sa’yo na madali kang maloko,” mahabang lintaya niya.
Napabuntong hininga na lang ako at napatingin sa labas ng sasakan. Napadaan kami sa sakayan ng jeep at nakita ko ang mga high school student na pasakay ng jeep. Biglang pumasok sa isip ko ang limang estudyante na two weeks hindi makakapasok dahil sa suspension nila. Pakiramdam ko, ako ang may kasalanan no’n.
“Galit sa akin si Douglas tapos hindi ko pa alam kung paano na ‘yong limang student—”
“Blaire, hindi mo kasalanan kung na-suspend man ‘yong limang ‘yon. Sila ang mga manyak kaya hayaan mo na sila. Kung bumagsak man sila, dahil ‘yon sa kabastusan nila. ‘Yong tungkol naman kay Douglas, ‘wag mong masyadong isipin at dapat nga lumayo ka pa sa kanya. Masungit ‘yon, sabi ko naman sa’yo. Masakit pa magsalita.”
“Hindi naman siya masungit—”
“Dinepensahan mo pa talaga.” Malalim na bumuntong hininga pa si Aubrey.
Hindi naman talaga siya masungit. Mabait si Douglas at talagang seryoso lang siyang tao. Alam kong nasabi niya lang din naman ‘yon sa akin kahapon dahil ayaw niya na parang binibigay ko sa sarili ko ang sisi.
“Porket pinunasan ang pawis mo, feeling mo mabait na,” ani na naman niya. “Akala ko rin bigla ng bumaliktad ang mundo dahil masyadong pa-sweet ang Douglas na ‘yon sa harapan mo kahapon.”
Akala ko tumahimik na si Aubrey pero hindi pa rin pala siya tapos. Ganyan talaga siya at sanay na lang din ako.
“Baka may gusto lang makuha sa’yo si Douglas kaya gano’n. Tsaka na ko maniniwala na totoong mabait si Douglas at interesado sa’yo kapag hindi na siya masakit magsalita sa’yo.”
Napabuntong hininga na lang ulit ako at sinukbit ko na ang tote bag ko sa balikat ko dahil malapit na kami sa gate ng SM Makati. Dito ako nagpahatid sa kanya dahil malapit lang din naman ‘to sa bahay niya.
“Mauna na ko,” paalam ko kay Aubrey at humarap na sa kanya.
Nakita ko na nakasimangot na naman siya pero hinalikan ko pa rin ang pisngi niya.
“Hindi mo ba talaga ko isasama?” tanong niya.
“Hindi na,” sagot ko. “Tsaka saglit lang ako at ‘di ba pinapauwi ka na ng Kuya mo?”
“Ay oo nga pala!” nanlaki pa ang mga mata niya nang maalala. “Lagot na naman ako sa Kuya ko!”
Napailing na lang ako at binuksan na ang pinto sa gilid ko. Lumabas ako ng sasakyan at isasara na sana ang pinto ng tawagin ako ni Aubrey kaya sumilip pa ko sa loob.
“Alam mo naman na best friend mo ko, Blaire. Ayoko lang na masaktan ka ng lalaki lalo na ni Douglas kaya mag-ingat ka sa kanya.”
Tumango agad ako sa kanya at tuluyan ng sinara ang pinto. Hinintay ko munang makaalis ang sasakyan nila na sinundan ko pa ng tingin hanggang sa mawala sa mga mata ko. Alam na alam kong concern siya sa akin.
Napabuntong hininga ako at tatalikod na sana para pumasok sa mall ng mapatingin ako sa building na nasa harapan mismo ng mall. Napaawang ang labi ko nang makita ang pangalan ng building.
“Parker Company.”
Napatingala ako at halos malula ako sa taas ng building. Nasa baba pa lang ako pero nalulula na ko, paano pa kaya kapag nasa tuktok na ko.
Sa tingin ko kailangan ko siyang makausap…
Kaya imbis na pumasok sa mall, naglakad na lang ako patawid sa kabilang kalsada. Hindi ko alam kung talagang tadhana ‘to pero bahala na. Nagpunta lang naman ako rito sa SM Makati dahil dito lang may malapit na branch ng favorite kong kainan ng ice cream.
Pero baka nga tadhana na rin ‘to para makausap ko si Douglas dahil hindi niya na naman ako pinatulog sa kakaisip sa kanya. Sa galit niyang mukha at pati na rin sa mga estudyante na hindi makakapasok.
“Good afternoon, Ma’am. Ano pong kailangan nila?” bati sa akin ng security guard ng kumpanya.
“Ahm… Kay—”
“Papasukin mo.”
Napatingin ako sa nagsalita na nasa likod ng guard at nakita ko si Axel. Napangiti agad ako sa kanya at sinunod agad siya ng guard. Umalis ang guard sa harapan ko kaya humakbang ako papasok sa kumpanya ni Douglas.
“Salamat, Axel. Gusto ko lang kasi sana na makausap si Doug—”
Hindi pa ko tapos sa pagsasalita pero tumalikod na agad siya sa akin at naglakad palayo, “Sumunod ka,” saad niya.
Mabilis na gumalaw ang mga paa ko at sinundan si Axel. Hindi ko mapigilan na iikot ang mga mata ko sa ganda ng kumpanya ni Douglas. Nasa lobby pa lang ako pero parang nasa hotel na rin ako. Napakalaki at spacious.
“May gagawin pa ko, ikaw na ang pumunta sa kanya.”
Bumalik ang tingin ko kay Axel na nasa harapan ko. Inipit ko ang buhok ko sa likod ng tenga ko, “Sige.”
Akala ko papasok kami sa isa sa apat na elevator na nakahilera pero nilagpasan namin ‘yon. Napatingin pa ko sa tapat ng apat na elevator at may apat din na elevator doon. Ang daming elevator pero hindi kami roon sumakay. Maghahagdan lang ba kami?
“Bad mood si boss kaya kung mabato ka ng ballpen, saluhin mo na lang agad.”
“Hah?” Napaawang ang labi ko kay Axel. Nagbibiro lang ba siya?
Bigla siyang huminto sa paglalakad at humarap sa akin. Napahinto rin ako sa paglalakad at napatingala sa kanya. Matangkad din siya tulad ng boss niya.
“Private elevator ‘to ni Boss. Dadalhin ka nito mismo sa opisina niya,” pagpapaliwanag niya.
Napatingin ako sa gilid namin at doon ko nakita ang nag-iisang elevator. Napatango-tango ako kay Axel at muling napatingin sa kanya.
Ipinasok niya ang kamay niya sa loob ng coat niya at may hinugot. Isang card ‘yon at tinapat niya sa scanner ng elevator. Napaawang na lang ang labi ko ng bumukas bigla ang elevator.
“Pasok na,” utos niya. Tulad ng boss niya, seryoso rin siyang tao.
“Salamat.”
Pumasok na ko sa loob at napahawak ako sa strap ng tote bag ko. Napatingin ako kay Axel na nakatayo lang sa labas ng elevator.
“Pindutin mo ang gold button,” utos niya.
“Sige-sige,” mabilis na sagot ko.
Sinunod ko ang utos niya at pinindot ko nga ang gold button. Dahan-dahan na nagsara ang elevator at nakita ko ang sarili ko sa reflection. Tumingin ako sa likod ko at nakita ko ang labas ng kumpanya. Laglag ang panga ko habang paangat ako nang paangat dahil mas lumiliit ang mga sasakyan na dumadaan.
Ang mall na nasa tapat ng kumpanya ni Douglas ay parang naging laruan na lang. Talagang higante ang kumpanya niya. Ganito siya kayaman… Hindi na rin nakakagulat dahil mayayaman talaga lahat ng kaibigan ni Sawyer at halata rin naman sa itsura ni Douglas.
Tumunog ang elevator kaya napaharap na ko sa pinto. Dahan-dahan na bumukas ang elevator at sigaw agad ang narinig.
“You are stupid! I don't need people like you in my company! You cunt! Go out! Masisira mo lang ang reputasyon ng kumpanya ko!”
Napaawang ang labi ko ng makita ko si Douglas na pulang-pula sa galit habang ang isang babae na nakatalikod sa gawi ko ay nakayuko na lang at naririnig ko ang paghikbi. Sa tingin ko nakagawa ng mali ang babae kaya nagagalit ngayon si Douglas.
“You are fired!”
Biglang humarap sa akin ang babae at nataranta ko kaya lumabas ako ng elevator at siya namang pumasok sa loob. Mukhang wrong timing ang pagpunta ko. Tama rin si Axel dahil bad mood nga si Douglas.
“What are you doing here?”
Napatalon pa ko sa gulat dahil sa pagtatanong sa akin ni Douglas. Kaming dalawa na lang naman ang tao kaya sigurado ako na ako ang tinatanong niya.
Dahan-dahan akong lumingon kay Douglas at sumalubong na naman sa akin ang seryoso niyang mukha habang nakaupo siya sa swivel chair niya. “Sorry, pinaakyat na kasi ako ni Axel. Gusto ko sana na makausap ka,” nahihiyang saad ko.
“Talk.”
“Uhm, kasi hindi maganda ‘yong—”
“Hindi ka ba muna lalapit?” malalim ang boses na tanong niya.
Napakagat ako sa ibabang labi ko at nagsimulang maglakad palapit sa lamesa niya. Ang bilis-bilis na naman ng kabog ng dibdib ko hanggang sa huminto ako sa harapan ng table niya.
“Kasi, Douglas—”
“Ang layo mo pa rin.” Napakurot ako sa pantalon na suot ko at huminga nang malalim.
Parang bigla na lang nagulo ang pagkaka-tuck-in ng t-shirt ko sa pantalon ko dahil sa kaba ko.
“Come here, Blaire,” he gently uttered.
Muli akong humakbang palapit sa inuupuan niya at huminto lang ako sa gilid ng swivel chair niya. Kinuha niya agad ang kamay ko at napangiti ako dahil pakiramdam ko, hindi naman siya galit sa akin.
Kitang-kita ko na rin na kalmado siya habang nakatingin siya sa kamay ko pero ang bilis-bilis pa rin ng bawat pagtibok ng puso ko.
“Okay ka lang ba?” tanong ko imbis na sabihin kung bakit ba talaga ko nandito. “Sorry, bigla na lang akong dumating. Naabutan ko pa tuloy na pinapagalitan mo ang empleyado mo.”
“She did not know how to work correctly and tried flirting with me. I don't need a slut in my company, Blaire.”
Kaya pala galit na galit siya sa babae kanina. Tama nga ang sinabi sa akin ni Aubrey. Iniiwasan nga ni Douglas ang mga babae at grabe nga talaga siya magsalita. Kahit sino ay hindi magugustuhan na marinig siyang magsalita ng hindi maganda.
“Hmm… So, why are you here, Blaire?” Kinuha niya ang bag na nakasukbit sa balikat ko at ipinatong niya sa lamesa niya.
“Ah, kasi hindi talaga ko mapakali dahil sa huli nating pagkikita. Mukhang galit ka kasi sa akin. Kaya sorry, Douglas. Tama ka, hindi ko dapat inaako ang kasalanan.”
“You think about me?" He smirked.
Dahan-dahan akong tumango sa kanya at mas lalong lumaki ang ngisi sa labi niya dahil sa pagtango ko.
“I’m not mad, Blaire. Ayoko lang na masyado kang mabait sa lahat ng tao dahil baka samantalahin nila ‘yon.”
“Salamat.”
Iba rin talaga ang dating kapag nagtatagalog siya sa harapan ko at mahaba ang sinasabi. Madalas kasi na English ang ginagamit niya kaya na-a-amaze ako kapag naririnig ko siyang magtagalog. Diretsong-diretso pa.
“At may hihilingin din sana ako…” dagdag ko pa.
Tumaas ang dalawang kilay niya sa akin at hinintay ang susunod na sasabihin ko pa. Nahihiya talaga ko pero hindi na rin kaya ng kunsensya ko.
“Pwede bang iurong mo na ‘yong suspension ng mga school mate ko?” pakiusap ko. “Lahat gagawin ko basta pumayag ka lang, Douglas.”
Desperada na talaga ko dahil hindi rin naman kaya ng kunsensya ko. Kapag dalawang linggo silang wala sa school, siguradong marami silang ma-mi-missed at baka ikabagsak nga nila.
“I am a businessman, Blaire. May kapalit ang lahat sa akin. Let's make a deal if you want something from me."
“Kahit ano, gagawin ko, Douglas.”
Tumayo siya sa inuupuan niya ng hindi binibitawan ang kamay ko. Dahan-dahan niyang pinulupot ang isa niya pang kamay sa bewang ko at hinapit ako palapit sa kanya.
“Date me from now on, and I will withdraw the suspension of those bastards.”