JENNIE
“Paano kung ayaw ko pong sumali sa organisasyon ninyo, sir?” lakas loob na tanong ko.
“It's up to you, Jennie. I won't force you, but you need to understand the consequences of your actions. Are you willing to risk the lives of your loved ones?” seryosong tanong sa akin ni Sir Alexander.
Biglang bumangon ang kaba sa dibdib ko. Naalala ko ang anak ko. Alam ni Lina ang tungkol kay Baby Jay, dahil palagi kong naku-kwento sa kanya ang anak ko.
Siya lagi ang bukang-bibig ko at dahilan kung bakit ilang ulit akong humiram ng pera sa kanya.
“Sir, pwede ko po bang tawagan ang nag-aalaga sa anak ko?” malakas ang kabog ng dibdib na tanong ko.
“May anak ka?” tila nagulat na tanong naman sa akin ng lalaking katabi ko.
“Oo,” tipid na sagot ko sa kanya.
Tumango naman si Sir Alexander at inutusan ang katabi ko na ipahiram ang cellphone sa akin, para magamit ko.
Agad na nag-dial ako, pero out of coverage area ang cellphone ni Sister Marie. Tinawagan ko rin si Mother Superior, pero hindi ko rin siya makontak.
Naisip ko na baka masama ang panahon sa amin, kaya hindi ko sila matawagan ngayon. Bukod sa kanilang dalawa ay tanging sa tindahan ni Alena ang alam kong contact number na pwedeng tawagan sa lugar namin kapag may emergency.
Dahil memorize ko naman ang cellphone number ni Alena ay sinubukan kong tawagan ko siya. Nakahinga ako ng maluwag ng narinig ko itong nag-ring, dahil siguradong makakausap ko siya.
“Hello, sino ka?” mataray na tanong ni Alena mula sa kabilang linya ng sagutin niya ang tawag ko.
“Alena, si Jane ‘to. Makikibalita sana ako kung masama ba ang panahon o kaya ay may bagyo d'yan sa atin? Hindi ko kasi matawagan sina sister sa kumbento,” mabilis na paliwanag ko, dahil nahihiya akong gamitin ng matagal ang cellphone ng lalaking katabi ko.
“Paano mo sila tatawagan kung patay na sila, Jane?” tanong sa akin ni Alena.
Pakiramdam ko ay biglang sumabog ang ulo ko ng marinig ko ang sagot ni Alena.
“Sino ang patay?” malakas ang kabog ng dibdib na tanong ko.
“Silang lahat sa kumbento,” mabilis na sagot ni Alena.
Ramdam ko kung paano biglang nag-ulap at nanlalabo ang mga mata ko, pero pilit na pinipigilan kong umiyak, dahil baka umiiral na naman ang pagiging maldita ni Alena at niloloko lang niya ko.
Mabilis ang paghinga ko at walang salitang lumabas sa labi ko. Nag-iisip muna ako habang pilit na kinakalma ang sarili ko.
“Nandyan ka pa ba, Jane?” tanong ni Alena sa akin.
“O-oo,” nauutal na sagot ko.
“Anong nangyari? Bakit sila namatay? Ang anak ko? Nasaan siya, Alena?” sunod-sunod na tanong ko.
“Nasunog noong isang gabi ang kumbento. Ang bali-balita dito sa atin ay sinadya raw ang nangyari. May mga lalaki raw ang nakitang pumunta doon at binuhusan ng gasolina ang buong paligid kaya, mabilis kumalat ang apoy at walang nakalabas kahit isa sa kanila.”
Pakiramdam ko'y biglang tumigil ang mundo ko. Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak ko ng mahigpit ang cellphone na hiniram ko sa tauhan ni Sir Alexander.
“Ang anak ko,” nanghihinang sambit ko.
“Kasama siya sa nasunog, Jane.”
Walang paalam kay Alena na naibaba ko ang cellphone na hawak ko. Biglang na blangko ang isip ko at natulala ako sa harap ng mga kasama ko.
Ang anak ko, kawawa naman siya. Napakabata pa niya, para mangyari iyon sa kanya.
Kawawa naman ang anak ko, maging ang mga madreng kasama niya sa kumbento. Kahit isa sa kanila ay wala man lang daw nakaligtas sa sunog, kaya lalong nadurog ang puso ko, habang tahimik na lumuluha at nagluluksa.
“I won't ask you kung ano ang nangyari, because I can clearly see in your eyes that you are bleeding inside, Jennie.” Narinig kong sabi ng kaharap ko.
“Cry as much as you want, but that is not enough in this lifetime. You need to be tough at harapin mo ang bawat pagsubok na dumating sa buhay mo, kahit mahirap. That pain you are feeling right now, use it, para protektahan mo ang sarili mo.”
Hindi ko maunawaan kung bakit ito sinasabi ni Sir Alexander. Alam kong makapangyarihan siya, may malawak na koneksyon dahil nakuha niya ako sa poder ng sindikatong pinagdalhan sa akin ni Lina, kaya naisip kong humingi ng tulong sa kanya, para alamin kung mga tauhan ba ng sindikato ang may kagagawan ng sunog sa kumbento.
“What would you do if you find out na mga tauhan nga ng sindikato ni Agustin ang may pakana ng sunog sa lugar mo?” nag-aarok na tanong ni Sir Alexander sa akin.
“Pagbabayarin ko sila, lalo na ang babaeng dahilan kaya napunta ako sa casa,” matigas na sagot ko.
“Deal,” mabilis na sagot ng kaharap ko.
Nagkibit-balikat si Sir Alexander at may tinawagan siya. Hindi nagtagal ay may babaeng dumating, dala ang isang mamahaling laptop at binigay sa kanya.
Tinanong niya ako, kung ano ang pangalan ng kumbento at lugar kung saan kami nakatira sa Mindoro. Sinabi ko sa kanya ang address at hindi nagtagal ay may pinakita siyang larawan sa akin.
Tanging ilang pirasong pader na lamang ang natirang nakatayo sa kumbento. Nawala na ang malaking building at nasunog nga ang buong lugar.
Base sa nabasa ko sa balita online ay naganap umano ang sunong noong isang gabi. Ibig sabihin ay ilang araw akong walang malay at sa mga panahong iyon ay natunton na pala ng sindikato ang lugar kung nasaan ang anak ko at posibleng sila ang may kagagawan ng sunog sa kumbento.
Ilang balita online pa ang nabasa at napanood ko. Iisa ang laman ng mga ito, lahat ay tungkol sa naganap na sunog at wala umanong nakaligtas, kahit isa sa mga taong nasa loob nito.
Hindi ko alam kung paano ko naibalik ng maayos kay Sir Alexander ang laptop niya. Ayaw kong umiyak sa harap nila, dahil hindi ko gugustuhin na maging kawawa sa harap ng ibang tao, pero hindi ko napigilan ang sarili ko, dahil nagluluksa ako sa pagkawala ng anak ko.
“Patrick, send her back to her room.” Narinig kong utos ni Sir Alexander sa tauhan niya at pagkatapos ay bumaling sa akin.
“Rest well, Jennie. I will talk to you soon, kapag nakuha ko na ang results ng investigation natin.”
Bumalik ako sa silid kung saan ako nagising, kasama si Patrick. May dumating rin na doktor at sinuri ako. Kung anu-ano ang tinanong niya sa akin, pero tanging tango at iling lamang ang kaya kong gawin, dahil hanggang ngayon ay hindi ko matanggap ang pagkawala ng anak ko.
Ang tanging gusto ko ngayon ay iwan nila ako at umalis silang lahat sa silid na ito. Gusto kong mapag-isa at maglupasay ng iyak, pero hindi ko magawa dahil kasama ko sila.
Tulalang nakahiga lamang ako sa kama, habang nakatitig ang nanlalabong mga mata sa kisame. Balewalang umaagos ang luha sa pisngi ko, habang walang ibang laman ang isip ko kung ‘di ang masayang memorya ng anak ko.
Lumayo ako para sa kanya at makapag-hanap ng maayos na trabaho. Ako lang ang meron siya at gusto ko siyang mabigyan ng maayos na buhay, pero hindi ko na iyon magagawa. Wala ng saysay ang lahat. Pakiramdam ko ay wala na akong dahilan para mabuhay, dahil lahat ng ginagawa ko ay para sa anak ko.
Mahal na mahal ko siya. Kahit mahirap ang buhay sa probinsya ay ginawa ko ang lahat, para mabuhay kami ng marangal, pero sadyang napakalupit ng mundo dahil kinuha agad Niya sa akin ang anak ko sa pinakamalupit na paraan.
Hindi ko alam kung paano ako nakatulog. Basta na lang ako nakaramdam ng antok habang umiiyak. Sa palagay ko ay may halong gamót pampatulog ang tinurok sa akin ng doctor kagabi, kaya umaga na ako muling nagising.
Pakiramdam ko ay hinang-hina ako at walang lakas. Akmang babangon sana ako ng bumukas ang pintuan at pumasok ang isang magandang babaeng nakasuot ng puting damit at may dalang tray ng pagkain.
“Kumain ka muna, miss.”
Ngumiti siya sa akin at inilapag sa gilid ng kama ang dalang tray na may lamang pagkain ko. Wala akong ganang kumain, kaya tiningnan ko lang ito at hindi umimik man lang para kausapin ang nurse na kasama ko.
Napakabigat kasi ng pakiramdam ko sa dibdib ko. Para akong manika na nakikita ng mga tao sa paligid ko, pero walang buhay.
Dumating na ako sa puntong nagtatanong ako sa sarili ko, kung mahal ba talaga ako ng Diyos. Pakiramdam ko ay pinarurusan ako ng Panginoon, dahil hindi ako tumupad sa pangako ko sa Kaniya.
Siguro ay galit na galit Siya sa akin, dahil nangako ako sa Kaniya, pero hindi ako tumupad. Buong buhay ko ay gusto ko Siyang pagsilbihan, pero natalo ako ng tukso, kaya ngayon ay pinagbabayaran ko ang nangyari.
Napakalupit Niya. Kinuha Niya ang lahat ng mga taong mahalaga sa akin. Wala Siyang itinira, kaya ano pa ba ang dahilan para mabuhay ako at maniwala sa Kaniya?
“Why are you not eating your food?” Narinig kong tanong sa akin ni Sir Alexander.
Dumating pala siya, pero hindi ko man lang namalayan na pumasok siya dito sa silid na kinaroroonan ko. Masyadong occupied ang isipan ko at napakarami kong iniisip, para mapansin ko kung ano ang nangyayari sa paligid ko.
"As promised, this is the list of individuals who set the convent on fire."
Inabot niya sa akin ang hawak na puting folder. Agad na kinuha ko ito at mabilis na binuklat para makita kung sino ang mga demonyong may kagagawan kung bakit namatay ang anak ko.
Iba't ibang mukha ng anim na lalaki ang nakita ko. Unang tingin pa lang ay sigurado na akong hindi ko sila kilala.
Hindi ko akalain na may CCTV pala sa aming lugar at malinaw na nakita sa footage kung sino ang mga lalaking pumunta sa kumbento para sunugin ito.
“Kung magiging bahagi ka ng organisasyon ko at magtatagumpay ka sa training mo, ibibigay ko sila sa iyo bilang premyo. Rest assured, you will have their heads once you succeed,” sabi sa akin ni Sir Alexander, habang nakatitig ang mga mata ko sa mga larawang nasa harap ko.
“Tinatanggap ko ang offer mo. Handa na akong sumali sa organisasyon mo, sir Alexander.”
Walang pagdadalawang-isip na tinanggap ko ang offer niya. Gagawin ko ang lahat, para maipaghiganti ko ang anak ko at ang mga inosenteng buhay na nadamay ng sunugin nila ang kumbento.
“Sa oras na pumasok ka sa organisasyon, there's no way out than death, Jennie. Think about it, carefully.”
“Buo na po ang pasya ko,” matigas na sagot ko.
Naiintindihan ko ang hatid na panganib ng gagawin ko, pero buo na ang loob ko. Walang mangyayari kung aasa ako sa hustisya at batas dito sa Pilipinas.
Wala akong pera para ilaban ang kaso sa korte. Hindi ako makapangyarihan, gaya ng sindikatong nagpasunog sa kumbento. Marami silang pera, armas at koneksyon. Doon pa lang ay talo na ako. Wala akong ibang kakayahan. Mahina ako, kaya naisip kong tanggapin ang tulong ni Sir Alexander, dahil kailangan ko ang tulad niya para makamit ko ang hustisya.
“Fine, I'll support you in your own war. You can use all my resources, but make sure that you will give me your loyalty, Jennie, because I'm telling you, I'm not nice at all, sa mga taong tina-traydor ako.”
Mabilis akong tumango. “Marunong po akong tumupad sa usapan at tumanaw ng utang na loob, Sir Alexander,” seryosong sagot.
Gumalaw ang mga kilay ng lalaking kausap ko. Seryoso ang ekspresyon ng mukha na tumango-tango siya at makalipas ang ilang segundo ay muling nagsalita.
“Get ready, aalis ka in thirty minutes.”
Hindi ako nagtanong. Wala naman kasing mangyayari kung tatanungin ko siya, kung saan ako pupunta, dahil sa kanya nakasalalay ang buhay ko ngayon.
Mabigat ang pakiramdam na bumangon ako at naligo. Sapat ang thirty minutes na binigay ni Sir Alexander, para gawin ko ang mga dapat kong gawin.
Hindi nagtagal ay pumasok dito sa silid si Patrick para sunduin ako. Sinabi niyang handa na ang lahat, kaya mabilis na lumabas kami ng bahay at sumakay sa sasakyan.
Hindi ko akalain na dito sa airport pala kami pupunta. Wala akong ideya na sasakay ako sa eroplano at aalis ng bansa, dahil wala naman akong passport o kahit anong documents na dala.
Hindi ako nakatiis, bumaling ako kay Patrick at nagtanong. “Saan tayo pupunta?”
“Hindi mo alam?” tanong rin nito pabalik sa akin, kaya mabilis akong umiling.
“Sa Russia, doon ka mag-ta-training.”
Nakaramdam ako ng takot at kaba, dahil wala akong ideya kung ano ang mangyayari sa akin sa lugar na sinabi ni Patrick. Nilakasan ko ang loob ko. Kailangan kong maging matatag at matapang, para makamtan ko ang hustisyang gusto kong ibigay sa anak ko.
Kasabay ng pag-angat ng eroplanong sinasakyan ko paalis ng bansa at maghahatid sa akin sa Russia ay lihim na pinangako ko sa sarili ko na kahit anong mangyari ay babalik ako dito sa Pilipinas.
Hindi ako pwedeng magtagal doon.
Babalikan ko at pagbabayarin ang mga taong naging dahilan, para masira ang buhay ko, namin ng anak ko.