JENNIE
Maswerte ako, dahil kahit nagalit sa akin si lola ay pinatawad niya ako at tinanggap maging ang batang naging bunga ng kasalanan ko. Hinusgahan ako ng mga kapitbahay namin, maging ng mga taong nakapaligid sa amin at nakakakilala sa akin. Tanging siya lamang ang naging karamay ko sa lahat ng pinagdaanan ko, habang pinagbubuntis ko ang anak ko.
Mahirap man, pero ginawa niya ang lahat para mabuhay ako ng normal. Walang alam ang aking ama sa nangyari sa akin, maging ang iba pa naming mga kamag-anak, dahil nakiusap ako kay lola na hayaan na lang muna niya akong magsabi sa aming kapamilya kapag may lakas na ako ng loob na harapin sila.
Maraming nagbago sa buhay ko. Natigil ako sa pag-aaral. Naputol ang mga pangarap ko at bigla akong naging batang ina sa edad na nineteen.
“Jane, ano ka ba namang bata ka, umiiyak ang anak mo!” malakas na sigaw ni lola.
Iyakin talaga si baby Jay. Kamukhang-kamukha siya ng kanyang ama at kahit hindi ko sinabi kay lola noong una, kung sino ang nakabuntis sa akin ay hindi ko rin naitago sa kanya ang katotohanan ng isilang ko ang anak ko.
“Sandali lang po, lola,” malakas na sagot ko.
Naglalaba kasi ako ng mga damit namin, pero nagising ang anak ko at umiyak na naman. Kadarating lang ni lola galing sa simbahan at naabutan akong pawisan dahil sinamantala kong tulog ang bata para gawin ang gawaing bahay.
“May dala akong puto, kumain ka muna ng almusal, Jane, bago mo pasusuhin si baby, para may laman ang tiyan mo,” sabi ni lola.
Napangiti ako, paborito ko ang puto na gawa sa bigas at kapag nakakita si lola na may nagtitinda sa labas ay bumibili kahit ilang piraso lang para sa akin.
Magkatuwang naming binubuhay ang anak ko. Mabuti na lang at kahit paano ay nagbibigay ng sustento sa amin si papa, kaya hindi kami gaanong hirap sa buhay, pero natuto na rin akong magtrabaho, kahit pinagbabawalan ako ni lola.
Matapos kumain ay mabilis akong naligo at nagbihis. May customer akong naghihintay mamayang ten o'clock para magparebond. Nagamit ko ang pinag-aralan ko sa TESDA, kaya malaking tulong ito sa gastusin namin ni lola.
Sa ganito umiikot ang buhay ko araw-araw. Isang taon na ang anak ko ng muli ay subukin ako ng tadhana. Nawala si lola, matapos masagasaan ng rumaragasang kotse sa kalsada.
Dumating ang mga kamag-anak ko, maging si papa sa araw ng burol ni lola, pero isang malakas na sampal ang natanggap ko mula sa kanya at panlalait mula sa mga kapatid niya, matapos nilang malaman na may anak ako at walang asawa.
Pakiramdam ko ay mag-isa lamang ako sa mundo, habang tinitingnan ko ang anak ko. Kailangan naming mabuhay, kahit nawala ang nag-iisang taong sinasandalan ko at gumagabay sa akin ay ayaw kong sukuan ang anak ko, kahit iniwan kami ng kanyang tatay.
Lumaki akong mula sa isang broken family. Nang namatay ang panganay na kapatid ko ay naging magulo ang buhay ng mga magulang ko at pinili nilang maghiwalay.
Ako ang napag-balingan ni mama. Palagi niya akong sinasaktan noon, kahit sa maliit na bagay at mas madalas ay wala akong alam na nagawang kasalanan.
Kinuha ako ni lola at lumaki sa poder niya. Buhay pa noon si lolo na siyang kasama namin dito sa bahay, pero dahil sa komplikasyon sa nabali raw na buto dahil sa isang aksidente ay maaga siyang kinuha sa amin, kaya tanging kaming dalawa lamang ni lola ang magkasama habang lumalaki ako.
Ang akala ko ay ang pagkawala ni lola ang pinakamabigat na pinagdaanan ko, pero mas lalo lamang akong nalugmok sa hirap ng nagkasakit ang anak ko at walang kahit isa sa kapamilya ko ang tumulong sa akin.
“Anong plano mo ngayon, Jane?” tanong ni Sister Marie sa akin, habang tulala akong nakatayo at pinagmamasdan ko sa loob ng emergency room ang anak ko.
“Kailangan ko pong maghanap ng mas maayos na trabaho. Yong kikita po ako ng malaki, sister,” walang buhay na sagot ko, habang hindi inaalis ang mga mata sa anak ko.
Sinugod kasi ako ng mga kapatid ni papa, matapos nilang malaman na ibebenta ko sana ang bahay at lupang iniwan ni lola. Sinaktan nila ako, dahil wala raw akong karapatan na ipagbili iyon, kahit noon pa man ay alam naman nilang lahat na sa akin iyon iniwan ni lola.
“Pagsubok lang ito, Jane, para mas lalo kang mapalapit sa Panginoon at huwag makalimot na tumawag sa Kaniya, ngayon kailangan mo ng karamay,” mahinahon na sabi sa akin ni Sister Marie na nakatayo rin katabi ko.
Malakas ang pananampalataya ko sa Panginoon, pero paulit-ulit na sinusubukan naman ako ng tadhana. Sunod-sunod ang trahedyang nangyari sa buhay ko matapos kong makagawa ng malaking kasalanan.
“Sister, pinarurusahan na po yata ako ng Panginoon, dahil nakagawa ako ng isang malaking pagkakamali at hindi ko natupad ang pangako ko sa Kaniya,” napasigok na sabi ko, sabay pahid ng tumulong luha sa pisngi ko.
“Huwag kang mag-isip ng ganyan, Jane. Mabait ang Panginoon. Kahit gaano pa kalaki ang pagkakamaling nagawa natin sa Kaniya ay siya ang unang nakakaunawa sa atin. Pinatatawad Niya tayo, kahit hindi tayo humihingi ng tawad sa Kaniya.”
Mas lalo akong napaiyak. Ang ganda ng words of wisdom ni sister, kaya lang, dumating na ako sa puntong pinanghihinaan na ako ng loob dahil pakiramdam ko ay kahit maghapon at magdamag akong nananalangin ay wala akong makuhang sagot sa mga problema ko.
“Bakit hindi mo tawagan ang iyong ama, Jane?” malumanay na tanong ng madreng kausap ko. “Tatay mo siya, hindi ka niya matitiis.”
“Susubukan ko po, sister,” nakayukong sagot ko.
Inabot niya sa akin ang kanyang de- keypad na cellphone. Kahit nahihiya ako ay agad na kinuha ko ito at tinawagan si papa.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko habang nag-riring ang number ng aking ama, hanggang narinig kong sinagot ni papa ang tawag ko.
“Papa, ako po ‘to si Jennie,” lakas loob na pakilala ko.
“Bakit ka tumawag?” malamig at tila walang gana na tanong sa akin ng aking ama.
“Nandito po ako ngayon sa hospital. Si baby po kasi, na dengue raw,” naluluhang sagot ko.
“Hindi ako doctor na gagamot sa anak mo para tawagan mo, Jennie.”
Malamig ang pakikitungo sa akin ni papa. Sanay na akong ganito siya, pero masakit pa rin talaga, kapag naririnig kong parang balewala ako sa kanya at wala siyang amor sa akin.
Bumagsak ang mga luha mula sa mga mata ko. Alam ko na ang susunod na sasabihin ni papa, pero naglakas loob ako.
“Kailangan ko po ng tulong mo, kahit ngayon lang,” napa-hikbi na sabi ko.
“Kailangan pong salinan ng dugo ni baby sa lalong madaling panahon, pero wala po akong mahanap na donor. Wala rin po akong pambili sa blood bank.”
Nagmakaawa ako sa aking ama. Nilunok ko ang pride ko, alang-alang sa anak ko, mabuhay lang siya.
“Sige, padadalhan kita sa account number mo, pero ito na ang huli Jennie. May tatay ang anak mo, responsabilidad ka niya. Huwag siyang mag-anak, kung hindi niya kayang panindigan.”
Pikit-matang tinanggap ko ang bawat masakit na salitang naririnig ko mula sa aking ama. Balewala ang insultong natanggap ko, dahil mas mahalaga sa akin ang buhay ng anak ko.
Hindi nga nagtagal, may dumating na sampung libo sa G-Cash account ko para pambayad sa hospital bill ni baby Jay. May pupunta rin dito sa hospital mula sa mga katrabaho ni papa sa Arm Forces para mag-donate ng dugo sa anak ko.
Tinupad ni papa ang sinabi niya, kaya dapat rin akong sumunod sa usapan naming dalawa. Kailangan kong panindigan ang sinabi kong hindi na ulit ako lalapit sa kanya, kaya nang lumabas kami ng anak ko sa hospital ay isang mabigat na pasya ang ginawa ko.
Labag man sa loob ko ay nakiusap ako kay Sister Marie na iiwan ko muna sa kumbento ang anak ko. Pumayag naman siya ng sabihin kong kailangan kong mag-hanap ng maayos na trabaho, para sa aming dalawa ng anak ko, dahil alam naman niyang wala akong kamag-anak na pwede kong pagkatiwalaan para mag-alala kay baby.
Hindi naging madali para sa akin ang makapag-hanap ng maayos na trabahong pwede kung pasukan. Bagong salta ako dito sa Maynila, pero nilakasan ko ang loob ko, dahil ang anak ko ang inspirasyon ko.
Alam kong hindi siya pababayaan sa kumbento, kaya panatag ako, kahit mahirap ang trabahong pinasukan ko ay nagsumikap ako para makapag-padala ako ng sustento sa anak ko.
“Jane, sasama ka bang rumaket sa akin mamayang gabi?” tanong ng kasamahan ko dito sa trabaho na si Lina.
“Sure ka ba na legal ‘yan?” tanong ko sa kanya, dahil sinabi niyang malaki raw talaga ang kita.
“Oo naman, akong bahala sa iyo,” nakangiting sagot ng kasama ko. “Kapag sumama ka sa akin at big-time ang naging client mo, sure na tiba-tiba ka, kaya hindi mo na iisipin ang pang-gatas ng anak mo.”
Nagtatrabaho kami bilang housekeeping dito sa hotel. Si Lina ang unang nakagaanan ko ng loob at naging malapit ako sa kanya sa loob ng maikling panahong kasama ko siya.
Galante si Lina, kaya ilang ulit akong umutang sa kanya, para makapag-padala ng pera sa anak ko. Magastos na rin kasi sa gatas si baby Jay, kaya kung minsan ay hindi pa umabot sa araw ng sahod ko ay ubos na agad ang pinadala kong pera para sa kanya.
Ayaw ko namang humingi ng tulong sa aking ama, dahil hangga't maaari ay mas mabuting tumayo ako sa sarili kong mga paa. Tama naman ang sinabi niya na responsabilidad ko ang anak ko, namin ng kanyang ama, pero hindi ko na iniisip na hanapin pa si Zi, dahil kahit totoong pangalan niya ay hindi ko alam, kaya wala akong nilagay na kahit anong details at information ng ama ng anak ko sa birth certificate ni baby Jay.
Alam kong balang araw, kapag lumaki na ang anak ko ay magtatanong na rin siya tungkol sa kanyang ama. Sana kapag dumating ang araw na ‘yun, matanggap niya na kami na lang dalawa, dahil simula pa lang ay alam kong hindi alam ng tatay niya na nag-e-exits siya dito sa mundo dahil iniwan ako ni Zi matapos makuha ang virginîty ko.