JENNIE
Masakit ang buong katawan ko, lalo na ang mga kalamnan ko ng magising ako. Tumila na ang malakas na buhos ng ulan, pero naririnig ko pa rin ang malakas na ihip ng hangin, maging ang tunog ng bawat hampas ng alon sa dalampasigan.
Kahit nakakaramdam ako ng pagkahilo at labis na pananakit ng katawan ay pinilit kong bumangon, sa takot na baka abutan ako ni lola na nakahiga at dito natulog sa higaan ni Zi.
Siguradong magtatanong siya at magagalit kapag nalaman niya ang nangyari sa pagitan naming dalawa ni Zi sa loob ng magdamag kagabi.
Napa-ngiwi ako, dahil biglang nanunot ang matinding sakit sa balakang ko, lalo na sa pagitan ng mga hita ko ng gumalaw ako at akmang bababa sa papag.
Ilang ulit akong pumikit at huminga ng malalim, habang hinihintay na mawala ang matinding sakit na nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay nabugbog ng husto ang buong katawan ko, matapos ang ilang ulit na may nangyari sa amin ni Zi kagabi.
Bigla akong napadilat ng maalala ko si Zi. Wala na siya sa tabi ko nang magising ako, kaya mabilis na sinuyod ng mga mata ko ang maliit naming bahay, pero hindi ko siya nakita.
Bigla akong nakaramdam ng hindi maipaliwanag na kaba. Ang bilis ng tíbok ng puso ko. Napakalakas rin ng kabog ng dibdib ko, lalo na nang makita ko ang pulang mantsa ng dugo sa puting kumot na pinagtagpi-tagping tela at mula sa sako ng harina na tinahi ni lola.
Mabilis na inabot ko ang damit pantulog na hinubad ni Zi sa katawan ko kagabi. Kahit masakit ang mga kalamnan ko ay pinilit kong isuot ulit ito at mabilis na inayos ang magulong higaan ng lalaking umangkin sa akin ng paulit-ulit.
Sa loob ng halos dalawang linggo na dito tumuloy sa bahay si Zi ay napapansin kong maaga siya kung gumising at malimit ay pumunta siya sa dalampasigan, kung saan ko siya natagpuan.
Sanay na akong wala siya dito sa bahay sa umaga, dahil maaga siyang umaalis at hinahayaan naman namin ni lola.
Kahit masakit ang balakang at iika-ika ay pumasok ako sa maliit naming palikuran para maglinis ng katawan. Magdamag akong hubad, pero hindi man lang ako nakaramdam ng lamig, kahit napakalakas ng hangin at ulan, dahil parang mga tuyong dahon ang mga katawan namin ni Zi na mabilis mag-init at mag-apoy, kapag magkadikit kaming dalawa.
Napangiti ako ng maalala ko, kung paano niya ako inangkin ng paulit-ulit. Wala sa sariling nakagat ko tuloy ang namamagang labi ko, dahil halos ayaw niya itong tigilan at laging pinang-gigilan.
Kahit malamig ang tubig ay naligo ako. Isipin ko pa lang kasi kung paano naglandas ang mga palad at labi ni Zi sa buong katawan ko ay nag-iinit agad ako.
Dahil nasanay akong nasa dalampasigan si Zi tuwing umaga ay minabuti kong magluto ng aming almusal. Siguradong maya-maya lamang kasi ay uuwi na rin siya, gano'n rin si lola.
Mabilis na lumipas ang oras, natapos na akong magluto at maglinis dito sa loob ng bahay, pero wala pa rin si Zi. Maging si lola ay hindi rin umuwi, kaya minabuti kong lumabas muna ng bahay, para puntahan ang bahagi ng dalampasigan kung saan ko siya malimit matagpuan.
Nagkalat ang mga nalaglag na dahon at naputol na sanga ng kahoy sa paligid, dahil sa malakas na hangin at ulan kagabi. Malakas pa rin ang hampas ng alon, gano'n rin ang ihip ng hangin na tanging naririnig kong ingay habang naglalakad ako.
“Jane, saan ka pupunta?” agad na tanong sa akin ni Alena ng makita ako.
“Ah, tatawagin ko si Zi, para mag-almusal,” nakangiting sagot ko.
Nakita ko kung paano bahagyang nangunot ang noo ng kapitbahay namin, na para bang may mali sa sinabi ko, kaya may hindi magandang ideya ang tumatakbo sa isipan niya.
Bigla tuloy akong nakaramdam na naman ng kakaibang kaba sa dibdib ko sa nakita kong reaksyon ng babaeng kaharap ko.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Jane.
May gusto ka ba kay Zi?” walang ka-ngiti-ngiti na tanong ni Alena sa akin.
Agad na napalunok ako, sabay iwas ng tingin sa kausap ko. “Bakit mo ako tinatanong ng ganyan, Alena?”
Alam kong may gusto siya kay Zi, kaya masungit sa akin ang babaeng ito.
“Wala lang, naisip ko lang na para kayong mag-asawa, kasi nakatira kayo sa isang bahay, tapos pinagsisilbihan at ipinagluluto mo pa si Zi araw-araw.”
Napa-iling na lang ako sa narinig kong paliwanag ni Alena, pero hindi ko na lang pinansin. Tinalikuran ko siya at hindi na nagpaalam pa.
Nang dahil sa kanya ay nalasing si Zi kahapon. Alam kong sinadya niyang bigyan ng alak ang mga tambay sa labas ng kanyang tindahan, para magtagal doon ang kasama ko at mapansin siya, pero hindi nagtagumpay si Alena, dahil sumama sa akin pauwi ang lalaking gusto niya.
Naikot ko na ang batuhan, kung saan ay malimit na pumupunta sa umaga si Zi, pero hindi ko siya nakita. Mukhang wala siya dito at hindi rin pumunta kanina, dahil wala akong nakitang bakas ng paa niya sa buhangin.
Pinili ko ang bumalik na lang sa bahay dahil baka nakauwi na siya, pero hindi ko rin nakita si Zi nang pumasok ako. Mabilis na lumabas ako sa pintuan at malaki ang hakbang na pumunta ako sa labasan para hanapin siya.
Nagtanong-tanong ako, kung may nakakita ba kay Zi at may isang habal-habal driver ang nagsabing nagpahatid raw sa kanya sa terminal sa bayan ang taong hinahanap ko.
Mas lalong kumabog ng malakas ang dibdib ko. Bumilis rin ang paghinga ko at hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman kong gumuhit sa puso ko.
Hindi na nga ako nakapag-pasalamat sa taong nakausap ko. Walang paalam na tumalikod ako at mabilis na naglakad pabalik sa bahay, pero mas lalo lamang akong nakaramdam ng sakit at lungkot, dahil bawat sulok nito ay nagpapaalala sa akin sa lalaking kumuha ng virginîty ko.
Ibig sabihin ay umalis ng walang paalam si Zi sa amin ni lola, matapos ang nangyari sa aming dalawa magdamag.
Sobra akong nasaktan sa nangyari. Hindi ko man lang nagawang kumain ng almusal. Nagkulong ako dito sa bahay at nakabaluktot sa higaan na inabutan ni lola.
“Jane, apo, buksan mo ang pintuan.” Narinig kong sigaw ni lola mula sa labas ng bahay.
Kahit mabigat ang pakiramdam ay pinilit kong bumangon at binuksan ang pinto. Mabilis na inabot ko ang kamay ni lola at nagmano.
“Mano po, lola.”
“Kaawaan ka ng Diyos,” sagot ni lola. “May sakit ka ba, Jane?”
Tipid na ngumiti ako at umiling. “Wala po, lola. Malamig po kasi ang panahon, kaya tinatamad po akong kumilos,” mabilis na sagot ko.
Kalahati ng sinabi ko ay totoo, pero kasabay ng masamang panahon ay nagluluksa ang puso ko, dahil pakiramdam ko ay sinamantala ni Zi ang kahinaan ko at matapos makuha ang pinaka-iingatan ko nang paulit-ulit ay iniwan ako.
Mabilis lumipas ang dalawang linggo, pero hindi na talaga bumalik kahit anino man lang ni Zi. Wala rin kaming natanggap na kahit anong balita tungkol sa kanya, dahilan para lalo lamang akong nakaramdam ng takot at kaba, dahil hindi malayong mabuntis niya ako.
Paulit-ulit rin akong tinanong ni lola kung ano raw ba ang nangyari at biglang umalis si Zi ng walang paalam sa kanya, gayong maayos naman ang lahat bago siya pumunta sa bahay ni Mang Hernan ng araw na nanganak ang asawa nito.
Sinagot ko na lang na hindi ko rin alam para hindi na ako kulitin ni lola. Sinabi ko sa kanya ang totoo na, nagising akong wala na dito sa bahay ang lalaking iyon at nang hanapin ko ay sinabi ng habal-habal driver na hinatid na pala niya sa terminal ng bus sa bayan
Mabilis na lumipas ang araw at linggo.
Maaga pa lang ay paulit-ulit na nagigising akong hindi maganda ang pakiramdam ko. Ilang araw na akong nakakaramdam ng pagkahilo at panghihina, lalo na sa umaga dahilan para magsuka ako.
Bigla akong napatayo ng naamoy kong nagpiprito ng tuyo si lola, dahil ramdam kong naglaway ang loob ng bibig ko at tumigas ang tiyan at sikmura ko.
Naduduwal na naman ako, kaya mabilis na tumakbo ako palabas at nagsuka sa likod bahay. Dahil ganito rin ang naramdaman ko kagabi bago matulog, kaya wala ng laman ang tiyan ko at puro tubig na lang ang lumalabas sa bibig ko.
“Magsabi ka nga sa akin ng totoo, Jane. May boyfriend ka ba?” Narinig kong tanong ni lola mula sa likuran ko.
Sumunod pala siya sa akin dito sa likod-bahay ng makitang tumakbo ako habang tutop ng kanang kamay ko ang bibig ko.
“Wala po lola,” mabilis na sagot ko.
“Huwag ka ng magsinungaling sa akin, bata ka.”
Napa-kurap ako at natigil ang pagduduwal ko. Malumanay kung magsalita si lola, kaya alam ko kung galit siya.
“Hindi ka mabubuntis kung wala kang boyfriend o walang lalaking gumalaw sa iyo.”
Hindi agad ako naka-sagot. Awang ang mga labi na napatingin ako kay lola, kasabay ng panlalabo ng paningin ko ng unti-unting namuo ang mga luha sa mga mata ko.
“Lola…”
“Sabihin mo sa akin ang totoo, sino ang nakabuntis sa iyo, Jane?” may diin ang tinig na utos ni lola sa akin.
"I'm sorry po, lola," nakayukong sagot ko.
Tanging ito lamang ang kaya kong sabihin sa kanya ngayon, dahil natatakot ako.
Mas lalo akong naluha. Mukhang confirmed na nga ang hinala ko na nagbuga ang minsang nangyari sa amin ni Zi bago siya umalis at iniwan ako, pero paano ko ipapaliwanag kay lola ang tungkol dito, gayong maging ako ay sobrang naguguluhan sa nangyari?