"Ano ang gagawin mo ngayon, Juvy?" untag na tanong sa kaniya ng matalik niyang kaibigan na si Jeni. Nakasakay sila ng bus pauwi ng Tarlac. Tuwing weekend ay umuuwi sila ni Jeni sa Tarlac dahil sales lady sila ng mall sa Dagupan at doon na rin sila nangungupahan ng boarding house nila. Inaalagaan ni Juvy ang kaniyang Lola Conching tuwing umuuwi siya ng Tarlac dahil ito na lamang ang mayroon siya. Hindi sila magkasundo ng kaniyang mga magulang dahil may kaniya-kaniyang pamilya ang mga ito.
"Ano pa nga ba?" tanong niya sa kaibigan na nanlalaki ang mga mata habang nakatingin sa kaniyang reaksiyon. "Sa tingin mo?"
"Paano mo haharapin iyong asawa ng kakambal mo? O baka naman wala kang balak na harapin siya?"
Tumingin siya sa bintana ng bus. "Wala akong plano na harapin siya, Jeni. Alam mo naman na pumayag lamang ako sa kagustuhan ng kapatid ko bago siya mamatay. Hindi ko na obligasyon na pakisamahan ang lalaking iyon, no." Binalingan niya ng tingin si Jeni. "Gusto mo na ikaw na lang ang humarap sa lalaking iyon?" nagningning ang mga matang tanong ni Juvy sa kanilang kaibigan. "Ikaw na lang din ang magsabi sa kaniya tungkol kay Rita."
"Anong ako! Loka-loka ka!" Reklamo ni Jeni na nagtaas pa ng boses. Pinagtitinginan sila ng mga kapwa nila pasahero dahil sa ingay ni Jeni. "Kung p'wede nga lang sana, e. Pero alam mo, naaawa ako sa Cold na iyon. Biruin mo, sobrang guwapo niya, mayaman, makisip at..." Dinilaan nito ang ibabang labi. "Hot siya... kasing hot ng panahon dito sa Pilipinas."
"Kunukulit mo ako e. Alam mo ba, na kapag naaalala ko ang mukha ng lalaking iyon ay naaawa ako. Hindi ko siya binalak na lokohin pero ginawa ko iyon dahil sa bilin ng kapatid ko. Last wish niya iyon bago siya mamatay na magpanggap ako na siya sa araw ng kasal niya. Ginawa ko na iyon, Jeni. Pero ang makasama ang lalaking hindi ko naman kilala at hindi ko naman mahal ay never kong gagawin, no. Oo, kasalanan ko na dahil niloko ko siya pero ayoko naman na multuhin ako ng kapatid ko dahil hindi ko nagawa iyong bilin niya. Iniisip ko ngayon si Lola Conching, alam ko na pagagalitan ako non kapag nalaman niya ang ginawa ko. Ginawa ko lang naman iyon dahil sa utang na loob ko sa kapatid ko. Kung hindi dahil sa kaniya baka hanggang ngayon ay hina-hunting pa rin ako ng dati kong boss na si Raul na siraulo at manyak pa. Inakusahan akong nagnakaw ng mga alahas noong naging katulong niya ako kahit hindi naman totoo. Binayaran ni Rita ang lahat ng mga utang ko kaya nagawa ko naman na magpakasal sa napaka-hot niyang nobyo. Pero hindi dahil hot siya ay bibigay na ang Bataan ko sa kaniya no," kinikilabutan niyang kuwento habang inaalala ang gabing hawakan siya ni Cold at ihiga sa kama pagkatapos nilang ikasal.
"Pero konsensiya mo na iyan, Juvy. Alam mo dapat sinabi mo na lang ang totoo na patay na ang kapatid mo. Sa ginawa mong pakikipagkasundo sa kambal mo mas lalo lamang naging kumplikado ang lahat," panenermon sa kaniya ni Jeni. "Lalo mo lamang pinalaki ang problema mo." Kumuha ito ng pera sa pitaka nito at ibinigay ang bayad sa konduktor ng bus. "Tarlac po kuya, galing ng Dagupan," pagpapatuloy ni Jeni habang binibigyan sila ng bus ticket. Nang makaalis ang konduktor ay muling nagsalita si Jeni. "Kung gusto mo samahan kita sa hacienda ng asawa mo, este asawa ng namatay mong kakambal. Malay mo makita ko ulit iyong guwapo niyang bestman," kinikilig na sabi ni Jeni.
Nagsisisi siya ngayon kung bakit niya isinama si Jeni sa araw ng kasal nila ni Cold. Madaldal ang kaniyang kaibigan at baka lalo siyang mapahamak dahil sa katabilan ng dila nito.
"Alam mo huwag na natin iyang pag-usapan dahil mas lalo lang akong kinakabahan," nakairap na aniya sa kinikilig na kaibigan.
"Lalo ka talagang kakabahan kapag dadalhin mo nang matagal ang problema mo, Juvy."
Hindi siya nakaimik sa sinabing iyon ni Jeni. Hanggang ngayon ay nasa isipan pa rin niya ang halik ni Cold. Ang halik na una niyang naranasan sa buong buhay niya.
"Ano ba ang gagawin ko, Jeni? Hindi naman p'wedeng pumunta na lang ako bast sa hacienda nina Cold. Ano ang sasabihin ko? Aaminin ko na niloko ko siya? Sasabihin ko na patay na si Rita? Hindi ko alam ang sasabihin ko kay Cold, Jeni," malungkot na sabi niya sa kaibigan.
Bago pa man siya pumayag na magpakasal kay Cold ay nangako na siya sa kaniyang kambal. Isang linggo bago ito mamatay dahil sa sakit na chronic kidney failure na stage 5, ay inihabilin na nito si Cold. Kailangan daw niyang alagaan ang nobyo nito dahil galing dito ang perang ipinambayad ng kaniyang kapatid. Gusto rin ni Rita si Cold para sa kaniya. Buhay pa man ito ay ipinagkakatiwala na nito ang sariling nobyo sa kaniya.
Wala siyang interes sa lalaki dahil nakita niya kung paano umiyak ang kanilang Nanay ni Rita dahil sa babaero nilang Tatay. Kaya nangako si Juvy sa kaniyang sarili na hindi niya pagkakatiwalaan ang mga lalaki.
Kabaligtaran naman niya ang kaniyang kambal na si Rita. Mabilis itong magtiwala sa mga lalaki at nakikita na rin niya itong umiiyak dahil sa pag-ibig. Girly si Rita at boyish naman siya. Ngayon lamang siya nagkaroon ng kaibigang babae tulad ni Jeni dahil sa trabaho niya bilang sales lady sa mall.
Inaral niya ang kilos ni Rita at kung paano ito manamit alang-alang kay Cold. Limang buwan na siya ang nagsilbing si Rita para harapin si Cold habang nasa hospital ang kaniyang kapatid. Gusto na niyang sabihin dito ang totoo pero hindi niya magawa dahil pinipigilan siya ng kaniyang kakambal. Sa bawat minuto na kasama niya noon si Cold ay kinakabahan siya. Masakit sa kaniya ang pagkawala ng kaniyang kapatid, isang linggo din siyang hindi nagpakita kay Cold.
Tinupad niya ang pangako niya sa kaniyang kambal. Dumating siya sa simbahan na wala sa sarili at kinakabahan. Umiiyak siya habang nakatingin sa binatang nasa harapan ng altar at naghihintay sa kaniya. Dahil nakokonsensiya siya sa kaniyang ginawang pagpapanggap. Kaya naman nang matapos ang kasal kinagabihan ay nagdesisyon siyang umalis ng hacienda. Habang nakasuot ng bridal gown ay tumakbo siya palayo at sumakay sa pinarang motor. Nagpahatid siya hanggang sa terminal ng bus patungo ng Dagupan para magtago.
Hinabol siya ni Cold nang gabing iwan niya ito pero hindi siya nito naabutan. Masiyado itong mabait para patuloy na lokohin niya. Ngayon nagsisisi siya kung bakit siya pumayag sa hiling ng kaniyang kakambal.
Hindi siguro alam ni Cold ang tungkol sa pagkakaroon ng kakambal ni Rita. Dahil magkaiba sila ng apilyedo ng kapatid niya. Nanirahan ito sa Victoria at siya naman ay ipinaampon sa kaniyang Tita Zoila sa Tarlac, na isang matandang dalaga. Sakitin si Rita kaya ito ang inalagaan ng kaniyang ina. Samantalang siya naman ay ipinaampon at nanirahan sa Tarlac kasama ng kaniyang Lola Conching, nanay ng kaniyang Tita Zoila. At nang mamatay ang kaniyang Tita Zoila noong isang taon dahil sa sakit sa matres ay siya na ang nag-alaga sa kaniyang Lola Conching.
Ginagawa ni Juvy ang lahat para mapangalagaan ang kaniyang lola dahil ito na lamang ang kasama niya ngayon.
Matapos ang isang oras na biyahe ay tumigil ang bus na sinakyan nila sa terminal ng Tarlac. Maghihiwalay na sila ng landas ni Jeni dahil taga-Victoria ito.
Sasakay siya ng tricycle patungong Araneta Subdivision habang sasakay naman muli si Jeni ng jeep patungong Victoria.
"Oh, text text na lang, freny," nakangiting bilin niya sa matalik na kaibigan.
"Isang linggo rin ang bakasyon natin, Juvy. Text mo ako kung pupunta ka sa amin para masamahan kita sa taong iniwan mo," pahabol na sabi ni Jeni bago sumakay ng jeep.
Inirapan na lamang niya ang kaibigan dahil wala sa plano niyang magpakita sa lalaking iyon. Hindi pa siya handa at baka ipapatay siya nito dahil sa panlolokong ginawa niya.
Sumakay siya sa nakaabang na tricycle patungo sa tinitirahan nilang maliit na bahay ng kaniyang Lola Conching.
Hindi pa alam ng kaniyang Lola ang sitwasyon niya ngayon. Dahil nagdadalamhati pa rin ito sa pagkamatay ng kaniyang kakambal na si Rita.
Bumuga siya nang malalim habang nakasakay sa tricycle. Hindi pa siya handang makipagkita sa lalaking minahal ng kaniyang kakambal.
NANG makarating siya sa Araneta Subdivision ay kaagad siyang sinalubong ng kaniyang Lola Conching. Tinitirahan nila ngayon ay ang naiwang bahay ng kaniyang Tita Zoila.
"Apo, kanina pa ako nag-aalala sa iyo. Maya't maya ay ipinapakontak kita kay Luz." Tukoy nito sa kapit-bahay nilang may-ari ng isang gotohan. "Ang akala ko ay napano ka na." Niyakap siya ng mahigpit ng kaniyang Lola Conching.
"Medyo natagalan po kasi ang biyahe namin ni Jeni dahil sa traffic." Inaya niya sa loob ng kanilang bahay ang kaniyang lola. "May binili akong letchon manok, 'la," aniya na itinaas ang hawak na plastic. "Binili ko sa bus station sa Dagupan... special letchon ito Lola," nakangiti pang sabi niya habang inaalalayan ang paglalakad nito.
"Special? Special naman lahat ng mga pasalubong mo sa akin, Juvy. Kahit na nga pandesal na binili mo sa tindahan ay special na."
Napailing at napatawa siya sa sinabi ng kaniyang mahal na lola. Masaya pa rin itong makipagbiruan sa kaniya kahit na nahihirapan sila sa buhay at sunod-sunod ang kanilang mga problema.