BAGO pumasok si Mari sa Branch 2 ng Angelique’s Cake Shop ay pumunta muna siya sa school para sunduin ang anak. Nangako kasi siya kay Della na susunduin ito bago pumasok sa trabaho. Naalala rin ni Mari na medyo matagal na simula ng siya ang sumundo sa anak. Sa pagkakataon na iyon, sisikapin na niyang magkaroon ng oras na makasama ang anak. Hindi porke’t nariyan si Nathan ay makakampante na siya.
Papasok pa lang si Mari sa school ay rinig na niya ang boses ni Della na tila nakikipagtalo. Mayamaya ay bigla itong pumalahaw ng iyak. Bigla siyang napatakbo ng wala sa oras. Sa playground niya naabutan ang anak kasama ang isang kaklase nitong lalaki.
“Wala ka naman daddy eh. Wah, sinungaling ka! Wala ka naman talagang daddy eh!” tukso ng kaklase nito.
Lalong umiyak si Della. “Hindi totoo ‘yan! May daddy ako! May daddy ako!” depensa nito sa sarili.
“Hindi wala kang daddy! Sabi ng Mommy ko, wala ka daw daddy!”
“Mommy! Daddy!” hagulgol ni Della.
Kilala niya ang batang nangbu-bully sa anak. Mayaman ang pamilya nito, pagtingin niya sa di kalayuan ay naroon ang ina ng bata. Tumitingin ito sa anak, pero hindi sinasayaw ng ina ang anak nito. Sa halip ay abala ito sa pakikipag-tsisimisan. Wala si Bebang ng mga sandaling iyon. Ang instruction niya kasi ay isang oras bago ang uwian ni Della ay pumunta siya ng Supermarket para bilin ang inutos niya. Pagkatapos pagkasundo sa bata ay dadaanan niya ito sa Supermarket bago ihatid ulit sa bahay. Mukhang tyumempo ang batang nang-aaway na wala si Bebang kaya tinukso na naman si Della.
Pakiramdam ni Mari ay umusok ang bumbumnan niya sa inis. Paano nito nagagawang pabayaan ang anak sa kalokohan nito? Palibhasa’y abala sa pakikipag-tsismisan. Minsan ng nai-kuwento ni Bebang ang tungkol sa nanay ng batang iyon na palaging inaasar si Della. Sinabi nito na kabit lang daw ang babae.
“Della,” tawag niya sa anak.
“Mommy!” umiiyak na salubong nito saka mabilis na yumakap sa kanya kaya kinarga niya ito.
“Bakit ka umiiyak? Anong nangyayari sa’yo?” patay-malisya niyang tanong.
“Mommy, ni-aaway po ako ni Brendon. Sabi niya wala daw akong daddy,” sumbong ni Della.
Huminga siya ng malalim para ma-kalma ang sarili, pagkatapos ay nilapitan ang classmates nito. Kita niya sa mga mata ng batang lalaki na natakot ito paglapit niya. Wala naman siyang balak na pumatol sa bata kaya ngumiti siya dito, kahit gusto
niyang tirisin ito.
“Hi Brendon, nakita ko nag-aaway kayo ni Della. May problema ba? Inaway ka ba niya? O may kinuha siyang gamit mo? Puwede mong sabihin kay Tita, para mapagsabihan ko siya,” tanong niya.
Hindi nakasagot ang bata, at maluha-luhang nakatingin lang sa kanya.
“Don’t be afraid, Brendon. Inaway ka ba ni Della? O kinukulit ka niya?” nakangiting ulit niya sa tanong.
Marahan itong umiling. “Hindi po,” pag-amin nito.
“Iyon naman pala eh, bakit mo siya inaaway?” tanong na naman niya.
“Bad ka, Brendon!” sigaw ni Della dito.
“Maridella, stop! Hindi magandang asal ‘yan! You say sorry to Brendon,” saway niya sa anak.
“Sorry,” mabilis na sabi nito pagbaling sa kaklase.
Muli niyang tiningnan si Brendon. “Kanina tinanong kita kung inaaway ka ba ni Della, sabi mo hindi. Eh bakit mo siya inaaway?” tanong na naman niya.
“Eh kasi po gusto ni Della na maglaro kami. Sabi po kasi ng Mommy ko huwag daw akong makikipaglaro sa kanya, dahil wala daw pong Daddy si Della kaya bad daw siya,” pag-amin ng bata.
Eksakto naman na biglang dumating ang Mommy ni Brendon. Agad nitong tinakpan ang bibig ng anak. Pinormalan ni Mari ang mukha ng makaharap ang babae.
“Mawalang galang na po, Misis. Baka ho puwedeng magandang asal ang ituro ninyo sa bata. Hindi dahil walang daddy si Della, masama na siya. Hindi po doon nasusukatan ang pagkatao at ugali ng isang bata. Kung hindi nasa magulang na nagtuturo at nagpapalaki. Sabihin na natin lumaki si Della ng walang ama, eh ano ngayon? Mayroon nga diyan iba, kumpleto nga na maituturing ang pamilya pero nasa maling relasyon naman ang mga magulang,” matapang niyang sabi.
“Anong gusto mong iparating? Hindi ko tinuturuan ng magandang asal ang anak ko?!” singhal nito sa kanya.
Sarkastiko siyang ngumiti. “Hindi ko sa akin nanggaling iyan, sa inyo mismo,” sagot niya.
“Hoy! Huwag kang magmalaki! Bakit? May mali ba sa sinabi ko sa anak ko? Totoo naman na walang tatay ‘yang anak mo ah!” tungayaw nito.
“Anong nangyayari dito?”
Napalingon silang lahat. Saglit siyang natigilan ng makitang nakatayo sa di
kalayuan si Nathan.
“Daddy!” umiiyak na tawag ni Della. Paglapit ni Nathan ay agad na kinarga nito ang anak niya.
“Sino ang nagsabing walang daddy si Della? Sino ang nagkalat ng tsismis na ‘yan? Misis, alam n’yo bang sa ginawa n’yo ay natutong mang-bully ang anak ninyo? At ang anak ko pa talaga,” galit na sabi ni Nathan sa babae.
Hindi ito nakapagsalita. Sa halip ay natulala ito habang nakatingin sa kanya. Napatingin siya sa kamay niya ng hawakan nito iyon, sabay angat ng tingin dito.
“Let’s go,” yaya nito sa kanya.
“Sa akin na kayo sumabay, ipapasunod ko na lang ang kotse mo sa driver ni Mommy mamaya,” baling ni Nathan sa kanya saka kinuha ang susi ng kotse niya.
Pagdating sa loob ng sasakyan ay hindi pa rin tumitigil ng kakaiyak si Della habang nakakandong at nakayakap sa kanya.
“Tahan na anak, wala ng mang-aaway sa’yo simula ngayon. Promise,” pag-alo niya dito.
“Mommy, bad ba talaga ako dahil wala si Daddy noon?”
Hinawakan ni Mari ang magkabilang pisngi ni Della.
“Maridella, look at Mommy. Listen to me, you’re not bad. You’re a good girl, okay? Huwag mong papakinggan ang mga sinasabi nila. Sa akin sa maniwala, sa sasabihin lang ni Mommy at Daddy sa’yo, okay?”
Marahan itong tumango. Pinunasan niya ang luha nito saka inayos ang buhok pagkatapos ay yumakap sa kanya.
“Daddy, bakit ba kasi ngayon ka lang dumating? Marami ka bang langis na hinukay doon sa Saudi?” baling ni Della kay Nathan.
Natawa silang dalawa. Hininto nito ang kotse sa isang tabi pagkatapos ay humarap ito kay Della saka hinalikan sa noo at pisngi pagkatapos ay niyakap ito.
“I’m sorry anak, I’m sorry if Daddy came back late. Promise, hindi na ako mawawala. I will stay with you and Mommy, aalagaan ko kayo at ipagtatanggol ko kayong dalawa gaya kanina. Wala ng puwedeng mang-api sa inyo,” sabi nito.
Hindi maiwasan maluha ni Mari, ramdam niya ang sinseridad sa mga salita ni
Nathan na parang totoong anak nga nito ang kausap.
“Promise, Daddy?”
“Promise,” sagot ni Nathan.
UNTI-UNTING gumanda ang mood ni Della ng makita nito ang Blueberries and Cream cupcakes na nilabas niya mula sa kitchen. Literal na nanlaki ang mga mata nito saka pumalakpak pa.
“Wow! Blueberry! My favorite!” bulalas nito.
“Favorite rin ni Daddy ‘yan!” sabi naman ni Nathan.
“Really Dad?”
“Oo, sabi ni Lola Emma. Bata pa lang ako, hilig ko na daw lahat ng klaseng desserts na may blueberry,” sagot nito.
“For real?” gulat na tanong niy Mari.
“Oo, totoo ‘yon,” mabilis na sagot ulit ni Nathan.
“Kaya kayo magkasundo eh, pati pagkain iisa kayo ng paborito. Sandali, kukuha lang ako ng maiinom,” aniya.
Pagdating sa kusina ay nilapitan siya ni Bebang. “Ma’am, tingnan mo ‘yong dalawa. Para talagang mag-ama,” sabi nito.
Paglingon ni Mari ay napangiti siya ng makitang masayang kumakain ng cupcakes ang dalawa. Sa pagkakataon iyon, hindi siya ang mag-isang nagtanggol sa anak niya. And for the first time, she felt confident, secured. She has never been felt safe in her life since she had Della. Lalo na ng hawakan ni Nathan ang kamay niya.
“I wonder, ganyan din kaya kasaya si Della kung iyong totoong Daddy niya ang nandito,” wala sa loob na wika niya.
“Mommy, water po,” narinig niyang sabi ni Della.
Napakurap siya ng wala sa oras. “Coming,” sagot niya saka agad na dinala ang inumin sa sala.
Pagkatapos mag-meryenda ay naglaro ang dalawa. Hanggang sa makatulog si Della habang nakaunan ito sa hita ni Nathan.
“Naku, tulog na, teka dadalhin ko na siya sa kuwarto,” sabi niya.
“Ako na,” prisinta nito.
Binuhat ni Nathan si Della papunta sa kuwarto nito. Nang maihiga na nito ang
bata ay inayos niya ito saka kinumutan.
“Medyo alanganin ang tulog niya, hindi pa kumakain ng gabihan ‘yan,” sabi ni Nathan.
“Bukas na ng umaga ang gising niya. Di bale, pupunasan ko na lang ng basang face towel ang katawan niya mamaya. Saka marami naman siyang nakain cupcakes kanina,” sagot niya.
Maingat nitong sinarado ang pinto pagkatapos ay sinundan siya nito sa kusina. Muli na naman niyang naalala ang nangyari kanina sa school. Napapikit siya saka bumuntong-hininga. Napadilat lang si Mari ng maramdaman ang bahagyang paghagod ng palad nito sa likod niya. Lumingon siya dito saka ngumiti.
“Iniisip mo pa rin ba ‘yong nangyari kanina?” tanong nito.
Marahan siyang tumango saka sumandal sa kitchen counter.
“Hindi ko maiwasan. I feel really bad for my daughter, Nathan. Hindi niya deserve tratuhin ng ganon, dahil lang lumaki siyang walang ama,” naiiyak na sagot niya.
“Ang importante, hindi mo pinaparamdam na may kulang sa kanya. Besides, ngayon ka pa ba mag-aalala ng ganyan. Kung kailan nandito na ako,” sabi nito.
“Pero hanggang kailan, Nathan? Hanggang kailan niya mararamdaman na buo na ang pagkatao niya. Paano kapag umalis ka na?” puno ng pag-aalalang tanong ni Mari.
“Huwag mo munang isipin ‘yan,” sagot nito.
Napatingin si Mari dito ng hawakan nito ang kamay niya at hilahin siya sa may dining area. Inalalayan siyang umupo ni Nathan sa silya pagkatapos ay naupo din ito sa bakanteng upuan sa tabi niya.
“Relax, saka na tayo mamroblema kapag nandiyan na ang problema. Hindi naman ako aalis, nandito lang ako. Remember? I’m just a call away,” nakangiting sagot ni Nathan.
Napangiti Mari saka marahan tumango. Sa mga simpleng salita ng binata ay nagawa nitong pakalmahin ang damdamin niya. It’s only been a while since he met her, pero kaydali nitong nakuha ang loob niya. Isang bagay na hindi niya lubusan maintindihan, kaya minsan tinatanong ni Mari ang sarili. Anong mayroon kay Nathan?
PAGKATAPOS ilagay ni Mari ang mga cupcakes sa loob ng oven, ay saglit na lumabas siya ng kitchen para silipin si Della, naroon sila sa Branch 2 ng Angelique’s Cake Shop. Palibhasa’y sabado kaya kasama niya ang anak doon sa Café, nakagawian na niyang isama doon si Della kapag walang pasok. Dahil halos lahat sila ay Single Moms, naglagay si Em at Angelique doon ng Baby Office o ang playroom para doon nag-stay ang mga anak nila kapag naroon sa Café.
Napangiti siya ng makitang masaya itong nakikipaglaro sa mga kaibigan nito na anak ng mga kasama niya. Napalingon siya ng marinig na bumukas ang pinto ng katabing opisina at lumabas doon si Angelique.
“Oh, kanina pa dito?” gulat na tanong ni Mari.
“Medyo, sumilip ako kanina sa kitchen. Mukhang busy ka kaya hindi na muna kita inabala,” sagot ni Angelique.
“Buti na lang pala dumating ka, may bago akong recipe na ginawa. Iyon ‘yong pinagkaka-abalahan ko kanina,” sabi niya.
“Really? Anong flavor?”
“Orange-Carrot Cupcakes, I will use creamcheese for the frosting. Si Gwen ang gumawa ng toppings na korteng carrots,” paliwanag niya.
“Hmm… that’s interesting,” komento nito.
“Huwag kang mag-alala, nasubukan ko na ito sa bahay noong isang araw,” aniya.
“And?”
“Ikaw na bahalang mang-husga,” nakangiting sagot niya.
“Uy ano ‘yang usapan na ‘yan? Pagkain? Lovelife? Saging?” sabad ng bagong dating na si Em.
“Pagkain! May bagong recipe si Mari kaya eksakto dating mo,” sagot ni Angelique.
“Yes! Nakaabot din ako sa pagkain,” bulalas ni Em.
Natawa silang dalawa. Mayamaya ay dumating na rin si Gabby.
“By the way, hindi ko yata napansin ‘yong kotse mo sa labas,” puna ni Em.
“Ah, nag-taxi lang kami ni Della papunta dito kanina,” sagot niya.
“Anyare sa kotse mo?” tanong ni Gabby.
“It’s fine. Susunduin kasi kami ni Nathan mamaya dito kaya hindi ko na dinala,”
sagot niya.
Napakunot-noo siya ng umalingawngaw ang sunod-sunod na ‘Ehem!’ sa paligid niya.
“Mukhang seryosohan na ‘yang bahay-bahayan n’yo ha?” sabi ni Gabby.
“Hindi, ano ba!” natatawang sagot niya.
“In fairness girl, bagay kayo no’n ni pogi! Mukha pang mabait,” sabad ni Gwen na kagagaling lang sa kitchen.
“Naikuwento ko na sa inyo ang sitwasyon, di ba? Ginagawa namin ito para kay Della,” paliwanag niya.
“Pero aminin, may mga relasyon na diyan nagsisimula,” sabi naman ni Angelique.
Natatawang napailing na lang si Mari. “Ayokong mag-assume, mahirap na. Nathan and I are starting to be good friends, ang importante magkasundo kami dahil kay Della,” sagot niya.
Napalingon siya sa kitchen ng marinig na tumunog ang alarm. “Uy ‘yong cupcakes ko,” sabi ni Mari saka napatakbo sa loob ng kitchen.
Sumingaw ang mabangong amoy ng cupcakes pagbukas niya ng oven. Maingat niyang nilabas ang mga cupcakes saka pinalamig ng ilang minuto. Pagkatapos ay ginawa na niya ang creamcheese frosting at pinagtulungan nila ni Gwen ang finishing touches. Napangiti siya ng makita ang magandang kinalabasan niyon.
Gwen did a good job on the details. Nilagay nito sa ibabaw ng frosting ang maliliit na design na korteng carrots at konting orange zest. Mula sa bulsa ay pinicturan niya ang cupcakes pagkatapos ay pinost niya sa IG.
“Tara, ilabas na natin ‘to,” ani Gwen.
Tumango siya saka excited na nilabas ang finish product na Orange-Carrot Cupcakes. Namilog ang mga mata ng mga mommies matapos makita ang ginawa nila ni Gwen.
“This is so cute!” puri ni Em.
“Tikman n’yo na,” sabi niya.
Kinakabahan na pinanood ni Mari ang reaksiyon ng mga kaibigan ng kumagat ito sa cupcakes. Nagkatinginan pa sila ni Gwen habang naghihintay ng verdict ng mga ito.
“OMG! I love it! Ang sarap!” bulalas ni Gabby.
“Post n’yo na sa IG ‘to,” sabi naman ni Em.
“Na-post ko na,” mabilis na sagot niya.
“Pusuan na ‘yan!” sabi ni Gwen.
“Teka mamaya na, kakain muna ako!” sagot naman ni Gabby saka nakigulo na rin sa pagkain ng cupcakes.
Habang nasa kalagitnaan sila ng pagkain ay dumating naman si Rica. Kagagaling lang nito sa B1 dahil may pinaasikaso si Angelique dito.
“Uy cupcakes, pahingi!” sabi pa nito.
“Oh bilis, makigulo ka na! Masarap promise!” sabi naman ni Angelique.
“Uy girl, jackpot tayo dito!” baling sa kanya ni Em.
“Salamat! Kinakabahan nga ako kanina dahil baka hindi n’yo magustuhan. Nakailang trial and error ako, parang hindi ko ma-perfect ang timpla ko sa combination ng orange and carrots, pero nagbaka-sakali na rin,” sagot niya.
Umakbay sa kanila ni Gwen si Angelique. “Good job, Mommies!” nakangiting wika nito.
“Thanks,” aniya.
“Uy Queenie, mamaya kapag breaktime mo kumuha ka rin dito,” baling ni Gwen sa isang staff nila doon sa B2.
“Yes Ma’am, thank you po,” sagot nito.
“Good Afternoon, Sir! Welcome to Angelique’s Cake Shop!” masiglang bati ni Queenie sa bagong dating na mga customers.
Pagtingin ni Mari sa pumasok na mga customers, natulala siya ng makita si Nathan kasama ang tatlo pang kalalakihan. Ngunit bukod sa guwapong mukha nito, ang labis na nakatawag ng pansin sa kanya ay ang suot nito. Nathan is wearing a grayish black formal suit and a pair of black shoes. Kahit hindi siya lumapit, sa tingin pa lang ay parang kaybango ng tingnan nito. Biglang sunod-sunod na pumintig ang puso niya, hanggang sa bumilis na iyon na parang hindi na siya makahinga ng maayos.
Nang lumingon sa kanya si Nathan, isang mala-anghel na ngiti ang binigay nito sa kanya sabay kindat. Kaya tuloy lalong nagwala ang puso niya. Tulalang lumingon si Mari sa mga kaibigan.
“Pakisampal nga ako,” wala sa sariling sagot niya.
“Te, sapakin na lang kita para matauhan ka,” bulong sa kanya ni Em.
Tumingin siya kay Em. “Ang guwapo,” sagot niya.
“Jusmio Mari, totohanin na dapat ‘yang bahay-bahayan na ‘yan,” sabi pa ni Gabby.
Pasimple silang natawa lahat.
“Teka nga, babalik na ako sa kitchen. Baka kung ano pa maisip ko,” sa halip ay sagot niya. Papasok na siya sa kitchen ng hilahin siya pabalik ni Gwen. Pagharap ni Mari ay naroon na si Nathan.
“Hi,” magiliw na bati niya sabay ngiti kahit na sobra ang kaba niya ng mga sandaling iyon.
“Busy ka ba?” tanong ni Nathan.
“Hindi naman. Pero pabalik na ako sa trabaho,” sagot niya.
“Can I excuse you for a while?” tanong ulit nito.
“H-ha? Ah, sige,” sagot niya.
Napalingon silang dalawa ng lumabas mula sa Baby Office si Della.
“Daddy!”
Agad na tumakbo si Della palapit kay Nathan pagkatapos ay yumakap sa hita nito. Kinarga naman ni Nathan ang anak niya.
“Della, bumaba ka nga diyan. Big girl ka na, baka nabibigatan sa’yo si Daddy mo,” saway niya.
Marahan natawa si Nathan ng lumabi ito saka umiling sabay yakap ng mahigpit dito.
“Ayaw Mommy,” tanggi nito.
“It’s okay. Na-miss ko lang talaga itong prinsesa ko,” sagot ni Nathan.
“Teka, may mga kasama ka. May trabaho ka pa yata eh,” aniya.
“Actually, meron pa nga. May meeting ako kasama ang clients namin. They’re looking for a restaurant, kaya ni-recommend ko ‘to, tamang-tama medyo magtatagal itong meeting namin. Eksakto uwian n’yo na rin,” paliwanag nito.
Hindi naman din siya nakakapag-react sa sinabi nito, lalo siyang hindi nakapag-salita ng bigla na siyang hinawakan nito sa kamay habang karga nito sa kabilang braso si Della. Pagkatapos ay lumapit sila sa mga ka-meeting nito.
“Gentlemen, I would like you to meet Mari. She’s the Branch Manager and Pastry Chef of this restaurant, and our daughter, Della,” pagpapakilala ni Nathan sa kanila.
Bigla siyang napatingin dito. Hindi inaasahan ni Mari na ipapakilala siya ni Nathan sa ganoon paraan. For a moment, aaminin niya, she felt like they are real family.
“Mari, si Neil ‘yong kasama kong Engineer sa trabaho, and they are our clients, si Mister Mercado at Mister Sy,” baling sa kanya ni Nathan.
“Nice to meet you,” nakangiting sagot niya saka nakipagkamay sa mga kasama nito. Si Della naman ay inabot ang kamay ng mga ito saka nagmano, bagay na kinatuwa ng mga kasama sa trabaho ni Nathan.
“She’s a good girl,” puri ni Mister Mercado.
“Akala ko pare, binata ka! May asawa ka na pala,” gulat na reaksiyon ni Neil.
“Mahabang kuwento, may mga nangyari along the way kaya ngayon lang kami nagkasama-sama, saka ko na sasabihin, but we are not married yet,” sagot ni Nathan.
“Daddy, kailan po kayo ikakasal ni Mommy?” biglang tanong ni Della.
Gulat na napalingon si Mari sa anak.
“Della,” pabulong niyang saway sa bata.
Ngumiti si Nathan kay Della saka kunwari ay nag-isip. “Ikaw? Kailan mo ba gusto?”
“Bukas! Puwede po ba?”
Umalingawngaw ang malakas na tawanan ng mga kasama ni Nathan. Nakitawa na lang din si Mari para hindi halatang kinakabahan siya dahil sa anak.
“Your daughter is so smart. Yes, you should get married soon. Your girls are
both beautiful, huwag mo na silang pakawalan,” payo naman ni Mister Sy.
“I will keep that in mind, Sir,” sagot ni Nathan.
“Della, let’s go. Kailangan pa mag-work ni Daddy. Balik ka na doon sa mga friends mo,” baling niya sa anak.
“Okay po,” sagot ni Della. Bago pumasok ay humalik muna ito sa pisngi ni Nathan.
“Our staff will attend with your orders,” nakangiting sabi niya kay Nathan.
“Thanks,” sagot niya.
Saka lang nakahinga ng maluwag si Mari ng makapasok siya sa kitchen. Habang tumatagal na nakakasama nila si Nathan, parang nagiging totoo na sa pakiramdam niya ang lahat.