“TAPOS na ba Miko?” tanong ni Anne sa matalik na kaibigan.
“Oo, ang ganda ng kinalabasan!”
Sa tono pa lang ng boses nito na masaya at excited, alam na niya na totoong maganda ang kinalabasan ng design ng pottery na order sa kanila ng isang mayaman na babae at suki nila noon pa.
Umangat ang kanyang kamay at kinapa ang cellphone niya na ibabaw ng mesa. Nang mahawakan ang pakay ay saka kinuha at inabot iyon kay Miko.
“Picturan mo, please.”
Bahagyang natawa ang lalaki. “Ang dami mo nang picture dito sa cellphone mo ah?”
Ngumiti si Anne. “Balang araw makikita ko rin ‘yang mga ‘yan, kapag na-operahan na ako.”
Bahagya siyang pumaling sa kanan ng maramdaman na humawak si Miko sa kamay niya.
“Huwag kang mawalan ng pag-asa, Anne. Makakahanap din tayo ng cornea donor mo, tiwala lang.”
Ngumiti siya at marahan tumango, ilang sandali lang ang lumipas ay agad din napalis ang ngiting iyon. Cornea Donor? Ang totoo ay matagal nang nawalan ng pag-asa si Anne na muling makakakita. It’s been two years since the accident happened that killed her father. Naka-recover siya mula sa aksidente, maliban sa paningin.
Nang magising siya nang araw na iyon at dilim ang sumalubong sa kanya. Nag-histerikal siya sa ospital. Pakiramdam ni Anne ay tuluyan nang gumuho ang mundo niya. Ngunit lalong nadurog ang munting pag-asa sa puso niya nang malaman na nasawi sa aksidenteng iyon ang kanyang ama. Ang tanging naging pampalubag-loob niya sa mga nangyari ay ang sinabi ng doctor na tanging ang cornea ng kanyang mga mata ang na-damage at may pag-asa pa siyang muling makakita kapag nagkaroon siya ng cornea donor.
Life has been such a great struggle for Anne since then. Bulag at walang pamilya. Sino ba ang gaganahan pang mabuhay noon? Pero kahit nawalan ng mahal sa buhay at ngayon ay nag-iisa na, hindi siya pinabayaan ng mga kaibigan. Ang kanyang bestfriends at magkapatid na si Miko at Bebs ang nagsilbing mga mata niya noong una. Ang dalawa ang nagturo sa kanya kung paano kumilos sa bahay sa kabila ng kapansanan at hanggang ngayon ay umaalalay at hindi pa siya iniiwan. Pati na rin ang pottery ay pinag-aralan niyang gawin sa kabila ng kalagayan.
Ang pangako na binitiwan niya sa ama na ipagpapatuloy ang Pottery ang tanging lakas at inspirasyon ni Anne para lumaban. Pero may mga pagkakataon na pinanghihinaan siya ng loob. Ang pag-asa na muling makakakita ay unti-unting natutunaw. Dalawang taon na ang lumipas, pero hanggang ngayon ay wala pa silang nahahanap na cornea donor.
“Kung walang dumating na cornea donor. Okay lang. Nasanay naman na ako sa kalagayan ko,” malungkot na sagot ni Anne.
“Hoy! Ano ka ba? ‘Wag ka nga diyan nega! Tiwala lang! Darating din ang donor mo!” saway sa kanya ni Bebs.
“Tama si Ate, pero habang wala pa, nandito lang naman kaming dalawa.”
“True!”
Muling napangiti si Anne. “Salamat.”
“Tao po!”
Natigilan siya matapos marinig ang estrangherong tinig na iyon.
“Sino ‘yon?” tanong pa niya.
“Ay sandali, titingnan ko,” paalam ni Miko.
“Sino po si—”
Nagtaka si Anne nang napansin na hindi naituloy ng kaibigan ang sinasabi.
“Sino ‘yon Miko?”
“Iyong mga taga-Hotel Santillan at Sebastian Group of Companies.”
Agad nagsalubong ang dalawang kilay niya. Kinuha ni Anne ang kanyang cane habang alalay siya ni Bebs.
“Ano na naman ang kailangan n’yo?” pormal na tanong niya.
“Pasensiya na po Ma’am. Gusto lang po kayong makausap ng Secretary ni Mister Santillan,” anang lalaki.
“Ang kulit n’yo talaga ‘no! Sabihin n’yo diyan sa boss n’yo, kahit ano pang sabihin niya, hindi ko ipagbibili itong lupa ko! Kaya makakaalis na kayo at huwag nang babalik pa! Dahil kahit sino pa ipadala n’yo dito, hindi magbabago ang isip ko!” mataray na sagot niya sabay talikod.
“Twenty million pesos, Miss Marasigan. Bukod doon, alam namin na matagal na kayong naghihintay ng cornea donor. We can help you with that. Mas mapapabilis ang proseso kapag kami ang lumakad niyon. Kami na ang bahala sa magiging gastos sa ospital at gamot hanggang sa gumaling kayo,” sabat ng isang babae.
Napahigpit ang kapit ni Anne sa cane niya. Aaminin ng dalaga, nakakasilaw ang offer nito. Matagal na siyang naghihintay at sabik na makakita. Pero hindi kaya ng konsensiya niya na ipagbili ang lupa na pinaghirapan ng mga magulang niyang mapundar.
Muli siyang humarap at tumawa ng pagak. “Talagang kayong mayayaman, ang tingin n’yo sa amin mahihirap palaging mukhang nabibili ng pera! Ano ba sa tingin mo ang gagawin ko? Susulpot ang sign of pesos sa mata ko at magkukumahog akong ibenta sa inyo ang lupa ko? Nagpapatawa ka yata, Miss. At mukhang nakapag-background check na kayo sa akin. Oo, kailangan ko ng donor. Pero hindi pa nasisiraan ang ulo ko para ipagbili ko ang lupa ko. At puwede ba? Konting respeto naman, huwag ninyong gamitin ang kapansanan ko para lang makuha ang gusto n’yo!”
“Lumayas na ho kayo!” pagtataboy ni Bebs.
“Pumasok na tayo,” sabi pa ni Miko.
“KUMUSTA ang lakad n’yo, Liezel?” tanong ni Migs sa kanyang sekretarya.
Nagtaka ang binata nang bumuntong-hininga ito at bagsak ang balikat na ngumiti ng malungkot.
“I’m sorry, Sir. Pero nagmamatigas po talaga si Miss Marasigan. Hindi niya daw ibebenta ang lupa.”
“Damn!” galit na bulalas niya sabay hampas sa ibabaw ng mesa.
“Ano pa bang kailangan niya?! We offered a large amount of money; we even offered her a medical assistance for her eye operation!”
“Sir, sa tingin ko, mas importante sa kanya ang value ng lupang iyon. May mga bagay po talaga na minsan hindi kayang bilhin ng pera,” paliwanag ni Liezel.
He laughed sarcastically.
“That’s bullshit. I don’t believe you. Everyone has a price!”
Napalingon siya kay Liezel nang tumikhim ito. “Uh Sir, pasensiya na kung babanggitin ko ‘to, pero hindi po ba’t minsan na kayong naipahamak ng linyang iyan. Si Ma’am Laya po mismo ang nag-kuwento sa akin na ganyan din ang sinabi ninyo noon bago kayo magpanggap at sadyang lapitan si Mister Danilo Castro. Hindi po ba kayo natatakot na puwede ulit mangyari na may mapahamak?”
Nagsalubong ang mga kilay niya. May munting kurot sa puso at sundot sa konsensiya siyang naramdamaman.
“Nakalipas na ‘yon, let’s not talk about it,” paiwas na sagot niya.
“Eh Sir, ano na po ang gagawin natin?”
Humugot ng malalim na buntong-hininga si Migs at nag-isip.
“Papatawag na lang kita ulit,” sagot niya.
Nang makalabas ang tauhan ay kinuha ng binata ang cellphone at tinawagan ang business partner niya.
“Pare, we need to talk,” bungad niya pagsagot nito.
“What happened?” tanong nito sa kabilang linya.
“Mukhang kailangan ko na mag-plan B,” sagot ni Migs.
“ARE YOU serious about this?” natatawang tanong ni Robby. Ito ang namamahala ng Sebastian Real Estates Incorporated at pangalawang nakakatandang kapatid ng bestfriend niyang si Alvin.
“Do we have a choice? We need that land!” sagot niya.
“Pero pare, hindi mo pa naman nakakalimutan ang nangyari noong huling beses na ginawa mo ‘to ten years ago, di ba?” tanong naman ni Reggie, ang panganay na kapatid ni Alvin at Robby. Ito naman ang namamahala ng mga malls, food chains at ang kabuuan ng Sebastian Group of Companies.
Napalis ang ngiti ni Himig at pilit na pinatigas ang kalooban.
“It’s just a coincidence, hindi ko ginusto ‘to ‘yon,” seryosong sagot niya habang nagsasalin ng whiskey si Migs sa kanyang baso at ininom iyon.
Ang tinutukoy nito ay ang aksidenteng nangyari sa isang lalaking ang pangalan ay Danilo Castro. Sixty years old. May-ari ng lupang kinatatayuan ngayon ng Hotel Santillan Davao branch na dati ay isang malawak na bakanteng lote. Gaya ni Anne ay ayaw din nitong ibenta ang lupa sa kanila. Pero hindi sumuko si Migs, gumawa siya nang paraan.
Sa tuwing may lupa silang gustong bilhin. Ang mga staff niya ang humaharap sa mga may-ari ng lupa. He never revealed his identity. Kaya nang magmatigas noon si Mang Danny ay naisip niya na mag-undercover. Mag-isa ang matanda sa bahay nito. Tumira si Migs malapit sa bahay ni Mang Danny. Sinadya niyang makipaglapit at kaibiganin ito hanggang sa nakuha ang loob at tiwala. Naging malapit sa kanya si Mang Danny, itinuring siyang parang anak at pinatuloy sa tahanan nito. Ginamit ni Migs na pagkakataon iyon para kumbinsihin ang matanda na ibenta ang lupa sa Hotel Santillan. Noong una ay hindi pumayag ito, ayon kay Mang Danny ay may plano ang anak nitong babae na lupa ng mga ito na nasa Maynila ng panahon na iyon at nag-aaral. Hanggang sa nagkaroon ng malaking problema pinansyal ang matanda, nasangkot sa problema ang anak daw nitong babae na nangangailangan ng malaking pera. Ginamit ulit niya ang pagkakataon at inudyukan itong ibenta na ang lupa. Nagtagumpay sila. Nakuha nila ang lupa. Nang araw na pinakilala ni Migs ang totoo niyang pagkatao kay Mang Danny. Nagalit ito ng husto sa kanya at sa sobrang sama ng loob ay inatake ito sa puso na siyang kinamatay nito.
That incident became his nightmare since then. Hindi siya nagpakita sa anak ni Mang Danny dahil sa labis na konsensiya. Labis niyang pinagsisihan ang ginawa. Nang malaman ng Daddy niya ang kanyang ginawa, sinapak siya nito sa sobrang galit at muntik pang tanggalin sa posisyon niya bilang CEO ng Hotel Santillan Group of Companies.
Sa halip na magmukmok at hayaan ang konsensiyang usigin siya. Tinibayan ni Himig ang loob at nagpatuloy sa trabaho. But the day Mang Danny died still hunts him until now.
Nawala sa pag-iisip niya sa nakaraan ang atensiyon nang buksan ni Reggie ang folder at bumungad sa kanya ang larawan ni Leigh Anne Marasigan.
“She’s beautiful, dude. What if you fall in love with her? Imbes na makumbinsi mo siyang ibenta sa atin ang lupa, kabaliktaran ang mangyari.”
Napalingon siya dito at napangiti matapos marinig ang sinabi ng kaibigan. “Really? That will not happen!” puno ng kumpiyansang sagot ni Migs.
“Huwag kang magsalita ng tapos, pare,” sabad ni Robby.
“I’m not! Ang ibig ko lang sabihin, negosyo ang dahilan kaya ko gagawin iyon. And I don’t mix business with pleasure.”
“Eh paano si Ava?” tanong naman ni Reggie.
Napalis ang ngiti sa labi niya. “Please, dude. Stop mentioning her.”
Natawa ang magkapatid.
“I just can imagine her reaction. Tiyak na magwawala at mapa-praning na naman iyon,” sabi pa ni Robby.
“Isa pa pala iyon, kapag nalaman ni Ava ang plano mo. Hindi ikaw ang kawawa, pare, kung hindi si Miss Marasigan,” sabi pa ni Reggie.
“Okay listen, I already planned everything. Wala siyang malalaman. Maliban na lang kung ilalaglag n’yo akong dalawa.”
Tinaas ni Robby ang baso nitong may laman na whiskey. “My loyalty is yours, pare,” sabi pa nito.
“Me too!”
“At huwag na huwag n’yo na rin sasabihin ito kay Alvin, okay?! Madaldal ang isang iyon! Siguradong malalaman ng Ate ko at papatayin ako no’n!”
“Our lips are sealed.”
“Kailan mo planong umalis?” tanong ni Reggie.
“Hindi ko pa alam, depende,” sagot ni Migs. “Pero sa ngayon, magmamanman muna ako.”
Matapos ang meeting niya kasama ang magkapatid na Sebastian ay agad na rin nagpaalam si Migs. Pagod na siya sa maghapon trabaho, dumagdag pa sa stress niya si Anne Marasigan. Hindi na sila puwedeng lumagpas pa sa twenty million. Kung tutuusin ay napakalaking halaga na niyon para sa five thousand square meters na lupa. Ang problema sa babae ay masyado itong sentimental, ayaw maging praktikal, tuloy ay hindi nila masimulan ang construction ng Hotel Santillan Resort, Mall & Leisure Park doon sa Catmon, San Juan Batangas. Kung tutuusin, hindi lang silang mga negosyante ang makikinabang doon, pati na rin sa mga lokal na residente.
Uunlad ang bayan ng Catmon kapag dumagsa ang mga turista. Hindi lang iyon, maraming trabaho ang magbubukas para sa mga residente ng Catmon pati na rin ang mga maliliit na negosyo ay maaaring itayo sa paligid, sa labas ng resort.
Pagdating sa bahay, sumalubong sa kanya ang ingay ng tawanan ng mga kapatid mula sa itaas. Napalingon si Migs nang bumukas ang pinto ng kusina at iluwa niyon si Yumi na may dalang malaking lalagyan na may laman ulam. Agad sinakalay ang ilong niya ng amoy ng masarap na Kaldereta.
“Ang bango! Nakakagutom!”
“Magbihis ka na, Kuya! Matatapos na akong maghain dito, tawagin ko na lang kayo,” sagot ng kapatid.
“Okay,” nakangiting sabi niya.
Himig Van de Berg Santillan came from a big family. His Dad is Armando Santillan, is a retired Lieutenant Colonel of the Armed Forces of the Philippines. Ang kinagisnan nilang ina na si Estelle Van de Berg Santillan ay matagal nang pumanaw. Ang panganay nila na si Amihan ay napangasawa ng bestfriend niyang si Alvin. Sumunod ay sila ng kakambal niyang si Hiraya. Sumunod ay ang Quadruplets, si Malaya, Mahalia, Musika at Mayumi. All in all, they are seven.
Si Migs at ang kanyang kakambal kasama ang Quadruplets ay produkto ng tinatawag na traditional surrogate. It’s a procedure where a woman gets artificially inseminated with the father’s sperm. Ayon na rin mismo sa kanyang ama, matagal ng pangarap ng kanilang Mommy Estelle ng magkaroon ng maraming anak. Pero matapos nitong ipanganak si Amihan, nagkaroon ng malaking tumor sa matris dahilan para operahan at tanggalin ang buong matris nito. Sa halip na mawalan ng pag-asa dahil sa nangyari. His parents look for other way to produce children and that lead them to traditional surrogate. Ngunit nangyari ang isang trahedya at namatay sa plane crash ang Mommy Estelle niya.
Dahil sa biglaan pagkawala ng Mommy Estelle niya, labis na nalungkot at dinamdamn ng Ate Amihan niya ang nangyari. To save her from a possible Depression, kinausap ng Daddy niya ang bestfriend ng Mommy niya, si Josephine Janssen, na siyang tumayong surrogate at biological mother nila, para ituloy ang plano ng mag-asawa, ang traditional surrogate. Fortunately, Josephine is not married nor in any relationship that time. Kaya pumayag ito para na rin sa matalik na kaibigan. Ipagbubuntis nito ang bata at matapos ipanganak ay saka sila inuwi sa Pilipinas.
Ang kuwento pa ng Daddy niya noon, saya at sigla ang naging dala nila nang dumating doon sa bahay. Kung mayroon man siyang pinanghihinayangan, iyon ay hindi man lang niya nakilala o naabutan ang Mommy Estelle niya. He only met her only through his Dad and Ate’s stories and some photos. At lahat silang magkakapatid ay Half-Filipino and Half-Dutch. His Mommy Estelle and their biological Mom are both Dutch.
Pag-akyat ni Migs sa kanyang silid ay agad siyang naghubad ng suot na office suit at sapatos. Tanging sando at ang slacks lang ang kanyang tinira bago naupo sa gilid ng kama. Hanggang sa mga sandaling iyon ay laman pa rin ng isip niya kung paano makukumbinse si Miss Marasigan na ibenta sa kanila ang lupa nito.
Nasa ganoon siyang ayos nang mag-ring ang kanyang cellphone. Napapikit si Migs at bumuntong-hininga ng malalim matapos makita kung sino ang tumatawag.
“Hello?” iritableng sagot niya.
“Hey honey!” malambing na bungad sa kanya ni Ava.
“What do you want?”
Kasabay niyon ay narinig ni Migs ang malakas na tunog ng pito ng dalawang beses. Ibig sabihin ay nakahanda na ang mesa at kakain na sila.
“Wala lang, namiss lang kita. Hindi ka na kasi nagpupunta dito sa condo ko. Can you come over? Or should I go instead?”
Muli siyang huminga ng malalim bago lumabas. Napalingon si Migs nang biglang yumapos sa braso niya ang kapatid na si Lia at sumabay sa kanyang bumaba.
“Wala ako sa apartment. Nandito ako sa bahay namin,” matabang na sagot niya.
“Talaga?! Can I come?! Nami-miss ko na—”
“Ava please!” tuluyan nang nairitang putol niya sa sinasabi nito.
“Stop doing this! We’re over! Done! Break! Hiwalay! Tigilan mo nang pagpapanggap na tayo pa rin!”
Nagulat si Migs nang biglang agawin sa kanya ni Lia ang phone at sumenyas ng huwag maingay pagkatapos ay pinindot ang loud speaker button. Kasunod niyon ay pinaligiran siya ng mga kapatid at nakiusisa.
“Let me remind you, Himig! Ikaw lang ang nakipaghiwalay at hindi ako
pumayag! And that means, you’re still mine!” galit na sigaw nito sa kanya.
“Oh please, take it or leave it. I’m so sick and tired of this! Kung hindi lang dahil sa investment ng Daddy mo sa project namin! Matagal ko nang sinabi sa kanya na hiwalay na tayo!”
“How dare you!” she screamed. “Sisiguraduhin ko na kapag sinabi ko sa Daddy ko ang totoo! Babagsak ‘yang project na pinagmamalaki mo!”
“Stop screaming, psycho b***h! Tigilan mo nang kapatid ko!” pagtataray ni Lia sabay pindot ng end call button.
“God,” he sighed frustratedly.
“She’s crazy,” sabi pa ni Yumi.
Ava is his ex-girlfriend. They were together for five years. Ava is a well-known socialite and businesswoman. Ang kanilang mga ama ay pawang mga sundalo at magkaibigan. They were already engaged when he finally god fed up and call off the wedding. Halos apat na buwan na simula nang makipag-hiwalay siya dito dahil sa pagiging obsessive nito na hindi na niyang kayang tiisin.
When he met her, Ava was the sweetest woman he ever met. She takes care of him and loved him so much. Kaya nga nahulog ang loob niya dito. Ngunit sa bandang huli ay lumabas ang totoong ugali nito.
Sa kabila ng maganda nitong mukha at bukod sa pagiging obsessive at napakaselosa, she’s very controlling, at may pagka-matapobre din ito. Gusto ni Ava ay palagi silang magkasama. She doesn’t like him to meet his friends. At sa tuwing nababalitaan nitong may babae siyang kinausap, kaibigan man or business associates. Agad itong susugod sa babaeng nakausap at aawayin ito. Tatlong beses na may nangyaring insidente na sinaktan nito ang babaeng pinagselosan. Ang isa ay tinutukan nito ng kutsilyo ang college batchmate niyang babae. The second incident was when she spilled a very hot coffee on his business partner. At pangatlo, muntik na nitong sagasaan ang isang babae na nagtanong lang naman sa kanya. She’s that crazy. At sa tatlong insidente na iyon, tatlong beses na rin itong pinadampot sa pulis dahil sa mga ginawa nito at tatlong beses na rin siyang umaareglo sa mga iyon.
Hanggang sa dumating sa punto si Migs na nasasakal na siya. He had enough.
But Ava’s Dad, Manuel Asuncion, which is his Dad’s bestfriend, ang isa sa major investor ng gagawin Hotel Santillan Beach Resort, Mall & Leisure Park sa Batangas. Nag-invest ito sa project na iyon at ang kapalit ay ang pangako na pakakasalan niya si Ava. Kapag hindi natuloy ang kasal, sinabi ng matanda na babawiin nito ang investment sa kanila.
Pumayag si Himig dahil nang mga panahon na iyon ay maayos pa naman ang relasyon nila ni Ava. But after all that she did, hindi na natiis ng lalaki ang ugali nito. He gave up and broke up with her. Pero dahil sa naging investment ng Daddy ni Ava. Hindi tuloy nila masabi sa ama ng babae na hiwalay sila. Natatakot siya na baka bawiin nito ang investment at makadagdag sa problema nila.
Noong una ay pilit pang iniintindi ni Migs sa Ava. She grew up with only her Dad on her side. Her Mom left her when she was only seven years old. Kaya ang major weakness ng babae ay ang takot na iwan ito at maging mag-isa. Pero napapagod na siya na intindihin ito. Napapagod na siyang magpanggap na in love at masaya pa rin. Gusto nang tuluyan makalayo ni Migs kay Ava at tuluyan makapag-move on.
“Hindi pa rin kayo nagkaka-ayos ni Ava?” narinig niyang tanong ng ama.
Halos sabay-sabay silang napalingon at nakitang pababa na ito. Lumapit si Migs sa Daddy niya at nagmano.
“Dad, hindi na mangyayari iyon. Iyong investment lang talaga ni Tito Manuel ang iniisip ko kaya hindi ko masabi sa kanya na wala na kami ng anak niya.”
Napabuntong-hininga si Armando nang maupo ito sa tapat ng pinaka-sentro ng dining table.
“Kasalanan ni Pare ‘yan, masyado niyang in-spoiled si Ava at kung hindi pinagkait ni Manuel sa asawa niya nang bumalik ito ang anak nila. Baka hindi naging ganyan ang ugali ng batang ‘yan.”
Mapalad si Migs dahil naintindihan siya ng kanyang ama nang magpaalam noon
na gusto na niyang hiwalayan si Ava. Hindi ito tumutol at sinuportahan pa siya sa naging desisyon.
“By the way, kumusta na iyong project n’yo sa San Juan, Batangas?” pag-iiba ni Aya sa usapan.
“Ayun, wala pa rin progress dahil doon sa nag-iisang ayaw ibenta iyong lupa sa amin.”
“Kung ayaw ibenta, huwag ninyong pilitin. I saw on the news last night. There’s this three-storey private building in between the newly rise mall in Caloocan. Hindi naman daw iyon naging sagabal sa negosyo, kaya sa tingin ko hindi iyon makaka-apekto sa Hotel,” sabi pa ng Daddy niya.
“Dad, hindi puwede iyong ganoon. Maganda ang location noong lupa, overlooking sa beach. Marami kaming plano doon.”
“Basta huwag kayong gagawa ng kalokohan para lang makuha ang gusto ninyo. I’m warning you, Himig. Don’t do the same mistake again,” mahigpit na bilin ni Armando sa anak.
Pakiramdam niya ay tinusok ng kutsilyo ang kanyang konsensiya nang mga sandaling iyon. Mabilis siyang tumango at ngumiti sa ama.
“Yes Dad.”
“ANNE, sa tingin ko kailangan na natin umisip ng ibang paraan para kumita. Hindi na kasya iyong kinikita ng Shop sa mga bayarin mo. Monthly bills, materyales na kailangan para sa shop mo, budget mo sa bahay, hindi pa doon kasama iyong hulog mo sa bangko kasama ang interes,” sabi ni Bebs.
Napahigpit ang kapit ni Anne sa hawak na cane sabay hugot ng malalim na hininga. Dahil sa aksidenteng kumitil sa buhay ng ama at naging sanhi ng kanyang pagkabulag. Napilitan silang isanla sa bangko ang lupa nila para makabayad sa bills sa hospital at gamot niya kasama na ang pagpapalibing sa tatay niya. Mahina na ang shop dahil ang mga tao doon sa kanila ay mga nagsi-alisan na matapos ibenta sa mga Santillan at Sebastian ang lupa ng mga ito. Doon sa area kung saan itatayo ang Hotel at Malls, siya na lang ang nag-iisang nakatira. Ang lupa naman nila Bebs ay hindi na sakop ng gagawin construction doon sa lugar. Kaya tuloy ay humina na ang kita ng shop dahil bukod sa liblib ang location nila. Wala na halos tao ang nagagawi doon.
“Hindi ba malaki naman iyong kinita natin doon sa huling order?” tanong niya.
“Oo nga pero napunta iyong iba doon sa bayad sa bangko, nakalimutan mo na ba? Hindi ka nakabayad ng dalawang buwan dahil nagipit ka rin, plus interes pa. Baka mamaya mahila na nila ‘to.”
“Eh iyon para sa inyo ni Miko? Kinuha n’yo na?”
“Ah eh… oo… hindi nga sana namin kukunin dahil alam namin nangangailangan ka rin. Kaya lang naubos na gamot ni Nanay. Pasensiya na, Anne. Nahihiya nga kami sa’yo.”
Ngumiti siya. Dinig niya mula sa boses ni Bebs na nahihiya ito.
“Ano ka ba naman, wala ‘yon. Pinagtrabahuhan n’yo naman iyong kinuha mo eh.”
Simula nang nabulag siya. Si Bebs na ang katuwang niya sa pagpapalakad ng Pottery Shop niya. Ito ang nag-aasikaso ng usapin pinansyal. Bukod doon, ito rin ang umaalalay sa kanya sa mga personal na pangangailangan niya. Noon pa man ay napatunayan na niya ang pagiging tapat nito. Kaya buo ang tiwala ni Anne na ipagkatiwala ang mga importanteng bagay dito.
“Ano na ngayon ang gagawin natin?” tanong nito.
“Hayaan mo makakaisip din tayo ng paraan.”
Narinig ni Anne na bumuntong-hininga ito.
“Alam mo girl, mabanggit ko lang ah? Huwag ka magagalit.”
“Ano ‘yon?” kunot ang noo na tanong niya.
“Bakit hindi mo na lang kaya tanggapin iyong alok ng Hotel Santillan? Makiusap na lang tayo na huwag ginabain itong bahay at shop mo.”
“Bebs…”
“Alam ko naman, naiintindihan ko kung anong halaga nitong lupa sa’yo. Kaya lang, puwede mo naman sigurong piliin na maging praktikal. Sa sitwasyon mo at sa lagay ng financial mo. Malaking tulong ang twenty million sa’yo.”
Napapikit siya at muling napabuntong-hininga, pilit na pinipigilan na magalit sa kaibigan.
“Bebs please…”
“Pasensiya na, hindi sa nanghihimasok ako sa buhay mo. Kaibigan mo ako at isa ako sa nakasaksi ng mga paghihirap mo. Ang sa akin lang, kapag tinanggap mo ang alok nila. Mababayaran mo na ang utang mo, mapapabilis pa ang pagpapagamot ng mata mo. Puwede ka pa rin naman mag-pottery eh, hindi mo naman puputulin ang tradisyon ng pamilya n’yo. Ayaw mo ba noon?”
“Ayokong biguin si tatay. Mahal na mahal nila ang lupang ito at hindi ko hahayaan na mawala ito sa kanila. May iba pang paraan tayong puwedeng gawin, Bebs.”
Tumikhim si Bebs. “Sige, sabi mo eh.”
Ilang sandali pa ay narinig na niya itong tumayo.
“Magliligpit lang ako dito tapos uuwi muna ako.”
“Huwag mo na akong intindihin, magpahinga ka na. Kaya ko naman nang kumilos dito,” sabi pa niya.
Mayamaya, narinig ni Anne na tila may pinto itong binuksan.
“Sayang itong isang bakanteng kuwarto mo oh, ano kaya kung tumanggap tayo ng border? Iyon bang mga turista na walang matulugan, ganyan, parang bed and breakfast,” suhestiyon ni Bebs.
“Turista?”
“Oo, may mga araw na may mga naliligaw na turista dito. Nagtatanong nga sila palagi doon sa tindahan namin kung saan daw may malapit na inn o kahit bed and breakfast eh. Kung ayaw mong ibenta itong lupa, ganoon na lang gawin natin. Malaking tulong din iyon ibabayad nila.”
Nagliwanag ang mukha ni Anne.
“Sige, ganoon na lang ang gawin natin!” pagpayag niya.
“Ay! Ang saya! Bukas na bukas din ililista ko ang mga kailangan natin gamit para sa kuwartong ito!” excited na bulalas niya.
Kahit si Anne ay nakaramdam ng excitement. Iyon ang unang pagkakataon na bubuksan niya sa ibang tao ang kanyang tahanan. Dahil simula nang maaksidente siya ay sinarado na niya maging ang buhay sa ibang tao. Aside from Bebs and Miko, she literally has no one. Panatag din naman siya at wala din dapat ipag-alala dahil siguradong hindi siya iiwan ng magkapatid. At gagawin niya ang lahat para lang huwag makuha ng Hotel Santillan ang lupang iyon.