8 - Slave Driver

3373 Words
Slave driver. Demonyong slave driver, ganoon ang boss niya. Buong maghapon ay wala siyang ibang ginawa kundi ang magtaas-baba sa elevator at halos magtatatakbo kapag may iniuutos ito. Kung saan-saang departamento siya pinapupunta kahit maaari namang tawagan o i-email ang mga taong kailangan nitong makausap o maabisuhan. Wala mang sigaw na naririnig mula rito, pero kapag umaangat na ang mukha ng amo mula sa seryosong pagkakatungo sa laptop at sa kung anumang dokumentong hawak, binubugbog na kaagad ng kaba ang dibdib niya. Magkaka-heart attack na talaga siya nang wala sa oras. Mamamatay siya nang maaga ‘pag ang amo ang laging kasama. Wala yata itong natitirang humanity sa katawan. Sa atomic bomb kaya ito ipinaglihi? Parang laging nakahandang sumabog kasi. Malamig na titig pa lang ng magagandang mga mata, halos makalas na ang puso sa kanyang dibdib. Takot siya sa amo. Literal. Na kahit ang paso ay hindi na niya iniinda. Mabuti na lang at hindi malala. Nagagawa pa niya ang sandamakmak nitong utos. “Get me this. Give me that.” Wala man lang courtesy. Ang flat pa ng tono. Ang tabang ng pakikitungo. Nananadya lagi at parang buwitre na naghihintay na magkamali siya. Pudpod na ang sapatos niya sa kakalakad. Of course, exaggerated iyon. Pero hindi naman kasi mamahalin ang sandals niyang gawang Divisoria. Nangangamba siyang ngumanga ito. Bukas na bukas din, bibili siya ng reserba, hindi pa naman kalabisan sa natitirang kakarampot na budget. Sasamahan niya na rin ng Mighty Bond, baka-sakaling mag-marathon na naman siya at madali nang tuluyan ang suot niya. “Get me my lunch.” Humahangos pa niyang inilapag ang pinakuha nitong papeles, utos na kaagad ang bumungad sa kanya. Palautos na walang kupas. Bawal naman siyang umangal. “S-saan ko po kukunin, Sir?” May mahigit apatnapung floors ang buong DC Towers. Bawat kumpanya na pag-aari ng DC ay umuokupa ng mahigit sa limang floors at may mga sariling cafeteria ang mga 'yon ayon sa kwento ni Angie. Saang cafeteria ba siya pupunta? Halos mapaigtad siya nang tumapon sa kanya ang matalim nitong tingin. Nahila siya mula sa malalim na pag-iisip. “Reception.” “Saan po, Sir?” Hindi niya klarong narinig. Pabulong na kasi halos ang boses nito. “Are you deaf? I said, bumaba ka sa reception area, sa lobby, sa entrada ng gusali." Matapos ang ilang sandaling pagkakatanga, iritado na ang boses nito at mukha nito. Napalunok siya. Para siyang mangmang na nili-lecture-an. Mabilis siyang tumalikod. Mamaya, tatamaan siya ng pinisil-pisil nitong bola. Kung bakit ba naman kasi nasa pinakaituktok ang opisina nito. Sa dami ng palapag ng tower, natatagalan siya sa pagbaba. Sa malas nakasabayan pa niya ang dalawa sa intrimitida niyang kasama sa accounting department. Nagbubulungan ang mga ito at halatang siya ang pinariringgan. “One week.” “Three days.” “Magiging generous ako, four days at sisipain ‘yan ni Sir Leandro palabas ng opisina.” Kasunod niyon ay ang walang habas na paghagikgikan ng mga ito. Ansasama ng mga ugali. Wala na talagang ibang alam ang mga ito kundi ang bwesitin siyang lalo. Pumikit siya at pilit na pinakalma ang sarili. Talo ang pikon kaya bahala ang mga ito. Nakipag-unahan siya sa paglabas sa elevator pagkabukas na pagkabukas niyon. Mukhang alam na ng mga receptionists ang pakay niya. “Hay, naku! Kung hindi man bugbog sa romansa, sa utos naman binubugbog ni boss ang tauhan niya.” Nginitian na lang niya ang komento. Sa likod nito ay ang dalawang malalaking metallic na letra. DC. Kagaya ng nasa ituktok ng tower. “No offense meant, ha. By the way, I’m Trishia.” Kahit medyo prangka, friendly naman ang babae. Parang si Angie lang. Tinanggap niya ang pakikipagkamay nito. “Ngayong nasa langit ka nagtatrabaho, madalas na ako ang makakausap mo. Feel free to ask, ha, kung may tanong ka. Tingin ko pa naman sa’yo ang bait mo.” “Salamat.” Kinuha na niya ang lalagyan ng pagkaing may tatak ng isang hindi niya naman kilalang restaurant. Tingin niya mamahalin, ang ganda ng packaging. Pwede naman sanang idiretso sa mismong opisina sa itaas pero pinapahirapan pa talaga siya. “Sige, salamat ha.” Ngiti lang ang naging tugon niya. Wala siyang maraming oras para makipagtsikahan at baka masabon na naman siya. Habang lulan pabalik sa itaas, mas tumindi ang pangangalam ng sikmura niya. Pagkain ang hawak niya, humahalimuyak sa aroma. Ang sarap papakin, kaya lang bawal. “Sir, nandito na ho.” Tinapunan lang nito ng sulyap ang bitbit niya at bumalik kaagad sa ginagawa ang pansin. Ngayon niya lang nakitang may suot itong salamin. Bagay rito ang maangas pero hindi naging kabawasan ang pagsusuot nito ng black-rimmed glasses. Gwapo pa rin. Kaya namamatay-matay sa paghanga mga babae rito. “Titigan mo na lang ba ako buong oras?” Napapahiyang nagtungo siya ng ulo. “Saan ho ba ninyo gustong kumain, Sir?” Hinubad nito ang salamin at malamig ang tingin siyang tinitigan. Parang bored ito sa hitsura niya. “There.” Itinuro nito ang sarili nitong conference table sa isang sulok. May kusina pero ayaw gamitin. Mabilisan niyag inihanda ang mga iyon. Sinigurado niyang maayos ang lahat bago ito kumain. Tumayo ito at nagtungo sa kitchen at naririnig niya ilang sandali ang tunog ng pagbubukas ng gripo. “Ready na po, Sir.” Tahimik itong nagtungo sa kinalalagyan ng mga pagkain at umupo. Bago nagsimulang sumubo, isang utos pa ang naging reward niya. “Shred that document.” Ang dokumentong kinuha niya mula sa marketing department. Nanginginig pa nga ang empleyadang nakausap niya. Ganoon na lang ba kadali ritong itapon ang pinaghirapan ng iba? Pwede naman itong magbigay ng komento at idetalye ang dapat na ayusin. Ganoon ang ginagawa ng amo niya kapag nagkamali sila. “Miss Magpantay!” Dali-dali niyang inabot iyon. Akala yata ng amo niya hindi siya marunong gumamit ng machine. “Sir, bakit hindi na lang ho i-recycle?” Nakagat niya ang ibabang labi. Bakit ba ang hilig-hilig niyang magbigay ng unsolicited advice sa isang asungot? Bago pa man ito bumuga ng apoy, humakbang na palayo at lumabas ng private office nito. Nasa malapit sa table ni Cristina ang shredder. Habang nilalamon ng makina ang papel at ginugulanit, sumabay naman ang pagkalam ng sikmura niya. Gutom na siya. Pasado alas dose na. Kumain na at lahat ang mga empleyado sa buidling na ito at baka siya na lang ang nalilipasan ng gutom. Tingin niya tuloy sa mga papel ay pansit miki. Titiisin niya muna ang gutom. “Sir, tapos na po. Pwede na ho ba akong umalis?” Tinapangan niya na ang sariling magpaalam. Walang sagot. Sumusubo lang ito. Nanghahalimuyak sa loob ng opisina ang masarap na amoy-bakang pagkain. Walang rice. Dinurog at pininong sa tingin niya ay patatas na may mga kukunting greens ang kapareha ng kinakain. Parang ang sarap nang agawin ng tinidor na pinantutusok nito. Napapasabay siya sa paglunok. Nakakainis. Naiinis siya sa sarili kung bakit kailangang umakto siyang parang tutang naghihntay na masipa ng amo. Inayos niya ang tayo at pinaghiwalay ang magkasalikop na mga palad sa kanyang harapan. Kahit papaano naman ay ma-match niya ang dignified look ng kaharap. Saka niya napansin na tatlong butones na pala ang tinanggal nito. Nabawasan kahit paano ang istriktong aura. Kung hindi lang sana ito magsasalita, mapagkakamalan itong mabuting tao at hindi asungot. “Sir.” Walang sagot sa sinabi niya. ‘Bingi yata.’ Tumikhim siya para kuhanin ang atensyon nito. Sa pangalawang pagkakataon ay nagtagumpay siya. Kasama ng bahagyang pag-angat ng ulo ay ang pagtaas ng mga kilay nito. “Sir, wala na po ba kayong iuutos?” Matunog nitong ibinagsak ang tinidor. Tuluyan nitong iniwan ang pagkain at sumandal sa sofa. Heto na naman ang intimidating na dating ng amo. “Why ask?” Umawang ang bibig niya. Alangan naman at baka magalit na naman ito. Para pa naman itong gagong demonyo. Ansama ng ugali talaga. Wala pa siyang nakakasalamuhang mayaman, pero kung ganitong kayaman at kasamang ugali naman ang makakasama niya, salamat na lang. “Hawak ko ba ang bibig mo?” Napakawalang modo talaga. “Take your lunch. The last thing I would want is a sick employee.” Makakakain na rin siya sa wakas. Pinakain na siya ng masamang ugaling amo. Ayaw nito ng sick employee pero mukhang dead employee ang gusto nito. Halos takbuhin na niya ang kinaroroonan ng elevator at pinindot ang floor number ng opisina nila ni Angie. Nandoon pa ang mga gamit niya kasama ang baunan. “Oh, my God! The new secretary is here!” May warning look siyang itinapon sa kaibigan na huminto pa talaga sa ginagawa at sinalubong siya. Ang kulit talaga ng Angie na ito. Hayun at sinadya pa talagang kuhanin ang atensyon ng mga marites sa department na ito. Matutulis na mga tingin ang ipinupukol sa kanya. Kung makaasta ang mga ito, akala ba naman nila paraiso ang kinahahantungan niya? Impyerno pa kamo. Nakita niyang maayos nang nakalagay sa iisang sisidlan ang iilan lang namang mga gamit niya. “Inunahan na kita. Lilipat ka na kasi sa mas bonggang office,” maarteng anunsyo ni Angie na sinadyang lumingon sa mga kasama nila na may nakakalokong ngiti. “Angie,” sita niya rito. Ngumiti lang ito at kumindat. “Hayaan mo na. Kanina pa mga ‘yan, eh. Pwes, patayin natin sa inggit.” Napapailing na lang siya. Kita niya kung paanong umismid ang tres maria. ‘Di talaga nauubos ang masasamang hangin kahit saan. From one hell to another. Hindi na niya pinalawig ang usapan nila ni Angie. “Kailangan ko nang bumalik sa langit.” Isng mahigpit na yakap ang iginawad ni Angie bago sila maghiwalay. Hindi na siya nakapagpaalam ng maayos sa department head nila dahil lumabas ito. Pagkalapag ng kahon niya sa mesa ay nagbanyo muna siya at naghugas ng kamay. Gutom na gutom na siya kaya pagsayad pa lang ng puwet sa upuan ay ang lalagyan ng baon na kaagad ang hinanap niya sa kahon. Kumikislap ang mga mata niyang nakatitig sa laman ng binuksang Tupperware. “Ang sarap,” parang pulubing dinala niya sa tapat ng ilong at inamoy ang pagkain. “Makakain na nga.” Ngayon niya lang naramdaman ang ganitong excitement sa pagkain. Sumandok siya at sumubo. Ninamnam niya muna ang unang dalawang kutsara at pagkatapos ay naging sunud-sunod na ang subo. Napapikit pa siya ng mga mata. “What is that?!” “Ay, kalabaw!” Dahil ng gulat ay muntikan na niyang maibalibag ang baunan. Kung bakit ba naman kasi nanggugulat itong amo niya? Ano na naman ba ang pakay nito? Late lunch break na nga, uutusan pa siya. “Ano ‘yang kinakain mo?” Napalipat-lipat ang mga mata niya sa pagkain at sa amo na tinabunan pa ang matangos na ilong. Nakakunot ang noo nito at mukhang nababahuan. Nauunawaan na niya, nandidiri ito sa bagoong na ulam niya. Nilunok niya muna ang laman ng bibig bago sumagot. “Bagoong po, Sir at…at kanin.” Imposible namang hindi nito kilala ang bagoong. “Throw that away!” Ang sayang naman. Hindi pa niya nauubos. Mabilis niyang natakpan ang baunan nang matantong hindi ito nagbibiro. Baka nga ito ang magkusang itapon, mas mabuti sigurong kakain siya sa malayo rito. Nagpaalam siya sa amo at bitbit ang baunan ay lumabas siya ng opisina. Pwede niya namang tapusin ang naudlot na tanghalian sa terrace nito o ‘di kaya sa kitchen pero baka magalit ito. Papanhik na sana siya sa elevator nang matanaw niya ang hagdanan patungo sa itaas. Nagdesisyon siyang doon kakain. Umakyat siya hanggang sa marating ang pinakaituktok na bahagi ng staircase. Malawak na deck ang nasumpungan niya. nang silipin niya ay natanaw niya ang nakahimpil na chopper na may tatak na DC sa malalaking asul na letra. Helipad pala ang bahaging iyon at nakatungtong ang sasakyan sa pabilog na platform. Ang sarap lang titigan. Pansamantala niyang nakalimutan ang gutom. Noong bata siya, madalas niyang pangarapin na sana nakakalipad siya. Gusto niyang makarating sa ibang lugar kung nasaan ang tatay niya. Napabuntung-hininga siya. Ipinilig ang mga naiisip at tinapos ang pagkain. Pagbalik sa opisina, naratnan niya itong abala sa pakikipag-usap sa phone. Sandali itong nag-pause at tinitigan siya nang hindi inihihinto ang pakikipag-usap sa nasa kabilang linya. Matalim ang titig ni Leandro sa kanya. ‘Ano na naman ba?’ Hindi naman siya nagtagal sa pagkain, ah. “I’ll send it right away.” Pinatay ng amo ang phone at isinuksok sa bulsa. Kinain niya kaagad nang buo ang pansin nito. Namulsa ito. Mas lalo tuloy nadipina ang lapad ng dibdib nito at mga balikat. Kapag tinititigan niya ito sa ganitong kaseryosong ekspresyon, hindi niya maiiwasang maisip na maaari siya nitong buhatin sa isang kamay lang at itapon sa labas ng glass wall kapag nainis pa ito sa kanya lalo. Kaya, alerto siya sa maaaring iutos nito. “Get me the memo prepared by Cristina yesterday.” “Saan ko ho ba kukunin, Sir?” Halata sa pagtikom ng bibig at pagdilim ng tingin sa kanya na mali ang naging tanong niya. Kahit ano namang sabihin niya, walang saysay sa lalaki. “Sa basurahan,” sarkastiko nitong pagkakasabi. Hindi pa rin nagbabago ang habas ng mukha. Wala pa ring emosyong nakapinta. Napatungo siya. Napakagat labi at nilaro ang mga daliri sa kamay na nasa kanyang harapan. Nalilito na siya kung anong pwedeng sabihin sa harapan nito. “Tungkol saan ho ba ang memo, Sir.” “Just find me the latest she made, damnit!” Nagkukumahog siyang buksan ang computer. Lumitaw ang mukha ni Cristina sa screen. Litaw ang cleavage nito sa suot na puting long sleeves na sinadyang buksan ang unang dalawang butones. Isa-isa niyang tinitigan ang mga folders na nasa desktop. Efficient nga ang babae. Maayos na naka-folder ang lahat ng files. Isa sa mga iyon ay may filename na memo. Hinanap niya ang pinakabagong gawa sa recent files na binuksan nito. Memo ang file name. “Ito na siguro ‘yon.” Ready for printing na ang document. Nang mai-print ay dinala niya iyon sa amo. “Ito na po ba ‘yon, Sir?” Segundo muna ang lumipas bago ito tumango. Sa kaloob-looban niya ay nagbubunyi siyang lihim dahil alam niya, inaasahan nitong papalpak siya. “Send a copy to all the departments.” Habang naglalakad pabalik sa desk ni Cristina, binilang niya sa isip kung ila ang department meron ang kumpanya. Habang hinihintay na matapos iyon, kumuha siya ng A4 plastic folders sa cabinet at naghanda na rin ng clip. Isa-isa niyang sinulatan ng lapis ang bawat folder ng mga pangalan ng mga departments. “Tapos na po, Sir.” Nanatili itong nakatutok sa screen ng mamahalin nitong laptop. Nakapatong sa dalawang magkasalikop na mga palad ang baba nito. Alanganin siyang kunin ang atensyon nito pero sa huli, nagdesisyon siyang magsalita at basagin ang pananahimik nito. “Sir, tapos na po ang pinagawa ninyo.” "I'll call you when I need you.” Sa buong maghapon ay wala siyang ibang inatupag kundi ang mag-akyat baba sa bawat palapag na sakop ng kumpanya. Nananakit na ang mga paa niya. Kapag wala naman itong inuutos, nakaupo lang siya sa upuan ni Kristina at nakatitig sa computer screen. Takot siyang mangialam pa sa mga files o ang galawin ang alinman sa mga gamit. Baka makasira lang siya. Halos dalawang oras na siyang nakaupo at hinihintay na mapanis ang laway nang biglang bumukas ang pintuan ang private office nito. Napatayo siya. Parang wala itong anumang nakikita at kampanteng naglakad nang nakapamulsa. ‘Aalis ba siya?’ Gusto niyang magtanong pero nagdalawang-isip siya. Hatid niya ito ng tanaw hanggang sa tuluyan na itong mawala sa paningin niya. Ibinagsak niya ang sarili at bumuga ng hangin. At least, mari-relax siya kahit konti. Ano na ba ang gagawin niya? Naisipan niyang bumaba kay Angie pero baka may magsumbong na naglakwatsa siya. Ang ginawa niya na lang ay ang magligpit at magbasa ng kahit anong hard copy documents sa file cabinet. May mga nakita siyang reports, pwede niyang pag-aralan. Natapos na nga niyang buklatin ang isang report ngunit walang Leandro dela Cuesta ang dumating. Malapit nang gumabi. Laking pasalamat niya lang na iilang tawag lang ang natanggap niya. “Sir, nasaan ka na ba?” Tuluyan na ngang dumilim. Ang dami-dami nang pumapasok sa utak niya. Magluluto pa siya, Magpapaturo kay Denver. Magagahol siya sa oras. Minu-minuto niyang tinititigan ang entrance, umaasa siyang babalik na ang amo. Laking tuwa niya nang makitang papasok ito ng opisina. Kumunot ang noo nito pagkakita sa kanya. “You’re still here.” Maang siyang napatingala sa amo. Sa tingin niya, hindi naman ito nanggaling sa meeting. Basa ang buhok nito at iba na ang suot na damit. Kaswal na itong titigan kaysa sa kanina. “Hinihintay ko po kayo, Sir.” Nagsalubong ang mga kilay nito at nanliit ang mga mata. “Why? Bitbit ko ba ang mga paa mo? Can’t you even decide when to stay or go home?” Hindi siya nakakibo. “Go home already.” Bago pa man magbago ang isip nito ay kipkip na niya ang mga gamit at nagtungo sa kinaroroonan ng elevator. Madalang na lang ang mga tao sa ibaba ng building. Nang silipin niya sa malaking orasan sa lobby, mag-aalas siete na. Halos takbuhin na niya palabas ang entrada ng building. Tumatagaktak ang mga paa niya. Dala ng pagmamadaling makarating kaagad ng sakayan ng jeep, hindi na niya namalayang may kung anong mausling bagay ang natapakan niya. Dahil sa nangyari ay napigtas ang kawit ng sandals na suot niya. “Ano ba naman ‘yan?” Problemadong lumuhod siya sa lupa. Nailapag niya nang wala sa oras ang maliit na bag para sa baunan at awing-awang tinitigan ang nasirang sapatos. “Nakakainis naman o.” Natampal niya ang sariling noo. Naiiyak na siya sa prustrasyon. Maglalakad siya ng walang sapin sa paa nang wala sa oras. Sa primyadong lugar na ito, imposibleng makahanap siya ng mumurahing sapin sa paa. “Hay, grabe naman, Lord.” Luminga siya sa paligid. Paroon at parito ang mga sasakyan sa kalsada. Wala man lang talaga ni isang nakaisip na hintuan siya at tulungan o ‘di naman kaya ay pasakayin. Nagpakawala siya ng hangin sa dibdib. Siguro kung seksi at magandang babae lang sana siya, baka mag-unahan sa paghinto ang mga ito. Nakapanliliit lalo sa pakiramdam. “Ay!” Napatayo siya nang may kotseng tumapat sa kanya ang malakas na bomosina. Muntikan na siyang mahagip pero ang nagmaneho pa ang galit. Ibinaba nito ang bintana ng kotse at bahagyang sumilip at may pasigaw na sinabi. Bakit ba bumabaha ng walang modo sa mundo? Naiinis na naiiyak niyang ibinaling sa ibang direksyon ang pansin. Namataan niya ang isang magarang itim na kotse na mabagal na tumakbo. Mistulang nagmenor. Sa bagal ng usad, kita niya ang nagmamaneho sa loob mula sa nakabukas na bintana. Ewan niya kung bakit hindi niya maalis ang tingin sa kotse. Tila kasi hinihintay ng mga mata niya na matitigan ang nasa likod ng manibela. May bahagya pang pagtahip sa dibdib niya habang hinihintay na masilayan ito. Baka nga, mabuting taong mag-aalok sa kanya ng tulong. Pasasakayin siya kahit hanggang sa makahanap siya ng tindahan. Ni hindi na niya naisip na baka masamang tao ito. Bumagal pa ang takbo ng kotse. Hanggang sa tumapat ito sa kanya. Ganoon na lang ang pagtahip ng dibdib niya nang magtama ang mga mata niya at ng nasa loob. For a brief moment there, tila nilinlang siya at may nakitang concern sa mga mata ni Leandro dela Cuesta. Malambot ang habas ng mukha ng lalaki. Parang nasa aktong naaawa. ‘Hihintuan niya ba ako?’ Kapag nanagyari ‘yon, baka maabswelto ang lahat ng pang-aalipusta nito sa kanya. May bahagyang pagpitik sa puso niya isipin pa lang na isasalba siya nito. However, the man was not the Good Samaritan that she expected. Imbes na mabait at matulunging tao, isang antipatikong demonyo ang nakita niya. Walang kaabog-abog na sumarado ang bintana at bumilis ang pagtakbo. Naihatid na lang niya ng tanaw ang likuran ng kotse. Lumundo ang dibdib niya. Napalis ang katiting na pag-asa na may kabutihang pusong nakatago naman pala ito. Ini-expect naman niya na hindi ito magmamagandang loob sa kanya pero bakit ganito? May sundot ng kirot na nabuhay sa kaibuturan ng kanyang puso.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD