7 - Kape

1999 Words
Ilang beses siyang napakurap-kurap. Lumuwag ba ang turnilyo ng amo niya at in-offer-an siya ng ganitong posisyon? Kailan lang inaaba nito ang buong pagkatao niya. Tinawag pa siyang tanga at bobo, pagkatapos ay bigla na lang siyang aalukin ng ganitong trabaho. Napakaimposible naman yata. Ang hirap paniwalaan. Perfectionist. Workaholic. Ganoon ang mga sinabi ni Angie patungkol kay Mr. dela Cuesta. Hindi ito ang tipo ng kukuha ng aanga-angang assistant na kagaya niya. Maliban na lang kung… Nanlamig ang pakiramdam niya. Tila gusto niyang yakapin ang sarili pero tila nanigas ang mga kalamnan niya para kumilos man lang. Kahit ang leeg niya ay tila naninigas na sa katititig sa kaharap na nang magsabog yata ng kagandahang lalaki ang Dios ay nasalo nitong lahat. Nakakailang na sa kabila ng kinasadlakang sitwasyon, nakuha pa niyang suyurin nang palihim ang kabuuan nito. Nakasuot ng executive suit pero hindi maipagkakailang nasa tamang lugar ang mga masels. Parang kaya siyang buhatin gamit lang ang isang kamay nito.At ang husay nitong magdala ng damit. Subalit ang paghanga ay kaagad na umurong nang dumako na naman ang paningin sa mga mata nito na tila nanghihiwa kung makatitig. Parang sa isang tingin lang ay mapapasunod na ang sinumang matamaan ng mga mata nito. “Are you done checking?” nanunuyang tanong nito sa kanya. Napapahiyang nagbaba siya ng tingin. Baka akalain nito na katulad siya ng mga kababaihan dito sa opsina na humahanga sa maling tao. Naaalala na naman niya ang galit nito kahapon. Nagmumukha na itong sasabog at tila kulang na lang ay manakit. Ang dami niyang tanong sa utak pero natatakot siyang mag-angat muli ng paningin. Nakakatakot itong titigan. Direkta na lang niyang itinuon ang atensyon sa pinagkukusot na mga kamay. Saka nalipat ang paningin niya sa inaapakang carpet. Tila nahihiya ang mga paa niya sa kalidad niyon. Ang lambot din ng couch na kinauupuan sa ngayon. Paano ba babagay ang isang kagaya niya sa opisinang ito? Lalo na sa among biniyayaan ng ubod ng samang ugali. Muling kinain ng patterns ng gray carpet ang isip niya. Na para bang magbibigay linaw sa kanya ang mga linya. “Won’t you say anything?” Interview portion na kaya ito? Pangalawang tanong na ito, ah. Napilitan siyang mag-angat ng mukha at salubungin ang malamig nitong mga titig. “S-sir, bakit ako?” kabado niyang tanong. Para yatang may residenteng nag-iingay sa ka loob-looban niya. “Bakit hindi?” Bilib siya sa kung paanong napapanatili nito nang ganoon katagal ang posisyon. Ganito rin kaya ito kapag kaharap na ang mga business associates? O, baka sa kanya lang talaga mainit ang ulo nito. Nanunukat ang mga titig nito. Tumatagos yata sa kanyang kaluluwa. Sana man lang, nakita nito ang mga takot niya, ang mga pangamba at agam-agam. Paano ba niya magagampanan ang tungkulin ng isang executive secretary? Pinaparusahan lang talaga siya nito. Alam niyang ang gusto lang nito ay ipapahiya siya. “Marunong ka pa sa akin, hindi ba?” Kalian ba siya nagmamarunong? Nasa aktong sasagot siya ngunit umalis ito sa kinatatayuan at nagbalik sa upuan. Ang mga mata nito ay ayaw siyang tantanan. “Sir, paano kung…kung hindi ko tatanggapin?” mahinang boses niyang tanong kahit pa nakikita niyang hindi ito makikinig sa anumang rason na ibabato niya. Ang tipo nito ay ang mga taong matayog ang paniniwala sa sariling rason at argumento. Matigas ito. Bato yata ang puso. Kampante itong sumandal sa swivel chair at marahang pinaikot ang upuan. “Then it is easier for me to fire you.” So, iyon ang dahilan. Nakikini-kinita na niya kung paano siya nito pahihirapan. Naghahanap ng kongkretong butas para siya mapaaalis sa kumpanyang ito. Kahit naman may natitira siyang pride sa sarili, alam niyang ito ang pagkakataong lulunukin iyon. Hinahamon siya, pwes, tatanggapin niya. Pinagkrus niya ang mga daliri. Sa dami na niyang pinagdaanan sa buhay, wala siyang planong sukuan ang hamon na ito. Kahit ano’ng mangyari. “Kailan po ako magsisimula?” Ginawa niyang matatag ang boses sa abot ng kanyang makakaya. Umangat ang sulok ng bibig nito habang pinaglalaruan sa gitna ng mga palad ang itim na maliit na bola na parang sa baseball. Ngumiti nga, ngiting demonyo naman. “Instantly.” “Instantly po?” Tumaas ang tono niya sa gulat. Umiling-iling ito. Mas nadipina ang mapanghamak na ngisi. “Ang pagiging tanga at boba ay wala sa criteria ng kahit sino sa naging executive secretary ko.” Ayan na naman, tinawag na naman siyang tanga at boba. Nauunawaan niya naman ang salitang instantly. Para naninigurado lang. “S-sige po.” Tumayo siya at akmang lalabas ng opisina. “Where are you going?” ‘Di pa naman nakadalawang hakbang ay agaran nitong tanong sa malamig na boses. “Sa…sa baba, ho. Kukunin ko lang ang mga gamit ko.” “It can wait.” Umayos ito ng upo at hinarap ang laptop nito. “Ano po ang una kong gagawin?” Wala man lang orientation. Buti pa sa pinagtrabuang factory dati, maayos pa silang ino-orient sa job description nila. “You can start by making me a cup of coffee.” Napatda siya. First hour sa unang araw niya, igagawa niya kaagad ito ng kape? Gusto niyang itanong kung anong lasa ang gusto nito pero baka mapagalitan na naman siya. Ang isa pang problema niya, hindi niya alam kung saan siya gagawa ng kape. May pumitik sa utak niya. Sa likod ng divider malapit sa mesa ni Cristina kung saan nakita niyang… Dumaan sa isip niya ang masagwang tagpo. Ang laswa… Basta may nakita siyang tila kitchen doon. “Sige po.” Pumihit siyang muli ngunit muli rin nitong tinawag ang pangalan niya. “There.” May itinuro ito. Glass sliding door sa isang sulok. Humakbang siya palapit sa naturang pinto na kumakabog nang malakas ang dibdib. Parang ayaw na talagang mag-normalize ang t***k ng puso niya. Totoo na talaga ito. Totoong magsisilbi siya sa isang demonyong gwapo. Nanginginig ang kamay niyang humawak sa door handle at itinulak iyon pabukas. Nalula siya sa nakita. Para siyang nasa isang modernong kitchen ng isang hotel. Ang laki ng silid, hindi lang basta pantry. May U-shaped counter sa bahaging kanan niya. Kumpleto sa high-tech na mga gamit. Sa pinakagitna ay ang malapad na island kung saan may nakadisenyong katernong kisame na may nakahanay na mga ilaw. May anim na upuan sa kabilang side. Higit sa kung ano lang ang kailangan para sa isang tao. Malapit sa glass wall sa kaliwa niya ay may eight-seater dining pa na nahahanigan ng parihabang carpet. May nakasabit di g chandelier sa itaas niyon. “Sobra-sobrang karangyaan,” naiisip niya. Isinaksak niya ang water dispenser. Kumuha siya ng tasa, saucer at kutsarita. Habang hinihintay na kumulo ang tubig ay naengganyo siyang silipin ang tila malawak pang espasyo mula sa dining. Nakakailang lang na tumutunog ang bawat hakbang niya sa marmol na sahig. Sumalubong kaagad ang mainit na hangin sa labas pagkalabas niya. Katulad nang nakikita sa loob, nakakamangha ang balcony. May pool, may mga upuan, may mga ornamental plants sa piling mga sulok. ‘Nagagamit kaya ng boss ang bahaging ito? O kahit ang dining table man lang?’ Hindi na iyon mahalaga, ang importante lang ay magampanan ng tama ang utos ng boss. Baka maglista ito ng mga kamalian niya. Mabilis siyang bumalik sa kitchen. Naghanap siya ng kape sa cabinet. Inilabas niya ang canister ng kape, asukal at creamer at nagsimulang maglagay sa tasa. Nilalagyan na niya iyon ng tubig nang marinig ang malakas nitong boses. “Miss Magpantay!” “Ay! Anak ng demonyong tipaklong!” Halos mabitiwan niya ang tasa sa gulat nang umalingawngaw ang malakas nitong boses na lumusot sa nakabukas na pintuan. Hindi sinasadyang nabuhusan ng mainit na tubig ang kanyang daliri. Nakagat niya ang labi sa kirot. Tiniis niyang mailapag iyong mabuti bago hinipan ang napasong bahagi. Gusto niyang lumundag sa sakit. Itinapat niya gripo ang kamay at hinayaang dumaloy ang tubig doon. Napawi kahit papaano ang sakit. Tinuyo niya ang mga palad nang buong ingat na huwag madampian ang bahaging napaso. Kumikirot pa rin nang maiahon sa tubig pero kailangan na niyang magmadali. “Is it that hard making coffee?” “Isinaksak ko pa kasi ang dispenser, Sir.” Maayos niyang inilapag ang kape sa mesa nito. Pati mesa nito, ang kintab. Parang nakakahiyang dumihan o hawakan man lang. “Dispenser? May coffee maker, use it next time.” Patay! Paano ba gamitin ang coffee maker? Mamaya isi-search niya sa net. Pwede rin siyang magpaturo kay Denver. Umatras siya. Parang sundalong alerto na nakaantabay sa isang sulok habang hinihintayna na paalisin siya Baka kapag umalis ay tawagin na naman siya. ‘Stay put ka lang, Rome.’ Dinampot nito ang tasa ng kape at dinala sa tapat ng bibig nang hindi inaalis ang paningin sa screen. Ano ba ang gagawin niya, magiging audience siya nito? ‘Yon nga ang ginawa niya. Para itong show na pinanood niya. Ang mga daliri niya sa likuran ay naikrus nang palihim habang tinitikman ng hari ang kape. Mula sa pagsinghot nito sa kape hanggang sa marahang pag-ikot ng tasa kaya tila umikot ang usok mula sa mainit na likido. Ang weird lang at parang nakikita pa niya kung paano iyon tila pumasok sa matangos nitong ilong. Isa. Dalawang simsim. Mas nangintab ang mapupula nitong mga labi nang madantayan ng likido. Ibinaba nito ang tasa sa saucer. Kumalansing pa ang natamaang kutsarita na hindi naman nito nagamit. Sinalakay siya ng matinding kaba nang tila kalkuladong inilipat nito sa kanya ang mga mata. Isa. Dalawa. Tatlo. Nababaliw na talaga siya. Kahit ang paninitig nito ay nagawa niyang bilangan. Sumandal ito sa swivel chair at parang tuta siyang minuwestrahang lumapit gamit ang kanang hintuturo. “Taste it,” malamig na utos nito na itinuro ang kape. “Sir?” “Tikman mo.” “P-po?” “I said, inumin mo.” Napalunok siya. Ayon sa mga naririnig niya, maselan daw ito pero pinapagamit sa kanya ang pinag-inuman nito. Nanginginig ang mga daliring dinampot niya ang tasa at tinantiya muna kung saang parte ang hindi nadantayan ng labi ng amo. Baka maghuremintado. Tinikman niya. Halos mapabuga siya nang malasahan ang kape. Natural na mapait pero parang lason na ang pait niyon. “Ano’ng lasa?” Nasa baba na nito ang magkapatong na mga palad. Parang guro itong naghihintay kung kalian magkakamali ang estudyante. Pero kakatwang sa kabila ng pait ng lasa ng kape at sa kaba na lumukob sa kanyang dibdib, nagawa pa niyang titigan ang humuhulmang masel sa suot nitong polo. “So?” Kaagad siyang umayos ng tayo. Ang kape ay nanatiling nakaangat sa ere. “Mapait po, Sir,” mahina niyang sambit. Ang tanga niya. Nakaligtaan niya palang lagyan ng asukal. Ibinalik niya ang mga canister sa lalagyan nang hindi nabubuksan. “First offense.” Muli ay nanunupok ang mga titig nito. Binibilangan nga siya. Hanggang ilang mali naman kaya? Paano ba siya hindi magkakamali kung para siyang halos mapapalundag sa kaba at gulat dito. Parang laging high blood na demonyo. Gwapo lang pero ang sama ng ugali. “Throw it away.” Para siyang nakahinga nang maluwag. Ang sikip kasi ng pakiramdam niya kapag kasama ito. Napabilis ang hakbang nya patungo sa sink at napahawak sa gilid niyon. Huminga siya nang malalim. Paulit-ulit. Hinahamig niya ang sarili. Napatingin siya sa napasong kamay. Namumula iyon. “Paso pa lang ngayon. Ano na naman kaya mamaya?” Parang gusto niyang maiyak sa prustrasyon. Ang hirap kapag kumakapit sa trabahong alam niyang hindi naman nababagay sa kanya. Napalingon siya sa makintab na pinto ng double-door refrigerator. Ang layo ng ayos niya sa Cristina na ‘yon. Inalis niya ang titig doon at inatupag ang paghuhugas ng tasa. May dishwasher at dryer, hindi niya alam kung paano gamitin. “Miss Magpantay!” Napapikit siya. Kakasarado niya pa lang ng gripo. “Sandali lang po!” Naiiyak na siya. Hanggang kailan ba kakayanin ng tibay ng loob niya ang isang kagaya ni Leandro dela Cuesta? Hanggang saan ba ang itatagal ng pasensya niya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD