Just like that.
Sa isang pitik lang ng mga daliri, may trabaho na ulit siya at sa isang premyadong tanggapan pa sa business center ng Makati. DC Corporation, ang kumpanyang sagot sa mga dalangin niya. Sa mga oras nga na ito, kasama siyang nakikiisa sa daloy ng mga emlpeyadong papasok sa main entrance ng mataas na gusaling pinapasukan habang hawak ang keycard.
Sa loob ng halos dalawang linggo, kapag umaapak na siya sa makintab na sahig ng lobby, hindi niya maiwasang mamangha at mailang at the same time. Nasanay siya sa pantalon at t-shirt na sinusuot nila sa pinasukang pabrika. Hindi siya sanay magsuot ng damit pero sinisikap niya. Palaihim niyang pinasadahan ang sarili habang naglalakad sa pasilyo. Lihim na ikinukumpara sa corporate attire ng iba.
'Okay lang ang ayos mo, Romina. Hindi mo kailangang pumantay sa ayos ng iba. Ang mahalaga, may trabaho ka."
Komportableng mga kasuotan ang dapat sa kanya. Takbo rito, takbo roon lang naman kasi ang ginagawa niya. Utility s***h messenger s***h encoder. Wala naman talagang posisyon na nababagay sa kanya. Naka tatlong semester lang siya sa college at education pa ang kinuha niya. Malayong-malayo sa corporate world na 'kinabibilangan' niya sa ngayon. Biyayang maituturing na naririto siya.
"Hm, you are an undergraduate."
Naalala niyang komento ni Mrs. Melendrez, ang HR head na nag-interview sa kanya noong araw na pinapunta siya sa DC. Kinabahan agad siya sa klase ng tila panliliit ng mga mata nito. Nasa maling lugar at oras siya, alam niya iyon. Hindi niya matandaang nagpasa siya ng application dito pero sa kung paanong paraan na tinawagan siya.
"Ma'am, baka po nagkamali. Wala naman po akong matandaan na nag-apply ako rito." Hindi niya maiwasang huwag maging totoo.
Ilang saglit siyang tinitigan ng babae na may amused na ngiti sa mukha. "Don't you need a job?"
"Kailangan ho."
"That’s the reason you are here.”
Inilapag nito sa gilid ng makintab na mesa ang papeles.
“Should we hire you?”
Napipilan siya sa narinig. Madalas, halos magmakaawa na siya magktrabaho lang. Ngayong mistulang ang trabaho na ang lumalapit, dinaga naman siya ng takot. Ano ba ang alam niya sa corporate world?
“Wala po akong alam sa office works, Ma’am.”
“Pero interesado kang matuto?”
“Opo, Ma’am at hindi po ako mareklamo kahit ano pa ang ibigay na trabaho sa akin.” Hindi sinasadyang napahawak siya sa edge ng mesa ni Mrs. Melendrez habang nagsasalita. Kaagad din namang napabitaw nang napatitig doon ang babae. Umayos siya ng upo. Baka mamaya, maling-mali na ang mga galaw at ang mga lumalabas na salita sa bibig niya.
“So, walang problema kung i-hire ka namin. Actually, the owner insisted in hiring you."
"O-owner po, Ma'am?"
Ipinagpatong nito ang mga kamay na may well-manicured na mga kuko sa mesa at mataman siyang tinitigan. "You didn't know?"
"Hindi po," sagot niyang sinabayan ng pag-iling. Pwede naman niyang sabihing, 'oo, nag-apply po ako.' Pero ayaw niyang magsinungaling. "Naisip ko na lang na baka sa daming pinagpasahan ko, nasama ko nang magpadala rito kahit na..." luminga siya sa paligid ng magandang opisina, "alam ko namang hindi ako qualified dito."
Tiningnan siya ni Mrs. Melendez na may kakaibang emosyon sa mukha. Ang uri ng titig nito, para bang inaarok ang pagkatao niya. Human Resource Manager nga naman ito. "Ano ba sa tingin ang mga qualification ng isang tao para i-hire ng kompanyang ito, Miss Magpantay?"
Nagyon naman, binibigyan siya ng kaba sa klase ng seryosong tanong. "Educational qualifications, ho, at aminado po akong kinuulang ako no'n."
"And so, kung aalukin ka namin na magtrabaho rito, tatanggihan mo dahil maliit ang tingin mo sa sarili mo?"
"Naku! Hindi po! Susunggaban ko na po. Kailangan ko po talaga ng trabaho, Ma'am."
Sumilay ang maliit na ngiti sa mukha nito sa nakitang naging reaksyon niya. Halos mapatayo na siya habang nagpapaliwanag.
"Maupo ka na lang muna."
Binuksan nito ang drawer ng mesa sa gawing kanan nito. Kinuha nito ang isang folder na parang pamilyar sa kanya.
"This is the reason behind your presence here today."
Iyon ang simula. Ang matandang tinulungan niya ang dahilan nang pagkakapasok niya rito. Ang mismong may-ari pala. Balang-araw, mapapasalamatan niya rin ito. Kapag nabigyan ng pagkakataon, yayakapin niya ito nang mahigpit at labis na magpapasalamat. Ang gagawin niya na lang muna, pagbutihan ang chance na mayroon siya ngayon. Miminsan lang darating ang pagkakataong ito.
Inisip niya na lang na may bisa ang wish niya.
Chance of a lifetime ito at ang bait pa ng department head niya. Pinahihintulutan siyang magbenta ng mga paninda niya. Laking tulong at ginhawa sa kanya.
Kalalapag niya lang ng mga dala sa mesa niya nang mapansing aligaga ang mga kaopisina niya. First time na hindi ang mga paninda niya ang unang inatupag kundi ang magpaganda.
"Do I look okay?"
“Okay lang ba ang mascara ko?”
May nagpapahid ng foundation sa mukha, may naglalagay ng lipstick at nag-aayos ng buhok. Parang may pinaghahandaan ang mga ito. Ang isang accounting staff ay sinikap pang pagmukhaing malaki ang hinaharap. 'Yong dalawang inis sa kanya na officemates, nagmistulang nangudngod sa basang pulang papel de hapon ang mga nguso.
"Ano'ng meron?" 'di naiwasang tanong niya sa katabing mesa na inuokupa ni Angie. Sa lahat ng kaopisina, ito ang unang nakagaanan niya ng loob. Matabil kasi ito at palagay ang loob niya rito.
"Nagpapapansin. Mukha namang mapapansin sila." Nakatikwas ang kilay nito.
"Kanino naman?" tanong niya na binuksan kaagad ang computer. May mga data siyang kailangang i-enter. Simpleng encoding lang naman at ipinagkakatiwala sa kanya. Habang hinihintay na tuluyang magbukas ang computer ay inilabas niya muna ang mga disposable containers na may lamang leche flan. "Sa'yo nga pala ang isang 'yan."
"Ay, sus! Ang sweet naman." Inamoy pa ni Angie ang pagkain. "Dahil mabait ka, tsitsismisan kita."
Umusog pa ito palapit sa kanya.
"Romina!"
Umirap si Angie. "Ayan, utos kaagad. Hindi pa man nagsisimula ang pagiging Marites natin, na-miss ka kaagad."
Iniwan niya ang mesa at nagmamadaling tinungo ang private office ng head nila.
"Bring these documents to the finance department."
Nagmamadali niyang pinuntahan ang kabilang office bitbit ang mga papeles. Pagkabalik ay hindi pa rin natatapos ang mga kasamahan sa pagpapaganda. Maaga pa naman din kasi. Ang atensyon ng mga ito, halatang nasa pintuan nakapako.
"Sino nga ulit ang pinagpapagandahan nila, Angie?" out of curiosity'ng tanong niya sa katabi. Na-curiosu na talaga siya.
"'Yong taga-langit." Itinuro nito ang kutsaritang ginamit sa pagkain ng leche flan sa pagturo sa itaas.
Nakuha niya ang ibig nitong sabihin. Ang CEO na kailanman ay hindi pa niya nakita ang tinutukoy nito. May naririnig siyang mga bulungan na gwapo raw ito. Sabi pa sa mga nakasabayan kanina sa elevator, ubod daw ng gwapo.
"Akala mo naman mapapansin sila,” si Angie sa pagmi-make face nito.
"Bakit, ikaw ba, hindi crush ang crush nila?"
Umangat ang kilay ni Angie. "Hay, naku, hindi kagandahan ugali no'n at not so friendly pa."
Parang ang bitter naman nito.Hinayaan niya na nga at nagsimula na siyang magtipa sa computer.
“Higit sa lahat, babaero.” Talagang hindi ito matigil.
"Paano mo nasabing babaero?" Hininaan pa niya ang boses dahil mukhang ang tahimik na ng paligid. Ang namayani na lang kasi ay tunog ng tinitipang computer, may manaka-nakang usapan pero mahina lang naman.
"Nahuli ko lang naman po na nakikipag-chula sa isang babae sa elevator. Do’n sa express elevator."
Nangunot ang noo niyang pansamantalang iniwan ng mga mata ang screen at nilingon ito. "Chula?"
"Chula. As in ganito, o." Iniusli ni Angie ang nguso nito na parang humahalik. May papikit-pikit pang nalaman.
"Ah," nasabi niya na lang. Hindi siya komportable sa tinatakbo ng pag-uusap kaya simpleng nginitian niya lang ito at tumutok muli sa monitor. Mas mahalaga itong ginagawa niya kaysa sa tsismis. Thankfully, pinagkakatiwalaan na siya ni Mrs. Sanchez na gumawa ng mga simpleng spreadsheets o ‘di kaya ay i-check ang hindi kumplikadong mga records. Para sa kanya, fulfillment na iyon kung maituturing.
Mabuti na lang at naging buhos na rin sa trabaho ang atensyon nitong katabi niya.
"Hoy!"
Ngunit, ilang minuto lang ang lumipas nang muli siya nitong kalabitin sa tagiliran. Napadiin tuloy ang pindot niya sa delete key. Kandaugaga naman siyang mag-undo.
"Hindi mo pa naranasang makipag-chula?"
"Ang sagwa naman ng tanong mo, oi. Tsaka, hinaan mong boses mo at baka mahuli tayo ni Ma'am na nagchismisan sa oras ng trabaho."
Mulagat ang mga mata nito sa reaksyon niya. "So, hindi nga."
'Di niya ito sinagot. Tinalikuran niya lang.
"Ilang taon ka na ba?"
Ayaw talagang paawat.
"Magbi-bente kwatro."
"Ang tanda mo na, dapat pinabibinyagan mo na 'yang petsay mo at pinapalamog mo na 'yang nguso mo."
"Ewan ko sa'yo."
Pero hindi pa rin talaga tumigil ang babae. "Paano kaya kung si big boss ang bibinyag niyang bibig mo?"
Mabuti na lang talaga at may kalayuan ang mesa nila sa iba. Nasa malapit sila sa entrance ng opisina at siya ang nakapwesto sa pinakamalapit sa pintuan. Si Angie ang kasunod at may printer at Xerox machine pa bago ang ibang kasama nila. Pero kapag hindi talaga nag-iingat itong si Angie, pihadong masasagap ng iba ang usapan nila. Hindi pa naman kagandahan ang topic nila.
"Hoy!" pangungulit pa nito.
Napabuntung-hininga siya sa kakulitan ni Angie. Nawala ang atensyon niya sa ginagawa at nilingon ito.
"Sabi mo nga masama ang ugali ng boss, 'di ba? Kahit gaano kagwapo pa 'yang CEO natin kung masama naman ang ugali niyan, ayaw kong kahit madantayan niya ang balat ko. Mas lamang naman kasi ang ugali kesa sa anumang gwapo ng mukha. Kaya, pass ako sa sinasabi mong halik ng masamang ugaling boss natin," malumanay niyang sagot. Sa pagtataka niya ay nanahimik si Angie.
Sa ilang sandaling lumipas yata ay tila nawalan ng ingay ang buong paligid. Hindi niya maunawaan. Kahit ang mga parang parrot na mga babae ay tila naging most behaved din. May naririnig lang siyang tunog ng pag-apak ng paa sa sahig at huminto sa mismong tapat ng mesa niya. Namalayan na lang niyang may tumabing na kung anong anino sa gilid niya. Sa pagtataka pa niya ay tila nakatulala si Angie at namumutla ang mukha habang tila walang kakurap-kurap na nakatitig lang sa gilid niya.
'Ano ba ang trip ng isang ito?'
Dahan-dahan siyang lumingon.
Muntikan na siyang mapalundag sa gulat nang matanaw ang isang lalaking seryosong nakatitig lang sa kanya. Matangkad ang lalaki, mestisuhin, may matipunong pangangatawan, at maganda ang tindig at ayos. Nakasuot ito ng itim na long sleeves. Natatakpan ng computer ang ibabang parte ng katawan nito ngunit sapat na para masabing matangkad ito. Kapansin-pansin ang pagiging gwapo nito. Ibang level nga ang kapogian.
Hinintay niyang magsasalita ito ngunit nakatitig lang talaga sa kanya. Sa hindi malamang dahilan, nagsimulang maging aligaga ang sistema niya. May kakaiba sa paraan nang pagtitig ng lalaki sa kanya. Tila may hatid na kilabot na nanunuot sa kanyang kaibuturan. Parang nakapanghihina wala pa man itong gawin o sabihin.
Saka pumapasok sa isip niya ang amoy na nalalanghap niya na panigurado niyang nagmumula rito. Parang...parang pamilyar na hindi niya mawari. Naamoy na niya ito sa kung saan.
Minsan.
Pero ano ba ang problema ng gwapong mama'ng ito? Hindi naman siya maganda para titigan nito. Iniistorbo nito ang ginagawa niya. Heto at nilamon na nga nito nang tuluyan at buo ang kanyang atensyon.
"Sir, may...may kailangan ho ba kayo?" sa wakas ay natagpuan niya ang sariling tinig. Wala siyang sagot na nakuha. Ano ba ang nangyayari rito at ang tahimik. Parang ang gusto lang yata ng lalaki ay higupin siya o hindi kaya ay sunugin sa malamig na mga titig nito.
Napalinga siya sa mga kasamahan. Lahat halos ay nakayuko. May isang pasulyap-sulyap sa kanila. Ang dalawang maarteng officemates ay tila sinasabing, "buti nga sa'yo". Si Angie naman ay halos hindi na kumikilos o humihinga.
"Mr. dela Cuesta, I never thought you'd come here this early."
Boses ng department head ang narinig niyang umalingawngaw sa buong opisina. Tila isang malaking sorpresa kay Mrs. Sanchez na nasa opisina ang lalaki sa ganitong kaaga.
Dela Cuesta.
Dela Cuesta.
Pamilyar ang apelyido sa kanya. Nalipat ang mga mata niya sa gazetter na nakapatong sa mesa niya. Ibinigay iyon ng HR noong kapapasok niya para malaman daw niya ang history ng kumpanyang paglilingkuran niya. Isang beses man, hindi pa niya iyon nabubuklat. Nawala sa isip niya.
Saka niya nabasa ang nakasulat na pangalan sa cover page ng naturang magazine sa ibaba ng lalaking cover niyon, executive na lalaki na bagama't simpleng nakaupo lang sa isang mamahaling upuan ay sumisigaw sa kapangyarihan at otoridad. Ang manipis na balbas na nakapalibot sa bibig nito na nagdagdag ng manly qualities, ang matitiim na mga mata.
‘Diyos ko!’
Pinitik siya ng isang katotohanan. Ang lalaking nasa magazine at ang lalaking nasa harapan ngayon....iisa lang!
'Dios ko! Narinig niya ang mga sinabi ko.'
Ramdam niya kaysa sa nakikita ang pagbabago ng kulay at pag-iinit ng knyang mukha. Ang kanang kamay niyang nakahawak sa computer mouse ay basta na lang namasa. Ganito siya kapag nininerbiyos. At sa pagkakataong ito, higit pa kaysa sa nerbyos ang sumalakay sa buong sistema niya. Ibayong takot ang nararamdaman niya.
Kaharap niya lang naman ngayon ang tumatayong CEO ng DC Corporation. DC, Dela Cuesta.
"S-sir..." Wala siyang mabuong kasunod sa sinabi. Hindi niya magawang mag-sorry. Ngunit, bago pa man niya madugtungan ang sinabi, nagsalita ang lalaki.
"Who is this woman?"
Ang baritonong boses nito ay dumagdag sa matinding kaba. Pakiwari niya, hihimatayin siya anumang oras dahil sa malakas na pagkalampag ng dibdib niya.