6 - Penthouse

1268 Words
Atubiling pumasok si Romina kinabukasan. Matapos ng engkwentro nila ni Lean kahapon, inaasahan na niyang sisipain na siya nito sa trabaho. Pero gaya ng ibang mga araw, pinilit niya ang sariling bumangon at gumayak. ‘Kaya mo ito, Rome.’ Kasalukuyan siyang naglalakad sa lobby nang siya namang paghinto ng sasakyang sigurado siyang gamit ni Leandro dela Cuesta. Umatake kaagad ang takot niya. Kaya naman, napalakas ang paghakbang niya nang wala sa oras. Kulang na lang ay takbuhin niya ang distansiya ng elevator. Walang lingon-likod siyang nakiisa sa hanay ng mga pumipila sa isa sa mga elevator compartments. Hinihila siya ng kung anong puwersa na lumingon pero mas nanaig ang kagustuhang ayaw niya itong masilayan. Hanggang ngayon, umuukilkil pa rin lahat ng mga sinabi nito sa kanya. Ramdam pa rin niya ang inis. Nakapagkit pa rin sa kanyang balat ang init ng hininga nito. Napapakit siya. Wala sa anumang naganap kahapon ang kanais-nais na alalahanin pero tuksong lumilitaw. Hindi mawala sa isip niya. Nakarating siya sa palapag nila na sumasabog ang mga isipin at alalahanin sa kanyang utak. “Oi, ang tahimik mo ngayon, ah,” puna ni Angie sabay kalabit sa tagiliran niya. “’Yong kahapon, huwag mo nang isipin ‘yon.” Hindi nga siya pinagalitan ni Mrs. Sanchez nang dahil sa malamig na kape pero ramdam niyang disappointed ito. Doon na nga lang siya may pakinabang. Nakakapanamlay lang. Nakakawalang gana at motibasyon. “Matagal lang akong nakatulog, Anj.” Totoo naman. Nag-overtime siya sa paggawa ng deliveries para sa bar ni Denver. Pinilit niyang ngumiti bago itinuon sa gawain ang pansin. Buong-buo niyang ibinuhos ang atensyon sa trabaho. May mga kwento si Angie pero tinatanguan niya lang at pilit na sinasagot ang mga tanong nito. “Romina.” Napahinto siya sa pagtipa sa keyboard nang lapitan siya ni Mrs. Sanches. Nakadukwang ito sa cubicle niya. “Po, Ma’am.” “Pinapaakyat ka sa penthouse.” Pinapaakyat. Bakit hindi na lang siya pinadalhan ng memo? Ayaw niyang makaharap ulit ang taong ‘yon. Kinakabahan siya, hindi pa man. Ang tapang-tapang niya kahapon, pero nawalan na ng bisa ang pansamantalang katapangan. Nalusaw bigla. “Kailan po, Ma’am?” “Ngayon na.” Batid niyang nakamanman sa kanya ang mga kaopisina. Pati si Angie ay tila kinikilig na sumulyap sa kanya. Matagal nang pinapangarap ng mga kasamahan ang maimbitahan sa itaas. Kung alam lang ng mga ito na may hudas na kapre na nagtatago sa itaas. “Sige po.” “Dumiretso ka na raw ng pasok sa opisina niya.” Baka bitayin siya. Wala siyang kalaban-laban. Matapos iwanan ni Mrs. Sanchez, ilang sandali muna siyang natulala sa harap ng monitor. Ilang beses niyang pinindot-pindot ang mouse. Nagkamali-mali tuloy ang mga figures sa Excel. Ang mga tsismosa sa paligid ay nagsimula nang magb ulungan. Parang mga parrot lang na hindi mapakali. “Oist, ano ‘yon, ha?” si Angie, ‘di nakatiis na tumabi sa kanya. “Ang swerte naman ng epal na ‘to.” Tumirik ang mga mata ni Angie sa inis. “Inggit lang kaya ang iba diyan! Paano ba naman kahit sa huling hininga, hindi mangyayaring maiimbitahan sa itaas.” parinig ni Angie na sinita niya naman. “Ang swerte nga ni Romina. Mabait kasi. Try ninyo din kayang maging mabait, eh, ano?” Swerte? Delubyo kamo. “Ano kaya ang kailangan ni boss?” Balik ang atensyon ni Angie sa kanya. “Ewan.” Inayos niya ang sarili. Pinilit niyang patagin ang kaba sa dibdib. Nakaligpit na naman ang mga personal niyang gamit, in case na ito na nga ang pinakahuli niyang araw. Baka iimbitahan na lang niya mamaya si Angie sa mumurahing fastfood para sa despedida. Sigurado naman siyang ito lang ang makaka-miss sa kanya. “Good luck, Rome!” Tama nga. Kailangan niya ang matibay na good luck charm. Makakaharap niya lang namang muli ang mapangmatang lalaki. Habang lulan ng elevator ay kung anu-ano ang pumapasok sa utak niya. ‘Lord, please, help me.’ Sa pag-apak ng kanang paa niya sa sahig ng palapag nito, nabuhay ulit ang lahat ng naganap kahapon. Parang daluyong. Bawat hakbang niya ay tila nabubuway siya. mas doble na ngayon ang kabog ng kanyang dibdib. Bakante ang mesa ng assistant nitong si Cristina. Napansin niya kanina na mag-isa lang na dumating si Leandro dela Cuesta sa sasakyan. Pagtapat niya sa pintuan nito ay isang minuto muna siyang nakatayo lang habang tumatagos ang mga titig sa signage na nasa pintuan. Malalim na buga ng hangin at ilang beses na pagpaypay sa mukha bago iyon itunulak pabukas. Walang tao sa loob. Kaya naman ay nagawa niyang pasadahan ng tingin ang kabuuang ayos. Ang lawak at ang lamig ng opisina na napasukan niya. Luxury. Opulence. Power. Minimalist. Naghuhumiyaw iyon sa estado ng taong gumagamit. May sariling receiving area, fully carpeted, may grand piano na ang gandang tingnan habang nasa background ang view sa labas ng glass wall. Iisang painting lang ang naroroon, gaya sa labas ng private office. Ilang dipa mula sa wooden desk nito ay ang mataas na halaman. Sleek and elegant. Mahilig siya sa interior design kahit mahirap siya at ang lahat ng nakikita niya ay mahanga-hanga sa mga mata. Ang umookopa lang naman dito ang mabantot. “So, you’re here.” Halos mapatili siya nang bigla na lang may magsalita sa kanyang likuran. Napaatras siya at napalingon. Ang panginoon, nakatayo ngayon sa kanyang likuran habang matamang nakatitig sa kanya. walang mababasang emosyon sa mga mata nito. nagpatuloy lang ito sa pagpupunas ng kamay gamit ang table napkin. Sa tantiya niya ay nanggaling ito sa pintuan sa isang sulok. Alam niyang sinusuri siya nito. Umayos siya ng tayo at sinikap na huwag lumaylay ang mga balikat. Ayaw niyang mas magmumukha pang kawawa sa harap ng aroganteng lalaking ito na sa bawat segundo yatang ginawa ng Dios ay ubod ng ganda ng tindig at ayos. “Have you not wondered why you’re here?” Nakaka-intimidate ang boses nito. “Wala po, Sir.” Parang panginoon itong naglakad palapit sa mesa nito at binola ang ginamit na tissue at itinapon sa basurahan. Pagkatapos ay sumandal ito sa desk nang hindi inaalis ang mga titig sa kanya. Ayaw man lang siyang paupuin. Kung alam lang nito na tila nagiging jelly na ang mga tuhod niya. Simpleng titig lang ng matitiim nitong mga mata at nagkakaganito na siya. Makapangyarihan ang mga titig nito. Dark, fierce and powerful. No wonder na tinitingala ito sa larangan ng negosyo kahit bata pa ito. “Tatayo ka na lang ba?” Natural, hindi siya inimbitahang maupo. “Maupo ka.” Itinuro nito ang sofa. Dahan-dahan siyang humakbang palapit sa upuan at naupo sa pinakagitna ng mahabang couch nang magkapatong ang mga kamay sa ibabaw ng mga hita. Kung susuriin ay para siyang nagkasalang estudyante na naghihintay ng parusa ng principal. Parusa. Parang cymbals na tumunog iyon nang malakas. “My secretary got fired.” Bakit nito sinasabi? Bakit kailangang paalisin? Sino ang nagpaalis? “And so, I am left with the predicament of working without my efficient assistant by my side.” Ano naman ang kinalaman niya roon? “You were the reason that she was let go.” Umawang ang bibig niya. Nakahanda na siyang sumagot pero nagtimpi siya. Baka lalong lumala ang sitwasyon. Pinagkrus nito ang mga binti at pinag-ekis ang mga braso sa dibdib. Para itong hindi executive kundi modelo ng suit sa isang magazine. Kaya naman panay ang pagpapantasya ng mga kasamahan niya. “You will be her replacement.” Ano raw? Para siyang nabingi sa sinabi nito. Replacement? Ibig sabihin…. “You will be my secretary from now on.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD