"s**t!" Lihim na napamura si Venus dahil sa biyahe. Nakalabas na siya sa Manila area at napapagod na siyang magmaneho, sumasakit na rin ang pang-upo niya at balakang. Madalas din siyang humihinto kapag may nadaanan siyang kainan sa daan o gasoline station. Marahan niyang hinaplos ang tiyan.
"Kaya natin 'to baby, kailangan maging strong si Mommy pati na ikaw para mahanap natin ang Daddy mo." Kausap niya sa pinagbubuntis niya. Panay tawag ni Loisa sa kanya pero hindi niya sinasagot. Saka na niya ito tatawagan kapag nakarating na siya sa Hacienda.
Napapaisip siya kung ano na ba ang nangyari sa asawa niya, kung totoo ngang pinagtataguan siya nito o ayaw na nito sa kanya ay dapat makausap niya ito alang-alang sa pinagbubuntis niya. Kahit papaano ay gusto niyang maging parte ito ng buhay ng magiging anak nila.
Ano kaya ang trabaho nito sa Hacienda Buenavista? Magsasaka ba ang asawa niya o isang specialist sa mga pataniman sa Hacienda. Wala na siyang iba pang maisip. Kung bakit kasi hindi niya ito inusisa noon, napa-buntonghininga na lang siya sa naiisip.
Tiningnan niya ang GPS location sa monitor ng kotse ni Loisa, tama naman ang deriksyon niya kaya siguradong hindi siya maliligaw. Napakunot ang noo niya ng may madaanan siyang malaking arko sa bandang kanan at nakalagay roon ang Rancho La Mercedes.
Pamilyar sa kanya ang Mercedes, naisip niya na baka pagmamay-ari iyon ng pamilya ni Karla Mercedes ang friend ng pinsan niyang si Carmen, minsan niya na rin itong nakausap. She was so sweet and kind, kaso masyadong strict ang mga parents nito, kawawang dalaga nakakulong sa hawla.
Mas lalo na niyang binilisan pa ang pagpapatakbo, gusto na niyang makarating sa Hacienda, anim na oras na rin siyang nagmamaneho at ang mga nadadaanan niya ay puro puno, kagubatan at mga malalawak na lupain at bibihira lang may mga sasakyang nakakasalubong niya.
"Oh Lord, thank you!" Palatak niya nang makita na niya ang malaking arko sa kaliwang daan na may nakasulat na Hacienda Buenavista. Agad niyang iniliko ang kotse papasok sa Hacienda. Nakahinga siya ng maluwang dahil sa wakas ay nakarating na rin siya.
She's humming a song while driving, sumusulyap din siya sa paligid na nadadaanan niya. Ang una ay puro masukal na kagubatan, ang daming puno at mga talahiban ang nasa gilid ng daan. Nadaanan niya rin ang isang malawak na niyugan, she was mesmerized by the beauty of the place. Kahit niyugan ay nakahilera ng maayos ang mga puno nito. Pagtingin niya sa kabila ay isang malawak na maisan o rice field. Hindi niya mapagtanto kung alin sa dalawa.
"s**t!" Bigla niyang mura nang mapadaan siya sa lubak-lubak na daanan, sira yata ang sementadong daan. Kanina ay tuloy-tuloy ang pagpapatakbo niya ng mabilis dahil sementado ito, sa umpisa lang pala dahil ngayon ay halos lubak-lubak na ang nadadaanan niya. Napadaan din siya sa isang malaking tulay.
Hindi na niya tuloy halos napansin ang tanawin sa labas at ang mga taniman. Napahinto siya ng makitang may daan pa-kaliwa, pa-kanan at pa deretso. Saan siya ngayon dadaan? Diba nasa Hacienda Buenavista na siya? Bakit parang wala man lang siyang nakitang bahay. At tama naman ang napasukan niya, diba? Ito ang Hacienda Buenavista pero bakit parang walang katapusan ang pagmamaneho niya?
Lumabas siya sa kotse ng makitang may huminto sa harapan niya, isang matandang lalaki at nakasakay sa kalabaw, nakasuot pa ito ng nipa hut. At parang kakaahon lang ng kalabaw nito mula sa putikan dahil nakikita niya pa ang natuyong dumi sa kalahating katawan ng kalabaw. Huminto naman ang matanda sa tapat niya saka ngumiti, sinuklian niya rin ito ng isang tipid na ngiti.
"Magandang hapon po." Bati niya sa matanda.
"Bakit ineng, naligaw ka ba?" Tanong ng matanda. Napakamot siya sa batok.
"Hinahanap ko ang Hacienda Buenavista-i mean ang bahay..." Hindi niya alam kung ano talaga ang isasagot niya dahil nasa loob na siya ng Hacienda pero tama nga naman siya, bahay nga hinahanap niya. Bahay nino? Kilala kaya nito si Juan, ang asawa niya? Biglang kumislap ang mga mata niya, saka muli siyang nagsalita.
"Ang bahay po ni Juan hinahanap ko, kilala n'yo po ba siya? Si Juan Buenavista?"
Nakita niya na umaliwalas ang mukha ng matanda saka malapad na ngumiti.
"Ah, si Sir Juan po ba? Oo naman ineng lahat ng taga-Hacienda ay kilala siya." Sagot ng matanda, nakikita niya ang kasiyahan ng matanda.
"G-ganoon po ba, saan po siya nakatira?" Naiilang niyang tanong. Asawa niya pero hindi niya alam ang tirahan nito, nakaramdam siya ng hiya sa sarili.
"Deretso ka lang sa daan na iyan ineng," saad nito sabay turo sa deretsong daan,"Nasa Villa na siguro iyon si Sir Juan, kanina kasi ipinasyal niya sa buong Hacienda si Señorita Mirabella."
Napakunot ang noo niya sa tinuran ng matanda lalo na ng mabanggit nito ang pangalan ng isang babae. Ayaw niyang magselos kaya inisip niya na lang na baka kliyente ito sa Hacienda at napag-utusan lang ang asawa niya na ipasyal ito.
"Pero baka nagtungo pa iyon sa plantasyon ng mga bulaklak ineng may pa-surprise kasi siya sa nobya niyang si Señorita Mirabella." Muling saad ng matanda na halata ang kasiyahan sa mukha.
Napahawak siya sa tiyan niya, nakaramdam kasi siya ng kirot kaya napadako ang tingin ng matanda sa kamay niya. Nakita niya ang gulat sa mga mata nito na para bang alam na buntis siya.
"Sige po, maraming salamat." Nakangiting paalam niya sa matanda.
"Walang anuman." Ani ng matanda na halata sa mga mata nito na sinusuri siya, na para bang kakaiba siyang nilalang. Agad na siyang sumakay sa kotse at pinaandar ito patungo sa Villa na sinasabi nito. Habang nagmamaneho si Venus ay napapaisip siya kung ang asawa niya ba ang nagmamay-ari ng isang Hacienda dahil pareho ng apelyido nito o baka naman isa lamang itong kamag-anak ng pamilya Buenavista.
Puro mga palayan, pataniman, niyugan at mga halamanan ang nadaanan niya bago siya makarating sa Villa. Namangha pa siya ng makita ang Villa na sinasabi ng matanda. She was expecting an old narra house. Pero isang modernong Mansyon ang sumalubong sa kanya. Nasa pinakatuktok ito na titingalain mo talaga.
Itinabi niya ang kotse sa isang kulay yellow na Wrangler owner type jeep. Napatingin pa siya sa jeep saka dumeretso na rin ang tingin sa entrance ng mansion. Hinubad niya ang suot na blazer dahil pakiramdam niya ay naiinitan siya saka lumabas sa kotse. May isang lalaking lumabas, medyo may edad na rin, malapad ang ngiti sa labi nito.
Napaisip tuloy siya kung lahat ba ng mga tao rito sa Hacienda ay sadyang palangiti at friendly.
"Magandang hapon hija, ano'ng sa atin?" Nakangiting bati nito sa kanya, pilit din siyang ngumiti saka tuluyan ng lumabas sa kotse.
"Magandang hapon din po," ganting bati niya rito, bigla siyang nailang sa tingin nito sa kanya katulad ng matandang nauna niyang nakita ay kakaiba rin ang tingin na ipinukol sa kanya na para bang kakaiba siyang nilalang. Siguro napansin nito na nailang siya kaya napakamot ito sa batok.
"Pasensya ka na hija, hindi naman sa binabastos kita. Ngayon lang kasi ako nakakita ng katulad mong manamit na pumarito, siguro ay galing ka sa syudad." Ani ng may edad na lalaki na halatang nahihiya.
"Galing po ako ng Maynila." Tipid na sagot niya, nakita niya ang gulat ng lalaki.
"Aba eh, ang layo pala ng byahe mo hija. Sino ang sadya mo? Si Señora Corazon ba, madami iyong mga amiga sa Maynila na minsan ay pumapasyal dine."
"Hinahanap ko po si Juan, Juan Buenavista. May nakapagsabi na nandito raw."
Umaliwalas ang mukha ng lalaking may edad na.
"Ah, si Sir Juan ba. Nasa plantasyon pa naman siya ng mga bulaklak ngayon kasama ang nobya niya na si Señorita Mirabella." Ani ng lalaki na ikinabagsak ng panga niya.
Ganoon din ang sabi ng matandang lalaki kanina. Ayaw niyang maniwala sa sinabi ng matanda kanina pero ngayon parang bigla siyang sinikmura.
And what the hell they're talking about? Nobya ng asawa niya? Hindi ba nila alam na kasal si Juan sa kanya? Bumilis ang pintig ng puso niya. Hindi niya alam kung selos, galit o awa sa sarili ang nararamdaman. Ang ginawa niya ay inilabas niya na lang ang maletang dala para maibsan ang kung anuman ang bumabagabag sa damdamin niya.
"Sigurado po ba kayo na si Sir Juan ang hinahanap n'yo?" Muling usal ng matanda. Tipid siyang ngumiti.
"Opo, si Juan po ang hinahanap ko."
"Tatawagin ko siya hija, kung gusto mo pumasok ka muna sa loob ng bahay." Sabi nito sa nag-aalalang boses.
"Hindi na po, dito na lang po ako maghihintay." Sabi niya rito saka muling ngumiti.
"Naku, malamig dito sa labas, hali ka na sa loob. Baka mayamaya ay nandito na rin 'yong si Sir Juan." Anyaya sa kanya ng matandang lalaki, hindi na siya nag-dalawang isip pa na sumunod sa matandang lalaki nangangawit na rin ang mga paa niya sa kakatayo.
Pagpasok niya ay bumungad agad sa kanya ang malapad at matarik na modernong hagdan paakyat sa taas, sa gitna rin ng kinatatayuan niya ay isang malaki at magandang chandelier. This is not the typical old house or the provincial house she was expecting. The house screams luxury.
Mula sa furnitures na nakikita niya at mga mamahaling paintings na nakasabit sa dingding ay halatang mamahalin. Sinusuri niya ang loob ng Mansyon nang may marinig siyang boses. Na nagmula sa hagdanan.
"May bisita pala tayo, Berto." Ani ng may kaedaran ng babae habang pababa sa hagdanan, napako ang tingin niya sa matandang babae. Kulay gray na ang buhok nitong naka-puyod ng maayos at napaka-sopistikada ng pananamit nito. Malapad din ang ngiting nasa mga labi nito kahit pa sinusuri siya ng tingin. Bigla tuloy siyang nakaramdam ng pagkailang dahil sa suot niya pero hindi niya pinahalata.
"Opo Señora Corazon, hinahanap niya po si Sir Juan." Sagot ng lalaki na ang pangalan ay Berto.
Napataas ang kilay ni Señora Corazon pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi. Nang tuluyan na itong makababa ay nilapitan siya.
"Ganoon ba, bakit mo hinahanap si Juan, hija?" Untag sa kanya ni Señora Corazon kaya nabaling ang atensyon niya rito.
"Hinahanap ko ang asawa ko, his name is Juan Buenavista." Sagot niya rito, nakita niya ang pagkawala ng ngiti ni Señora Corazon at para bang biglang lumamig ang buong paligid dahil sa sinabi niya.
May nasabi ba siyang masama?
***