BILLIE
ISANG linggo matapos ang mainit na tagpo sa pagitan namin ng aking boss. Simula noon ay hindi ko na ito muling nakasalubong. Bagama't hindi nito pinayagan ang hiling kong araw ng aking pahinga ay pinilit ko pa ring isingit ang pagpasok ko bilang isang Brand Ambassador. Sayang din kasi ang kikitain ko sa tatlong araw na pagpasok ko roon.
Dahil hindi ko nakuha ang weekends na pahinga ay sinubukan kong makipagpalit sa aking mga kasamahan ng schedule. Mabuti na lamang at may isang pumayag kaya naman pagkatapos kong magtrabaho sa casino tuwing umaga ng Biyernes, Sabado, at Linggo, ay diretso na akong pumapasok sa pangalawa kong trabaho.
Nakakapagod man ay wala akong ibang pagpipilian. Ito lang ang tanging paraan upang maibigay ko ang hinihiling ni Damian na fifty thousand a month na kabayaran sa pagkakautang ng aking ama.
"Billie, dagdagan mo 'yang concealer mo. Grabe na 'yang eyebags mo, oh!" puna sa akin ng isa kong kasamahan na isa ring dealer.
"Hindi nga?" saad ko saka masusing tinitigan sa harap ng salamin ang aking mga mata. Kasalukuyan kaming nasa quarters habang inaantay ang oras ng aming duty.
"Oo, girl! Masyado mo naman atang kinacareer ang trabaho mo. Daig mo pa ang may binubuhay na sampung pamilya. Nabalitaan ko pa nakipagpalit ka ng shift kay Rizza para lang makapagtrabaho sa gabi," wika ni Angel.
"Kailangan lang talaga kasi," tipid kong turan. Walang nakakaalam sa kanila nang tungkol sa pagkakautang ko sa may-ari ng Casino na aking pinagtatrabahuhan.
"Pero huwag mo pa ring pabayaan ang sarili mo, ha? Aanhin mo ang maraming pera kung gagamitin mo lang din naman pampalibing kung sakali," turan pa nito.
Tama siya ngunit anong magagawa ko? Kailangan kong mabayaran ang pagkakautang ng aking ama dahil kung hindi ang ama ko ang maaaring managot. Hindi ko alam kung anong klaseng tao ang aming boss pero sigurado akong hindi laro para sa kanyang ang negosyong ito. Kaya naman kailangan kong bayaran ang utang namin sa kahit anong paraan.
Humugot ako ng isang malalim na hininga saka muling itinuon ang aking atensyon sa pag-aayos ng aking make up. Gaya ng suhestiyon ni Angel ay mas dinagdagan ko ang paglagay ng concealer sa ilalim ng aking mata upang itago ang pangingitim noon dulot nang labis na puyat at pagod.
Muli kong sinilip ang aking itsura saka bahagyang inayos ang aking uniporme. Nakasuot ako ng mini dress na may mahabang manggas at mababang neckline. Hapit na hapit iyon sa aking katawan na talaga namang humukab sa hugis noon. Nakalugay ang mahaba at kulot kong buhok na abot hanggang likod.
Nang makuntento ako sa aking itsura ay mabilis akong lumabas ng quarter at nagtungo sa table kung saan ako naka-assign. Ngunit nakakailang hakbang pa lamang ako nang bigla akong makaramdam nang pagkahilo. Mabuti na lamang at agad akong nakakapit sa may locker na nasa aking tabi.
"Okay ka lang, Billie?" nag-aalalang tanong ni Angel na hindi napansing kasunod ko pala.
Mariin akong pumikit upang kahit papaano ay mabawasan ang aking pagkahilo. Unti-unti kong binuksan ang aking mga mata at sa awa ng Diyos kahit papaano ay bahagyang nabawasan ang aking pagkahilo.
"O-Okay lang ako," tugon ko nang tuluyan kong mabawi ang aking sarili mula sa pagkahilo.
"Sigurado ka? Mag-sick leave ka na lang kaya. Mukhang may sakit ka, ah," turan pa nito.
"H-Hindi na. Kaya ko 'to. Sige na mauna ka na," giit ko. Bago pa lamang ako rito kaya naman hindi pa ako kwalipikado sa paid sick leave. Maaari naman akong mag sick leave ngunit walang bayad iyon. Sa ganitong pagkakataon ay hindi ako maaaring magkasakit.
"Sigurado kang okay ka lang?" paniniguro nito.
"Oo, huwag ka nang mag-aalala sa akin," saad ko.
Mabuti na lamang at kahit papaano ay nakumbinsi ko si Angel na ayos lamang ako. Hinayaan ko na siyang mauna habang pilit kong pinapalis ang aking paghilo.
Kaya mo 'yan, Billie! Pilit kong pinalakas ang aking loob upang makayanan kong iraos ang araw na ito. Marahas kong ipinilig ang aking ulo upang kahit papaano ay maibsan ang aking pagkahilo.
Nang bahagyang mawala ang aking pagkahilo ay agad kong inayos ang aking sarili saka lumabas patungo sa aking table. Habang naglalakad ako patungo roon ay muli akong nakaramdam ng pagkahilo ngunit sa pagkakataong iyon ay ininda ko lamang iyon at nagpataloy sa paglalakad hanggang sa wakas ay nakarating na rin ako sa aking table.
Hindi ko na mabilang kung nakailang buntong-hininga ako matapos kong makaupo sa aking pwesto. Maya-maya pa ay isa-isa nang naglapitan ang mga manlalaro. Makailang ulit kong ipinilig ang aking ulo dahil nagsisimula nang magdoble ang aking paningin dahil sa hilo. Ngunit hindi ko iyon dapat ipahalata. Pinilit kong umakto nang normal at sinimulang i-draw ang mga baraha.
Poker table ang nakatoka sa akin ngayong gabi. Matapos kong kunin nag pre-shuffled na baraha ay isa-isa kong binigyan ng tigdadalawang baraha ang bawat manlalaro. Matapos iyon ay binigyan ko sila ng senyas na maaari na nilang ilatag kung magkano ang kanilang taya. Five thoursand worth of chips ang mininum na tayo sa aking table. Ang Big Blind ang naunang tumaya. Ang mga manlalaro ay maaaring mag Call, Check, Raise, Fold. Call ang ibig sabihin kapag nais mo lamang pantayan ang taya nang nauna sayo, raise naman kung nais mong taasan. At kung bumalik na sa Big Blind ang ikot, maaari siyang magfold kung ayaw na niyang ituloy ang laro at check kung kuntento na siya sa kanyang taya.
Matapos nilang ilapag ang kanilang mga tayo ay sinimulan ko nang ilatag ang flop na tumutukoy sa unang tatlong baraha na nakalatag sa lamesa. Maari silang bumuo ng Royal flush, Straigh flush, Four of a kind, Full house, Flush, Straight, and Pair. Matapos kong ilatag ang mga baraha ay sesenyasan ko na sana silang tumayo ulit ngunit bago pa man ako makapagsalita ay agad na umikot ang aking paningin.
Ang sunod kong naramdaman ay ang pagtama ng aking katawan sa matigas na semento. Narinig kong nagsigawan ang mga tao sa aking paligid ngunit nagsimula nang manlabo ang aking paningin dahil sa pagkahilo.
Bagama't nakapikit ay naririnig ko ang ingay ng mga taong tila nakapalibot sa akin. Kahit na nag-aagaw ang aking ulirat ay isang tinig mula sa mga ingay na iyon ang nangibabaw sa aking pandinig.
"What happened?" tanong nang baritonong tinig. Nanatiling nakapikit ang aking mga mata ngunit malinaw sa akin ang mga ingay sa aking paligid.
"H-Hindi ko po alam, Sir Damian. Nagulat na lang din ako nang makita ko siyang nawalan ng malay at biglang bumagsak sa sahig," turan ng isang babae.
"Have someone take over her post. I'll take care of her," mariin niyang utos.
Matapos iyon ay naramdaman ko ang aking katawan na umangat mula sa sahig. Ang aking ulo ay napasandal sa matigas na dibdib. Alam kong hindi ang tamang oras upang managinip ngunit kay gaan ng aking pakiramdam habang nakasandal ang aking ulo sa kanyang dibdib. Nanunuot ang kanyang panlalaking pabango sa aking ilong. Wala akong lakas na ibuka ang aking mga mata ngunit gising na gising ang aking diwa.
Tila may kakaibang kiliti ang humaplos sa aking puso nang buhatin niya ako mismo. Hindi ko alam kung saan niya ako dadalhin ngunit pakiramdam ko ay wala akong pakialam. Para bang handa akong sumama sa lalaking ito kahit saan.
Nababaliw na ata ako. Nagawa ko pang kiligin sa lalaking dahilan kung bakit ako nanghihina ngayon. Napangiwi ako nang makaramdam ako ng kirot sa aking noo. Maya-maya pa ay tila unti-unti na akong hinila nang antok hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng malay sa bisig ng supladong lalaking ito.
***************