Tahimik kami ni Mama at nagpapakiramdaman lang habang nasa biyahe pauwi sa bahay. Nakasakay kami sa isang itim na van at nang tanungin ko kanina kung kanino ang sasakyan namin ay sinabi n’yang sa mga Mijares daw kaya hindi na ako nagsalita at kung anu-ano na naman ang pumasok sa isip habang nasa daan.
Ang sabi ng nurse na tumingin sa kanya ay may trangkaso si Mama at nasabayan pa ng pagiging over fatigue kaya kinailangan pa s’yang saksakan ng kung ano kanina. Nang matapos ‘yon ay napansin ko namang umayos ang pakiramdam n’ya kaya nakampante na ako at pinili na lang na hindi magsalita. Mamaya ko na lang siguro s’ya kakausapin ulit kapag nasa bahay na.
Halos wala pang dalawang oras ay nasa bahay na agad kami. Usually ay aabutin ng halos tatlong oras o higit pa ang biyahe pauwi kung magcocommute.
“Pakisabi na lang kay Jace na maraming salamat. Nag-abala pa s’ya na ipahatid ako dito. Nakakahiya…”
Kunot ang noo na napalingon ako kay Mama nang kausapin n’ya ang driver na naghatid sa amin dito. Alam ko na sa mga Mijares ang sasakyan na sinakyan namin pauwi pero hindi ko alam na ang Jace Mijares pala na ‘yon ang nag-utos na ipahatid si Mama.
Nakita kong ngumiti at tumango lang ang driver kay Mama bago bumalik na sasakyan at ilang sandali lang ay kinakawayan na s’ya ni Mama.
Nang makita kong maglalakad na s’ya papasok sa bahay ay hindi ko na napigilan ang mag-usisa.
“Alam po pala ng mga Mijares na may sakit ka, Ma?” usisa ko. Nilingon naman n’ya ako at saka marahang tumango. Pumasok na s’ya sa agad sa kwarto at hindi na nagsalita pa kaya sinundan ko s’ya papasok doon para mas makausap pa. “Ano pong sabi nila? Wala po ba silang sinabi na mag-absent na muna kayo at magpagaling bago pumasok sa trabaho?” sunod-sunod na tanong ko na. Bumuntonghininga s’ya pero hindi ako nilingon habang lumalapit sa drawer para siguro humanap ng pamalit na damit.
“Sinabi ni Jace,” simpleng sagot n’ya lang kaya kumunot ang noo ko.
“Jace? Jace Mijares?” tanong ko dahil hindi ko naman nakita na may nagpunta kanina doon sa clinic na isa sa mga Mijares. Tumango si Mama at saka nagpatuloy sa pagsasalita.
“Oo, Jam. Nasa clinic s’ya kanina kasama ang kaibigan n’ya at dinaanan ako doon bago pa lang kayo dumating,” sagot n’ya. Mas lalong kumunot ang noo ko.
“Edi hindi po muna kayo papasok kung gano’n?” Nakangiting usisa ko. Napatingin s’ya sa akin at saka umiling kaya napamaang ako. “Po?! Eh akala ko po ba eh nakita kayo ng Jace na ‘yon na may sakit? Bakit pa po n’ya kayo papapasukin sa trabaho?! Ano bang akala n’ya sa katawan n’yo? Robot?!” naiinis na naman na litanya ko. Kanina ay medyo kumakalma na ang isip ko dahil mukhang concern naman ang pamilyang iyon kay Mama pero ngayon ay ito na naman!
Bumuntonghininga s’ya at saka inutusan akong umupo sa kama. “Umupo ka nga muna, Jam. Kumalma ka kaya muna? Hindi ko pa nga nasasabi ang dahilan,” nakairap na sambit n’ya kaya napalunok ako at saka tahimik na sinunod ang gusto n’ya.
“Eh ano po ba kasing dahilan bakit papasok pa rin kayo? Kahit ilang araw man lang po sana–”
“Hindi ko naman sinabing papasok ako,” mabilis na putol n’ya sa sinasabi ko kaya napamaang ako at nagtatanong ang tingin na napatingin sa kanya. “Ikaw, Jam. Ikaw muna ang papalit sa akin habang nagpapagaling ako dito sa bahay,” sambit n’ya. Tuluyan na akong napamaang at mabilis ang kilos na napatayo.
“P-po?! Ako ang… ang papalit sa inyo?!” namimilog ang mga mata at hindi makapaniwala na tanong ko. Kakasabi ko nga lang noong nakaraan na ayaw ko nang bumalik sa building na ‘yon! Tapos ngayon naman ay pababalikin n’ya pa ako doon at hindi lang basta babalik doon kundi magtatrabaho!
“Oo, Jam. ‘Yan lang ang naisip kong paraan para makapag pahinga ako ng maayos habang nagpapagaling,” sagot n’ya. Napasinghap ako at hindi pa rin makapaniwalang nakatingin sa kanya. Hindi ko alam kung paano kong sasabihin sa kanya na ayaw kong bumalik doon dahil meron akong ayaw na makita! “Halos pareho ang lasa ng mga luto natin dahil kanino ka pa ba magmamana sa galing sa pagluluto kundi sa akin lang din?” nakangisi at mukhang proud na proud pa na sambit n’ya sa akin. Ni hindi ko magawang matuwa sa sinasabi n’ya dahil hindi ko magawang ma-appreciate iyon dahil pilit na pumapasok sa isip ko na posibleng makita ako doon ng lalaking hinalikan ko sa Cocktailify!
“Pero, ‘Ma!” hindi ko na napigilang maktol dahil mukhang seryoso talaga s’ya sa sinabi n’ya. Nakita kong nanliit ang mga mata n’ya at humalukipkip sa harapan ko.
“Kung ayaw mo naman, edi papasok pa rin ako. Hindi na ako magpapahinga dahil hindi rin matatahimik ang isip ko dahil hindi makakakain ng maayos ang mga amo ko–”
“‘Ma naman eh!” nagmamaktol pa rin na sambit ko at hindi na napigilan na ipadyak ang mga paa ko sa simento. Sa mga sinasabi n’ya ay parang ayaw n’ya akong bigyan ng choice kundi ang pumayag sa gusto n’yang mangyari! “Ilang araw lang naman po kayong hindi papasok sa trabaho. Hindi naman po siguro mangangayayat ang mga taong ‘yon sa loob ng ilang araw lang–”
“Sige na. Kung ayaw mo ay wala naman akong magagawa. Mas gusto ko rin namang pumasok at magtrabaho kesa iyong nandito lang ako sa bahay at kung anu-ano lang ang maiisip ko…” sambit pa n’ya. Inis na napakamot ako sa ulo. “Sige na, Jam. Lumabas ka na at magpapahinga lang ako saglit dito. Inaantok pa rin ako dahil sa gamot na itinurok sa akin kanina,” marahang pagtataboy n’ya sa akin. Umungol ako para magreklamo pero humiga na kaagad s’ya kaya wala na akong nagawa kundi ang lumabas ng kwarto n’ya na inis na inis at stress na stress dahil sa mga sinabi n’ya sa akin!
Halos magdabog na ako sa paglalakad habang pumapasok sa kwarto ko. Inis na dumapa ako sa kama at hinampas-hampas ang mga unan dahil sa iritasyon na nararamdaman.
Kung hindi ako papayag sa sinabi ni Mama ay hindi rin ako mapapanatag dito sa bahay at panigurado ay hindi rin ako makakapag-self review dahil okupado ng kung ano ang isip ko!
Inis na napabangon ako at saka tiningnan ang petsa. Ilang araw na lang ay Lunes na. Ayos lang naman sana na ako ang pansamantalang pumalit kay Mama dahil wala naman talagang problema sa akin dahil kampante naman akong kaya kong mapantayan ang lasa ng mga luto n’ya. Ang problema lang ay nagdadalawang isip ako dahil sa lugar!
Paano kung makita ako doon ng lalaking hinalikan ko sa Cocktailify?! Paano ko naman haharapin ang kahihiyan na ‘yon?!
Agad na napaayos ako ng upo nang malinaw na maalala na naman ang itsura ng lalaking ‘yon. Mabilis kong inisip ang posibilidad na mag krus ang landas namin. Kung pagbabasehan ang pagkakataon ay baka swertehin ako at hindi mag krus ang landas namin doon. Pero ayaw kong magpakampante kahit na hindi naman maliit ang building na ‘yon. Maluwang ang building at malabo na magkita kaming madalas dahil nasa canteen ako at s’ya ay paniguradong sa opisina ang tuloy!
Napalunok ako at agad na kinagat ang ibabang labi nang makapag-isip ng tuluyan.
“Tatlo hanggang limang araw…” mahinang sambit ko. “Hindi naman siguro kami magkikita sa loob lang ng ilang araw, hindi ba?” dagdag ko pa at saka tumango ng sunod-sunod habang inaayos ang sarili.
Nang maging maayos ang pag-iisip ko ay agad na tumayo ako at lumabas ng kwarto para ipaalam kay Mama na bukas na bukas din ay papasok na ako bilang kapalit n’ya sa Mijares Trine.
“Talaga, Jam?” namimilog ang mga matang tanong pa ni Mama nang sabihin ko ang desisyon ko. Tumango ako at binigyan s’ya ng ngiti.
“Opo, ‘Ma. Kaya ‘wag ka nang mag-isip pa at magpahinga ka na lang ng mabuti dito. Kaya n’yo na po kayang pumasok pagkatapos ng limang araw na pahinga?” alangang tanong ko pa. Ang alam ko ay hanggang Sabado ng umaga ang pasok ng mga empleyado doon kaya half day s’ya tuwing Sabado. Sunod-sunod na tumango s’ya at hinawakan ako sa kamay.
“Oo naman, anak! Sobra-sobrang pahinga na ‘yon! Kahit nga dalawang araw lang–”
Agad na umiling ako. “Hindi, ‘Ma. Hanggang Sabado na po ako doon. Kahit sa Lunes na po kayo pumasok kasi mag-eenrol na ako sa review center…” paliwanag ko at marahang kinagat ang ibabang labi. Nakangiting tumango s’ya at pinisil ang kamay ko.
“Salamat, Jam,” sambit n’ya habang nakatingin ng seryoso sa akin. “Maraming maraming salamat sa pagtitiis at pagsisikap mo para sa pamilya natin…” dagdag n’ya pa kaya napasinghap ako at agad na umiling.
“Kayo nga po d’yan ang sobra-sobra na ang sakripisyo para sa aming mga magkakapatid,” sagot ko at saka sinalubong ang seryoso n’yang mga tingin. “Konting tiis na lang po, ‘Ma…” sambit ko at hinawakan ang kamay n’ya. “Pangako, ako na po ang bahala sa lahat kapag nakapasa ako sa board exams…” nakangiting sambit ko. Nakita kong ngumiti s’ya at pilit na itinago sa akin ang mga namumuong luha sa mga mata bago ako marahang kinabig para sa isang mahigpit na yakap.
Napangiti ako at hindi pinahalata sa kanya ang pag-aalangan ko sa gagawing pagpasok sa Mijares Trine dahil sa personal na dahilan.
Kinabukasan ay gulat na napabangon pa ako nang maalimpungatan dahil sa naaamoy kong pagkain sa labas. Mabilis na kinapa ko ang phone sa gilid ng kama at nakita kong alas singko pa lang ng umaga!
Alam kong ganito kaaga kung bumango si Mama kaya agad na napamaang ako nang maisip na baka nagbago ang isip n’ya sa gagawing pagpapahinga at pagpapagaling! Mabilis na bumaba ako sa kama at agad na tumuloy sa kusina pero agad na natigilan at nakahinga ang maayos nang makitang hindi pa s’ya nakaligo at nakabihis!
Nakahinga ako ng maluwag. Nilingon n’ya ako at agad na nginitian. “Oh, gising ka na pala, Jam? Halika na at handa na ang agahan. Kumain ka na muna at humigop ng mainit na sabaw bago ka maligo,” yaya n’ya sa akin kaya agad na napangiti ako at dumalo sa hapag. Halos luto na ang lahat at nakahanda na rin pati ang mga babaunin ng mga kapatid ko kaya napangiti ako at napatingin kay Mamam. Mukhang maayos naman na ang lagay n’ya at paniguradong mas magiging maayos pa kung makakapagpahinga s’ya ng ilang araw. Napatango-tango ako.
Tama, Jam. Ilang araw lang naman. Kayang-kaya mo ‘yan! Para sa Mama mo!
Habang kumakain ay panay ang bilin sa akin ni Mama at paalala sa mga dapat kong gawin sa trabaho. Panay tango lang ako dahil hindi naman na bago sa akin ang mga trabaho sa kusina dahil madalas sa mga sideline na ginagawa ko ay may kinalaman sa pagluluto.
Wala pang alas sais ay paalis na ako sa bahay para mag-abang ng sasakyan papasok sa trabaho. Itinuro rin sa akin ni Mama ang mas mabilis na biyahe papunta sa Mijares Trine kaya wala pang alas otso ay nasa labas na ako ng building.
Huminga ako ng malalim bago naglakad papasok sa entrance ng Mijares Trine. Ang sabi ni Mama ay kailangang sa Human Resource muna ako dumiretso para ipaalam na ako muna ang papalit pansamantala sa kanya. Naitawag naman na daw n’ya kagabi. Kailangan lang ng formality at baka bigyan daw ako ng ID para hindi ako harangin ng guard papasok. Ngayon nga ay dala-dala ko ang ID ni Mama at authorization letter na ginawa n’ya para lang pansamantalang makapasok dito ngayong araw.
Katulad ng pangalawang beses kong pagpunta dito ay hilong-hilo na naman ako sa luwang at dami ng pinto dito. Mabuti na lang at malinaw ang instructions sa akin ni Mama kung nasaang floor ang HR kaya hindi ako nahirapan dahil may mga elevators naman.
Sumakay ako sa elevator sa lobby at pinindot ang second floor kung saan naroon ang HR. Pasara na ang elevator nang may biglang naglahad ng braso nito sa awang sa pinto kaya bumukas ulit ang pinto.
Kunot ang noong napatingin ako sa lalaking pumasok na hindi ko nakita ang mukha dahil nakasalo s’ya sa noo n’ya.
“I’m sorry. May hinahabol lang akong meeting…” narinig ko pang paliwanag n’ya kaya tumango lang ako at hindi na nagkomento. Agad na natigilan ako nang marinig ang malutong n’yang mura kaya muntik pa akong napakislot dahil sa gulat.
Kasabay ng pagkagulat ko ay unti-unting naging aware ang pang-amoy ko sa paligid! Sunod-sunod na napasinghap ako nang malanghap ang sobrnag pamilyar na pabango na ‘yon sa loob ng elevator na alam kong walang ibang may-ari kundi ang lalaking pumasok.
Biglaan ang pagbilis ng kabog ng dibdib ko dahil sa naisip habang mabagal na nililingon ang lalaki na nakasandal sa elevator wall at nakapikit ang mga mata!
Agad na namilog ang mga mata ko nang makilala ang lalaki! Halos hindi na ako makagalaw habang nakatitig sa kabuuan n’ya!
Mahabaging Diyos! Ano bang klase ng pagkakataon ito?! Unang araw ko pa lang dito ay nagkrus na kaagad ang landas naming dalawa ng lalaki sa Cocktailify!
Muntik pa akong mapatili nang marinig muli ang mura n’ya at agad na napasapo sa noo. “Fūck! This hangover is fūcking killing me…” napapaos ang boses na reklamo nito habang nakatingala at hinihilot ng marahan ang sentido!
Nakapikit pa rin s’ya at nakasandal doon habang nakatingala ng bahagya kaya kitang-kita ko ang mabagal na paggalaw ng Adam’s apple n’ya kaya hindi ko maalis-alis ang tingin sa kanya dahil sa pagkamangha sa itsura n’ya.
Katulad noong unang beses ko s’yang nakita sa labas ng building na ito ay pormal na pormal ang itsura n’ya sa suot na itim na suit. Ngayon ay maputlang beige ang kulay ng suot n’yang suit at nakabukas ang ilang butones sa dibdib kaya kitang-kita ang kulay puting damit n’ya sa loob.
Umawang ang bibig ko nang makitang idinilat n’ya ang mga mata n’ya at agad na ibinaba ang kamay na nakahawak sa sentido!
Gusto kong tumalikod pero masyadong nag-iinit ang buong mukha ko dahil sa kahihiyan na nararamdaman dahil huling-huli n’ya ang ginawa kong paninitig sa kanya!
Kunot ang noo n’yang nakatingin sa akin at umayos ng tayo kaya halos hindi ako makahinga habang sinasalubong ang chinitong mga mata n’ya.
“Did I scare you with my curses?” narinig kong tanong n’ya kaya agad na napakislot ako.
“H-h-huh?” tanong ko na halos hindi na lumabas sa bibig ko dahil sa sobra-sobrang kaba na nararamdaman sa muling paghaharap namin!
Tumagilid ang ulo n’ya habang mariing nakatitig sa akin kaya mas lalo akong hindi mapakali! “Are you new here?” tanong n’ya pa na kunot pa rin ang noo kaya hindi ko alam kung makakahinga na ako ng maluwag dahil obvious na obvious na hindi n’ya ako natatandaan!
Tumunog ang elevator at huminto sa second floor kaya hindi ko na nagawang sumagot pa! Nang lingunin ko s’ya ay nakatitig pa rin s’ya sa akin kaya muling kumabog ang dibdib ko sa pag-aakalang baka nakikilala n’ya ako! Sunod-sunod na napalunok ako dahil sa tensyon na nararamdaman. Mas lalo pang kumabog ang dibdib ko nang muling magsalita s’ya.
“Aren’t you supposed to get off here?” salubong ang mga kilay na tanong n’ya sa akin at mabagal na pinasadahan pa ng dila ang pulang-pulang mga labi bago inilipat ang tingin sa harapan!
Umawang ang bibig ko sa gulat at hindi na nagsalita at mabilis na lumabas mula sa elevator!
Shìt, Jam! Hindi ka naman n’ya nakilala! Bakit ka ba kabang-kaba d’yan?!