Maayos ang kinalabasan ng unang araw ko sa trabaho sa Mijares Trine. Mababait ang mga kasama ni Mama at mukhang kapamilya talaga ang turing sa kanya ng mga kasama n’ya na staff sa canteen. Kahit ang mga waiter at waitress ay maayos ang pakitungo sa akin lalo pa at alam nilang anak ako ni Mama.
“Magkahawig na magkahawig kayo ng Mama mo, Hija. Akala ko nga ay s’ya ikaw lalo na ngayon na suot mo ‘yang uniform n’ya,” nakangiting komento ng isang ginang doon na madalas na nag-aassist kay Mama sa kusina. Karamihan sa mga cook at assistant cook dito ay hindi pala nakatapos ng pag-aaral. Si Mama ay nakapag-aral naman ng culinary kaya nga lang ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral dahil maaga s’yang nabuntis ni Papa. Marami rin s’yang experience sa pagluluto sa iba’t-ibang restaurant pero dahil madalas na nagkakaproblema at pinagseselosan ng mga among babae ay hindi s’ya tumatagal sa mga hotels at ibang malalaking restaurants. Tanging dito lang sa Mijares Trine s’ya tumagal ng halos tatlong taon kaya naiintindihan ko kung bakit pinagbubuti n’ya talaga ang trabaho dito. Dahil bukod sa maayos ang management ay mababait ang mga may-ari.
Kaninang lunch time ay nakita ko ulit ang dalawang Mijares na kumakain sa isa sa mga table sa labas. Ang sabi ni Vira ay madalas daw na late na bumababa para kumain ang pinakabata sa tatlong lalaking Mijares. Nagkibit balikat lang ako dahil hindi naman ako interesado na makita ang Jace Mijares na ‘yon. Pero sa description ni Vira ay mukhang sa tatlong Mijares na lalaki ay ang Jace na ‘yon ang pinaka sa lahat ng bagay.
“Pinakamaraming naging flings si Jace pero wala pa naman sa kanilang tatlo ang nagka-girlfriend ng seryoso…” bulong ni Vira sa akin kanina habang pinapanood namin ang dalawang Mijares na kumakain sa isang table na malapit lang dito sa kusina.
Napangiti pa ako kanina habang pinapanood silang kumakain dahil base sa mga itsura nila ay mukhang wala naman silang nasabi sa luto ko.
“Ang gwapo talaga ni Justin! Bet na bet ko talaga ‘yang mga seryoso at madamot sa ngiti!”
Sabay pa kaming napalingon ni Vira sa dishwasher na si Andrea nang magsalita ito. Kunot ang noo ko habang sinisilip din ang tinitingnan n’ya. Tsaka ko lang napagtanto na nakaupo pa pala doon ang magkapatid na Mijares at mukhang nag-uusap ng kung ano.
“Tigilan mo ‘yang kakapantasya sa mga Mijares, Andrea! Magkaibang-magkaiba ang mundong ginagalawan n’yo. Itigil mo ‘yan at maghanap ka ng nobyo na kapantay lang natin!” saway sa kanya ng Nanay n’ya na isa rin sa mga assistant cook dito.
Umungol si Andrea at sinimangutan ang Nanay n’ya. “Si Inay naman! Crush lang naman eh! Hindi ko naman sinabing papatol sa akin ang mga ‘yan! Hindi pa naman po ako nahihibang para mangarap ng gano’n kataas!” reklamo ni Andrea at saka pinagpatuloy na ang paghuhugas ng mga pinggan.
“Aba eh mabuti na iyong malinaw! Mabuti sana kung kasing ganda mo itong anak ni Jessa!” pahabol pa ng Nanay n’ya at saka nakangiting nilingon ako. Umawang ang bibig ko. Nakita ko pa kung paano ako hinagod ng tingin ni Andrea mula ulo hanggang paa bago nakairap na ipinagpatuloy ang paghuhugas ng mga pinggan. Sunod-sunod na umiling ako sa matanda.
“Naku! Wala po sa isip ko ang makapag-asawa ng mayaman, Tita. Hindi pa rin po ako nasisiraan ng ulo para mangarap ng gano’n…” mabilis na tanggi ko sa sinabi n’ya.
Noong nakilala ko ang ex-boyfriend kong si Yuta ay wala akong idea na mayaman sila. Simple lang kasi s’ya at madalas na tahimik at walang imik sa klase at nakafocus lang talaga sa pag-aaral. Kaya noong niligawan n’ya ako ay hindi ko naisip na magkaibang-magkaiba pala kami ng mundong ginagalawan.
Mas naramdaman ko pa ang layo ng agwat ng estado ng mga buhay namin noong nagsimula kaming mag-aral ng college at sa isang prestigious school nag-enrol si Yuta. Samantalang ako ay nakapag-aral lang sa marangyang eskwelahan dahil isa ako sa mga napiling bigyan ng scholarship ng foundation ng mga Lopez.
At dahil din doon ay inisip kong makipaghiwalay sa kanya pero hindi s’ya pumayag at nagdesisyon pa nga na itago na lang ang relasyon namin hanggang sa sabay kaming makatapos ng college.
Tuwang-tuwa pa ako noong naka-graduate ako at isa sa mga pinalad na nakakuha ng pinakamataas na karangalan dahil wala naman akong pwedeng ipagmalaki sa pamilya n’ya kundi iyon.
Huminga ako ng malalim nang maalala na naman ang mga nangyari noong araw na nagdesisyon si Yuta na ipakilala ako sa parents n’ya. Noong una ay tuwang-tuwa pa ang mga ito at proud na proud sa achievement na nakuha ko sa school. Pero noong nalaman nilang girlfriend ako ni Yuta ay halos hindi nila kinaya na itago ang disappointments sa mga mukha nila lalo at alam ng mga ito kung anong klase ng buhay meron ang pamilya ko. Kaya simula noon ay parang automatic na kapag nakakakita ako ng mayayaman ay nag-iiba na ang tingin ko sa kanila.
“Naku, Hija! Marami na akong nakita na gano’n. Kung maganda nga lang ang anak ko ay baka isa na rin ako sa mga umaasang makakabingwit ‘yan ng mayamang lalaki. Ang kaso ay ipinanganak kong kamukhang-kamukha ng ama! Ang sama-sama pa naman ng loob ko sa ama n’yan noong ipinagbubuntis ko s’ya. Kaya ayan at mukha silang pinagbiyak na bunga!” natatawang kwento pa nito. Inis na inis tuloy si Andrea at mukhang pati sa akin ay naiinis na s’ya kaya hindi na ako nagsalita pa.
Wala na ang dalawang Mijares sa table at mukhang bumalik na sa opisina kaya wala na kaming ginagawa doon at nagkukwentuhan na lang dahil maya-maya pa ang oras para sa pagluluto ng mirienda ng mga empleyado.
“Jam, pakiinit mo na nga iyong ulam. Pababa na si Jace. Mga ganitong oras bumababa ang batang ‘yon para mananghalian…” utos ng Nanay ni Andrea sa akin kaya agad na sinunod ko s’ya. Napatingin pa ako sa wallclock sa taas at nakitang malapit ng mag-alas dos ng hapon.
Anong klaseng lunch ba ‘yon? Isang oras na lang ay breaktime na sa hapon.
Nagkibit balikat lang ako at saka tumayo na para iinit ang mga ulam na niluto namin.
Ilang sandali lang ay nagkagulo na ang mga empleyado sa kusina. Pero dahil busy ako sa ginagawa ay hindi na ako nag-abalang tingnan pa ang pinagkakaguluhan nila doon at nagconcentrate na lang sa pag-iinit sa mga ulam.
“Okay na siguro ‘to…” bulong ko pa nang makitang kumulo na ang bulalo na isa sa mga main menu ngayong araw.
Papatayin ko na sana ang stove nang bigla akong matigilan dahil may biglang yumakap sa akin mula sa likuran!
“What’s for today’s menu, Nanay Jessa?” narinig ko pang tanong ng lalaki at sa gulat ko ay ipinatong pa nito ang baba sa kanang balikat ko!
Halos hindi tuloy ako nakagalaw dahil sa sobra-sobrang pagkabigla sa ginawa n’ya! Yumuko pa ako at sinilip ang mga braso n’yang magaan na nakapulupot sa bewang ko!
Kagat ang ibabang labi at gigil na inalis ko ang pagkakayakap n’ya sa bewang ko at iritadong nilingon s’ya.
Dahil magaan naman ang pagkakayakap n’ya sa akin ay agad na nakalas ang mga braso n’ya sa akin. Magkasalubong ang mga kilay na nilingon ko s’ya at handa na sanang bulyawan dahil sa ginawa n’yang basta-basta na lang na pagyakap sa akin ng hindi muna inaalam kung si Mama ba talaga ang niyayakap n’ya!
“Hindi ako si–”
Kasabay ng pagtataka sa mukha ng lalaking bigla-bigla na lang yumakap sa likuran ko ay umawang ang bibig ko habang sinasalubong ang chinito nitong mga mata!
Shìt! Anong ginagawa ng lalaki sa Cocktailify dito sa kusina?!
“Jace!”
Sabay kaming napalingon sa Nanay ni Andrea na kakapasok lang.
Jace? Jace… Mijares?! Pero… paanong…
“Naku… nakalimutan ko pa lang sabihin na wala dito si Jessa ngayon, Jace. May sakit s’ya kaya hindi muna pumasok,” paliwanag ng Nanay ni Andrea na halos hindi ko naintindihan dahil ang utak at mga mata ko ay hindi makapaniwalang nakafocus sa lalaki sa harapan ko.
Halos malunod ako sa sunod-sunod na realization. Ang Jace Mijares na amo ni Mama at ang lalaking hinalikan ko sa Cocktailify ay iisa! Anong klaseng pagkakataon ba ito?!
“Oh… I forgot about that. Sinabihan ko nga pala s’yang ‘wag na munang pumasok…” Narinig kong sambit ni Jace Mijares at halos malunok ko na ang dila ko nang muling bumaling s’ya sa akin. “I’m sorry, Miss. I obviously mistook you for someone…” paliwanag n’ya.
Hindi nakaligtas sa paningin ko ang ginawa n’ya pang mabilisang pagpasada ng tingin sa kabuuan ko bago kinagat ang ibabang labi at nagpaalam na lalabas na. “I guess, I will just eat somewhere else until Nanay Jessa comes back,” sambit n’ya pa bago nakapamulsang naglakad palabas ng kusina!
Umawang ang bibig ko dahil hindi man lang n’ya pinagkaabalahan na tikman ang luto ko bago nagdesisyon na kumain na lang sa labas! Hindi ko tuloy naiwasang mapairap sa likuran n’ya.
“Naku, pagpasensyahan mo na si Jace, Hija. Nakalimutan ko kasing banggitin na anak ka ni Jessa–”
Mabilis na umiling ako sa kanya. “‘W-wag n’yo na lang po sigurong babanggitin, Tita. Mas okay po kung… kung sa labas na lang s’ya kakain. Baka hindi n’ya rin po magustuhan ang luto ko,” paliwanag ko. Ilang sandaling tumingin muna s’ya sa akin bago marahang tumango.
Nang makita ko ang mga ulam na iniit ko ay inis na napairap pa ako doon. “Edi kung ayaw mong tikman ang luto ko, edi ‘wag lang! Akala mo naman kung sinong gwapo!” hindi ko napigilang bulong pero agad ding napairap nang maalala ko ang itsura ng Jace Mijares na ‘yon.
Gwapo nga, babaero naman!!! Hmp!!