Nang dumating ako sa bahay kinagabihan ay walang tigil si Mama sa kakausisa sa akin kung kamusta ang naging unang araw ko sa Mijares Trine.
“Okay naman po, ‘Ma. Mababait ang mga kasama n’yo doon…” nakangiting sagot ko habang umuupo sa hapag. Maliligo na sana muna ako bago kumain pero sinabi n’yang kumain na muna kami ng hapunan para tuloy-tuloy na ang pahinga ko mamaya.
“Hindi ka ba napagod ng husto sa trabaho?” usisa n’ya pa. Agad na umiling ako.
“Medyo nakakapagod pa nga po ang biyahe pauwi kesa sa trabaho sa canteen…” sagot ko at saka nagsimulang lagyan ng mga pagkain ang pinggan ko.
“Kumpleto siguro ang mga waiter at waitress kaya hindi ka napagod,” sambit n’ya kaya natigil ako sa gagawing pagsubo sana ng pagkain at nagtatanong ang tingin na binalingan s’ya. Ngumiti naman s’ya sa akin bago nagpaliwanag. “Estudyante ang karamihan sa mga waiter at waitress doon, Jam. Hindi ka ba nagtataka na hindi self-service pagdating sa pagkain ang mga empleyado doon?” nakataas ang kilay na tanong n’ya. Kumunot ang noo ko dahil napansin ko nga ang kaibahan ng canteen sa Mijares Trine kumpara sa canteen ng ibang kumpanya. Kadalasan ay walang mga waiter at waitress ang ibang kumpanya. Nakapila ang mga empleyado sa counter at sila mismo ang nag-oorder ng mga pagkain nila. Samantalang sa Mijares Trine ay nilalapitan pa ang mga empleyado at kinukuha ang mga orders nila.
“Ahh… oo nga po. Wala pong counter kung saan pipila ang mga empleyado para doon mag-order ng sarili nilang pagkain…” sagot ko. Ngumiti si Mama at tumango.
“Tama, anak. Sinadya talaga ng mga Mijares ‘yon para makatulong kahit papaano sa mga estudyante na gustong magtrabaho habang nag-aaral,” sagot n’ya. Ilang sandaling tumingin ako sa kanya bago nagpatuloy sa pagkain.
Kaya pala kanina ay biglang nagdatingan ang mga waiter at waitress at nawala rin pagkatapos ng lunch break.
Napatango-tango ako nang maintindihan ang bagay na ‘yon. Nalaman ko rin kay Mama na hindi lang pala sa canteen ng Mijares Trine mayroong mga working students na pumapasok. Kahit sa opisina ay mayroon din.
“Maliban sa mga Engineers ay priority nilang i-hire ang mga working students…” paliwanag pa ni Mama. Napatango lang ako at hindi na nag komento tungkol sa bagay na ‘yon dahil wala naman akong balak na mag-apply at mag-sideline sa firm ng mga Mijares lalo na at nalaman kong ang lalaking hinalikan ko sa Cocktailify ay isa palang Mijares!
Swerte lang akong maituturing dahil nagkataon na lasing ang Jace na ‘yon noong gabing hinalikan ko s’ya sa bar kaya hindi n’ya ako naaalala. Kung hindi ay baka kahit kailan ay hindi ko na ipakita ang pagmumukha ko sa kanya!
Aminado ako na isa ang gabing iyon sa pinaka nakakahiyang pangyayaring ginawa ko sa buong buhay ko. Kaya kung natandaan n’ya ako ay baka hindi ko talaga kayanin ang pakiharapan pa s’ya kahit minsan!
Kinabukasan ay maaga ulit akong nakapasok. Ingat na ingat ako sa ginagawang paglalakad papasok sa Mijares Trine dahil pinapakiramdaman ko ang paligid at ang mga nakakasabay ko. Nakahinga ako ng maluwag nang umabot na ako sa hallway papasok sa canteen nang hindi nakakasalubong o nakakasabay man lang sa paglalakad ang Jace Mijares na ‘yon!
“Chicken sopas ang iluluto natin ngayong umaga, Jam…” narinig kong sambit ng isang assistant cook na nadatnan ko doon. Naka-prepare na kaagad ang mga ingredients ng iluluto namin kaya agad na tumango ako at nagmamadaling nagsuot ng apron bago sumabak na sa pagluluto.
Pasado alas nueve ng umaga nang matapos kami sa pagluluto. Mamaya pang 9:30 ng umaga magsisimulang mag-merienda ang mga empleyado kaya isa-isa na ring nagdadatingan ang mga part timers na waiter at waitress.
“Shìt! Ang aga naman ni Jace dito!”
Natigilan pa ako at agad na napakislot nang marinig ang bulungan ng dalawang bagong pasok lang na part timers kaya hindi ko naiwasang mapatingin sa gawi ng tinitingnan nila. Sa hindi kalayuan dito sa kusina ay nakaupo si Jace Mijares sa isang table at may laptop sa harapan.
Pormal na pormal na naman ang itsura n’ya at kahit na may suot s’yang salamin sa mga mata ay hindi nagawang takpan no’n ang mukhang suplado n’yang mga mata. S’ya kasi iyong tipo ng chinito na hindi friendly ang mga mata.
Nakita kong humawak s’ya sa tiyan n’ya at mukhang nagugutom kaya umangat ang kilay ko habang inaalala ang mga sinabi ni Mama kagabi tungkol sa magkakapatid na Mijares.
Tuwing umaga daw ay may mga pagkakataong pumapasok ang mga ito sa trabaho na hindi kumakain ng agahan kaya kapag daw may nakikita s’yang Mijares sa umaga na pumupunta sa canteen ay panigurado daw na hindi pa ‘yon kumakain kaya ginagawan n’ya ng sandwich.
Agad na inalis ko sa isip ‘yon dahil hindi naman ako si Mama kaya bakit ko naman igagawa ng sandwich ang lalaking ‘yon?!
Muntik pa akong mapakislot sa kinatatayuan nang kalabitin ako ni Vira. Kunot ang noong tiningnan n’ya ang tinitingnan ko at saka nakangising nilipat ang tingin sa akin.
“Bakit mo tinititigan si Jace? Crush mo ‘no?” halata ang pang-aasar sa boses na kantyaw n’ya sa akin. Agad na kumunot ang noo ko sa kanya.
“Hindi ko s’ya tinititigan, Vira! Napatingin lang ako dahil pinag-uusapan s’ya ng mga part timers!” nakairap na depensa ko. Mas lalong lumuwang ang ngisi n’ya.
“Talaga? Eh akala ko crush mo na. Mahilig ka sa mga singkit ‘di ba? Singkit iyong ex mo–”
“Tumigil ka, Vira. Wala akong gusto sa Jace Mijares na ‘yon ‘no!” nakairap na sambit ko at saka tatalikuran na sana s’ya pero sabay kaming napatingin sa isang waitress nang tawagin n’ya ako.
“Ikaw ba ‘yung bagong cook dito?” tanong n’ya kaya agad na tumango ako sa kanya. “Okay. Pinapatawag ka ni Sir Jace,” dagdag n’ya pa kaya pati si Vira na nakatingin din sa kanya ay agad na napatingin sa akin. Nang lingunin ko s’ya ay nakita kong halos umabot na sa hairline n’ya ang pagtaas ng kilay n’ya sa akin!
“B-bakit daw?” tanong ko na muntik pang mabulol dahil sa sobra-sobrang pagkabigla.
Sino ba namang hindi mabibigla? Bakit naman ako ipapatawag ng Jace na ‘yon samantalang malinaw pa rin sa ala-ala ko ang sinabi n’ya kahapon na hindi muna s’ya kakain dito dahil wala si Mama!
“Walang sinabi kung bakit eh…” sagot ng waitress at saka nagkibit-balikat. May tumawag na sa kanya kaya wala akong nagawa kundi ang tumingin sa gawi ng Jace Mijares na ‘yon at muntik pa akong mapakislot nang makita kong nakatingin na s’ya agad dito!
Sunod-sunod na napalunok ako at agad na tumalikod para hindi na muling magtama ang mga tingin namin!
“Hala ka, Jam! Bakit ka pinapatawag? Baka palpak ang luto mo kahapon–”
Gigil na tiningnan ko s’ya. “Paano naman n’yang malalaman ‘yon eh ni hindi nga n’ya tinikman ang luto ko kahapon?!” iritado kong sambit. Ngumuso lang s’ya at saka agad ding umayos ng tayo nang mag-utos na ang Nanay ni Andrea na magserve na ng merienda sa labas.
Ilang beses na huminga ako ng malalim bago inayos ang sarili at lumabas para harapin ang Jace Mijares na ‘yon.
Pinigilan kong mapalunok nang makita kong umangat ang tingin n’ya sa akin pagkalabas ko pa lang sa kusina. Sinarado n’ya ang laptop sa harapan n’ya at saka humalukipkip habang pinapanood akong naglalakad palapit sa gawi n’ya.
Ilang beses akong napamura sa isip nang biglaang sumagi sa isip ko ang posibilidad na baka nakikilala na n’ya ako! Pakiramdam ko tuloy ay hindi na nakasayad ang mga paa ko sa sahig habang naglalakad palapit sa table n’ya. Hindi n’ya rin ako iniiwanan ng tingin kaya mas dumodoble ang kabang nararamdaman ko!
Nang tuluyang nakalapit ako sa gilid ng table n’ya ay pilit kong nilabanan ang kabang nararamdaman. Kung maiintimidate ako sa presensya n’ya ay baka mas lalo n’yang mahalata na kabado ako!
“Pinatawag n’yo daw po ako, Sir?” pormal na pormal na tanong ko habang sinasalubong ang tingin n’ya. Ramdam na ramdam ko ang lakas ng kabog ng dibdib ko pero pilit kong nilalabanan ‘yon sa pamamagitan ng pagkurot ko sa sarili ko.
“Do you know how to make coffee?” tanong n’ya na seryoso ang mga mata habang nakatingin sa akin kaya kumunot ang noo ko.
Ang pagkakaalam ko ay cook ako dito at hindi barista!
Pero dahil wala naman akong magagawa at ayaw kong magkaroon pa s’ya ng impression sa akin ay tumango na lang ako.
“Yes, Sir…” pormal pa rin na sagot ko. Kumunot ng bahagya ang noo n’ya bago nagsalita habang titig na titig sa akin.
“Do you have a boyfriend?” tanong n’ya na sobrang ikinagulat at ipinagtaka ko.
“Po?” nalilitong tanong ko dahil baka nagkamali lang ako ng dinig sa tanong n’ya.
“Are you single?” mas malinaw na tanong n’ya. Hindi makapaniwala na napatitig ako sa kanya. Gusto kong matawa dahil masyadong obvious sa kanya ang pagiging palikero!
“Yes, Sir. And I don’t understand if making coffee has something to do with me not having a boyfriend…” sarkastiko na pambabara ko sa kanya at mas pina-pormal pa ang paraan ng pagsasalita. Baka iniisip n’yang porke cook lang ako dito ay pwede na n’ya akong daanin sa pambobola n’ya!
Kitang-kita ko ang ginawa n’yang pagnguso para pigilan ang sariling mapangiti. Mas lalo tuloy akong nairita sa presensya n’ya!
Kinagat n’ya ng marahan ang ibabang labi bago muling nag-angat ng tingin sa kin. Kahit na nakasuot s’ya ng reading glasses ay hindi nagawang takpan no’n ang amusement sa chinito n’yang mga mata habang nakatingin sa akin!
Akala mo huh?!
“Are you still a student?” tanong n’ya makalipas ang ilang sandaling paninitig sa akin. Agad na umiling ako at gusto na agad na tapusin na ang pakikipag-usap sa kanya dahil obvious namang gusto lang talaga n’yang makipag-usap at dinadahilan n’ya lang ang kape na kung talagang gusto n’yang uminom ay kabilaan naman ang vending machine sa paligid na pwede n’yang pag kuhanan ng kape!
“No, Sir. Graduate na po ako,” pormal na sagot ko at sinadyang sulyapan ang suot kong relo para ipaalam sa kanyang wala akong balak na magtagal sa pakikipag-usap sa kanya. “By the way, how do you like your coffee?” tanong ko na sinadyang ipakita sa kanya ang pagkainip na nararamdaman ko.
“You seem to be in a hurry huh?” komento n’ya pa na hindi ko pinagkaabalahang pansinin kaya nagpatuloy na lang s’ya sa pagsasalita! “By the way, I want my coffee to be black and strong,” sagot n’ya habang hindi pa rin inaalis ang ginagawang paninitig sa akin.
“Alright. One black coffee–”
“Although I think your coffee will surely taste better if you have a boyfriend,” sambit n’ya pa kaya hindi ko na talaga naiwasan ang mairita dahil sa sinabi n’ya. Kahapon n’ya pa ako ina underestimate kaya ipapakita ko sa kanya ngayon na kahit single ako ay kayang-kaya kong magtimpla ng masarap na kape!
“I’ll be back to serve your coffee, Sir…” pormal na pormal pa rin na paalam ko habang binabalewala ang huling sinabi n’ya. Mas lalo akong nag ngitngit nang marinig ko pa ang mahinang halakhak n’ya habang palayo ako sa table n’ya!