Malakas ang ungol ng babaeng kasama ni Thiago sa kama. Nasa ibabaw siya nito at lumulubog-hindi ang malambot na malaking kama sa bawat paggalaw niya.
“Aahh!” Napasigaw na naman ang babae nang dinala niya ito sa alapaap.
Kapwa sila hinihingal at pinagpapawisan. Mabilis na nagbawi ang binata nang makaraos na siya saka nilisan ang kama para agad na pumasok sa banyo ng hotel room na kinaroroonan nila. Isa iyong hotel na pagmamay-ari ng country club na kinabibilangan niya sa Isla del Amor. Isa siya sa mga shareholders niyon at ang isla ay sakop ng Aurora Province sa Pilipinas.
Mula noong siyam na taong gulang pa siya ay palagi na siyang pumupunta rito dahil nakabili ng malaking property ang kanyang mga magulang. Gustong-gusto nila ritong magbakasyon kada summer break niya o kaya ibang okasyon kaya naman naging malapit niyang kaibigan ang ilang mayayamang taga-isla. Nagtayo sila ng Yacht and Country Club na eksklusibo lang sa kanilang magkakaibigan. Bawat bahay nila ay may daungan ng yate. Subalit malimit ding nakadaong ang kanilang mga yate sa may marina.
Maliban sa yate na pagmamay-ari, ang ilan sa mga kaibigan niya ay may chopper o kaya ay eroplano at magagarang sasakyan. Siya naman ay may pag-aaring private jet na ginagamit sa pagbiyahe papunta sa Pilipinas at pabalik sa Argentina.
Karamay niya ang mga kaibigan niya rito lalo na noong broken-hearted siya kay Malena. Agad nga siyang lumipad noon patungong Pilipinas at tumambay ng ilang buwan sa isla para makalimot at maka-move on. Kahit na nakatira siya sa Argentina ay wala siyang naging malapit na kaibigan nang dahil sa wala siyang masyadong kasundo roon kundi ang mga taga-Isla Amor. Ewan ba niya kung bakit.
Limang taon na ang nakalipas simula nang maghiwalay sila ni Malena, pero mapa-Isla del Amor man o Buenos Aires o kahit saan man napapadpad si Thiago, matinik pa rin siya sa mga babae. Lagi siyang merong ka-one-night stand, gaya na lang ngayon. Ang alam niya lang na impormasyon sa babaeng kasama niya ngayon ay ang pangalan nitong Maria Clara.
Well, at least iyon ang pagpapakilala nito sa kanya, bagay na hindi naman niya pinaniniwalaan. Unang-una, hindi ito umaktong Maria Clara nang makita siya sa bar. Isa pa, hinding-hindi na nga yata siya maniniwala sa mga babae. Sinungaling at mapagsamantala lang ang mga ito. Hindi na siya seseryoso. Sa paningin niya ay laruan at parausan na lang niya ang mga kababaihang nakikilala. Wala namang silbi ang damdamin kapag iyon lang naman ang sukatan ng kaligayahan ng tao, which is to get laid!
Malena taught him that. Love be damned! Ni hindi nga nagtagal ang relasyon ng babae sa sinabi nitong mahal na lalaking kasama noon nang matiyempuhan niya. Naghiwalay rin. Walang poreber, ‘ika nga. Pero nitong nakaraan lang, may narinig siyang usap-usapang hihinto na sa pagiging artista ang dalaga. Hindi niya lang alam at ayaw niyang alamin kung ano ang dahilan—kung totoo man iyon.
Me c***a un huevo! (I don’t give a s**t!) sa isip niya pa habang nag-sho-shower nang mabilis.
“Aren’t you going to stay for the night, handsome?” tanong ni Maria Clara nang may paglalambing nang makita siyang nakabihis na pagkatapos mag-shower.
“No, baby. I have to meet my friends!” ngising aniya sa babaeng nakahiga pa rin nang hubad sa kama sabay nilisan na ang silid na iyon.
***
Napatitig nang husto si Amihan Andres sa kanyang inang nakaratay sa kama sa loob ng isang pampublikong ospital. Kaawa-awa itong tingnan habang nakakabit ang life support nang dahil sa head injury. Wala itong malay simula noong isinugod ito. Nang atakihin daw ito ng high blood ay nabagok ang ulo nito sa kung saan basta naratnan lang daw ito ng kuya niyang walang malay sa bahay nila.
Kahit pagkatapos ng operasyon mga tatlong buwan na ang nakalipas ay wala pa ring pagbabago. Comatose ito. At heto siya dinadalaw ito kapag hindi siya busy sa pagsa-sideline ng kahit anu-anong trabaho basta lang matustusan ang mga pangangailangan ng ina sa ospital at mabayaran ang bills dito. Halos wala na siyang pahinga at oras para sa sarili dahil hindi naman kasi sapat ang suweldo niya bilang isang saleslady sa isang mamahaling boutique na pagmamay-ari ng kanyang kaibigan. Ilang beses na ring nagbigay ng pera sa kanya ang kaibigan para matulungan siya at nahihiya na siyang masyado. Kailangan niya pa ng mas malaking kikitain para mabayaran ito at ang ospital.
Hindi siya nakapagtapos sa pag-aaral sa kursong HRM dahil hindi na kayang matustusan ang pag-aaral niya. Dalawa kasi sila ng kuya niya ang nasa kolehiyo noon. Nagpokus sila na mapatapos ito pero ang laking tanga nila dahil nagliliwaliw lang pala ito at nalulong pa sa sugal. Hindi rin siya sinuwerte na makapasok sa ilang kompanya nang dahil sa nepotism madalas ang naa-apply-an niya o kaya naman ay kailangan ng college diploma. May mga BPO (business process outsourcing) siyang ina-apply-an katulad ng call center, kaso ligwak siya sa interview. Nininerbyos kasi siya kapag ganito. ‘Di bale na kung aksyon at kayang-kaya niya. Nagsa-sideline kasi siya bilang stuntwoman mapa-TV series man o pelikula dahil kaliwaan ang bayad o kaya ay nagre-referee sa mga Taekwondo competition dahil may honorarium siyang natatanggap.
Ang Kuya Habagat naman niya ay pasado sa call center kahit ‘di rin nakapagtapos sa pag-aaral. Hindi naman kasi kailangan ng college diploma sa BPO, lalo na sa call center basta pasado sa exam, interview at training. Mag-iisang taon na rin ito roon kahit paano.
Kakambal na yata ni Mihan ang malas at ang hirap sa buhay. Kaya naman ay nagkasya na lang siya sa offer ng kaibigan niyang si Yhona, may-ari ng isang kilalang boutique at clothing line sa Pilipinas. Kasing-edad niya lang pero dahil nanalo ng lotto ang pamilya nito noong nasa second year college sila at kaya heto ito ngayon. Nakapagtapos ito sa pag-aaral, nag-shift ng fashion design at ito rin ang nagdidisenyo ng ilang damit na mina-market.
Napabuntong-hininga siya at naramdaman ang pag-vibrate ng kanyang cell phone na nakalagay sa bulsa ng suot niyang stretchable blue jeans. Napasulyap siya sa tatlong pasyenteng nasa loob ng di-kalakihang silid na iyon dahil kamamatay lang noong pang-apat. Iyon ang nabalitaan niya mula sa isang nurse. Tanging makakapal na plastic ang nagsisilbing harang dito.
Lumabas na siya roon at inalis ang lab gown at mask, pinasalamatan ang kakilalang nurse dahil pinapasok siya kahit saglit. Ilang beses lang siyang nakakasilip nang ganito sa ina at kinakausap ito nang marahan na dapat bumalik na ito sa kanila para magkasama silang muli. Miss na miss na niyang makita ang nakabukas nitong mga mata at matamis na ngiti.
“O, ano, Kuya? Ba’t napatawag ka?” naitanong niya kay Habagat.
Nasa beinte y siyete anyos na ito at apat na taon ang pagitan nila.
“Nakapag-loan na ako at hinulog ko na sa bank accout mo ‘yong pera pero kalahati lang.”
“Ano? Kuya naman! Pinag-usapan na nating lahat na iyon ang dapat ibigay mo sa ‘kin para sa susunod na babayarin sa ospital, eh!” Napamura pa siya sa isipan. Imbes na ilabas iyon ay napakagat siya ng labi sa pagkainis at nagbukas-sara ang palad niya.
“Pera ko naman ‘yon at may panggagamitan ako no’n. Pasalamat ka ngang may ibinigay pa akong pera para kay Nanay.”
“Ay, wow! Pasalamat pa talaga ako? Responsibilidad mo rin naman si Nanay, ah! ‘Tsaka ‘wag ko lang malamang nagsusugal ka na naman, Kuya! Magkalimutan na lang tayo kung gano’n. Parang napipilitan ka lang din naman kasing magbigay para sa kanya, eh!” Nag-iinit ang sulok ng kanyang mga mata at saka hiningal.
Tinapos niya ang tawag ng magastos at maluhong kapatid na sobrang self-centered na animo’y umiikot lang ang mundo para rito. Hindi na niya napigilan ang sariling huwag mapaiyak. Agad na lang niyang nilisan ang ospital para umuwi at doon na lang mag-e-emote sa silid niya at ilabas lahat. Binalewala niya ang mga taong nakakasalubong sa hallway ng ospital, mapasyente man o hindi.
Tumunog ulit ang cell phone niya at kumabog nang husto ang kanyang dibdib nang makita kung sino iyon.