"'Tay, gusto ko talagang magkaroon ng sariling parlor," pag-amin na niya.
Nanlumo tuloy si Bruno nang marinig ang tunay na kagustuhan ng anak. Matatanggap pa niya na gustong maging pulis, sundalo o marino ito kaysa hunawak ng makeup brush at curlers. Mas nanaisin pa niyang makabuntis ito nang maaga at maging binatang ama kaysa malamang kumekendeng o rumarampa ito na may kolorete sa mukha. Tila ba naglaho ang lahat ng pangarap niya para kay Spartan kaya nagdilim na ang kanyang paningin. Maya't maya ay hindi na siya nakatiis at pinagbabatukan ang anak.
"Aray! Tama na po!"
"Anong nangyayari rito?" paggambala na ni Aling Medea, ang ina ni Spartan. Kasalukuyan siyang naghahanda ng agahan pero napalabas siya sa kusina bigla nang marinig ang pagkakagulo sa may sala.
"Itong anak mong magaling, gustong mag-parlor!" sinigaw ng asawa niya. Namumula na ang mukha niya nang dahil sa pagka-highblood. Akmang sasapakin sana niya ulit si Spartan pero umawat na ang kabiyak.
"Parlor?" napabulalas ni Aling Medea sa bunso. "Anak naman, lahat ng kuya mo nagsasaka at nagfi-fishpond. Pagkatapos ikaw, mangungulot? Huwag kang tumulad sa Ate Cleopatra ko na walang narating sa pagme-makeup!"
"Malayo naman ang narating ni Tita kasi marami siyang natulungan, lalong-lalo na ang mga patay," pagtatanggol niya sa butihing tiyahin na nag-alaga sa kanya simula pagkabata. Bahagya pa siyang napangiti nang maalala ang mga kliyenteng pinupuri pa sila dahil nagmumukhang natutulog lamang ang mga kamag-anak na sumakabilang-buhay na. Para sa kanya ay achievement iyon kaya ipinagmamalaki pa niya. "Ang husay nga raw namin, nagmumukhang buhay ang mga patay!"
"Diyos na mahabagin! Ang anak ko, mangungulot at magme-makeup lang ng mga bangkay!" pailing-iling na napabulalas ng ina sa nais maging propesyon ng bunso.
"Hindi kita pinangalanang Spartan ng walang dahilan," pagtatapat nito sa kanya. "Ang inaasahan ko, matapang! 'Yun tipong isang tingin lang uurong na ang kalaban! Sana, anak, panindigan mo naman ang pangalan mo!"
Wala man siyang ginagawang masama, hindi pa rin niya naiwasang ma-guilty dahil kitang-kita sa mga mata nito ang pagkadismaya. Gustuhin man sana niyang maging perpektong anak sa mata ng mga magulang sa pamamagitan ng pagiging aswang hunter, alam niya sa sarili na hindi rin siya magiging masaya kung ipagpipilitan man. Sinikap naman niyang gustuhin iyon at matiyaga naman siya sa pagsasanay pero kahit anong gawin niya, hindi pa rin sapat sa paningin ng mga kapamilya. Para sa kanila, palagi naman siyang sablay at mahinang klase.
Marahil, naisip niya, hindi talaga para sa kanya ang pagiging aswang hunter.
"Bakit naman po kasi 'Spartan' ang ipinangalan niyo sa akin," may pagtatampong tinanong niya sa nanay. "Sa totoo lang po, tunog tsinelas nga po ako. Kapag tinatawag niyo akong 'Spartan! Spartan!' parang palagi akong hinahabol ng mga paa!"
Nasaktan ang damdamin ni Medea dahil akala niya, magugustuhan nito ang pangalan. Para sa kanya, napaka-cool niyon pero yun pala, aayawan ng anak.
"Sana po, 'Nike' na kang ang pinangalan niyo, mas sosyal. Bongga!" patawa-tawang sinabi na lang niya nang mapansing naging malamlam ang mga mata ng ina. Hindi man niya kinalakihan ang tunay na nanay, ayaw naman din niyang nagdadamdam ito. Gusto na lang sana niyang pagaanin ang sitwasyon pero iba pa rin pala ang naging dating niyon sa ama.
"Lumayas ka! Huwag na huwag kang babalik hangga't hindi mo inaayos ang sarili mo!" pagtataboy na ni Bruno na labis niyang ikinagulat. Pinagtulakan pa siya nito sa labas ng bahay. "Wala akong anak na bakla!"
Alam nilang lahat na magkakapamilya na kinasusuklaman niya ang mga bakla dahil para sa kanya, wala naman silang gagawing matino. Naisip niya na hinding-hindi niya matanggap kailanaman na ang sariling kadugo ay posibleng binabae rin.
"'Luh, 'Tay, bakla kaagad?" napabulalas niya nang marinig ang tinuran sa kanya ng ama. "Hindi po ba pwedeng soft-hearted lang?"
"Oo! Isa kang salot! Sana hindi na lang kita naging anak!"
Nasaktan man sa mga pahayag ng ama, pilit pa rin niyang intindihin ito dahil baka nga bugso nga lamang iyon ng damdamin. Imbis na sumagot nang pabalang, mahinahon pa rin siyang nagpaliwanag kay Bruno.
"Wala naman ginagawang masama ang mga bakla sa inyo pero bakit naman hate na hate niyo sila? May mga friends ako na katulad nila pero ang babait naman," pagtatanggol niya sa mga kaibigan na miyembro ng LGBT. "Sana po, iwasan niyo silang husgahan at sikaping unawain kasi hindi niyo rin alam ang pinagdaraanan nila. Katulad din po natin sila na hindi perpekto pero nagsusumikap na ayusin ang mga buhay, kaya sana huwag naman i-judge at i-discriminate."
"Wala akong pakialam sa pinagsasabi mo!" pagmamatigas pa rin nito dahil ang nakatatak lamang sa kanyang isipan ay bakla ang anak at kahihiyan sa pamilyang Dimatinag. "Lumayas ka at bumalik lang dito kapag desidido ka ng magpakalalaki at maging aswang hunter katulad ng mga kuya mo!"
Napaawang na lang ang mga labi niya nang ipagtulakan palabas ng tatay. Nais pa sana niyang klaruhin ang lahat ng paratang nito sa sekwalidad niya pero alam niya na wala nang makakapagpabago sa isipan nito. Para kay Bruno, ang batas niya ay batas at lahat sa kanyang pamilya ay nararapat na sumunod.
"'Nay, huwag niyo naman akong palayasin," pagsusumamo niya sa may bungad ng bahay. Maaari naman siyang bumalik sa mga tiyahin na kumupkop sa kanya noong bata pa pero nahihiya na rin siya dahil sila rin ay gipit sa pera lalo na at may sakit pa ang Tita Cleopatra niya na diabetes. Nakailang balik na ito sa ospital kaya paniguradong hindi pa nakakabawi sa mga gastusin.
"Paano na po ang pag-aaral ko? Next semester, third year college na ako. Sayang naman po, ako pa lang ang nakapagkolehiyo sa atin," pakikiusap niya sa mga magulang.
Biniyayaan ng angking katalinuhan si Spartan kaya kahit kapos man sila sa buhay, nakapag-enrol pa rin ito sa kolehiyo dahil sa scholarship program ng mayamang pamilya na Catacutan. Lima lamang ang slots na inalok sa kanilang lugar kaya tuwang-tuwa siya nang makapasa sa mga requirements nila. Upang makaipon ng pambili ng mga gamit at libro sa eskwelahan, nagtatanim siya ng gulay sa munting lupain nila at ibinebenta sa mga katabing bayan na mas asensado. Bawat umaga na wala siyang klase, pagtitiyagaan niyang tumawid sa mga ilog makarating lang roon. Mahirap man ang kanyang kalagayan, isinasawalang-bahala niya iyon alang-alang sa pangarap na makapagtapos at makapagnegosyo balang-araw.
"'Nay, kailangan ko lang talaga ng matitirhan. Dalawang taon na lang, pakiusap po. Kapag natapos na ako, babayaran ko kayo."
Pansamantalang nagdalawang-isip ang nanay dahil nakukunsensya na rin ito sa pagtataboy na ginawa ng asawa. Akmang aayain na sana niya papasok si Spartan pero pinigil siya ni Bruno. Naglaho ang katiting na pag-asa niyang kahit man lang sa pag-aaral, susuportahan na siya ng mga magulang.
"Susuway ka rin ba sa batas ko?" mapaghamon na tinanong niya sa misis.
"Pasensya na, Anak," nangingilid ang luha sa mga matang sinambit niya dahil sa kanilang pamilya, ang lider ay ang haligi ng tahanan. "Tama ang tatay mo..."
"Ganyan naman po kayo," maluha-luhang panunumbat na niya sa mga magulang. "Sinisikap kong magpakabuti at magmukhang OK. Pilit ko kayong iniintindi at itinatawa ko na nga lang at idinadaan sa biro ang mga problema at pang-iinsulto niyo sa akin..."
"Pero hindi ko matanggap na ang dali-dali niyo lang akong iwanan at ipagtabuyan! Noong bata pa ako, parang tuta lang na ipunamigay niyo ako kina Tita Cleopatra! Kesyo abala kayo sa kaka-hunting ng mga bruhang aswang na 'yan, kinalimutan niyo na ako!"
Dahil abala sa pagsasaka at paghahanap ng mga aswang ang ama't ina, naging madalas na kasama niya ang mga tita at pinsang mga babae kaya maging ang kilos at pananalita ay katulad na rin nila. Mahilig pa naman sumali sa mga beauty contests ang mga ito at kadalasan ay isinasama pa siya kaya nakahiligan din niya ang pagpipinta ng mga babae sa mukha. Tuwang-tuwa siya kapag may mga napapaganda at nananalo pa sa mga contests.
Mas naging malamya pa ito noong nagkatorse anyos, ang mga panahong binawi na siya mula sa tiyahin at sapilitang pinagsanay na upang maging aswang hunter. Dismayadong-dismayado si Mang Bruno dahil akala pa naman niya ay mas magiging matapang at palaban ito pero mas naging matatakutin pa pala.
"'Tapos, ikaw naman 'Nay, nagpapaka-martyr ka naman kay Itay! Hindi ba, siya ang nagsabi na ipamigay muna ako sa mga tiyahin ko kasi busy kayo? Ang sabi niya, isang linggo lang akong iiwan, pero umabot ng ten years! Hindi mo man lang ako nagawang ipaglaban! Kung ano ang dikta niya, sunud-sunuran ka kahit mali na! Marahil, wala ka lang talagang pakialam sa akin!"
"A-Anak, hindi naman..." pagsusumikap ng ina na palubagin ang loob niya subalit puno na ng hinanakit ang kanyang puso kaya nagpasya na siyang lisanin ang pamilyang hindi siya tanggap.
"Tama naman ang sinasabi ko! Pinabayaan niyo ako nang dahil sa pagiging aswang hunter! Ipinagpalit niyo ako nang dahil sa misyon niyo! Kaya ipinapangako ko sa sarili na hindi tutulad sa inyo, kahit ilang beses pa niyo akong ilublob sa tubig at ibitin nang patiwarik! Kapag nagkapamilya ako, sisikapin kong maging normal ang buhay nila! Hindi katulad nito, na kulang na lang patayin niyo ako sa pagsasanay!"
"Tutal naman, hindi anak at kapatid ang turing niyo sa akin, mas mainam pa nga na umalis na ako!" pagdedesisyon na niya. "Siguro nga, mas maganda na magkakasama kayo ng mga kapatid ko na perpekto sa paningin niyo! Pasensya na at isa akong disappointment! Pasensya na rin at sina Kuya Aries lang ang magagaling!"
Nagulat ang mag-asawa sa biglaang paglalabas ng sama ng loob ni Spartan. Kilala nila ito bilang mabait, malambing at masayahin pero hindi nila inaasahan na malalim na pala ang pagtatampo nito sa kanila. Napagtanto nila na tama nga naman ang bunsong anak, napakarami na nga nilang pagkukulang dito.
Pipigilan pa sana siya ng ama at ina na umalis subalit tumalikod na siya at nagtatakbo palabas ng bakuran.
"Bumalik ka rito, Anak!" pagtawag ni Medea pero mabilis na nakatawid na sa kanto si Spartan. Nakisakay siya sa trak ng mga tubo na patungo sa kabilang bayan dahil nais muna niyang lumayo sa pamilyang pinagtatampuhan. Pagkatapos ay nakisakay siya sa bapor na naglalaman ng mga kalakakal. Patungo iyon sa siyudad ng Tuk-O*, isang lugar na may pinaghalong moderno at mala-probinsyang tanawin. Asensado man ay may mga nakapalibot na bukirin pa rin sa paligid at maayos pa ang mga kagubatan.
(Gawa-gawa lang po ulit ni Author ang lugar.).
Lumipas na ang magdamagang paglalakbay at inumaga na ay patuloy pa rin sa pagtangis ang binata. Naabutan na siya ng ulan at baha pero hindi pa rin siya maka-get-over sa ginawang pagtataboy ng ama. Para siyang musmos na humihikbi habang nakaupo sa gilid ng lansangan.
"Dahil ba kakaiba ako, hindi na nila ako tanggap? Mas OK pa nga ako kaysa sa mga lalaki kuno na patapon at iresponsable!" pagdamay niya sa sarili kasabay ng pagpunas ng mga luha sa pisngi. Para bang nakikinig ang bagyo sa kanya dahil sa bawat pagpatak ng luha niya, mas lumalakas ang hangin at buhos ng tubig mula sa alapaap.
"At ano bang masama sa pagkakaroon ng parlor? E mahilig ako sa patay kaya gusto ko ng 'funeral parlor'. Ayaw ba nila 'yun? Bongga nga 'yun! Magpapaganda ako ng mga deds na! Hindi man sila naging proud sa akin!"
"Ang sakit-sakit sa heart!" humahagulgol na pagdadalamhati niya, kasabay ng pagdagundong ng kulog mula sa langit.
Habang nakikiayon ang masamang panahon sa kalungkutan ni Spartan, kasalukuyan naman na naliligaw si Xena Delilah Catacutan, ang napakagandang anak ng isa sa mga successful businessman sa Pilipinas. Dahil trapik at binaha na sa main road, sinubok niyang mag-alternate route pero imbis na mapabilis ang biyahe, naligaw pa siya.
"Nakakainis naman, o!" nagngingitngit na pagrereklamo na niya. "Magde-declare ng walang pasok kapag nakapasok na. Sana natulog na lang ako kaysa nagmadaling pumunta sa school! Tsk! Ano ba yan?'
Nagulat pa siya nang tumunog ang cellphone. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, kanina pa siya nagiging magugulatin. Napuyat kasi siya sa kakanood ng horror films kinagabihan kaya magpasahanggang ngayon, shookt pa rin siya. Pakiramdam niya ano mang oras, maaari nga siyang kidnapin ng mga aswang at ialay sa kanilang poon.
"Hello," pagsagot na niya kay Barbarella, ang nakatatandang kapatid na nag-aalala na kung saan na nga ba siya naroroon.
"Nasaan ka na?" pagbungad nito. "Kanina pa kita mine-message, hindi ka man lang sumasagot!"
"Ha? Pero wala naman akong nare-receive!"
"Hala, pati yata signal nagloloko na!" may pagkabahalang napabulalas ng kanyang ate. "Malapit ka na ba? Ipasundo na kaya kita?"
"Hindi na," pagtanggi na niya dahil ayaw naman niyang mag-alala ang kapatid. "Naliligaw lang ako. Paki-check nga kung anong alternate route. Nasa kanto ako ng-"
Biglang naputol ang usapan nang mawalan na ng signal ang network. Sinikap niyang i-dial ang numero ng kausap pero unavailable na at hindi na matawagan. Napadabog na lang siya nang dahil sa inis.
"Kung kailan naman kailangan kong tumawag, o! Naliligaw na nga ako!"
Bigla-bigla ay may sumulpot sa kanyang harapan na nilalang na parang anino lamang. Malakas ang ulan kaya aminadong nahihirapan din siyang makakita sa daanan. Mabuti na lamang at kumapit kaagad ang preno kaya hindi niya ito nabangga.
"A-Ano 'yun?" kabadong naitanong niya sa sarili. Kinilabutan pa siya nang lumamig lalo ang buga ng aircon. Inabot niya ang bag mula sa passenger's seat at kinuha ang baon na rosaryo, holy water at bawang. Noong bata pa kasi siya ay nanatili silang mga Catacutan sa bayan ng Cuh-Piz na pinamumugaran daw ng mga aswang kaya nakagawian na niya ang mag-ingat kahit na nasa siyudad na ng Tuk-O.
Nanatiling nakatayo sa may harapan ng kotse ang 'di kilalang nilalang. Mas lumakas ang nerbiyos at kabog ng puso niya nang mas lumapit ito at kinatok pa siya.
"And bad mo! Masasagasaan mo pa ako," nakasimangot na pagrereklamo ni Spartan habang nakadungaw sa may bintana.
Ilang sandali rin na natulala si Delilah dahil sa kakatwang panloob na suot nito at tanaw na tanaw pa niya. Sa dami ng nakitang branded at mamahaling underwear na nabili na, ngayon lang siya nakakita ng "exotic" dahil pink na nga, may disensyo pang mga dinosaurs. Pag-angat ng tingin ay mas napaawang na lang ang labi niya ng makitang shirtless pa pala ito.
"Next time naman, huwag kang humaharurot, 'Teh! Makakapahamak ka pa e!" pagpapatuloy na pinagsabihan pa niya ang dalagang silaw na silaw na sa alindog niya.
"Uy, huwag ka naman tumulala! Kausapin mo nga ako!"
Nag-aalangan man ay bahagyang ibinaba na ni Delilah ang tinted windshield hanggang sa kanyang mga mata. Nang mahimasmasan, tumaas ang isa niyang kilay at nanuplada na rin.
"E paanong hindi ako matutulala! E nangingintab 'yun pink underwear mo! Silaw na silaw ako! Bakat na bakat!" panunuya pa niya sa kausap na kanina pa pala rumarampa mula sa Cuh-Piz hanggang Tuk-O na tanging boxer shorts lamang ang suot. Hindi na kasi ito nakapagbihis pa dahil naipagtabuyan na ng tatay na iyon lamang ang suot
"Ay!" pagtili niya. Napatakip tuloy siya sa harapan nang ma-realize na tama nga si Delilah. "Hindi ko na namalayan, na-exposed ang katawang-lupa ko!
"Ang tapang-tapang mo pa!" pang-iinis lalo ng dalaga sa kanya. "I-report kaya kita? Exhibitionist ka! Eeew! Kadiri!"
"Ay grabe ka naman, kadiri kaagad? Akala ko pa naman, sasabihin mo, 'Psst, Sexy!"! Kaloka ka! Muntik mo na akong masagasaan, nilait mo pa ako!" may tono ng panunupladong sinagot pa rin niya ang babae kahit pulang-pula na ang kanyang pisngi sa kahihiyan.
"Kasalanan mo naman kasi e!" paninisi pa rin ni Delilah sa kanya. "Tatawid-tawid ka nang hindi tumitingin! Ingat ka rin naman, no? Madadawit pa ako sa kapabayaan mo e!"
Napailing na lang si Spartan dahil alam niya na kahit ano pang sabihin o gawin niya, hindi pa rin aamin sa pagkakamali ang babae. Mukhang mayaman pa ito kaya pihadong laki sa layaw kaya imposibleng aamin ito sa kasalanan. Napagtanto din niya na totoo ngang naging pabaya siya sa pagtawid kaya may punto rin naman ang kausap. Mabilis rin naman mawala ang kanyang inis kaya hindi na rin niya pinahaba ang usapan.
"Sige na, pareho na tayong may kasalanan," kalmadong pakikipag-ayos na niya. "Sa susunod, huwag ka naman kaskasera sa pagmamaneho, lalo na at malakas ang ulan. Ako naman, mas magiging maingat na sa pagtawid. Pasensya na rin at naka-underwear lang ako na gumagala rito. Mahabang istorya kasi...basta...sorry na lang..."
"Mag-iingat ka sa biyahe, Miss," pahabol na pagbibilin nito bago tuluyang tumalikod at nagpatuloy sa paglalakad.