Nakunsensya si Delilah sa naging masamang asal. Naisip niya na kahit sino naman ay magagalit nga kung muntikang masagasaan. Mukha naman mabait ang lalaki lalo na at kaagad na nagpakumbaba ito kahit na nasa katwiran pa. Feeling guilty siya kaya pinaandar niya ang sasakyan at sinundan ito. Napansin din niya na tila ba malungkot ang binata at namumugto pa ang mga mata kaya napagtanto niya na baka may mabigat na pinagdadaanan nito. Kanina pa nga rin siya nagtataka kung bakit naka-boxer shorts lang ito at gumagala pa kahit malakas na ang hangin at ulan.
"Uy!"pagpapansin niya habang mabagal na nagmamaneho pero umiwas pa rin ito at mas lalo pang lumayo. "Peace na tayo, huwag ka nang magtampo. Ihatid na kaya kita sa tirahan mo?"
Medyo nayamot na siya nang nanatili itong tahimik at hindi lumilingon. Ganoon pa man, sa hindi maipaliwanag na dahilan, hindi naman niya ito matiis. Ibinaba na niya nang tuluyan ang bintana ng sasakyan at sumigaw upang masigurong maririnig kahit na malakas pa ang buhos ng ulan.
"Psst! Sexy!" pagtawag na niya kaya napalingon na sa wakas si Spartan. Naglaho na parang bula ang malalim nitong iniisip at napatawa na dahil sa tinuran nito sa kanya.
"Yes?" kaagad na tugon naman niya. "Are you looking for me?"
"Tsk! 'Yun lang pala ang makapagpapalingon sa iyo! Sakay na!" pag-aya ni Delilah sa kanya.
Natigilan siya nang makilala na ang magandang dilag na nakaalitan kanina lamang. Hindi niya inaasahan na sa pagkakataong pa ito pala makikita muli ang classmate noong mas bata pa.
"D-Delilah? Xena Delilah Catacutan? I-Ikaw ba 'yan?" nanlalaki ang mga matang napabulalas niya sa dating kaklase. Naging magka-section sila mula Grade 1 hanggang 3, pero noong tumuntong ng ika-apat na baitang, wala nang balita pa simula nang lumipat ang pamilya ng mga Catacutan sa siyudad ng Tuk-O.
Patakbo pa siyang lumapit sa driver's side at excited na kinilala lalo ang babae. Kumurap-kurap pa siya dahil akala niya, namamalikmata lamang. Nagtatalon pa siya sa tuwa nang masigurong siya nga si Delilah.
"OMG! Ikaw nga! Hindi mo na ba ako naaalala?"
"H-Ha?"
"Ako si Spartan, 'yun classmate at seatmate mo nun Grade 1!"
"A...e...wala yata akong maalalang classmate na 'Spartan' ang pangalan..." litong-lito na sinambit nito.
"Nakalimutan mo na ako, tampo na ako niyan! Ako kaya 'yun inutusan ni Ms. Bagsic na mag-igib ng tubig sa banyo para malinisan ka kasi napatae ka sa salawal mo!"
"A-Ano? Paanong-" nauutal na napabulalas na lang niya nang lumantad ang sikretong pinakatatago niya.
Unti-unti ay bumalik sa kanyang alaala kung paano siya tinulungan ng isang butihing kaklase at pinagtanggol pa sa mga salbaheng kaklase na binu-bully siya dahil doon. Masakit kasi talaga ang sikmura niya noong araw na iyon dahil kinulam pala siya ng salbahe at pabayang yaya. Hinaluan nito ng pampasakit ng tiyan ang inumin dahil naiinis siya sa mga magulang ni Delilah na pinaaalis na siya sa katapusan ng buwan.
Sa kalagitnaan ng klase, akala niya ay kabag lamang iyon. Kahit anong pigil niya ay hindi niya maiwasang mautot. Subalit, ang inaakaang utot ay mauuwi pala sa magkakasunod na paglabas ng sama ng loob.
Hindi makapaniwala si Delilah na siya nga ang dating kaklase na si Spartan. Malayo kasi ito sa itsura ng lalaking kaharap ngayon. Noon ay mas matangkad pa niya rito pero ngayon, sa tantya niya ay halos sa may dibdib na lang siya. Sa pagkakaalala niya, ordinaryo lamang ang itsura nito, malayo sa makisig na lalaking kausap. Tinignan pa niya ito nang makailang ulit hanggang sa magtama ang mga paningin nila. Doon ay napagtanto na niya na siya nga talaga ang naging kaklase noon.
"Hindi ko makakalimutan ang mga matang iyan," sinambit na niya kaya lumawak lalo ang ngiti ni Spartan.
"Ikaw lang sa mga kaklase ko ang may green eyes. Spartan Dimatinag ka, hindi ba? Nagmula ka sa pamilya ng mahuhusay na aswang hunters."
"Waaah! Naalala pa niya ako! Oo, ako nga!" sabik na sabik na pagkumpirma nito. "Akala ko talaga, nagka-amnesia ka na sa akin! Mabuti naman at kilala mo pa ako!"
Touching na sana ang moment nila habang nagngingitian silang dalawa sa ilalim ng ulan at inaala ang sweet childhood memories nila hanggang sa maalala ni Delilah ang kahihiyang napadumi nga siya sa salawal noong Grade 1.
"Talagang ipapamukha mo pa sa akin na napatae ako noon!" pagtataray ulit niya. "Hmph! Siguro, deep inside, pinagtatawanan mo pa rin ako!"
"Hindi naman," pagbawi ni Spartan sa nasabi kanina lamang. "Sorry na. Iyon lang kasi ang naisip kong paraan para maalala mo ako."
"Che! Whatever!" umiikot ang mga matang sinambit niya. Binuksan na niya ang passenger's seat upang papasukin ang binata sa kotse. "Tara, bilisan mo! Sumakay ka na!"
Dali-daling sumunod siya sa panuto nito. Medyo nag-aalangan man na umupo sa mamahaling kotse, hindi na siya nakapalag pa nang hawakan pa siya sa kamay at hinatak papasok.
"Ang bagal mo naman!" nakangiting pagsusungit ni Delilah kunwari. Inabot niya ang kahon ng tissue kay Spartan upang makapagpatuyo ito.
"Saan nga ba kita ihahatid?" kasunod naman na pagtatanong niya.
"Ano...kasi..." Napakamot tuloy siya ng ulo dahil wala naman siyang matutuluyan. Nahihiya naman din siyang magsabi dahil kakikita pa lang nga nila, problema pa ang isasalubong niya.
"Diyan lang, sa kabilang...barangay?" nag-aalangang sinagot niya.
"Kabilang barangay?" may pagdududang pag-uulit ni Delilah. "Sigurado ka ba?"
"O-Oo, doon nga!"
"Sa pagkakaalam ko, limang daan ang barangay sa Tuk-O. Pagkatapos, sa tantya ko, lima ang magkakatabi pa. Saan kaya doon?" pasikreto na siyang sumulyap kay Spartan na hindi na rin alam ang tamang isasagot.
"Sorry, 'di ko talaga alam ang pupuntahan ko. Ngayon lang ako nakapunta sa Tuk-O," aligagang pagtatapat na niya. Naunahan kasi siya ng hiya kanina kaya nag-alangan na siyang sabihin ang tunay niyang kalagayan. "Ang totoo, naglayas kasi ako sa amin. Pwede bang ihatid mo na lang ako sa may daungan ng mga barko? Babalik na lang ako sa Cuh-Piz. Siguro, makikitira muna ako kina Tita Cleopatra."
"Ha? Bakit ka naman kasi naglayas?"
"Hindi ba, kilala mo kami na mga Dimatinag na aswang hunters? Pinipilit kasi ako nina Itay pero ayaw ko. Kaya ayun, tutal ipinagtabuyan na naman nila ako, ako na mismo ang lumayas."
Napatakip ng bibig si Delilah nang dahil sa nalaman. Sa pagkakaalam niya, hindi nga biro ang training ng pagiging hunter kaya malamang, nasasaktan pa si Spartan sa mga guro at kapamilya. Naawa siya sa kinahinatnan ng kausap kaya tahimik siyang nag-isip kung paano ito matutulungan.
"Ganito," suhestiyon na niya. "Kung gusto mo, doon ka muna sa amin ngayon kasi bumabagyo. Bukas, kapag maayos na ang panahon, ihahatid na lang kita kay Tita Cleopatra mo."
"Nakakahiya naman. Naabala pa kita," hiyang-hiya na pagkontra ni Spartan. "Pakihatid na lang ako sa pier."
"A basta! Akong maghahatid sa iyo bukas!" pagmamatigas pa rin ni Delilah. "Hahayaan ba kitang gumala na nakaburles?"
"Grabe siya, burles talaga! Hinahamon ko lang sa pagpapa-sexy si Machete! Lalaking tulog na kahoy by day, tigasing boylet by night!" pagtatama niya, dahilan upang mapahalakhak si Delilah. Naalala pa tuloy niya ang bold movie noong dekada nobenta na paboritong panoorin ng kanyang ina. Crush kasi nito ang bidang si Gardo Versoza noong kabataan pa niya at sa katunayan ay ipinaglihi naman daw siya sa leading lady na si Rosanna Roces.
"Ikaw na ang panalo!" humahagikgik na deklarasyon niya. Nag-uumpisa na siyang katuwaan ang binata dahil sa pagiging masayahin nito at madali pang kausap. "Laos si Machete!"
Lumipas ang mga oras pero naliligaw pa rin sina Delilah. Mas lumakas pa ang ulan kaya medyo nabahala na rin si Spartan nang mapansin na paikot-ikot na sila sa lugar.
"Parang naliligaw yata tayo, Besh?" pagpuna na niya sa katabi. "Hindi kaya tayo naeengkanto kasi parang nakailang ikot na tayo rito?"
"Hindi ko lang siguro kabisado itong na-detour ko," aniya habang tinitignan kung may signal na ang mobile network niya. Napaismid siya nang nakita na wala pa rin siyang internet kaya imposibleng makita ang lokasyon nila. "Pero parang tama ka, bakit parang nagbabago rin ang posisyon ng mga direksyon ng kanto? Tignan mo 'yan 'Jasmin St.'. Kanina nasa kanan 'yan, ngayon yata nasa kaliwa? O gutom lang ako kaya kung anu-ano na napapansin ko?"
Nahinto ang kanilang usapan nang maramdaman niya na may mali sa sasakyan. Pagtingin sa metro, nakita niya na umiilaw ang warning na nag-o-overheat na pala ang kotse at nagbabadya pa na ma-flat ang isang gulong sa harapan.
"May problema sa auto mo," napansin din ni Spartan. "Siguro, itabi mo muna at hayaan munang lumamig ang makina."
"Kapag nga naman minamalas o!" pagrereklamo na ni Delilah. Padabog niyang hinubad ang suot na seatbelt at nagtungo sa labas upang i-check ang gulong.
"Sandali, malakas pa ang ulan!" pagpigil niya sa dalaga pero tila ba hindi na siya narinig nito. Binuksan nito ang trunk at kinuha ang mga kagamitang pangmekaniko. Sumunod na lamang siya upang masamahan at maalalayan na rin subalit mukhang hindi na kakailanganin ang tulong niya. Naabutan niya si Delilah na binabaklas na mula sa ilalim ng sasakyan ang spare na gulong upang ipangpalit sa nabutasan ng pako. Tila ba mas malakas pa ito sa lalaki nang hatakin niya ito mula sa ibaba at pinagulong patungo sa may harapan ng kotse.
"Tsk! Talagang ngayon pa ako makakasagasa ng pako! Naku, malaman ko lang kung sino ang nagtapon nito sa daan, lagot siya sa akin!" ngitngit na pagbabanta niya habang iniikot ang tornilyo sa gulong.
Hindi pa man natatapos ang pag-aayos niya ng gulong ay may naaninag siya na papalapit sa kinaroroonan nila. Malakas man ang buhos ng ulan, kitang-kita niya na siya nga ang nilalapitan ng mga ito. Hindi na sana siya mag-iisip ng masama king hindi lang sana siya sinitsitan ng mga ito.
"Ang ganda o! Makinis!"
"Fresh na fresh!"
"Siguro, masarap 'yan!" magkakasunod na pahayag ng mga 'di kilalang lalaki.
Napahawak tuloy siya nang mahigpit sa screw driver upang makapaghanda sa pagdepensa. Naging malikot ang mga mata niya habang inoobserba kung aatake nga ba sa kanya ang mga iyon.