"Pumasok ka na sa kotse," mabilis na pag-aya na ni Spartan habang marahan niyang inaakay si Delilah pabalik sa kotse.
"Oo, naku! Ikaw din! Mukhang mga sanggano pa sila!" ninenerbiyos na sinabi rin niya rito. Matapang man na babae at palaban, aminadong kinabahan na rin siya dahil mukhang walang gagawing matino nga ang mga lalaki.
Nang masigurong nakapasok na rin ang kasama, sinubukan ni Delilah na paandarin ang sasakyan. Tagumpay naman na gumana ang makina subalit kakaabante pa lamang, may humarang na sa harapan.
"Lumihis ka!" may pagkabahalang sinabi ni Spartan kasabay nang pagtabig sa manibela ng sasakyan bago pa man tumama ang malaking bato na ihinagis ng estrangero sa harapang salamin. Mabuti na lamang at nasabihan siya kaagad dahil pihadong masusugatan siya kapag tumama iyon ng direkta sa kanya.
Isang impit na hiyaw ang nagmula sa kanya nang mapuruhan pa rin ang tuktok ng salamin at sumabog at nagkalat ang mga bubog sa loob. Maya't maya ay may malalakas na brasong humatak sa kanyang buhok. Sinikap niyang magpreno nang malakas sa pag-aakalang matutumba ito subalit marahas pa rin siyang hinila. Muntikan na siyang makaladkad palabas kung hindi lang siya kaagad nahawakan ng kasama.
"Bitiwan mo siya!" mariin na inutos ni Spartan sa lalaki na isa pala sa mga aswang. Sinadya ng mga ito na lagyan ng pako ang daan upang mabutas ang gulong ng kotse ni Delilah. Kanina pa nila pinagmamasdan ang dalaga dahil malayo pa lamang, amoy na amoy na nila ang samyo ng dugo nito na tila ba napakasarap na ulam.
Nang magmatigas ang halimaw, inabot niya ang piraso ng basag na salamin at walang pagdadalawang-isip na isinaksak sa kamay nito. Napahiyaw ang aswang sa sakit at napabitiw nang bumaon ang bubog sa kanyang laman.
"Bilis! Abante!" instruksyon naman ni Spartan kay Delilah.
Agad-agad, pinaharurot niya ang sasakyan kaya tumilapon sa malayo ang halimaw at nasagasaan naman ang isa na nakaharang sa daanan nila. Nangilabot pa siya nang maramdaman mula sa ilalim ng gulong ang pagkabali ng buto ng aswang.
Subalit, mas tumindig ang mga balahibo niya nang makita sa rearview mirror na bumangon muli ang kalaban. Nabali man ang leeg nito nang dahil sa pagkakasagasa, tinangka pa rin nito na habulin sila.
"G-Grabe naman!" maluha-luhang nasabi na lang ni Delilah na na-trauma sa muntikang pagkabiktima ng mga aswang. Ganoon pa man, kahit na takot na takot ay pinilit pa rin niyang ituon ang atensyon sa mabilisang pagmamaneho.
"OK ka lang ba? Hindi ka ba nila nasaktan?" pangungumusta ni Spartan nang mapansin na nanginginig pa rin sa nerbiyos ang dalaga.
"Mukha ba akong OK?" nagawa pa niyang manuplada. Tuluyan nang dumaloy ang luha sa mga pisngi niya. Kahit anong pilit niyang huwag umiyak, pinagtrayduran naman siya ng mga mata. "Muntik na akong naging adobo express ng mga aswang, pagkatapos, tatanungin mo kung OK ako?"
"Sorry na," paghingi niya ng paumanhin. Nakunsensya pa siya dahil tama nga naman ang kausap, mali ang pamamaraan ng pagtatanong niya. Upang kumalma na ang katabi, marahan niyang hinaplos ang balikat nito. "'Di bale, akong bahala sa iyo, hindi ka naman nila masasaktan. Pramis! Huwag ka nang mag-cry..."
"Promise, ha?" lumuluhang paniniguro pa rin niya sa kasama. "Kapag iniwan mo ako, iha-hunting kita para ma-chop-chop lang 'yan betlogs mo!"
"Aray ko naman!" Napasinghap pa si Spartan nang dahil sa karumal-dumal na pagbabanta. Inabot na niya ang tissue sa dalaga upang makapagpunas ng luha at sipon na nagkahalo-halo na nang dahil sa pag-iyak. "'Yun mga aswang ang i-chop-chop natin, huwag naman 'yun tamagotchi ko!"
"Ikaw kasi e!" paninisi pa rin ni Delilah sa kanya kahit na deep inside ay na-touched siya sa sinabi nito na hindi siya hahayaang masaktan ng mga aswang. "Ini-stress mo ako e. Kita mo na ngang hindi ako OK, nagtanong ka pa!"
Sa wakas ay natunton na ni Delilah ang tamang daan patungo sa bayan. Nakahinga na siya nang maluwag nang mapansin na marami na ang mga tao roon at malayo sa kagubatang pinaglalagian pala ng mga aswang.
"Finally!" nakangiting sinambit na niya nang mahanap na niya ang mga tamang kanto patungo sa kanilang tahanan. Tumila na rin ang ulan at nagka-signal na ang kanyang cellphone kaya nakalimutan na niya ang takot na naramdaman kanina lamang.
Paglingon sa kausap ay nanlaki ang mga mata niya nang mapansing nasugatan pala ang kamay ni Spartan ng bubog. Marahil, naisip niya, nahiwa iyon ng salamin na ginamit upang maipagtanggol siya labang sa aswang na nais siyang tangayin.
Duguan man ang palad, nakatingin lang ito sa may bintana at mukhang aliw na aliw pa sa nagtataasang mga gusaling natatanaw. Nakangiti pa ito na tila ba hindi man nararamdamam ang hapdi ng pagkalaslas ng balat.
"Dumudugo ka!" aligagang pinaalam na niya sa katabi. "Hindi mo ba nararamdaman?"
"Ha?" tugon nito kasabay ng pag-angat ng palad upang masiyasat nga kung may sugat.
"Hala, dumudugo nga!" namumutlang inulit ni Spartan nang makita na ang sugat na may maliliit na patak pa rin ng pulang likido. "OMG! Takot ako sa dugo!"
"Dugo mo 'yan, kinakatakutan mo?"
"Oo, Besh!" kabadong pag-amin niya. Ramdam niya ang malapot na pagpapawis at maging ang bituka niya ay parang umikot sa loob. Mahina talaga ang sikmura niya kaya talagang inaayawan niya ang pagiging aswang hunter noon pa man. "Pero hindi naman malalim, 'di ba? Malayo sa bituka-"
Napaawang na lang ang mga labi ni Delilah nang makitang umikot ang mga mata nito patalikod at tuluyang nahimatay.
"Kainis naman, o!" aniya habang inaayos sa pagkakaupo si Spartan. Siniguro pa niya na maging ang seatbelt nito ay nasa tamang lugar. "Galos lang, nahimatay na kaagad!"
Nang dahil sa pagkasira ng sasakyan, pagkaligaw, at pakikibaka sa mga aswang, dapit-hapon na nang makauwi si Delilah. Nang maiparke ang sasakyan, buong-lakas niyang hinatak si Spartan na wala pa rin malay.
"Ang bigat-bigat mo naman!" pagrereklamo niya nang isalin ang bigat ng lalaki sa mga balikat niya. Naglaho rin kaagad ang pagkayamot niya nang mapagtanto ang tunay na kalagayan ng tinutulugan.
"Hmm, teka," pag-aalala niya nang masalat ang balat ng binata na kanina pa pala inaapoy ng lagnat pero tinitiis lamang ang sakit. "Ang init mo! Hala, magdamagan ka na yata kasing nabasa ng ulan!"
Marahan niya itong inalalayan hanggang sa makarating sa kanyang silid. Nang maihiga na ang binata sa malabot na kutson, kinuha niya mula sa cabinet ang first aid kit. Maingat niyang nilinis ang sugat nito at binalutan pa ng benda. Pagkatapos ay kumuha siya ng basang tuwalya at inilapat sa noo nito upang bumaba ang lagnat.
"Mabuti na lang, hindi malalim ang sugat," pagpapasalamat niya habang itinatabi na ang ointment at mga bulak. Kaagad din naman niyang binalikan ang inaalagaan upang siguruhin na maayos ang kalagayan nito.
"Pero in fairness, ang gwapo!" mabilis na paghanga naman niya habang pinagmamasdan ang binata na nahimbing pa sa pagtulog.
Habang walang malay ang tinutulungan, mabilis na gumala ang mga mata niya sa kabuuan nito. Tila ba magpiyesta ang mga mata niya nang maglakbay ang paningin sa six-pack abs nito at v-line na pinagpapantasyahan ng mga babae.
"Wow, as in wow!"
Hangang-hanga man, napaismid din siya kaagad nang makita ulit ang pink boxer shorts nito na may disenyong violet na dinosaurs. Nagduda na tuloy siya sa tunay na pagkatao ng dating kaklase.
"Pero parang mas mahinhin pa sa akin! Sayang!"
Sa katunayan ay marami ang nanghihinayang kay Spartan sa angking kapogian at kakisigan nito. Dahil sa haba at kapal ng mga pilikmata niya, maraming dilag ang nagsasabing kahawig pa nito ang manikang si Ken pero sa tingin nila ay gusto niyang maging si Barbie. Pilipino man ay nakakamangha ang kulay ng mga matang may pagkaberde, na sabi ng ina ay namana sa lola sa tuhod na Amerikana. Sa unang tingin ay aakalain ng lahat na lalaking-lalaki ito dahil matangkad na, matipuno pa ang pangangatawan. Subalit kapag nagsalita at pumilantik na ang mga kamay, parang bulang naglalaho ang paghanga nila rito.
Nag-e-enjoy pa sana si Delilah sa pangandang pangitain hanggang sa may marinig na magkakasunod na katok. Nag-panic tuloy siya dahil paniguradong malaking issue kapag nalaman ng mga kapamilya na may inuwi siyang lalaki at nasa silid pa niya.
"Hoy, Delilah! Buksan mo ang pinto!" inutos ng ate niyang si Barbarella.
"Sandali lang!"
"Jusme, anong gagawin ko? Baka akalain ni Ate, may boylet ako!" naisip niya habang tinatakluban ng kumot si Spartan na mahimbing pa rin na natutulog.
"Bilisan mo naman!"
"Wait lang!" pasigaw na rin na sinagot niya sa pangungulit ng ate. "Kung makautos e!"
"Sisipain ko na itong pinto kapag hindi mo pa rin ako pinagbuksan!" pagbabanta na nito kaya napilitan na siyang buksan ang pinto. Imbis na patuluyin, humarang siya sa may pintuan upang hindi na nito matanaw ang kanyang higaan kung saan nagpapahinga si Spartan.
"Ang tagal mo naman sumagot," may pagkayamot na pinagsabihan pa siya nito. "Akala ko, hindi ka na makakauwi! Ipapahanap na nga sana kita-"
Natigilan si Barbarella nang may mapansin na may bulak na may dugo sa sahig. Mabilis na gumalaw ang mga mata niya sa kabuuan ng kapatid upang malaman kung may sugat ba ito.
"Nasugat ka ba?" pag-uusisa nito.
"Sugat? Hindi naman," pagtataka ni Delilah. "Bakit mo naman naitanong?"
"Ano 'yun?" pagdududa na ni Barbarella kasabay ng pagturo sa duguang bulak. Nanlaki tuloy ang mga mata niya nang mapagtantong may naiwan pang ebidensya sa pagtatago niya kay Spartan. Akmang papasok na sana sa silid niya subalit mabilis naman niyang naharangan.
"A, 'yun. Wala 'yan. Ano lang 'yan, lipstick! Tama, lipstick!" kabadong pagsisinungaling niya upang tigilan na ng ate.
"A, lipstick!" pag-uulit nito habang magkasalubong pa rin ang kilay at nagdududa na sa kakatwang kilos niya "Hmmm, patingin! Gusto ko 'yun kulay, bloody red!"
"Huwag na!" pag-awat ni Delilah lalo na nang magtangka ulit itong humakbang patungo sa kanyang silid. "Pangit ang kulay kaya nga tinanggal ko!"
"E baka sa akin bumagay. Sa akin na lang!"
"Hindi nga!" may pagkayamot nang pagtataboy ng nakababata. "Pwede ba, need ko munang mag-isa! I want to be alone!"
"Huwag mo nga akong pigilan!" naubos na ang pasensyang pinagalitan na niya ang bunso. Tinulak na niya ito palayo. upang makadaan at makatuloy sa kwarto. "May alone-alone ka pang nalalaman! Kung makaakto ka, parang may tinatago ka-"
"Oooh! Kaya pala!" isang pilyang ngiti ang sumilay sa mukha niya habang tinititigan si Delilah na kabadong-kabado na sa nagawang pagtatago kay Spartan. "Siguro, may boylet ka!"
"B-Boylet?" halos masamid na inulit ng nakababata. "Hindi ko siya boylet!"
"Ha! Huli ka! Wala naman akong tinukoy pero naka-defensive mode ka na!" Walang anu-ano ay inangat niya ang kumot sa kama kung saan nananatili ang walang malay na si Spartan. "Sabi na nga ba! May ginagawa kayong milagro!"
"A-Ano kasi. Iba ang iniisip mo sa tunay na nangyari," nauutal na pagpapaliwanag na niya sa kapatid. "Kaklase ko siya dati pero nakita ko siyang gumagalang mag-isa kasi tinaboy ng magulang. E malakas ang ulan kaya pinasakay ko na..."
"Itong boyfriend mo, parang model! May abs pa, haha! Ganda ng katawan, a! Tigasin!" pagpuri pa ni Barbarella. Hindi na niya pinansin pa ang mga paliwanag ni Delilah. Kaagad na kinatuwaan na niya si Spartan dahil sa kagandahang lalaki nito at mukha pang mabait. Pabiro pa niyang kiniliti ang tagiliran ng nakababata sa pag-aakalang may nobyo na nga. Akala kasi niya ay man-hater ang kapatid kaya imbis na madismayang may inuwing lalaki ito, natuwa pa siya.
"Hindi ko nga siya boyfriend!" mariing pagtanggi ng kausap.
"In denial ka pa! Huwag kang mag-alala, hindi kita isusumbong kina Mommy!
"Excuse me, hindi ko siya kaanu-ano! Kaya ko lang siya dinala rito kasi na-injure siya. Tignan mo yun kamay niya, nakabenda pa! Muntik na akong nabiktima ng mga aswang pero tinulungan niya ako."
"Congrats pala!" pahayag pa rin ni Barbarella na tila ba walang narinig sa pagkaklaro ng kapatid. Mas naisip pa nito ang love life kaysa mag-alala na muntikan nang nilapa ng mga aswang ang kapamilya. Alam naman kasi niya na matapang at matatag ang nakababata kaya imposibleng mabiktima ng kahit ano pang elemento. "Nakabingwit ka ng fafalicious!"
"Fafalicious? Baka fafa rin ang hanap niyan. Oo nga, pogi na, pero parang may kakaiba!" pagkontra kaagad ng nakababata sa ate. "Tignan mo, o! Walang malay, nakanguso pa rin! Ano 'yan, pouty lips?"
"Baka naman kissable lips lang. Ikaw talaga, ang bilis mong mag-assume!"
"Duda talaga ako, parang Barbie e!"
"Ows? Baka naman kunwari Barbie, pero barako 'yan kapag kasama ka! Alam ko na 'yan pagpapanggap niyo! Aminin mo na lang kasi, boyfriend mo siya!'
"Argh! Hindi nga!" pagtanggi pa rin ni Delilah sa binibintang ng nakatatanda.
"Bakla 'yan! Paano magiging kami?"
"Pustahan, kapag lalaki talaga 'yan, sa akin na ang isang kotse mo!"
"At kapag bakla siya, sa akin naman ang condo unit mo!" pakikipagpustahan din ni Delilah.
Habang nagdedebate ang dalawa sa tunay na pagkatao ni Spartan, unti-unti na itong nagkamalay. Sa lakas ng boses ng magkakapatid, paniguradong maging mga lasing ay magigising sa kakatalak nila. Mabilis na gumala ang mga mata niya sa silid at nang matanaw si Delilah, napangiti na siya. Akmang tatayo na sana siya pero nang dahil sa taas ng lagnat, umikot ang paningin niya.
"Para wala ng away, diretso na natin siyang tanungin!"
Dali-daling umupo sa magkabilaang kama ang magkapatid at sinipat si Spartan. Bahagya pa siyang nasindak dahil sa talim ng tingin nila sa kanya.
"Hoy, ikaw!"
"H-Hello po," ninenerbiyos na pagbati niya kay Barbarella na may katalasan ang itsura at mukha pang barumbadong babae. Maganda rin sana ito pero kinatatakutan naman ng mga lalaki dahil black belter na nga ito sa karate, weightlifter pa.
"May itatanong ako sa iyo at huwag na huwag kang magsisinungaling!"
"S-Sige po," pagpayag naman niya.
"Bakla ka ba?"