Episode 06

3226 Words
Oriana Fatima’s POV “Ana!” Parang bingi na tuloy-tuloy lang ako sa pagkuha ng basura sa trash can dito sa loob ng cafeteria. Hindi ko na nilingon ang pamilyar na pamilyar na boses sa tenga ko. Alam ko naman na ang makulit na si Damien na naman ‘yon. Hindi niya talaga kayang patahimikin ang buhay ko. Paulit-ulit siyang nang gugulo. Limang araw kada linggo kung magkita kami at sa bawat araw na nagkikita kami ay walang palyang kinukulit niya ako. Nilinaw ko na sa kanya na ayokong makipagkaibigan pero sige pa rin siya. Sinasayang niya talaga ang oras niya sa akin. “Tulungan na kita—” “Tapos naman na,” putol ko sa sasabihin niya pa at ipinatong ko sa cart ng mga basurahang itim na plastik na puro kalat ang laman. Nagtaas ako ng tingin kay Damien na hawak-hawak ang handle ng tulakan ng cart ko. Ayon na naman ang ngiti sa labi niya. Lumapit ako sa tabi niya at mahina siyang tinulak para mabitawan niya ang handle ng cart. Ayokong may makakita na tinutulungan ng isang estudyante ang katulad kong taga-linis lang dito. Tagumpay naman ako na mapaalis siya sa harapan ng handle ng cart kaya mabilis akong umabante tulak-tulak ang cart ng mga basura. Inilabas ko ng cafeteria ang cart at buntot pa rin si Damien na walang kasawaan sa buhay. Imbis na mag-aral na lang siya, ginugulo pa niya ako. “Sabay tayo umuwi mamaya,” masayang sambit niya sa likod ko. Hindi na ako sumagot dahil kahit tumanggi naman ako sa kanya ay makikita ko pa rin siya mamaya na nakasabay sa akin na naglalakad pauwi. Makulit pa siya sa mga daga eh. Hindi naman siya makikinig kahit sabihin ko na ayaw ko nga. Konting tiis na lang naman dahil matatapos na ang summer class. Siguradong hindi ko na siya makikita pa na pasulpot-sulpot sa harapan ko. “May gusto rin sana akong ialok sa’yo. Baka interesado ka.” Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Mukhang wala naman siyang maiaalok na maiaahon ako sa hirap. Baka kalokohan lang ‘yang iaalok niya sa akin dahil mukhang doon lang siya magaling. Parang hindi rin naman kasi seryoso ang lalaki ‘to sa buhay niya. Kung sampung milyon ‘yan baka tinanggap ko agad ng walang pagdadalawang isip. . “Ana, pakinggan mo ‘to kasi makatutulong sa’yo ‘to.” Mas nilakihan ko pa ang bawat paghakbang ko. Malapit na ang oras ng kainan. Kailangan ko pang ibenta ‘yong mga ulam na ginawa ni Odelia para ngayong araw. Ayokong magsayang kasama si Damien dahil mas may kailangan akong unahin. Sa pagbebenta ko ng ulam, may kikitain akong pera pero sa pakikinig ko sa sinasabi ni Damien ay wala. “Trabaho ‘to!” malakas na sigaw niya na kinatigil ko sa mabilis na paghakbang. Napantig ang tenga ko sa sinabit niya at naging interesado agad. Napalunok ako sa sariling laway ko habang naririnig ko mula sa likod ko ang mga yapak ni Damien. Kailangan ko ng trabaho ngayon maliban sa pagiging janitress dahil kulang pa ang kita ko rito. Hindi ko na siya kailangan lingunin dahil siya mismo ang nagtungo sa harapan ng cart na hawak-hawak ko. “Hindi maaapektuhan ang pagtratrabaho mo rito. Dagdag kita rin ‘to, Ana—” “Anong trabaho?” diretsong tanong ko sa kanya. Gusto ko agad malaman. Ayokong nagpapaligoy-ligoy pa. Pwede niya namang sabihin na lang sa akin lahat agad. Susunggaban ko talaga ang trabaho na ‘yan. “Cook sa minute burger. Ala-singko ng hapon hanggang alas-dies lang ng gabi ang oras na magtratrabaho ka. Kailangan lang talaga ng cook dahil kapag ganoong oras, madalas na maraming bumibili,” pagpapaliwanag niya sa akin. “Sige,” mabilis na sambit ko. Ayokong palagpasin ‘to dahil sayang. Kakainin ko na lang ulit ang pride ko para tanggapin ang alok niya. Hindi na ako nag-isip pa. Nakikita ko naman ang mga ginagawa sa minute burger. Magluluto ka lang ng burger. Kayang-kaya ko ‘yon kahit mag-isa lang ako. Saktong-sakto rin sa oras ko na wala na akong masyadong ginagawa. Kaya naman na ni Odelia na magluto ng hapunan niya kaya hindi ako mahihirapan kahit na gabing-gabi na ako umuwi. “’Yon!” masayang sambit ni Damien at may dinukot na maliit na papel mula sa bulsa niya. Inilahad niya ito sa akin. “Ito ang address ng minute burger. Sabihin mo lang ang pangalan ko, tanggap ka na,” pagyayabang niya at kumindat pa sa akin. Naningkit ang mga mata ko sa papel na hawak ko. Sana lang at hindi niya ako niloloko dahil ayokong masayang ang oras ko. Ibinulsa ko ang maliit na papel, “Kapag niloko mo ko, Damien, humanda ka sa akin.” Tumaas ang ulo ko at binigyan siya ng matalim na tingin. Siguraduhin niya lang talaga na totoo ang trabaho na inaalok niya sa akin at may kakilala siya sa minute burger. “Kung gusto mo, samahan na rin kita—” Hindi na niya natapos ang sasabihin niya ng bigla kong igilid ang cart na hawak ko. Kahit huwag na siyang sumama dahil baka manggulo lang siya roon. Para kasi siyang batang kiti-kiti. “Teka, Ana,” habol sa akin ni Damien at humawak rin siya sa handle ng cart kaya umurong ako ng kaonti para hindi magtama ang mga katawan namin. Para kong nakukuryente sa pagdikit-dikit niya sa akin. Naiirita ako kapag nakadikit siya sa akin dahil nakukuha rin namin ang tingin ng ibang professor at mga nag su-summer class ngayon. Sigurado ako na nagtataka na sila. Kahit pa sabihin na mahirap lang siya na lalaki, hindi pa rin siya dapat lumalapit sa tulad ko na taga-linis. Mag-aaral siya rito pero parang hindi ko naman siya nakikitang nag-aaral. Mas marami pa nga yata siyang oras na guluhin ako. Mas madalas ko rin siyang makita na naglalaro mag-isa ng basketball. Kakaiba talaga ‘tong Balenciaga na ‘to! “Gusto ko sana magpatulong sa’yo,” aniya pa. Hindi ako nagpakita ng kahit na anong emosyon. Kaya siguro niya ako inalok ng trabaho dahil magpapatulong siya. Hindi na dapat ako magulat dahil ganoon naman palagi ang mga tao. Kailangan may kapalit kapag nakatanggap ka mula sa kanila. “Ayoko talagang abalahin ka pa pero kasi nagtaas ng presyo ‘yong inuupahan ko.” Napatingin ako sa kanya habang sabay naming tinutulak ang cart. Mabilis ko rin na inalis ang tingin ko sa kanya dahil masyado siyang malapit! Iniliko ko ang cart palabas ng building para matapon ko na sa truck ng basura na nasa likod ng university na ‘to. Mangungutang kaya sa akin ‘to? Naku talaga! Kapag nangutang siya sa akin ibig sabihin scammer ‘to! Sa akin pa talaga mangungutang eh wala nga akong pera. “Gusto ko sana na magpatulong sa’yo na maghanap ng bagong uupahan. Isang buwan na lang kasi, aalis na ako sa inuupahan ko.” Nakahinga ako nang maluwag dahil hindi naman pala siya mangungutang sa akin. Akala ko kasi uutangan niya ako dahil kapag ginawa niya ‘yon, iisipin ko talaga na gusto niya akong kaibiganin para may uutangan siya. ‘Yong mga ganoong tao ang pinaka-ayaw kong makasalamuha. Manggagamit. “Kapag may nakita ako, sasabihan kita,” mahinang sambit ko. Ihahanap ko talaga ‘to ng apartment. Doon sa malayo sa bahay ko para hindi niya na ako inaabangan sa pag-uwi ko. ‘Yong iba ang daan sa daanan ko pauwi. Napataas ang sulok ng labi ko dahil alam ko na kung ano ang gagawin ko para mawala na siya sa landas ko. Ako mismo ang gagawa ng paraan para malayo na siya sa akin. “Magkano ba ang budget mo para alam ko na agad—” “Tutulungan mo talaga ako?!” masayang sambit niya. Hindi ako kumibo dahil ito na naman siya sa pagsigaw niya. Tutulungan ko siya dahil gusto ko rin na malayo siya sa akin kahit pa paano. Kaya ko lang ‘to gagawin dahil para rin naman sa sarili ko. Gusto kong matahimik na ang tenga ko at mangyayari lang ‘yon kapag nilayo ko na siya sa akin. “Kailan tayo aalis para maghanap ng bahay? Anong oras? Sagot ko na pamasahe tsaka pagkain—” “Anong tayo?” kunot noong tanong ko sa kanya at inihinto ang cart ng basura sa gate. Humarap ako sa taga kolektang ng basura at inalis ang nakakunot kong noo. “Ito na po ang pang huling basura. Salamat ho.” “Salamat din, neng!” sagot nito sa akin. Tumalikod na ako kasabay si Damien. Hindi pa pala ako tapos na kausapin ‘to. Kahit hindi kailangan, kinakausap ko. Baka mamaya isipin pa ng mga tao na nakakakita sa amin, ang kapal ng mukha kong hindi pansinin ang scholar nila. “Hindi tayo, Damien. Ako lang—” “Ako ang may kailangan ng bahay tapos hindi mo ako isasama?” nagtatakang tanong niya sa akin. Hindi ba niya alam na allergic na allergic ako kapag nasa tabi ko? “Paano ko makikita ang lilipatan ko?” “Hahanap ako ng maraming pwede mong lipatan tapos ibibigay ko sa’yo ang address. Tapos ikaw na bahala mamili kung anong gusto mo roon,” sagot ko sa kanya. “Magkano ba ang budget mo para alam ko kung ano ‘yong pipiliin ko.” Narinig ko ang pagkakamot niya ng ulo kahit hindi ko siya nililingon. Akala siguro niya makasasama niya na ako. Kahit pa libre niya lahat, hindi pa rin ako sasama sa kanya para matahimik man ang buhay ko. “Sampung libo lang naman—” “Sampung libo!” Napatingin agad ako sa paligid ko dahil nakuha ko ang atensyon nila. Nasa gitna pa man din kami ng quadrangle ngayon! Mabilis akong naglakad papasok ng building habang nakayuko. Baka mahuli pa ako ng boss dito na nakikipag-usap kay Damien at baka i-chismis naman ako ng iba na hindi na ako nagtratrabaho at puro na lang ako pakikipag-usap. Mabuti na ‘yong maging maingat at mapagmasid sa paligid kaysa malagay sa alanganin ang trabaho ko. Dire-diretso ako sa ilalim ng hagdanan na alam kong walang makakakita sa amin ni Damien na pasunod-sunod lang sa akin. “May mali ba sa sampung libo?” Mabilis ko siyang hinarap na punong-puno ng pagtataka. Alam kong nasa Maynila kami at mahal ang paupahan pero sobra ang sampung libo! Ang upa nga lang namin sa bahay namin ay limang libo. “Paano mo nakakaya ang sampung libo ng ikaw lang? Hindi ka naman nagtratrabaho ‘di ba?” Napaiwas siya ng tingin sa akin. Nagsalubong ang mga kilay ko. Hindi ko na dapat itatanong ‘to sa kanya. Hindi ko naman siya kaibigan. Baka may mga magulang siya na sumusuporta kaya nakakaya niya ang sampung libo. “Kasi—” “Huwag ka na magdahilan.” Mabilis akong naglakad palabas ng ilalim ng hagdan at agad na naglakad papunta sa locker roon namin. Ayokong magtagal sa ilalim ng hagdan kasama siya dahil baka may makakita pa sa amin. At isa pa, may dapat pa akong ibentang ulam. “Ana, anong niluto mo ngayon?” tanong sa akin ng katrabaho ko na nakabantay sa pinto ng locker room namin. Mukhang naghihintay sa akin. “Lumpiang giniling ngayon tapos may sawsawan ng kasama,” sagot ko. Napatayo agad nang maayos ang katrabaho ko at kita ko sa mukha niya ang pagkatakam. Dapat lang dahil masarap ang lumpia na gawa ng kapatid ko. Kahit hindi na ‘yon mainit ngayon, sigurado ako na masarap na masarap pa rin ‘yon. “Ilan ba ang order mo?” tanong ko sa kanya. “Sa loob tayo baka mahuli ka pa,” natatawang saad niya sa akin at napatingin sa likod ko. “Aba! Sige, pasok na ako.” “Ana.” Nanlaki ang mga mata ko pero agad din na nakabawi sa pagkagulat. Nakasunod pa rin pala sa akin si Damien at hindi ko man lang naramdaman sa pagmamadali ko. Kaya naman pala napatingin sa likod ko ang katrabaho ko. Humarap ako kay Damien na pilit tinatago ang kaba sa mukha ko. Hindi ko alam kung para saan ang kaba na bigla kong naramdaman. “Nagbebenta ka ng pagkain?” nakangiting tanong niya sa akin. Hindi ko maiwasan na magduda sa kanya. Kung totoo ba ang ngiting nasa labi niya o peke. Pwedeng-pwede niya kong isumbong ngayon din. “Ano ang tinitinda mo?” tanong niya pa sa akin. “Lumpia…” mahinang sambit ko sa kanya. “Magkano?” tanong niya muli sa akin. Nag-aalangan akong sagutin siya. Isang sumbong niya lang ay siguradong mawawalan ako ng trabaho. O kaya baka gamitin niya pa sa akin ‘to bilang pang blackmail para lang sundin ko ang mga gusto niya. Kung ano-ano ang mga tumatakbo sa isip ko. “Ana?” tawag niya sa akin dahilan para maputol ang mga negatibong iniisip ko. “Pabili ako ng lumpia. Gusto ko rin tikman.” Ganoon na ganoon pa rin ang ngiti sa labi niya. Kung paano kami unang nagkita sa locker room sa gym. Sana talaga wala siyang masamang dala sa buhay ko. “Limang piso ang isa,” kalmadong sagot ko. Mabilis siyang dumukot ng pera sa bulsa niya. Naglabas siya ng isang daan piso at inabot sa akin. Tinanggap ko naman agad ito. “Ilan ba—” “Lahat na ‘yan,” nakangiting sagot niya sa akin. “Sigurado naman ako na masarap ‘yan.” Umakto ako na parang hindi kinakabahan at binulsa ang bayad niya. Bente piraso ang binili niya habang kwarenta piraso lang ang ginawa ng kapatid ko. Nabili niya ang kalahati ng tinda ko. “Bentahan mo na muna mga ka trabaho mo,” nakataas ang magkabilang labi na sambit niya. “Hihintayin kita rito.” Tumango naman ako sa kanya at dahan-dahan siyang tinalikuran. Mabibigat ang mga paa na pumasok ako sa loob ng locker at nakita ko ang mga kasamahan ko na naghihintay na sa akin. “Sunod nang sunod sa’yo si Pogi hah! Iba yata tama no’n sa’yo!” Sabay-sabay na nagsitawa ang mga kasamahan ko nang sabihin ‘yon ni Jara. Hindi na ‘to maganda na napapansin na nila ang pagsunod sa akin ni Damien “Sigurado ako na mayaman ang batang ‘yon. Dito nag-aaral e—” “Scholar siya,” pagtatama ko sa isang kasamahan ko at binuksan na ang locker ko kung nasaan ang lumpia na dala ko. “Hindi siya mayaman.” Alam kong iisipin nila na baka pera lang ang habol ko roon sa lalaki kaya ngayon pa lang ay tinatama ko na siya. At isa pa, hindi ko naman siya hinahabol dahil si Damien mismo ang naghahabol sa akin. “Oh, scholar pala,” narinig kong sambit ng pinakamatanda sa amin. Hinugot ko ang isang tupperware na may bente piraso na lumpia. Ito na lang ang pwede kong ibenta dahil nabili na ni Damien ang bente piraso sa isang lalagyanan. “Hmm! Amoy pa lang ang sarap na!” si Jara at kinuha sa akin ang tupperware. “Magkano lahat ‘to? Pag-aambagan na namin.” “Isang daan,” sagot ko at inilahad ang palad ko. Naglabas si Jara ng isang daang piso at inilapag sa palad ko na may ngiti sa labi. Inipit ko agad ito sa mga kamay ko at binulsa. “Eh ‘yong isa, Ana?” Napatingin ako sa matandang nasa sulok. Nakatingin siya sa likuran ko kung nasaan ang locker ko. “Hindi mo ba ilalabas para ibenta?” “Oo nga naman, Ana!” sang-ayon ng isa kong kasamahan na hindi nakabili dahil nakuha na ng grupo nila Jara. “Mas gusto ko na rito na lang bumibili dahil mura na, masarap pa! Sa canteen sa second floor, mahal na tapos misan may buhok pa.” Kaya pinagbabawal ang pagtitinda rito e. Ayaw nilang nalalamangan ang canteen nila na hindi naman namin kaya sa mahal. “May nauna na sa inyo,” walang emosyong sagot ko. Tinalikuran ko ang mga kasamahan ko at humarap sa locker ko. Kinuha ko ang isang tupperware at nilabas si Damien. Hindi nga siya umalis. “Ito na ‘yong order mo…” mahinang sambit ko sa kanya. Hindi ako komportable dahil pakiramdam ko kapag inabot ko ‘to sa kanya, gagawin niya ‘tong pruweba kapag isusumbong niya na ako. “Salamat.” Tinanggap niya ang tupperware ko at ngumiti. “Ang bango hah.” Tumango lang ako sa kanya habang nakataas ang ulo ko. Gusto kong tignan ang buong mukha niya para mabasa ang emosyon niya pero puro lang siya ngiti sa labi niya. “Kumain ka na ba? Sabay na tayo. Kainin natin ‘tong lumpia.” “Huwag na. Ikaw na lang.” Bibilin niya sa akin ‘yong lumpia tapos ipapakain niya rin sa akin? Kakaiba talaga ‘tong si Damien. Hindi ko alam kung saan niya pa hinuhugot ang mga sinasabi niya sa akin. “Sige na,” nakangiting pamimilit niya sa akin. Napatingin ako sa loob ng locker room namin. Nakita ko ang mga kasamahan ko sa trabaho na pare-parehong nakadungaw. Nang makita ako, mabilis din silang nasitalikuran sa akin at nagkuwari pa na abala sila sa pag-uusap habang kumakain. Humarap muli ako kay Damien, “Huwag na talaga, Damien.” “Sige na nga,” natatawang sambit niya pa rin sa akin. “Hindi na muna ako magpupumilit ngayon. Pass muna,” dagdag pa niya. Mabuti naman dahil hindi talaga ako komportable. Napapansin na ng mga kasamahan ko ang pagdikit-dikit niya sa akin tapos nalaman niya naman ngayon na nagtitinda ako sa loob ng school. Gusto kong itanong sa kanya kung anong gagawin niya ngayon na nalaman niya na lumalabag ako sa rules ng school niya. Palagi na lang akong nagdududa sa mga kilos ng tao sa paligid ko. Wala akong kayang pagkatiwalaan kahit isa sa kanila dahil sa nangyari sa pamilya ko na hinding-hindi ko makakalimutan. Mga tao na hindi naging totoo sa akin at mas pinili kaming husgahan. “Hindi ka pa aalis sa harap ko?” nagtatakang tanong sa akin ni Damien. Napayuko ako para iwasan ang ngiti niya na ayaw tumigil. Ano bang dapat kong gawin para makita naman na nagsusungit ang isang Balenciaga? Hindi ba nangangalay ang panga niya sa kakasalita at kakangiti? Hindi naman siya kakandidato sa pulitika pero parang na ngangampaya kung makangiti. Ginagamit ba niya ang ngiti niya sa pagpapalakas sa akin? O masyado na akong asumera rito dahil sa kabubuntot niya sa akin. “Balik ko na lang itong tupperware sa’yo kapag naubos ko na ‘yong lumpia,” sambit niya pa sa akin kahit hindi ko pa nasasagot ang unang tanong niya. Nawala ang tapang ko na magtanong pa sa kanya. Pero nasa kanya na ‘yong kung isusumbong niya ako o hindi. Karapatan niya naman ‘yon bilang mag-aaral dito. Matapang na haharapin ko na lang ang kapalaran ko. Pero may parte sa sarili ko na umaasang hindi siya magsasalita o magsusumbong tungkol sa ginagawa ko. “Abot ko sa’yo mamayang uwian. Sabay din naman tayong uuwi.” Tumango na lang muli ako sa kanya at tumalikod na pero naramdaman ko ang isang palad sa ibabaw ng balikat ko. Nilingon si Damien na mukhang may nakalimutan pang sabihin sa akin. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ako magsusumbong.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD