Oriana Fatima’s POV
“Ang galing ko talaga!”
Muntik pa akong mapatalon sa gulat ng biglang lumabas sa maliit na kalye si Damien na sa tingin ko ay kalye papunta sa bahay niya. Umagang-umaga tapos bigla siyang sumusulpot na parang kiti-kiti. Bumilis ang kabog ng dibdib ko habang nakatitig kay Damien pero hindi ko pinahalata.
Gulatin ba naman ako.
“Ang galing ko talaga sumakto!” aniya sa akin. Para siyang nanalo sa weteng.
Mahigpit akong napahawak sa supot na dala ko na may laman na mga naka-pack na ulam na dapat kong mabenta mamaya sa university. Inagahan ko na ang pag-alis sa bahay namin para makaiwas sa kanya pero nagkita pa rin kami. Mamaya pa ang pasok niya pero maaga pa lang nakahanda na siya sa pagpasok. Mabuting mag-aaral.
“Tara na,” nakangiting sambit niya sa akin.
Hindi ako kumibo at ipinagpatuloy ko na lang ang naudlot kong paglalakad. Bakit ba hindi ko masaktuhan ang pag-iwas ko sa kanya? Gumagawa ako ng paraan para maiwasan siya pero may sariling paraan din siya para masaktuhan ako.
“Ang bango ng dala mo hah. Ano ‘yan adobo?” Napalingon ako sa kanya na nakatingin sa kamay ko kung saan hawak ko ang plastik. Nahulaan niya agad ang pagkain na dahil sa mabangong amoy.
Nagtaas pa ako ng tingin papunta sa buhok niya na tuyong-tuyo na. Naligo ba siya? O sadyang maaga lang siyang naligo?
“Mukhang masarap ‘yan, hah. Ikaw ang may gawa?”
“Kapatid ko,” tipid na sagot ko sa kanya
Tumango agad siya sa akin at bahagyang nauna sa paglalakad sa akin. Akala ko iiwan niya na ako pero bigla siyang huminto sa harapan ko mismo. Pati ako ay napahinto dahil sa pagharang niya sa harapan ko. Ano na naman kaya ang gusto nito?
“Paki bukas naman ng bag ko,” utos niya sa akin.
Tinitigan ko ang batok niya ng masama. Ang galing mag utos nito. Kailan ba matatapos ang summer para matapos na rin ang summer class nito at sana hindi ko na rin makita pa ulit ang mukha niya. Hindi lang siya feeling close dahil feeling may utusan pa siya.
“Sige na, Ana. Paki bukas na,” sambit niya muli ng hindi ako gumalaw.
Itinaas ko ang isang kamay ko at binuksan ko ang bag niya. Nakita ko ang tatlong libro at yellow pad sa bag niya. Nanuot din sa ilong ko ang mabangong amoy ng isang garlic bread na nasa bag niya. Napalunok ako at kumalam ang sikmura dahil sa mabangong tinapay.
Parang tinatawag ng garlic bread ang pangalan ko para kainin ko siya. “Paki labas ng plastik na may lamang tinapay.”
Sinunod ko muli ang gusto niya at sinara ang bag niya. Inabot ko sa kanya ang tinapay at dumaan ako sa gilid niya. Pinagpatuloy ko ang paglalakad na parang hindi natatakam sa tinapay. Wala pa akong almusal at hindi rin naman ako nakapagkape bago umalis ng bahay namin.
Pakiramdam ko tuloy nakatingin sa akin ngayon ang tinapay na naghihintay na kainin ko. Ayokong manghingi sa kanya at baka isipin pa niya na gusto ko na agad siyang maging kaibigan. Kaya ko naman magtiis hanggang mamaya.
“Ito ‘yong ginawa kong tinapay na gusto kong ipatikim sa’yo,” ani ni Damien na sinasabayan na ako ngayon sa paglalakad ko. “Hindi lang siya simpleng garlic bread. May cheese rin sa loob ‘yong tinapay. Ako mismo ang gumawa niyan. Tikman mo,” aniya na parang kinukumbinsi pa ako.
Napatigil ako sa paglalakad ko ng bigla niyang itapat sa mukha ko ang kamay niyang may hawak na isang tinapay. Mas lalo akong natakap dahil mas lalo ko itong naamoy. Parang sinasadya na ni Damien para matakam ako! Ang lalaking ‘to ay palihim na sinusubukan ang pasensya ko.
“Sige na. Tikman mo na,” pamimilit niya pa.
Napalingon ako kay Damien na nakangiti sa akin nang wagas. Ayokong tanggapin ‘yon dahil baka mamaya isipin niya na kaibigan ko na agad siya pero parang nagpapaawa sa akin ang garlic bread na ginawa niya. Parang gustong magpakain sa akin.
“Tikman mo na kahit ayaw mo pa sa akin. Gusto ko lang malaman kung masarap ba ang ginawa ko.”
Muli akong napaharap sa kamay niyang nakataas pa rin. Ang sarap talaga ng tinapay, sa itsura pa lang. Ibababa ko muna ang pride ko para sa tinapay na ‘to na mapang-akin ang amoy. Minsan lang naman ‘to at sisiguraduhin ko na ito ang una at huling tatanggap ako ng pagkain mula kay Damien. Hindi na muulit ang ganito.
“Sige,” sambit ko at humarap sa kanya.
Hindi ko kinuha ang hawak niyang tinapay. Ipinasok ko ang kamay ko sa supot kung nasaan ang tinapay at ako mismo ang kumuha roon. Ayokong hawakan ang tinapay na hawak niya kahit na siya rin naman ang may gawa nito at sigurado na ilang beses niya nang nahawakan.
Nag-iwas ako ng tingin sa kanya at nauna na muli na lumakad. Dahan-dahan kong kinagatan ang tinapay. Pinigilan kong mapangiti ng malasahan ko ang sarap ng garlic bread at ang keso nito na mukhang hindi tinipid sa loob. Malaman ang tinapay at hindi lang din puro hangin. Magaling siyang gumawa ng tinapay. Parang bihasang-bihasa tulad ng mga tao sa bakery.
“Masarap ba?” tanong kaagad niya sa akin.
Mula sa gilid ng mata ko, nakita ko si Damien na nasa akin ang tingin habang naglalakad kami ng sabay sa Espana. Hindi ko siya matignan ng diretso dahil masarap at ang galing niya. Tumango na lang ako bilang sagot.
“Buti na lang at nagustuhan mo, Ana. Ginawa ko talaga ‘yan para matikman mo.”
Masyado niya akong special kung ituring. Hindi na ako kumibo at kinain ko nang kinain ang malaking tinapay. Sa isang tinapay na ‘yon, nabusog na agad ako at ngayon parang may bumara naman sa lalamunan ko. Wala akong panulak at wala pa naman akong baon na tubig.
Natanaw ko naman na ang building ng university kaya tiniis ko na lang ang nakabara sa lalamunan ko. Iinom na lang ako ng tubig sa loob ng university dahil libre lang ang tubig doon. Kaya mas binilisan ko sa paglalakad papunta sa pedestrian nang makatawid na ako.
“Tubig.”
Laglag ang panga na napatingin ako sa tumbler ni Damien at bumagal ang paglakad ko. Wala pang bawas ang tubig na ‘yon habang nakalahad sa harapan ko. Lahat na lang in-offer niya sa akin.
“Hindi ko pa yan naiinuman. Malinis ‘yan at galing pang mineral. Uminom ka na para may panulak ka sa nakabarang kinain mong tinapay–”
Napaubo ako sa sinabi niya at agad-agad niya namang binuksan ang tumbler niya. Inabot niya ‘to sa akin at wala na akong nagawa kundi ang uminom sa mismong bote niya. Bakit kasi nambibigla siya. Paano niya nalaman na may bumara nga sa lalamunan ko? Ano? Nakita niya ang lalamunan ko?
Mala x-ray ba ang mga mata niya para makita na may nakabara nga? Iniisip ko lang naman ‘yon at hindi ko sinabi sa kanya. Mala-madam Auring din ba ‘to na nanghuhula sa Quipo?
“Ito ang bote mo…” mahinang sambit ko pagtapos kong uminom. Halos makalahati ko ang tubig niya.
Nakahinto kami sa gilid ng daanan habang nakatingala ako sa kanya. Nagtataka ako sa mga mata niya. Alam kong imposible pero parang may kakaiba sa mga mata niya na hindi ko maipaliwanag.
“Ayos ka na?” tanong nito at isang tango lang ang ginagawa ko ng bigla siyang uminom sa tumbler.
Sa nguso ng tumbler kung saan ako mismo uminom! Kalma lang. Wala lang ‘yon. Huwag kang mag-isip ng kung anong bagay. Kanya naman ‘yan kaya hindi ako pwedeng magreklamo kung bakit uminom din siya kung saan ako uminom. Nakakahiya kung ako pa ang magrereklamo sa kanya ngayon pero bakit hindi niya man lang pinunasan?
“Bukas, gagawa ulit ako ng tinapay. Tikman mo kung masarap.”
“Walang pasok bukas,” paalala ko sa kanya. Parang gusto niya pang araw-araw akong patikimin ng tinapay na gagawin niya hah.
Lumiko kami para makatawid na sa pedestrian lane. Mukhang hilig niya gumawa ng tinapay dahil puro siya tinapay. Mukhang may alam din siya sa pagluluto. Hindi na ako magugulat kung mas magiging mas close sila ng kapatid ko kaysa sa akin. Hindi naman ako interesado masyado sa pagluluto at mas lalong hindi ako interesado sa pagkakaibigan.
“Wala nga pa lang pasok bukas. Paano kaya ‘yon? Sayang ‘yong tinapay kung hindi mo matitikman” problemadong saad niya.
Hindi dapat ako masanay na palagi na lang akong titikim ng tinapay niya. Baka pag nasanay din siya, mawala na siya sa boundary na mayroon siya ngayon. Ayokong mawala sa isip niya na hindi kami magkaibigan.
“Ipatikim mo na lang sa iba,” sagot ko.Siguro naman may mga kapit-bahay siya na pwede niyang bigyan ng mga luto niyang tinapay.
“Wala namang gustong tumikim,” mabilis niyang sagot sa akin na para bang siguradong-sigurado siya. “Ikaw lang ang nagtiwala at tumikim sa tinapay na ginawa ko. Akala kasi nila masahol ang lasa,” natatawang sambit niya pa.
Nagiging oversharing na naman siya ng mga bagay na hindi niya dapat sinasabi sa akin. Ano ba ko sa kanya? Diary na pwedeng sabihan ng mga bagay na tumatakbo sa isip niya? Marami rin akong problema tapos ito siya ngayon sa tabu ko at kung ano-ano na lang ang mga kinukwento.
“Wala akong alam pagdating sa pagluluto ng ulam pero may konting alam ako sa tinapay. Hindi nga lang halata kaya akala nila hindi masarap.” Natawa siya sa sarili niya.
Nakinig na lang ako sa mga sinasabi niya pero hindi ako sumagot dahil wala rin naman akong maisasagot sa mga ganyan niya.
Nang makarating sa gate ng university, ipinakita ko sa gwardya ang id ko at itinapat naman ni Damien ang id niya sa scanner para makapasok siya. Magkaiba ang id namin ni Damien. Ang kanya ay kailangan itapan sa scanner na parang estudyante habang ang akin naman ay kailangan lang ipakita sa guwardiya.
“Ang aga n’yo, sir—”
“May kailangan lang po, manong!” mabilis na putol ni Damien sa gwardiya na parang nagmamadali pa sa pagsasalita.
Hindi ko na nilingon si Damien at diretso lang ako sa paglalakad para makarating sa Science Building kung saan ako nakatoko ngayong araw. Kailangan ko muna magpalit ng uniporme ko at itago ng maayos ang ititinda ko dahil kapag nahuli ako, sigurado ako na matatanggal ako sa trabaho.
Pagkarating ko sa Science building kung saan ako unang maglilinis agad akong dumiretso sa locker na para sa mga janitress na katulad ko. Maliit lang na kwarto para sa sampung locker. Pagkarating ko roon nakita ko ang isang matandang babae na katrabaho ko. Palagi siyang maaga dahil siya ang head namin.
Ngumiti ako ng tipid sa matanda at inayos ang gamit ko para makapagbihis na. Ngayong araw ko rin makukuha ang sahod ko at balak ko na ilabas si Odelia. Gusto kong makakain kami sa isang fast food restaurant kahit isang beses sa isang buwan lang. Alam ko naman na gustong-gusto rin ni Odelia ‘yon.
“Ano ‘yang dala mo? Adobo ba yan?”
“Opo,” magalang na sagot ko sa pinakamatandang janitress dito at pinakamatagal na rin sa aming lahat. Ilang batch na rin ng mga estudyante ang nasaksikhan niya sa tagal niyang naninilbihan dito.
“Mukhang marami ‘yan hah. Ititinda mo?” tanong niya sa akin at sinimulan ko ng magbihis ng pamalit na pang janitress. “Alam mong pinagbabawal ang pagtitinda ng ganyan dito,” sambit niya muli na may papaalalang tono.
Alam ko naman ang mga tuntunin at kasama nga ‘yon. Ginagawa ko lang ‘to para sa kapatid ko kaya kailangan na maging matapang sa pagsugal. Ang trabaho ko ang alanganin pero sumubok pa rin ako.
“Kapag nahuli ka, siguradong aalisan ka ng trabaho dahil sa paglabas mo sa kautusan ng eskwelahan.”
Matapos kong magbihis ng uniporme, agad akong humarpa sa matanda, “Hindi naman po ako mahuhuli kung walang magsusumbong. Kailangan ko lang po ng pera para sa kapatid ko,” kalmadong sagot ko.
Alam kong wala dapat akong pagkatiwalaan na kahit sino sa mga katrabaho ko dahil alam kong ano man oras ay kayang-kaya nila akong isumbong.
Malalim na bumuntong hininga ang matanda na parang alam niya ang buong takbo ng buhay na mayroon ako, “’Yong huling napaalis dito dahil sa pagbebenta ng pagkain ay ganyan na ganyan din ang dahilan. Kailangan ng pera para sa asawa niya pero wala namang pakialam ang mga boss sa ganyang dahilan. Nasa pribadong paaralan ka, Ana. Mga walang puso ang mayayaman dito.”
Hindi ako nagpasakop sa takot sa dibdib ko. Mag-iingat ako para hindi mahuli. Ayokong biguin ang kapatid ko at ayoko rin mawalan ng trabaho.
“Pero huwag kang mag-alala dahil hindi naman kita isusumbong. Mag-ingat ka nga lang.” Tinignan pa ako ng matanda mula ulo hanggang paa. “Bata ka pa at baka wala ng tumanggap na ibang trabaho sa’yo sa taas ng hinahangad ng mga boss sa isang empleyado. Mabuti nga at nakalusot ka rito dahil may nagpasok sa’yo e.”
Napatango na lang ako sa matanda pagkatapos niyang ipaintindi sa akin ang gusto niya. Sinusugal ko na nga talaga ang trabaho ko para rito sa tinda ng kapatid ko. Ayos lang din dahil hindi masyadong mahihirapan si Odelia.
“Maglinis ka sa ikatlong palapag ng building na ‘to. Doon ka magsimula,” pag-iiba niya sa usapan na parang wala lang.
Tumango muli ako at pinanood na humakbang palabas si Manang ng maalala ko na may dapat pala akong itanong.
“Sandali ho!” Huminto ito at humarap sa akin. Sabay na tumaas ang dalawang kilay sa akin. “Saan po kukunin ang sahod ngayon at sino ho ang magbibigay?”
“Ako ang magbibigay ng sahod ngayon. Dito ko na rin ibibigay kaya kitain n’yo ko rito. Sabihan mo rin ang iba mong kasamahan.”
Tumango agad ako sa matanda at umalis na nga ito. Humarap ako sa locker ko at inayos ko ang mga gamit ko. Sinigurado ko rin na maayos kong mailalagay ang supot na may lamang ulam para hindi mabutas.
“Ana?”
Napahilot ako sa sintindo ko ng marinig ko na naman ang boses ni Damien sa labas ng locker room namin. Kakakita lang namin kanina tapos narito na naman siya. Akala ko hindi na siya nakasunod sa akin pero ito na naman pala ang maingay na si Damien. Sumandal ako sa locker ko at tahimik na nakatingin sa bandang pinto na nakasara. Ayokong magsalita at labasin siya.
“Ana, nandiyan ka ba? Ana?”
Tuloy-tuloy lang ang pagtawag niya sa pangalan ko. Napapagod na ako marinig ang pagtawag niya sa akin ng Ana pero itong si Damien parang hindi naman nauubusan ng lakas sa kakatawag sa akin ng Ana. Mukhang dahil sa kanya kaya masasanay ako na Ana ang gamit kong pangalan kahit hindi naman talaga. Ni hindi ko nga nick name ang Ana.
Oriana Fatima Benson. Kailan ko kaya ulit magagamit ang pangalan kong ‘to ng may pagmamalaki? Kailan ko magagamit ang pangalan ko sa tuwing magpapakilala sa ibang tao?
“Ana, may gusto lang sana akong iabot sa’yo. Nandiyan ka ba? Papasok na ako.”
Mabilis akong napatayo ng diretso. Hindi siya pwedeng pumasok dito at baka mamaya may makakita pa sa amin at mapag-usapan pa ako. Ayokong lumabas na nilalandi ko ang isang studyante nila rito. Hindi nga ako mawawalan ng trabaho dahil sa pagtitinda pero baka mawalan naman ako ng trabaho dahil kay Damien.
Lumapit ako sa pintuan at pinihit ito pabukas. Nakataas ang magkabilang sulok ng labi ni Damien nang sumalubong ang mukha niya sa akin. Abot tenga ang ngiti na parang normal na makikita na ‘yon sa labi niya.
“May sobra pa pala kong tinapay.” Inabot niya sa akin ang isang pulang kahon.
Kakaiba ito dahil nasa kahon ang tinapay hindi katulad ng nauna na nakalagay lang sa supot. Ang effort niya naman masyado para sa isang tinapay.
“Sa’yo na lang dahil mukhang nagustuhan mo naman ang ginawa mong tinapay. Para hindi ka na rin gumastos mamaya. Tanggapin mo na kasi makakatipid ka pa.”
Sabagay, tama siya. Makakatipid nga ako kung tatanggapin ko ang tinapay na alok niya. Laman tiyan na rin ‘yon at mabigat pa sa tiyan kaya nakakabusog.
“Tanggapin mo na, Ana.”
Itinaas ko ang kamay ko para kunin ang kahon na pula pero mabilis niyang itinaas ang kahon. Napakunot noo ako sa kanya kaya mabilis niya rin ibinaba ang kahon.
“Ito na,” nakangiting sambit niya. “Hindi ka naman mabiro,” natatawang saad niya pa sa akin.
Nang mapasakamay ko ang kahon, sinilip ko agad ang loob nito na nakikita ko dahil plastik lang ang nasa harapan ng kahon.
“Hindi rin pala ako makakasabay sa’yo mamaya,” aniya pa.
Mabuti naman pero hindi ko naman tinatanong sa kanya ‘yon. Hindi ko naman na kailangan pang malaman ang bagay na ‘yon.
“May kailangan akong gawin. Gustuhin ko man na sabayan ka pero hindi kaya ng schedule ko.”
Pinakinggan ko na lang ulit siya sa mga dinadaldal niya kahit hindi ko talaga alam kung bakit niya sinasabi ‘to sa akin. Masyado siyang makwento. Pinakain nga talaga ‘to ng pwet ng manok noong bata siya.
Narinig ko naman ang yapak ng mga paa kaya napasilip ako sa pasilyo. Nakita ko ang mga katrabaho ko na paparating na rito.
“Sige na.” Humarap ako kay Damien. “Umalis ka na, Damien.”
Ayokong makita nila si Damien rito. Alam ko naman na may kakaiba sa mga dila ng mga kasamahan ko. Kung anong nakikita nila, ikinukwento agad nila hanggang sa napasalin-salin dila na. Minsan nag-iiba pa ang kwento.
“Bakit? Wala pa naman akong klase,” kibit balikat na aniya sa akin.
“Basta umalis ka na.”
Mahina ko siyang tinulak palayo. Bumaba ang tingin niya sa dibdib niya kung saan ko siya nahawakan. Para siyang nakakita ng multo habang nanlalaki ang mga mata.
“Damien!” matinis na tawag ko sa kanya pero mahina.
Napalingon muli ako sa pasilyo at palapit na sila nang palapit. Mabuti na lang at hindi pa nila kami masyadong napapansin dahil busy sila sa pag-uusap.
“Ikaw, Ana, hah! Pasimple kang chumachansing sa akin!”
“Ha?” laglag ang panga na sambit ko.
Iba talaga ang isip nito. Bakit ko naman siya chachansingan. Eh ayaw na ayaw ko nga na nalalapit sa kanya pero wala akong magawa. Mapapagod lang ako na umiwas sa kanya dahil palagi siyang may paraan para mahabol ako.
“Biro lang, Ana! Ang hirap naman talaga biruan ng isang Ana Marie,” natatawang saad niya pa sa akin.
Gawa-gawa ko na nga lang ang pangalan na Ana tapos ito siya ngayon at dinagdagan pa ng Marie ang pangalan ko. Kung ano-ano na lang talaga ang naiisip nito.
“Umalis ka na, Damien,” kalmadong sambit ko pero patawa-tawa pa rin siya sa tapat ko.
Kahit walang nakakatawa, tawa pa rin siya nang tawa. Parang may multo na palagi siyang kinikiliti sa bewang niya.
“See you next week, Ana! Sana hindi na kita habulin sa susunod.”