Episode 07

3184 Words
Oriana Fatima’s POV Hindi ba talaga ako isusumbong ni Damien? Hindi niya ba ipagkakalat ang nalaman niya? Hindi ko pa rin maalis ang duda sa katawan ko. Hindi ko naman kilala si Damien. Hindi ko alam ang talagang ugali niya. Baka mamaya tuso pala siya. “Ate Ana, saan ang punta mo?” Naningkit ang mga mata ko dahil sa pangalan na tinawag sa akin ng bunsong kapatid ko. Ito ang unang beses na tinawag niya ako bilang Ana. “Ate Ana?” tanong ko sa kanya pabalik. Nilingon ko ang kapatid ko na nakasandal sa lababo. Parang napantig ang tenga ko sa pagtawag niya sa akin ng Ana. Ngayon, kapag naririnig ko na may tumatawag sa akin ng ganoon pakiramdam ko nasa paligid ko lang din si Damien. Siguro epekto na ‘to dahil sa walang sawang pagsigaw niya sa pangalan ko kapag nakikita niya ako. Kahit saan ako magpunta, ginugulo ni Damien ang isipan ko kahit hindi ko siya kasama. Normal pa ba ‘to? O baka naman may ginagawa ang lalaking ‘yon sa akin kaya palagi ko siyang naiisip! “Oh, Ate Oriana nga pala,” natatawang sambit niya na halatang tinutukso ako. “Pwede na rin ang Ana kasi malapit naman sa pangalan mo. Maganda ang Ana hah—” “Pero huwag mo kong tawagin na Ana. Baka kapag nasanay ka, makalimutan mo kung sino talaga ako,” makahulugang sambit ko. Ayokong may makalimot sa pangalan ko dahil sa gawa-gawang pangalan ko. Hindi Ana ang pangalan ko. At kapag naririnig ko na lumalabas sa bibig ng kapatid ko ang pangalan kong Ana, naiisip ko agad si Damien. “Syempre hindi! Ano ba ‘yang sinasabi mo, Ate Oriana,” natatarantang sambit niya na may diin pa sa totoo kong pangalan. “Oriana Fatima! Hindi ko kakalimutan ‘yon ‘no! Kahit magka-amnesia pa ako!” panunumpa niya sa akin. Ayoko talaga ng pangalan ng Ana. Pakiramdam ko pang bata lang ‘yon na palaging naglalaro ng chinese garter. Hindi maganda ang Ana sa pandinig ko lalo na kapag kay Damien galing. “Aalis muna ako,” sambit ko na lang para gumaan ang atmosphere dito sa loob ng bahay namin. Tumayo ako mula sa pagkakaupo ko sa kama namin na double deck. Ako ang nakahiga sa baba habang si Oriana naman ay sa taas. Maliit na nga lang ang bahay namin tapos bumibigat pa ang atmosphere. Dalawa na lang kaming nasa bahay pero bumibigat pa ang atmosphere sa paligid namin. Ayokong gawing big deal ang pangalang Ana. Hindi ko na papatulan ang pang-aasar sa akin ni Odelia. “Ala-sais na, ate. Malapit na tayong kumain.” “Sandali lang naman ako. Pupuntahan ko lang ‘yong minute burger na bago kong papasukan. Madadagdagan na ‘yong trabaho ko,” masayang anunsyo ko sa kanya. Matagal ko ng gustong mag double job. Pero mukhang hindi naman masaya ang kapatid ko na nakausli ang labi ngayon sa harapan ko. Naglakad siya palapit sa akin at kinuha niya ang dalawang kamay ko. Ang hinlalaki niya at hinaplos-haplos ang likod ng palad ko. “Kaya mo ba ‘yan, ate? Ala-singko pa lang gumigising ka na sa umaga tapos magtratrabaho ka hanggang alas-tres ng hapon o kaya alas-kwatro. Tapos ngayon dadagdagan mo pa ang trabaho mo. Kung hindi mo kaya, huwag na lang kasi baka magkasakit ka naman niya—” “Kaya ko naman ‘to,” nakangiting putol ko sa mga sasabihin niya pa. “Pang gabi naman ako sa minute burger na balak kong pasukan. Ala-singko hanggang alas-dies lang ‘to ng gabi. Saglit lang din ‘yon. Kayang-kaya ko ‘yon, Odelia. Sanay na kaya ‘tong katawan ko sa trabaho,” proud na sambit ko. Bumuntong hininga siya sa akin. Alam ko naman na ayaw niya akong nahihirapan pero hindi naman pwede ‘yon lalo na sa lagay namin ngayon. Hinding-hindi ako susuko sa pagtratrabaho. Hindi kami pwedeng magpakakampante lang na parang mga donya tulad noon. Wala na kaming mga magulang na aasahan. Ako na lang din ang inaaasahan ng kapatid ko. “Basta dapat tuwing Linggo, pahinga mo. Para makapagsimba na rin tayo sa Quiapo,” parang matanda na sambit sa akin ni Odelia. Kapag nag-aalala talaga siya, nagiging manang ang kapatid ko. Binitawan niya ang kamay ko at agad kong hinawakan ang kanang pisngi niya. Kinurot ko ang pisngi niya, “Hindi ko kakalimutan,” nakangiting sambit ko. Sa nakapapagod na araw, nandiyan si Odelia para bigyan ako ng lakas. Siya ang dahilan ko kung bakit hindi ko kayang sumuko kahit ilang beses na akong napagod. Napagod ako pero nagpapahinga lang ako at lalaban na muli. “Siguradong makaiipon na ako nito kasi dalawa na trabaho ko. Kapag may pera na ako, hahanapin ko agad si Yza para makasama na ulit natin siya.” “Salamat, ate, sa pagiging matapang mo. Pasensya na rin kasi wala akong kayang itulong sa’yo–” Mabilis kong niyakap ang kapatid ko at hindi na siya hinayaan na matapos pa ang sasabihin niya. Ayokong iniisip niya na wala siyang tinutulong sa akin na parang pabigat lang. Malaki ang naitutulong niya sa akin dahil binibigyan niya ako ng dahilan para maging malakas. “Malaking tulong ang pagluluto mo, Odelia. At makita lang kita na maayos at ligtas kasama ko, tulong na rin ‘yon sa akin dahil nakakampante ako na ‘yong isa kong kapatid ay kasama ko.” Humiwalay ako sa pagkakayakap sa kanya bago pa ako maging emosyonal. Magiging maayos din ang lahat. Walang problema ang hindi nalulutas. Alam kong may darating na pag-asa sa aming dalawa ng kapatid ko. “Sige na. Aalis na ako. Huwag mo na akong hintayin. Mauna ka na rin kumain hah,” nakangiting sambit ko at inayos ang bahagyang nagusot kong polo t-shirt. Dapat presentable pa rin ako kahit pa paano kahit isang minute burger shop lang ang papasukan ko. Gusto kong matanggap agad-agad para siguradong makaipon na ako ng pera. Kailangan ko pang hanapin ang isa kong kapatid. “Goodluck, ate!” Ngumiti ako sa kanya at tumalikod na papunta sa pinto ng bahay. Lumabas ako sa studio type na tinitirhan namin at nagsimulang lakarin ang papunta sa sinasabi ni Damien. Mabuti na nga lang at malapit lang sa bahay namin. Hindi na ako mahihirapan dahil dalawang kanto lang ang layo nito sa bahay namin. Tamang-tama ang lugar dahil hindi mauubos ang lakas ko sa paglalakad. Sampung minuto lang at natatanaw ko na agad ang logo ng minute burger na umiilaw. Walang customer kaya mabilis akong lumapit sa tindahan. “Ano sa’yo, Miss?” barumbadong tanong sa akin ng lalaki. Matangkad, kayumanggi, matatayoga ng dibdib at malaki ang braso. Sigurado ako na matatakot ang mga manloloko sa tindahan nila dahil sa laki ng katawan ng lalaking tindero. Suot niya ang sandong puti at apron na mas nagdepina sa katawan niya. Isang suntok niya lang, siguradong bagsak agad ang makakatanggap ng suntok niya. Mukhang nasa edad trenta na rin siya. “Ah, gusto ko ho sana na mag apply—” “Sinong nag rekomenda?” tanong niya agad sa akin. Nakakaintimida ang pagtatanong niya pero iniwasan ko na lang na matakot. Ayokong pangunahan ng kaba. Masungit siya pero kailangan ko ‘tong trabaho na ‘to kaya dapat hindi ko pansinin ang naiinis niyang tono. “Wala naman po,” mahinahon kong sagot sa kanya. Ayokong dumepende kay Damien. Gusto kong patunayan na kaya kong makapasok dito ng walang tulong mula sa lalaking palagi kong tinatakbuhan at tinataguan. Kaya ko naman na matanggap dahil sa sarili kong galing at hindi dahil sa pangalan niya. “Wala naman pala e. Hindi ako tumatanggap ng bagong aplikante.” Laglag ang panga ko sa sinabi niya. Malakas pa ang loob ko na matatanggap ako tapos hindi naman pala. Dapat ba talaga na sabihin ko pa ang pangalan ni Damien? “Umalis ka na rito, Miss,” masungit na sita niya sa akin habang nagpupunas ng lamesa. Mabuti na lang talaga at may bakal na harang sa pagitan naming dalawa dahil kung wala baka nahampas na ako nito ng spatula nito dahil sa sungit niya. Ang ayos-ayos ko siyang kinausap pero parang high blood agad sa akin ang lalaking ‘to. Wala naman akong ginagawang masama. “Sige, salamat,” magalang pa rin na saad ko at napatalikod sa kanya. Sayang… Akala ko trabaho na pero naging bato pa nga. Paano kaya kung sabihin ko na ang pangalan ni Damien? Wala namang mawawala e. Tsaka si Damien naman na rin ang nagsabi na banggitin ko ang pangalan niya kapag pupunta ako rito. Trabaho na ‘to kaya hindi na dapat ako nag-iinarte ngayon! Hindi ako maganda at mayaman para mag-inarte sa tulong ni Damien. Tsaka baka gumana talaga kapag sinabi ko na si Damien ang nagrekomenda sa akin. Muli akong humarap sa lalaki na nakapatong na ang dalawang kamay ngayon sa ibabaw ng tiles na lamesa. “Teka.” Nakaharap na naman ako malapit sa silya na waiting chair para sa mga customer na bibili. Sayang ang dalawang kanto na nilakad ko at ang pag plantsa ko sa damit ko kung hindi ako matatanggap dito. Kailangan ko rin isipin ang isa ko pang kapatid na hindi ko kasama ngayon. “Ano?” balagbag na tanong niya. “Damien Balenciaga… ‘Yon ang nagrekomenda sa akin na magpunta rito,” mahinang sambit ko. “Ano ‘yon? Hindi ko marinig,” anito at inilapit pa ang tenga sa bakal na harang sa pagitan namin na parang nasa kulungan. Gusto ko na talagang kunutan ng noo ang lalaking ‘to pero mukhang kailangan ko nga talaga ang pangalan ni Damien para makapasok dito sa minute burger. Pero hindi ba niya talaga ako narinig? O nananadya na lang siya? “Si Damien,” matigas na sambit ko pero pinakalma ko ang mukha ko. “Damien Craig Balenciaga. Siya ho ang nagrekomenda sa akin dito na mag apply,” pag-uulit ko nang mas malinaw at malakas. Tumango-tango siya sa akin at humarap na may ngisi na sa labi. Hindi na tulad kanina na parang ano man oras ay babanggain niya ako ng malaki niyang braso. “Si Damien ba? Anong relasyon mo sa kanya?” Naningkit ang mga mata niya sa akin. Interview ba ‘to? Bakit ibang klase yata ang interview dito. Dapat nagtatanong siya tungkol sa akin at kung ano ang kaya ko. Kalma lang, Oriana. Bawal magreklamo. Dapat kong isipin si Odelia na binubuhay ko. “Wala po—” “Wala? As in wala? Hindi na magbabago sagot mo?” tanong niya sa akin. Para bang mali ang sagot ko. Hah?! Ang lakas niya maka-teacher na nagpapa-recite tapos guguluhin ‘yong studyante para magbago ng sagot. Ah basta parang siya ‘yong teacher ko noon! Ginugulo niya lang ang desisyon ko. “Magkakilala kami,” seryosong sagot ko at hindi na talaga magbabago. “Okay tanggap ka na. Pwede ka na magsimula bukas. Dapat bago mag ala-singko nandito ka na. Four hundred ang sahod mo kada araw. Ayos na ba ‘yon sa’yo?” Laglag ang panga ko. Four hundred sa loob ng limang oras na trabaho? Sobra-sobra na ‘yon! Ang laki pala magpasahod dito. Hindi ko akalain. Ito na nga talaga ang sagot sa kailangan ko. Kahit maliit na hakbang nakakaangat kami. “Oo naman po. Salamat po talaga—” “Huwag ka sa’kin magpasalamat,” aniya. “Magandang gabi, Ana!” Napatingin ako kay Damien na bigla na lang naupo sa waiting chair. Bigla-bigla na lang siyang sumusulpot galing sa kung saan. Ang galing niya rin makaamoy kung nasaan ako. Anong lahing aso ba siya at palagi niyang nalalaman kung nasaan ako? “Hindi ko alam na tanda mo pa pala ang buong pangalan ko. Pati second name ko, tanda mo!” may pagmamalaking saad niya sa akin. Narinig niya pala ‘yon! Humarap ako sa lalaking masungit na tumanggap sa akin sa minute burger, “Salamat po ulit. Makakaasa po kayo na maaga ako papasok bukas,” sambit ko at handa nang umalis. “Oh, teka, Ana,” pigil sa akin ni Damien bago pa man ako makagalaw sa kinatatayuan ko para makaalis na. “Maupo ka muna. Kain tayo.” “Hindi na, Damien—” “Pagbigyan mo na ang utol ko,” sambit ng lalaki sa loob. ‘Yong kanina na masungit pero ngayon ay wagas na rin kung makangiti sa akin ngayon. Nawawala na pati mga mata niya dahil sa kakangiti niya sa akin. “Siya ang dahilan kaya nakapasok ka rito kaya pumayag ka na. Minsan lang ‘yan.” Napabuntong hininga ako. Parang naging responsibilidad ko pa bigla na sabayan siya na kumain. Napatingin ako kay Damien na nakangiti. Ayoko talaga kaya dahan-dahan akong napailing sa kanya. Hindi naman ako ganoon ka komportable sa mga lalaki kahit pa sa kanya na ilang beses ko ng nakasabay na umuwi. Kahit umiling na ako, nakangiti pa rin sa akin si Damien. Tumayo siya sa silya at binitawan ang kamay ko. Doon ko napagtanto na hindi na siya ulit nagpupumilit sa akin. “Sige, Ana. Ingat ka sa pag-uwi mo, hah,” punong-puno ng pagmamalasakit na saad niya sa akin. “Kita na lang ulit tayo sa susunod.” Tumango naman ako sa kanya at umalis na sa harapan nila. Mabuti na lang at hindi na nila ako pinilit. Nakakailang na samahan siyang kumain habang may isa pang lalaki na hindi ko rin naman gaanong kilala. Alam ko rin naman na malapit silang dalawa n’on. Ayokong ma-out-of-place at maging awkward lang. Nakatutuwa dahil hindi talaga ako pinipilit ni Damien ngayon kapag ayaw ko. Hindi ko mapigilan na ngumiti nang marinig ko ang mga yapak kasabay ng pagyapak ng mga paa ko. Mabilis ko rin inalis ang ngiti sa labi ko. Hindi dapat ako ngumiti dahil sa kanya! Binagalan ko ang paghakbang ko at hindi lumikha ng tunog upang mas marinig ko pa ang mga yapak ni Damien na nakasunod sa akin. Kabisadong-kabisado ko na ang tunog ng bawat yapak niya. Tuwing naririnig ko ang pagtama ng sapatos niya lupa, alam ko na agad na paglumingon ako, si Damien ‘yon. Binilang ko ang mga hakbang ko at nang makalima ako, mabilis akong lumingon sa likod ko, “Bakit ka nakasunod?” tanong ko agad kay Damien. Bumilis ang paghakbang niya at sa isang iglap ay nasa harapan ko na siya. Dahil sa kanya kaya mababawasan ang iniisip ko tungkol sa problema ko sa pera… Ayaw ko sa kanya pero siya ang nakatulong sa akin. Inalis ko ang tingin ko sa kanya at humarap na muli ako sa nilalakaran ko. Pinagpatuloy ko ang paghakbang ko habang tumabi naman sa akin si Damien. Sinabayan niya ako sa paglalakad ko. “Ana, huwag mo na pala akong hanapan ng bagong uupahan,” aniya sa akin. Napatingin ako sa kanya. Akala ko, nagpapahanap siya sa akin dahil gusto niya ng kapalit sa tulong na binigay niya sa akin… “May nahanap na ang kaibigan ko. Doon na lang ako lilipat,” nakangiting sambit niya sa akin. Napatango ako sa kanya. Mabuti naman at may kaibigan siya sa labas ng eskwelahan niya kahit pa paano. May kaibigan naman talaga siya pero ako pa rin ang gusto niyang kaibiganin. “Hindi rin pala ako makasasabay sa’yo bukas papasok,” aniya pa. Ito na naman siya sa pagpapaalam niya sa akin. Hindi ko naman siya tinatanong at hindi ko rin naman siya balak hintayin bukas para sabay kaming pumasok. Pero wala rin naman akong magawa kaya pinakinggan ko na lang ang mga sinasabi niya sa akin. “Bibisitahin ko ang kapatid ko. May sakit kasi at kailangan yata ng alaga ko. ‘Yon lang naman ang nagpapagaling do’n. Pag-aalaga ko lang,” natatawang sambit niya. Kaya niya pa rin magbiro kahit sa pinakaseryosong parte ng buhay niya. Dala-dala niya rin ang pagiging malakas ang loob niya. Ano kayang nararamdaman ng kapatid niya na nagkaroon ng isang Damien bilang Kuya? Hindi lang halata pero mukhang mabait siyang kapatid. “Huwag mo kong masyadong ma-miss hah?” natatawang sambit niya pa. Ang ingay na mga sasakyan sa gilid namin ang mas gusto kong mangibabaw sa tenga ko ang ingay ng sasakyan kaysa ang mga sinasabi ni Damien na wala namang katuturan. Kahit isang taon pa siyang mawala sa buhay ko, wala akong mararamdaman. Hindi ko siya hahanap-hanapin at mas lalong hindi ko siya mami-miss. “Sandali lang ako roon. Baka isang araw lang akong mawala. Babalik agad ako rito sa’yo…” Parang may magulong bagay sa tiyan ko na hindi ko maintindihan dahil sa sinabi ni Damien. Babalik si agad… dito sa akin… Mabilis kong pinilig ang ulo ko para alisin sa utak ko ang sinabi niya. Patuloy pa rin siya sa pagdaldal kahit hindi ako kumikibo sa mga sinasabi niya. Hindi ko rin namalayan na malapit na kami sa apartment na tinitirhan ko. Ang hanggang ikalawang palapag na apartment at ang inuupahan namin ay ang ikalawang pinto sa unang palapag. “Pagbalik ko, sisiguraduhin ko na magkaibigan na tayo,” sambit ni Damien na hindi natapos ang pagiging madaldal. Nilingon ko siya at aapataas ang tingin ko sa kanya na nasa gilid ko. Mas lalo akong nagiging maliit kapag siya ang katabi ko. Matangkad si Damien na mas nagpamukha sa akin na hindi ako matangkad. Bumagal ang paglakad ko habang palapit na kami nang palapit sa apartment namin. Mabilis akong maglakad pero ngayon na papalapit na kami sa apartment ko, bigla akong bumagal na parang pagong. “May pasalubong din ako sa’yo syempre pagbalik ko! Masarap ang mga ubas sa probinsya namin. Dadalhan ko kayo ng kapatid mo para matikman niyo.” Sa halos isang buwan namin magkakilala, mas lalo siyang nagiging komportable sa akin. Para akong isang bukas na pahina na handang maging blangko para bigyan siya ng espasyo na makapagsulat. Lahat ng sinasabi niya ay pinakikinggan ko kahit mukhang wala akong pakialam. Huminto ako sa paglalakad ng makarating sa tapat ng apartment namin. Huminto rin si Damien at nakapamewang ang dalawang kamay niya sa bewang niya. Napatingin siya sa apartment na nasa harapan namin. “Dito pala mismo ang bahay mo,” tumatangong sambit niya. Hindi ba siya napapagod? Para siyang may pipe na kasama pero sige pa rin siya sa pagsasalita na parang siya ang bida sa isang kwento. “Pumasok ka na,” nakangiting sambit niya sa akin. Humakbang ako papunta sa pinto ng studio type na apartment namin ni Odelia. Hinawakan ko ang doorknob at pinihit ito pabukas. Nararamdaman ko pa rin ang titig niya sa akin. Alam na alam kong nasa paligid ko lang siya kapag wala akong ginagawang iba. Palagi ko siyang nararamdaman. Tinulak ko ang pinto at pumasok na sa loob ng apartment namin pero hindi ko agad sinara ang pinto. Sumilip pa ako sa labas at tama ako. Nakatayo pa rin si Damien kung saan ko siya iniwan at nakangiti ang mga labi niya habang nasa akin ang mga mata niya. “Ingat ka sa pag-uwi mo, Damien.” Umawang ang labi niya kasabay ng panlalaki ng mga mata niyang kulay abo dahil sa sinabi ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD