Oriana Fatima’s POV
“Ate, ano namang ulam at ibebenta mo sa mga katrabaho mo?” tanong sa akin ni Odelia.
Kailangan ko na naman mag-isip ng masarap na ulam pero para naman sa mga katrabaho ko. Isa sa mga mahirap na isipin araw-araw ay ang ulam. Kahit noong kasama ko ang mama ko, palagi siyang hirap mag-isip ng uulamin namin. Gusto kasi palagi ni Mama na masarap ang ang ulam. Gusto niya, ‘yong ulam na magugustuhan ng lahat at mapapakain ng marami.
“Kahit ano pa ang gusto mong lutuin. Sigurado naman ako na magugustuhan nila ang luto mo. Sobrang sarap mo magluto,” nakangiting puri ko sa kapatid ko habang naglalakad kami papunta sa palengke.
Gustong-gusto kong pinupuri ang kapatid ko para malaman niya na magaling siya. Totoong magaling siya. Mas masarap pa nga ang luto niya kaysa sa mga nagtitinda sa calenderia. Bata pa ang kapatid ko pero alam ko na may talento talaga siya sa pagluluto.
Ala-singko na ng hapon at naisipan namin na mamili ngayon ng mga kailangan ni Odelia para sa lulutuin niya para bukas. Mas gugustuhin ko na gamitin na lang ni Odelia at galing niya sa pagluto para kumita ng pera kaysa ang maglaba siya para sa ibang tao. Ayokong magkasugat-sugat ang mga kamay ng kapatid ko dahil sa paglalaba.
Mas gusto ko na ako na lang ang magkasugat kaysa siya. Ayokong nahihirapan ang kapatid ko at hindi ko rin siya kayang makita na nahihirapan. Ako ang panganay kaya gusto kong tumayo bilang magulang niya ngayon na wala ang mga magulang namin sa tabi namin. Lahat gagawin ko para sa kanya para hindi niya maranasan ang hirap na nararanasan ko ngayon.
Hindi niya ‘yon kakayanin dahil mahirap ang maglaba lalo na kapag kamay lang ang gamit. Hindi ko minamaliit ang kapasidad ng kapatid ko pero alam kong mahihirapan lang siya sa gano’ng bagay. Siya ang bunso kaya hindi pa dapat siya nahihirapan ng sobra. Ang inosente kong kapatid na normal dapat ang buhay. Dapat sa kanya ay nakikipagkaibigan, nag-e-enjoy kasama ang mga kaibigan niya at nag-aaral lang.
“Adobong baboy na lang, ate. Isang ulam lang muna ang gawin ko kasi nagsisimula pa lang naman,” nakangiting sambit sa akin ni Odelia at huminto kami sa babuyan.
Tumango ako sa kanya at pinanood siya na mamili ng baboy sa harapan namin. Ganito ang gusto ko, ang makita ko siya na masaya sa ginagawa niya. Ayos lang naman na kumita agad sa batang edad basta ba gusto mo o hilig mo ang ginagawa mo sa buhay. Hindi kagaya ko na wala namang kahilig-hilig sa paglilinis. Gusto kong kumita siya ng pera sa bagay na masaya siyang ginagawa at hindi lang basta napipilitan dahil kailangan ng pera.
Inabot ko ang bayad sa tindero ng ma-kilo na nito ang binili ni Odelia. Bumili rin kami ng iba pang sangkap at hindi ko mapigilan na matuwa habang pinapanood ang kapatid ko na mamili. Kuhang-kuha niya ang talento ni Mama sa pagluluto. May alam naman ako sa pagluluto pero iba pa rin si Odelia dahil siya ang halos palaging kasama ni Mama noon na mamili at pati magluto. Isinasama lang din naman ako ni Mama sa pamamalengke sa tuwing marami siyang dadalhin.
“Nabili mo na ba ang lahat?” tanong ko sa bunsong kapatid ko habang papalabas kami ng palengke.
“Oo, ate. Ayos na ang lahat.”
“Ulam na lang natin para mamaya,” saad ko at napahawak sa wallet ko na dala.
Ramdam na ramdam ko na kakapiranggot na lang ang laman ng wallet ko. Kulang na ang pera ko para sa ulam naming dalawa dahil inilagay ko na sa pampuhunan namin ng kapatid ko. Bukas ko pa makukuha ang sahod ko.
“Hindi naman ako gutom, ate,” sambit ni Odelia at sabay kaming huminto sa gilid ng labasan ng palengke. “Hindi na ako kakain.”
Alam ko naman na gusto talagang kumain ni Odelia. Kilalang-kilala ko ang kapatid ko. Alam kong sinabi niya lang na ayaw niyang kumain dahil ubos na ang pera namin.
“May pera pa naman ako, Odelia. Mag delata na lang tayong dalawa,” nakangiting sambit ko at hinawakan ang braso niya.
Gusto kong ipaalam sa kanya na may pera pa naman kami dahil alam ko naman na kaya niya ayaw kumain dahil alam niyang wala na akong pera. Alam na alam ko ang takbo ng isip niya. Magugutom siya mamaya at alam kong sinasabi niya lang sa akin na hindi siya nagugutom para hindi ako mamoblema sa pagkain namin.
“Kaya pa naman ng pera ko na bumili ng isang delata—”
“Pero hindi ng bigas,” mahinang saad niya.
Para akong sinapak ng katotohanan na kahit anong pilit kong ipagkasya ang sweldo ko sa aming dalawa, kulang pa rin talaga. Naaawa ako sa kapatid ko dahil nakikita niya kung gaano kami kinakapos sa pera. Ginagawa ko naman ang lahat para mapunan ang pangunahin niyang pangangailangan pero kulang pa rin. Gusto ko man mag-double job pero walang tumatanggap sa akin dahil hindi naman ako graduate. Mataas pa naman ang standard dito sa Maynila. Kahit sa simpleng pag-ja-janitress sa isang fast food restaurant, mahirap matanggap.
“Ibili mo na lang ng biscuit ang pera mo, ate. Ikaw na lang ang kumain. Okay lang talaga ako at maaga naman ako matutulog kaya hindi ko na kailangan maghapunan.”
Naaawa ako sa kapatid ko dahil matutulog siya nang maaga para hindi maramdaman ang gutom. Matutulog siya na wala man lang hapunan.
Ngumiti siya sa akin at hinawakan ang braso ko. Diyos ko, pagaanin n’yo naman po ang buhay naming magkapatid. Pagod na pagod na ako pero ayokong sumuko para sa aming dalawa. Pinipilit kong lumaban para sa kapatid ko. Siya ang dahilan kaya tuloy-tuloy pa rin ako sa pagpupursigi.
“Kumusta pala ang enrollment mo?” tanong ko sa kapatid ko habang naglalakad kami pauwi ng bahay.
“Okay na, ate. May schedule at section na rin ako.”
Kailangan na may maipon na ako kahit konti lang bago pa sila magpasukan. Malapit na ang pasukan ni Odelia. Gastos ulit ‘yon para sa mga gamit niya. Ayoko naman pumasok ang kapatid ko ng walang gamit at walang magandang suot.
“Ate, matapos ko kaya ang pag-aaral ko rito ngayong taon? Baka naman kapag natunton na tayo ng kaaway nila Mama, lumipat na naman tayo tapos mahirapan na naman ako sa paglipat ko ng paaralan—”
“Shhh.” Pinisil ko ang braso niya na nakakapit sa akin. “Huwag mong isipin ‘yon. Dalawang buwan na tayo rito pero wala pa rin ang mga kaaway. Kaya isipin mo na lang ang pag-aaral mo.”
Pinapakalma ko ang kapatid ko pero sa totoo lang gabi-gabi kong iniisip ang problemang ‘yon. Paano kung isang araw ay bigla na lang kaming sugurin? Paano kung mapahamak si Odelia? Paano kung isa sa amin ay makuha nila? Kaya kong masaktan at kaya kong makalbo muli basta ligtas ang kapatid ko. Handa kong itaya ang buhay ko para kay Odelia.
“Ana!”
Naputol ang pag-iisip ko dahil sa masayang sigaw sa pangalan ko. Huminto ang kapatid ko at agad na lumingon sa likod namin kaya napalingon na rin ako. Si Damien na naman. Siya ang pinakamakulit na lalaking nakilala ko.
“Saan kayo galing?” masayang tanong niya habang naglalakad palapit sa amin. May hawak siya sa kanang kamay niya ng isang ice coffee ng mcdo.
“Namili lang,” tipid na sagot ko sa kanya. Ayoko naman siyang hindi pansinin lalo na at kasama ko ang kapatid ko ngayon.
Pinakain din yata ng pwet ng manok si Damien dahil ang ingay niya at ang dami niya palaging sinasabi. Wala na nga ako sa loob ng university pero nakita ko pa rin siya. Siguradong mangungulit na naman ang lalaking ‘to.
Napatingin si Damien sa kapatid ko. Hindi talaga mawala ang ngiti niya kahit na sino pa ang kaharap niya. Masyado siyang friendly sa lahat. Bakit hindi kaya siya mag-artista o kaya tumakbo bilang chairman? Hindi siya nauubusan ng sasabihin sa tuwing nagkikita kami kaya hindi ko maintindihan kung bakit sa tahimik pa na tulad ko, gusto niyang makipagkaibigan.
Ano bang mapapala niya sa akin? Wala naman.
“Hello sa’yo!” bati niya sa kapatid ko at inilahad ang kanang kamay. “Ate ka ba ni Ana?”
Napatingin ako kay Odelia ng bigla siyang tumawa nang napakalakas. Napapatingin sa amin ang mga tao sa bigla niyang pagtawa ng malakas kaya kinurot ko ng mahina ang braso niya.
“Sorry,” natatawa pa rin na sambit ni Odelia at parang mauubusan pa ng hangin sa kakatawa. “Nakakatawa ka! Kaibigan ka ba ni Ate?”
Gusto ko na lang biglang talikuran si Damien. Napagkaman pang matanda kong kapatid si Odelia. Ako ang panganay! Ako ang ate! Hindi ko alam kung talagang wala siyang alam o gusto niya lang akong insultuhin.
Gulat na napalingon sa akin si Damien at nagbaba na siya ng kamay na kanina ay nakalahad. Bakit ba palagi na lang napagkakamalan si Odelia na mas matanda sa akin? Panganay ako! Ako ang Panganay!
“Ikaw ang ate?” Tanong sa akin ni Damien. Nagulat lang ba talaga siya? Duda ako dahil baka gusto niya lang akong asarin dahil papansin siya.
Kulang sa pansin ang Balenciaga na ‘to. Bakit hindi na lang siya maghanap ng ibang makakausap niya ng hindi ang buhay ko ang ginugulo niya?
“Oo,” sagot ni Odelia sa kanya kahit sa akin nagtanong si Damien. Mukhang napansin na rin kasi ni Odelia na wala akong balak na sagutin si Damien. “Siya ang panganay sa amin. Nga pala, ako si Odelia. Ikaw? Anong pangalan mo?” masayang tanong ni Odelia.
Napatingin ako kay Odelia na komportable agad kay Damien na parang matagal na silang magkakilala. Porket napatawa siya nang malakas ni Damien, nakikipagkilala na agad siya! Corny naman ang lalaking ‘yan at kung ano-ano lang ang sinasabi na wala namang katuturan!
“Damien at hindi ako kaibigan ng ate Ana mo. Pero papunta na rin naman kami roon,” nakangising sagot niya. Yabang!
Naiwang buka ang bibig ko sa sinabi ni Damien. Anong papunta? Kailan ko ba pinaramdam sa kanya na gusto ko siyang maging kaibigan? Hindi naman nangyari ‘yon dahil kahit kailan hindi ko naman gustong magkaroon ng kaibigan ng lalaking katulad niya. Umasa ka na lang, Balenciaga, dahil hinding-hindi kita kakaibiganin.
“Oh, akala ko kaibigan ka na niya,” nanghihinayang pa na sambit ni Odelia.
Aba nanghinayang pa talaga ‘tong magaling kong kapatid. Parang close na close pa silang dalawa kahit ngayon lang naman sila nagkita. Parang na out of place ako sa kanilang dalawa. Mas mukhang close pa silang dalawa kaysa sa akin na naunang nakilala. Aba, e ‘di sila na lang ang mag-usap.
“Huwag ka mag-alala, magiging kaibigan ko rin naman ‘tong, ate mo,” ani ni Mateo.
Nagsalita pa talaga siya ng patapos. Akala niya talaga magiging magkaibigan kami? Hindi. Hindi mangyayari ‘yon. Mas gusto ko na tahimik ako kaysa may nang gugulo sa akin na isang lalaking walang preno ang bibig at maraming kwento.
“Makukuha ko rin ‘yan.” Kumindat pa siya kay Odelia!
“Tara na, Odelia,” sambit ko at hinatak na si Odelia paalis sa harapan ni Damien. Palihim akong napairap.
Gwapo si Damien at sigurado ako na mahilig din siya sa babae. Ganoon naman ang mga gwapo. Sinasamantala nila ang mukha na mayroon sila para makapanloko ng mga inosenteng babae. Bata pa ang kapatid ko para mabiktima niya! Hindi ako papayag na mabiktima ng mga lalaki si Odelia lalo na ang lalaking Balenciaga na ‘yon!
“Ate, bakit naman nagmamadali ka bigla? Mabait naman si Damien. Friendly pa at mukhang palaging approachable—”
“Hindi naman natin siya kilala para makasigurado tayo na mabait siya. Hindi ka dapat basta-basta nagtitiwala sa mga tao na unang beses mo pa lang nakikilala. Baka mamaya kaya siya mabait dahil may kailangan siya sa atin.” Mas binilisan ko pa ang paglalakad ko pauwi.
Wala akong tiwala sa Damien Balenciaga na ‘yon. At sa lahat ng tao na nakakasalubong at nakakasalamuha ko ay wala akong tiwala. Maaaring isa sa kanila ay kalaban pala na naghihintay lang ng tamang oras para umatake. Kailangan kong mag-ingat sa mga tao lalo na at hindi pa rin naman kami ligtas. Nasa paligid lang ang mga kaaway.
Hindi ko maitatanggi na masiyahin nga si Damien at nakikita kong mabait siya pero paano kung nagpapakitang tao lang siya? Baka mamaya naghahanap lang pala siya ng mabibitikma sa kagwapuhan niya at masama pa ang kapatid ko roon. Inosente pa si Odelia at madali mauto.
“At kung mabait naman siya? Paano kung gusto ka lang talaga niya maging kaibigan? Try mo rin—”
“Oh, sabihin na natin na mabait nga siya tulad ng iniisip mo. E ‘di mas lalong hindi dapat tayo malapit sa kanya. Paano kung madamay siya sa buhay natin na magulo dahil sa kalalapit niya sa atin?”
Natahimik siya bigla at bumagal ang paglakad. Pati ako ay napabagal sa paglalakad. Mabait man o masama, hindi pa rin namin dapat papasukin sa mga buhay namin. Lalo na ang mga mababait na pwedeng madamay sa gulo na mayroon kami ngayon.
“Sandali, Ana.”
Sabay kaming napahinto ng biglang tumigil sa harapan namin si Damien na mukhang hinabol pa talaga kami. Wala na rin ang hawak niyang ice coffee kanina. Hingal na hingal pa siya at hinahabol ang hininga.
“Anong eksaktong oras ka aalis sa bahay mo bukas para pumasok?” tanong niya habang bahagyang nakayuko at hawak ang magkabilang tuhod niya. Naghahabol ng hininga na parang aso.
“Bakit mo natanong?” sambit ko habang si Odelia naman ay tahimik lang sa gilid ko.
Nawala ang kaninang saya niya dahil sa sinabi ko. Dapat siguro hindi ko na binanggit ang tungol sa bagay na ‘yon. Hindi ko naman pinipigilan ang kapatid ko na magkaroon ng kaibigan pero hindi ko rin maiwasan isipin ang pwedeng mangyari sa mga makikilala naming kaibigan. Ayokong may madamay pang inosenteng tao.
Wala rin akong tiwala sa mga lalaki. Wala akong kasiguraduhan na ligtas sa kanila ang kapatid ko. Lalo na kay Damien na bigla na lang gustong maging kaibigan sa akin at ngayon mukhang gusto niya na rin na mapalapit sa kapatid ko. Kahina-hinala ang kilos niya.
Dumagdag pa si Damien sa iniisip ko. Kung mabait ba talaga siya at gusto niyang kaibigan ako dahil wala siyang kaibigan o nagpapanggap lang siya na mabait para pagsamantalahan ang gusto niyang pag trip-an. Ang dami kong problema sa buhay at hindi dapat ako ang tao na nilalapitan para biktimahin.
Hindi ko na alam kung anong totoo. Mas maganda na hindi na lang kami maging malapit sa isa’t isa.
“Para alam ko kung anong oras ako maghihintay na dumaan ka sa kalye namin. May ihahanda rin ako na tinapay bukas. Gusto kong ipatikim sa’yo kung masarap kasi sarili recipe ko ‘yon.”
“Hindi ko alam kung anong oras ako aalis ng bahay.” Gumilid ako para lagpasan siya pero hinawakan niya bigla ang pulsuhan ko habang nakatayo na siya ng diretso. Bumaba ang tingin ko sa kamay niya na nakahawak sa akin.
“Eh kahit tantya lang? Ano sa tingin mo ang oras ng alis mo sa bahay mo? Bigyan mo lang ako ng oras kahit hindi eksakto, ayos lang.”
Gaano ba siya kasabik sa pagkakaroon ng kaibigan? Ako na lang ba ang tao sa mundo para ako nang ako ang buryuhin niya. Hindi ba siya nag-iisip na baka ipahamak siya ng pinipili niyang kaibigan?
“Hindi ko talaga alam,” sagot ko at inalis ang kamay niya na nakahawak sa akin. Pinunasan niya ang pawisan niyang noo.
“Ate.” Napatingin ako kay Odelia na bigla akong binulungan. “Bakit hindi mo na lang pagbigyan?”
Napabuntong hininga ako at humarap muli kay Damien na malawak ang ngiti sa mga labi. Titigil din ‘yan sa kakahabol sa akin kapag nagsawa na. Wala lang siguro siyang magawa.
“Mauna na kami, Damien,” casual na sambit ko.
Hindi na rin ako nag-abala pa na lingunin siya. Ayokong maawa sa kanya na habol nang habol sa akin para makipagkaibigan lang. Gusto ko rin protektahan ang sarili ko dahil baka masamang tao pala siya. Nakakatakot magtiwala sa panahon ngayon dahil kahit ang mga mukhang inosente ay mas may malaki pa palang masamang balak.
“Ana!” muling sigaw ni Damien pero hindi ko siya nilingon. “Hihintayin kita bukas hah!”
“Ate, parang sobra ka yata kay Damien. Nararamdaman ko talaga na mabait siyang tao. Kung iniisip mo naman na baka mapahamak si Damien at madamay, sa tingin ko naman hindi ‘yon mangyayari. Tayo lang naman talaga ang puntirya ng mga kalaban ng magulang natin. Bakit hindi mo siya kaibiganin?”
Hindi ako nagsalita. Sa tono ng pananalita ni Odelia, ramdam ko na gusto niya si Damien bilang kaibigan ko kaya todo ang pangungumbinsi niya sa akin.
“Mukhang masaya rin na kasama si Damien, Ate. Ayaw mo ba talaga na kaibiganin siya?”
“Hindi ko nga binigay sa kanya ang totoo kong pangalan kaya ibig sabihin no’n ay ayaw ko rin siyang maging kaibigan.”
“Sayang,” aniya na kinaliit ng mga mata ko.
Inalis ko ang braso ni Odelia sa akin at mahina kong kinurot ang tagiliran niya. Alam na alam ko na ang iniisip niya kapag ganito.
“Anong sayang hah. Ikaw, Odelia, tumigil ka hah!”
Natatawa siyang lumayo sa akin habang diretso ang lakad namin pauwi sa bahay.
“Gwapo naman kasi si Damien, ate. Baka nga crush ka niya kaya gusto ka niyang kaibiganin o kaya baka naman ikaw ang may crush sa kanya kaya ka umiiwas?”
“Hah?” kunot noong tanong ko sa kanya. “Hindi ko nga siya kilala para magustuhan. Tsaka bakit naman ako magugustuhan no’n?”
“Alam mo, ate, hindi mo naman kailangan kilalanin ang isang tao para magustuhan. Minsan nagugustuhan mo na lang siya agad dahil sa itsura niya at dahil sa mayroon siya.”
Bata pa ang kapatid ko pero ang dami na niyang alam tungkol sa ganitong bagay. Kapag narinig ni Yza ang mga sinasabi niya, sigurado akong magkakampihan pa silang dalawa.
“Ano bang mayroon kay Damien na nakita mo, hah?” tanong ko sa kanya.
“Mayaman—”
“Kung ‘yan ang iniisip mo, hindi siya mayaman,” mabilis na putol ko sa kanya.
“Hindi siya mayaman? Talaga ba? Paano mo nasabi?” sunod-sunod na tanong niya. Halatang hindi pa siya makapaniwala.
Kahit ako hindi naniniwala noong una na hindi mayaman si Damien pero sa tingin ko naman totoo na hindi siya mayaman at hindi na siya magsisinungaling pagdating doon. Sino ba ang taong magpepeke na mayaman sila? Kung ang iba nga nagpapanggap na mayaman pero hindi pa ako nakakakita ng mayaman na nagpapanggap na mahirap.
“Sinabi niya sa akin mismo. Tsaka nakita mo naman sa suot niya. Simple lang at walang kotse na sumusundo sa kanya sa university.”
Hindi ko alam kung bakit ko pa ‘to dapat ipaliwanag sa kanya pero kahit pa paano nailalayo ko ang seryosong usapan tungkol sa buhay namin.
“Sayang naman. Gwapo na sana siya pero hindi pala mayaman.”
Napailing na lang ako sa sinabi ni Odelia at hindi na nagsalita pa. Ayokong iba ang isipin niya kapag sinabi ko na ayos lang naman maging gwapo kahit hindi mayaman. Sigurado ako na aasarin niya lang ako.
“Pero sa totoo lang, ate, gusto ko si Damien para maging kaibigan mo. Pagbigyan mo na talaga ‘yong tao kasi sayang naman. Gwapo pa man din.”
“Hilig mo sa gwapo,” sambit ko.
“Talaga! Mag-aasawa ako ng gwapong mayaman para hindi na tayo maghirap.”
Sabay kaming natawa dahil sa sinabi niya. Lahat ng tao ‘yon ang gusto. Pero ako, hanggang kaya ko, gusto kong maging mayaman ng hindi dahil sa isang lalaki.