Oriana Fatima’s POV
“Ana, sasabay ka ba sa amin sa pag-uwi?”
Mabilis akong umiling sa katrabaho ko habang sinusuklay ko ang hanggang balikat ko na buhok. Tapos na ang trabaho ko at hanggang alas-tres lang ng hapon ngayon dahil summer class lang naman ngayon.
“Oh, sige, Ana. Mauna na kami sa’yo. Ingat sa pag-uwi mo.”
Tumango lang ako sa mga katrabaho ko bilang pagsagot. Sa isang buwan ko rito, na sanay na rin siguro sila sa mga sagot ko na di-berbal. Matapos kong ayusin ang buhok ko ay sinukbit ko na ang bag ko na may lamang uniporme na ginamit ko.
Saglit ko lang na tinignan ang suot kong pantalon at itim na t-shirt bago ako naglakad palabas ng banyo. Mag-isa akong naglalakad sa mahabang pasilyo nang magsimula kong marinig ang isa pang pares ng mga paa.
Hindi ko mapigilan na kabahan dahil baka ito na ang mga kaaway. Mas binilisan ko pa ang paghakbang ko habang ang mga tunog ng yapak sa likod ko ay mas bumilis din. Hindi ako pwedeng mapahamak! Paano na lang ang kapatid ko?
Lumiko ako sa kanan at isang matigas ang sumalubong sa mukha ko.
“Oh, Ana!”
Napataas ang ulo ko at nakita ko ang todo ngiti na lalaki sa locker noong isang araw. Si Balenciaga.
“Ayos ka ba?” tanong niya sa akin at tumama pa ang hangin na nagmumula sa bibig niya sa noo ko.
Huli na nang mapagtanto ko kung gaano kami kalapit sa isa’t isa. Masyado akong dikit na dikit sa kanya kaya umatras ako. Nilingon ko na rin ang pasilyo na kanina kong nilalakaran. Wala namang ibang tao pero kanina rinig na rinig ko talaga ang mabibigat na yapak na ‘yon.
Hindi pa ako pwedeng mawala hangga’t hindi ko nakikita na ayos na ayos ang bunsong kapatid ko.
“Ana.” Napalingon ako sa lalaking sumalubong sa akin.
“Pasensya na. Hindi kita nakita,” mahinahong sambit ko sa kanya.
Napasilip naman siya sa pasilyo na tinignan ko kanina na parang may chine-check siya. Muli siyang humarap sa akin. Parang mababali ang leeg ko sa sobrang tangkad niya kaya hindi ko na siya tinitigan sa mata.
“Napag-trip-an ka ba ng mga studyante kaya parang nagmamadali ka?” tanong niya sa akin.
Umiling naman agad ako. Sana nga at pinag-tri-trip-an lang ako ng mga mayayaman na studyante rito. Mas okay na ‘yon kaysa naman hinahabol ako ng mga kaaway nila Mama at Papa.
“Mauna na ako sa’yo,” paalam ko sa kanya at nilagpasan na siya.
Kailangan ko na rin umalis dahil mamimili pa ako sa palengke upang makapagluto para sa hapunan namin ni Odelia. Kailangan ko rin maglaba pag-uwi kaya ayokong makipagdaldalan pa sa kanya. Hindi ko rin naman siya ganoon kakilala.
“Uuwi ka na? Saan ang bahay mo?”
Hindi ko siya pinansin na nakasunod sa likod ko. Hindi ba’t dapat papasok siya sa loob? Kaya nga nagkasalubong kami. Palabas ako at papasok siya. Bakit sumusunod na siya ngayon sa akin palabas ng building ng mga engineering?
“Ana.”
Tuloy-tuloy lang ang paglakad ko hanggang sa makalabas ako. Hindi ko siya iniintindi dahil madaling-madali na talaga ako. Hindi ba nahihiya ang mayaman na tulad niya na dumidikit sa akin?
“Ana, sabay na tayo! Baka sa iisang daan lang naman tayo papunta.”
Ayaw niya talagang tumigil kahit hanggang sa paglabas ko ng unibersidad. Binilisan ko ang paglalakad ko papunta sa tawiran. Hindi ko rin nilingon ang Balenciaga na sunod talaga nang sunod sa akin. Nagsasayang lang siya ng laway at pinapagod niya pa ang sarili niya. Pwede naman siyang umuwi mag-isa. Sigurado ako na may kotse siya o kaya sundo.
Nang makarating sa tawiran, agad akong naglakad sa gitna ng pedestrian lane bago pa maubos ang oras. Pagkatawid ko ay saktong naubos ang segundo. Sunod-sunod na busina ang narinig ko kaya napalingon kaagad ako sa likod ko.
Nakita ko si Balenciaga na buhat-buhat ang isang maduming bata habang patuloy pa rin siya sa pagtawid. Mukhang naubos ang oras ng nasa gitna siya. Sa lahat ng mayaman siya talaga ang hindi matapobre.
“Salamat po, Kuya!” narinig ko ang tuwang-tuwang sambit ng batang lalaki na madusing.
Hindi talaga nawawala ang mga batang lansangan sa gilid ng unibersidad na ‘to. Sa lahat-lahat ng mga nakasalamuha kong studyante rito, siya pa lang ang nakikita kong tumulong sa batang lansangan.
Na-estatwa na naman ako habang pinapanood si Balenciaga na ibaba ang bata at ginulo pa nito ang buhok ng batang lalaki. Pakitang tao lang kaya ‘yan? Dahil hindi lang ako ang nakatingin ngayon kay Balenciaga. Marami ang nakatingin sa kanya na napapadaan at halatang nagtataka rin.
Kilala ang unibersidad na pinapasukan niya bilang paaralan ng mga mayayaman. Hindi lang basta mayaman kundi matapobreng mayayaman.
“Ano? Crush mo na agad ako?”
Nanlaki ang mga mata ko kay Balenciaga ng biglang sabihin niya ‘yon sa harapan ko. Anong sinasabi niya? Ayokong tingalain siya dahil ang tangkad niya kaya napaharap ako sa suot niyang damit na kulay green. Nadumihan na ‘yon dahil sa binuhat niyang bata pero wala man lang sa kanya?
“Siguro, Ana, crush mo na agad ako kasi tumulong ako sa bata? Na in-love ka agad?”
Sinasabi nito? Nagdududa pa nga ako sa kanya dahil baka mamaya nagpapasikat lang pala siya tapos may camera sa paligid para ma-video-han ‘yong ginawa niya. Tapos ang sunod ay nasa balita na siya at sikat. Baka ganoon siya.
“Teka, sino ka ba?” walang emosyong tanong ko sa kanya kahit alam ko naman ang apilyido niya.
Napatigil siya sa pagtawa niya. Bumuka ang labi niya pero wala namang salita na lumabas. Kitang-kita rin sa mukha niya ang pagkagulat.
“Hindi ako nagkakagusto sa hindi ko naman kilala.”
“Hindi mo ako kilala?” laglag ang panga na tanong niya sa akin. “Ako si Damien,” pagpapakilala niya sa akin pero halata pa rin ang gulat niya.
Damien pala ang pangalan niya. Damien Balenciaga. Pati pangalan halatang nagtutumindig sa yaman.
“Damien Craig Balenciaga. Nagkita na tayo. Doon sa locker room sa gym? Naalala mo?” sunod-sunod na tanong niya sa akin.
Mukha pa lang tanga ang mga mayayaman kapag sila naman ang pinag-trip-an. Ayoko na siyang kausapin pa kaya basta ko na lang siyang tinalikuran.
“Ana, dito rin pala ang daan mo. Tamang-tama kasi parehas tayo ng dadaanan,” sambit niya sa akin habang binabatak namin ang kalye ng Nicanor Reyes. Ayaw niya talagang tumigil.
“Hindi ka ba sasakay?” tanong ko sa kanya dahil hindi ko na mapigilan.
“Bakit pa ako sasakay? Malapit lang dito ang tinutuluyan ko.”
“Wala kang sundo? Wala kang kotse? As in wala?” mabilis na tanong ko sa kanya.
Ang iba nga rito kahit malapit lang ang condo na tinutuluyan nila, naka-kotse pa rin sila kaya panay ang traffic dito sa labas ng university lalo na sa bandang España.
“Bakit ako magkakaroon no’n?” natatawang tanong niya. “Pang mayaman lang ‘yon, Ana.”
“Hindi ka mayaman?” kalmadong tanong ko sa kanya.
Diretso pa rin ang paglakad ko habang nagtatanong sa kanya. Mali pala ako ng iniisip. Hindi pala siya mayaman.
“Hindi,” natatawang sambit niya. “Inakala mo ba na mayaman ako kaya ba parang ayaw mo na dumikit sa akin?”
Hindi pa ako nakakasagot sa kanya pero napapalakpak na agad siya nang malakas. Nagtataka na napalingon ako sa kanya.
“Sabi na nga ba! Kung makaiwas ka sa akin parang may nakakahawa akong sakit tapos ‘yon pala kaya ka umiiwas kasi akala mo mayaman ako.”
Kung ano-ano na naman ang sinasabi niya. Mayaman man siya o mahirap, ayoko pa rin siyang kausapin dahil marami pa akong gagawin. Ayoko na rin tanungin siya dahil baka mas dumaldal pa siya.
Paano kaya siya nakapasok sa private school kung hindi naman siya mayaman? Hindi naman siya mukhang matalino para magka-scholarship. Oh, baka masyado ko lang siyang tinitignan sa panlabas pero matalino talaga ang isang ‘to.
“Ana, gaano ka na katagal sa trabaho mo?”
Hindi ba talaga siya nauubusan ng sasabihin sa akin? Hindi pa nga nagtatagal ng tatlong minuto na tahimik kaming dalawa pero ito na agad siya at nagsasalita.
“Ang bata mo rin tignan. Tantya ko, nasa eighteen o nineteen ka pa lang. ‘Di ba dapat nag-aaral ka? Bakit ka janitress?”
Hindi ako kumibo. Wala kaming malalim na ugnayan para i-kwento ko pa sa kanya ang buhay ko kung bakit wala ako sa second year college ko.
“Saan ang daan mo?” pag-iiba ko ng usapan.
“Ah diretso lang hanggang sa—”
“Dito naman ako,” turo ko sa kalye ng Tolentino sa kanan ko.
Hindi naman talaga rito ang daan ko at dapat dire-diretso lang pero ayoko na siyang kasabay. Ang dami niyang tanong na hindi ko naman gusto.
“Pwede rin na riyan na lang din ako—”
“Huwag na. Lalayo ka pa kung dito ka dadaan, Damien.” Hindi na siya nakasagot sa akin at dahan-dahan siyang tumango.
“Saan ka pala nakatokang maglinis bukas?”
“Bakit mo natanong?”
“Gusto kong makita ka at makausap ka ulit bukas, Ana.”
“Wala ka bang kaibigan—” mabilis kong tinikom ang bibig ko bago ko pa matapos ang tanong ko.
“Mahirap lang din ako kaya kanino pa ba ako makikipag-usap? Sa’yo lang naman.”