Oriana Fatima’s POV
“Ate, kaya mo pa ba?”
Nakangiting nilingon ko ang bunsong kapatid ko na nasa labing-anim na taong gulang na. Kahit na labing-anim pa lang siya, hindi ko matatanggi na mukha kaming magka-edad dahil sa parehas naming taas.
“Oo naman,” sagot ko at hinarap muli ang inidoro rito sa banyo ng unibersidad na nililinis ko ngayon. “Lumabas ka na rito, Odelia. Mag-enroll ka na sa eskwelahan—”
“Paano ka naman, ate? Hindi ba dapat nag e-enroll ka na rin ngayon para sa college?”
Napatigil ako sa pag eeskoba sa inidoro at bagsak ang balikat na hindi malingon ang kapatid ko. Gustuhin ko man na mag-aral ngayon at tumungtong sa kolehiyo pero hindi ko magawa. Saan naman ako kukuha ng pambayad ko sa eskwelahan kung ang sweldo ko rito bilang janitress ay sakto lang para sa pagkain namin, pampaaral sa kanya at upa sa bahay? Minsan nga kulang pa ang sweldo ko.
Mabuti na nga lang at naka-chamba ako rito sa private university. Naipasok lang ako ng may-ari ng inuupahan namin dahil kulang sila sa janitress.
“Mas kailangan kong magtrabaho kaysa ang mag-aral. Sige na, Odelia. Umalis ka na rito.”
“Eh si ate Yza? Paano siya? Dalawang buwan na natin siyang hindi nakikita—”
“Huwag mo na munang isipin si Yza. Kasama niya naman si Papa ngayon,” mahinahon kong sagot at pinagpatuloy ang pag-eeskoba. Ito na ang pang huling kubeta na dapat kong linisin dito sa panlalaking cr sa loob ng gym. Ni-lock ko naman ang pinto ng cr bago ako nagsimulang maglinis kaya sigurado ako na walang papasok.
Kahit summer ngayon ay tuloy pa rin ang pagtratrabaho ko. May iba kasing pumapasok pa rin dahil sa summer class nila kaya nagagamit pa rin ang banyo.
“Paano naman tayo makakasiguro na ligtas si Ate kay papa?!” nagtaas ang boses niya.
Niligpit ko ang mga gamit panlinis at dahan-dahan na tumayo mula sa pagkakaluhod sa harapan ng kubeta. Pagod na humarap ako sa kapatid kong bunso.
“Ate Oriana, alam natin kung gaano kadelikado si Papa tapos nasa kanya pa si Ate Yza!”
Huminga ako ng malalim. Kahit si Odelia ang bunso sa aming tatlo, hindi ‘yon naging dahilan para hindi niya malaman kung ano ang nangyayari sa pamilya namin ngayon.
“Hahanapin natin sila Papa at Yza. Kapag nahanap natin sila, kukunin ko agad si Yza at isasama sa atin. Huwag mo na masyadong isipin ang problema dahil ako na ang gagawa ng paraan, Odelia. Umalis ka na at mag-enroll sa papasukan mong eskwelahan,” mahinahon na sambit ko.
Ako ang panganay kaya ako dapat ang gumawa ng paraan para hindi mahirapan ang mga kapatid ko lalo na ang bunso namin. Masyado pang bata si Odelia para isipin ang problema ng pamilya namin. Dapat sa kanya ay nag-aaral lang at nakikipagkaibigan.
Bumaba ang tingin ni Odelia sa mga kamay ko na puro paltos na. Hindi naman ‘yon maiiwasan lalo na sa trabaho ko.
“Nakakainis na talaga, ate!” sigaw niya sa harapan ko. “Hindi ka dapat nahihirapan ngayon! Hindi ka dapat nagtratrabaho! Dapat nag-aaral ka rin katulad ko! Dapat kasama natin si Ate Yza! Kailan ba tayo magiging maayos?”
Huminga ako ng malalim at nilawakan ang isip ko bilang panganay. Inalis ko ang gloves sa mga kamay ko at hinawakan ang magkabilang braso niya. Pilit akong ngumiti sa kapatid ko.
“Magiging ayos din ang lahat basta magpokus ka lang sa pag-aaral mo—”
“Kailan naman mangyayari ‘yon, ate? Tatlong taon na simula nang magsimula na magulo ang buhay natin! Hindi ka naman kasi dapat nahihirapan sa pagtratrabaho at hindi dapat mahihiwalay si Ate Yza kung hindi lang sana natin naging magulang ang mga ‘yon—”
“Odelia…” mahinang sambit ko.
Nagsimula na magmalabis ang luha ng kapatid ko na alam kong palagi niyang dala-dala simula nang maging magulo ang pamilya naming dati ay masaya.
“Huwag mong sasabihin ‘yan. Mga magulang natin sila—”
“Pero dahil sa kanila kaya tayo nahihirapan. Mga magulang pa ba ang tawag sa mga taong dahilan kaya nahirapan ang mga anak nila?”
Maayos naman ang buhay namin noon pero nagsimulang bumaligtad ang lahat nang makapatay ang ama namin. Isang sundalo si Papa na naka-ekwentro ang anak ng isang gobernador na gumagamit ng pinagbabawal na gamot. Nanlaban ang anak ng gobernador kasama ang mga kaibigan nito kaya lumaban din si Papa pero napatay niya ang anak mismo ng gobernador.
Dahil doon kaya nawala si Papa sa serbisyo na matagal niyang ginagawa. Hindi lang siya basta natanggal dahil simula no’n ay hina-hunting na kami ng mga tauhan ni Gobernador Matias. Gusto nila kaming pahirapan dahil anak kami ng kaaway niya kaya kinailangan namin malayo sa mga magulang namin. Delikado kapag nasa tabi kami ng mga magulang namin kaya nag-aalala ako kay Yza na kasama ngayon si Papa.
Hindi lang ‘yon ang dahilan kaya magulo ang buhay namin. Nang mawalan ng trabaho si Papa, nagsimula namang mabaon si Mama sa kakautang para may makain kami. Lahat ng inutangan ni Mama ay hina-hunting na rin siya at pati kami ay nadamay ulit. Mabuti na nga lang at nakalayo kami ng kaonti sa mga kaaway kaya kahit pa paano ay nakakapamuhay kami ng maayos. Pero alam kong hindi rin magtatagal ‘to. Dahil kapag nalaman ng kaaway nila Papa at Mama kung nasaan kami, siguradong kailangan na naman naming lumipat sa ibang lugar.
“Hindi rin nila ginusto na mangyari ‘to, Odelia. Tatagan mo lang ang loob mo at ako na ang bahala sa lahat.”
Niyakap ko ang kapatid ko at madiing napapikit. Sana lang talaga hindi pa kami matungtong ng mga kaaway.
“Sige na. Umalis ka na at magkita na lang tayo sa bahay—”
Hindi ko na natapos ang sasabihin ko dahil mahina niya akong itinulak para makalas ang braso ko sa kanya. Tumango siya sa akin at umalis na sa harapan ko. Alam kong mahirap para sa kanya kaya hindi ako susuko na gawin ang lahat para maging maayos ang buhay ng mga kapatid ko.
Inayos ko na ang mga panlinis na ginamit ko sa lalagyanan at inilagay ito sa gilid ng banyo kung saan naman talaga nakalagay ‘to. Naghugas na rin ako ng kamay sa lababo at napatingin sa harapan ng salamin.
Pinatay ko ang gripo at inipit ko sa gilid ng tenga ko ang maikli kong buhok. Pinagpag ko rin ang uniporme ko at naglakad palabas. Sumalubong agad sa akin ang hilera ng mga locker para sa mga lalaki.
Nakita ko ang isang lalaki na naka-varsity at mukhang katatapos lang niya maglaro dahil sa pawis niya. Nakatagilid siya kaya hindi ko makita ang buong mukha niya.
“Malinis na po ang banyo. Pwede niyo na pong gamitin,” mahinahon kong sambit.
Isinara nito ang locker niya kaya naglakad na ako pahakbang bago pa kami magkatinginan pero kusa akong napahinto dahil sa sinabi niya.
“Napansin mo ako?” natatawang tanong niya sa akin. “May lumabas din na babae kanina pero hindi ako napansin.”
Nanlaki ang mga mata ko sa kanya. Nariyan na siya kanina pa? Narinig kaya niya ang pinag-usapan namin ng kapatid ko?
“Narinig mo po ba ang usapan namin?” kalmadong tanong ko sa lalaking kaharap ko.
“Hindi,” nakangiting sagot niya sa akin. “Wala naman akong narinig.”
Matangkad, kayumanggi at gwapo. Siguradong maraming babaeng napaiyak ‘to.
“Thank you, Ana.”
Napaawang bigla ang labi ko. Sinong Ana? Kaming dalawa lang naman ang narito. Napansin ko naman na nakatingin siya sa name tag ng uniporme ko. Naalala ko na hindi ko pala ginagamit mismo ang pangalan ko para hindi ako mabilis na mahanap ng mga kaaway.
“Para saan po?” walang emosyong tanong ko.
“Sa paglilinis mo ng banyo.”
Walang patid ang pag ngiti niya sa akin. Mukha siyang mayaman pero kakaiba ‘to dahil mukhang hindi naman siya matapobre.
“Wala po ‘yon. Mauna na po ako—”
“Ana ba talaga ang pangalan mo?” natatawang tanong niya pa sa akin. Tumango naman ako. “Masyadong common ang pangalan mo. Ano second name mo? Marie ba? Para Ana Marie.” Hindi ko alam kung anong mayroon at tawang-tawa siya. Ang babaw ng kaligayahan niya.
Hinayaan ko siyang matawa nang matawa at nilagpasan ko na lang siya. Masasayang lang ang oras ko rito. Marami pa akong dapat na linisin. Pero bago ako makalabas ng tuluyan sa locker room nila ay lumingon pa ako sa lalaki na nakatalikod sa gawi ko. Ang apilyido niya kaagad sa likod ng varsity niya ang napansin ko. Hindi mapigilan ng labi ko na mahinang bigkasin ang apilyido niya.
“Balenciaga.”