Kabanata 6

1209 Words
Kabanata 6 Pagkaabot sa bahay, bumaba ako agad at dumiretso sa kuwarto ko. Isinalyado ko ang pinto at napasubsob sa kama ko at umiyak ng matindi. Napatihaya ako at napatangang napatulala habang nakaharap sa kisame. Gusto ko nang umuwi sa amin. Sa dati naming tirahan sa baryo. Malayo sa kung saang lugar man ito. Napapunas ako agad ng luha ko nang maramdaman kung pumihit ang seradora. “Catherine... bungad sa akin ni tiyang at isinirado ulit ang pinto pagkapasok niya. Hindi nakapagtataka kung may susi si tiyang ng kuwarto dahil matagal na siyang kasambahay dito. Napabangon ako at napasandal sa dingding ng kama ko. Marahan din naman siyang naupo sa may paanan ko. “May nangyari ba? Ang sabi sa labas, balisa ka raw nang madaanan nila sa daan. Tumawag dito ang unibersidad, hindi ka rin daw pumasok sa iba mo pang aralin,” aniya. Napahikbi ako ng mahina. Gumapang ako palapit sa kanya. “Sabihin mo nga sa akin ang totoo tiyang. Ako lang ba? Ako lang ba ang normal sa lugar na 'to!?” umiiyak kong tanong. Nanlaki naman ang mga mata niya dahil sa tanong ko. “Pa-paano mo nalaman iyan?” tanong niya. “Muntik na akong mapahamak kanina tiyang! Bakit! Bakit mo ako dinala sa lugar na ito! Sabihin ninyo sa akin ang totoo! Ako lang ba!?” galit kong bulyaw. Nirerespeto ko ang tiyahin ko pero sa kalagayan ko ngayon, hindi ako puwedeng basta na lang manahimik. Napaiyak naman ito at niyakap ako. “Ako at ikaw lang, Catherine.” Natulala ako sa sinabi niya. Mabilis akong napababa ng kama. “Umalis na tayo sa lugar na ito tiyang. Malayo sa lugar na ito.” Agaran naman siyang napailing, na siya ring mas ikinabahala ko ng matindi. “Hindi na tayo makakaalis sa lugar na ito Catherine. Nasa isang liblib na isla tayo na kung tawagin ay Isla Bakunawa. Tuwing lunar eclipse lang nakikita ang islang ito Catherine. At alam mo kung ilang taon ang aabutin 'yon,” malungkot na paliwanag sa akin ni tiyang. Kaya niya ba ako pinatulog ng gabing iyon habang nasa laot kami, kaya ba sobrang dilim ng gabing iyon. Kaya ba sa tuwing tinatanong ko siya kung saang Isla siya nagtatrabaho ay panay ang iwas niya. Napasabunot ako sa sarili ko at nanlulumong umupo sa sahig. “Imposible po 'yon. Tuwing linggo kayo umuuwi o minsan naman, dalawang linggo ang pagitan bago kayo umuwi. Hindi taonan 'yon tiyang, naguguluhan kong tanong. Napatayo naman ito at umupo sa harapan ko. Marahan niyang hinaplos ang mga kamay ko, pati na ang mukha kong basang-basa na dahil sa sarili kong mga luha. “Hindi ko alam kung saang lugar nila ako dinadala sa tuwing napapauwi ako sa atin. May piring ang mga mata ko sa tuwing bumabiyahe kami at kasama ko si Ginang Zoldic sa tuwing umuuwi ako sa atin. Lalo na nang dinala kita dito, pati ako Catherine ay nakatulog din,” mahaba niyang salaysay. Napailing ako at napatayo. Gusto ko nang umalis dito! Mabilis kong tinungo ang pinto at binuksan ito pero laking gulat ko ng bumungad si Ginang Zoldic sa harapan ko. Nawalan din ako ng balanse at bumagsak sa sahig. “Nely ano ba ang nangyayari?” baling nito sa tiyahin ko at tinulungan pa akong makatayo. “Masiyadong napagod lang ho ang pamangkin ko. Hindi po sanay sa pamalakad ng unibersidad. Nanibago lang ho siguro,” depensa ng tiyahin ko at marahang pumaling sa akin. Nais niyang makiayon ako sa takbo ng mga nangyayari. Bahagya akong napalunok at marahang napatango ng labag sa kalooban ko. Tipid lang na ngumiti ang ginang at umuna nang lumabas ng kuwarto ko. Hinapyawan muna ako ng tingin ng tiyahin ko bago kinabig ang pinto pasarado. Napabuga ako ng hangin. Marahan akong napatayo at lumabas ng kuwarto ko. Sumilip ako saglit sa magkabilang pasilyo bago tuluyang napalabas ng bahay. Ayaw ko nang manatili sa lugar na ito. Gusto kong tumakas sa mapanganib na mundong ito. Sa likod ako ng bahay nadaan at isang masukal na kagubatan ang bumungad sa akin. Sa pagdaan ko ay panay ang aking hawi sa nagkukumpolang mga baging na humaharang sa dinaraanan ko. “Catherine...” mahinang bulong sa akin ng hangin. Napalinga ako sa kung saang-saang dako ngunit walang kahit sino man ang nasa paligid ko. “Catherine...” Narinig kong usal nito ulit sa kawalan. Sinundan ko kung saang tinig mang dako iyon naroon. Sa paghawi ko ng isa pang baging na nakaharang sa harapan ko, bumungad sa akin ang isang mala paraisong hardin. Nakapalibot sa akin ang iba't ibang klase ng mga bulaklak na sa tanang buhay ko ay ngayon ko lamang nakita. Sa dulo nito, may malawak din na ilog na matatanaw. Pansin ko rin na kay haba ng mga biyas ng mga puno na nakapalibot sa akin. Natuwa ako sa nakikita ko dahil unang beses kong makakita ng ganitong lugar. Sa paglalakad ko, napadpad ako sa may ilog at doon tumunghay. Sa linaw ng tubig anito'y para akong nananalamin. Pero sa gitna ng kasiyahan ko ay narinig ko muli ang pagtawag sa akin ng pangalan ko. “Catherine... ani nito na parang ibinulong lang sa hangin. Napapitlag ako at natigilan sa naaninag ko sa kabilang dako ng ilog. Napasinghap ako at napatakip ng bibig. Napaatras din ako dahil sa sobrang pagkagulat. “Hindi ito totoo!” mariing sambit ko sa kawalan. Ang mga bagay na nakikita ko sa panaginip ko ay ganoon din ang nakikita ngayon mismo ng mga mata ko. Hindi na ako nag-atubili pang napatakbo palayo habang napapalingon sa gawing likuran ko. Parang kinukumbulsyon ang katawan ko dahil sa sobrang takot. Sa isang iglap lang ay may kung anong bumangga sa akin na siyang ikinabagsak ko sa damuhan at napapikit ng mariin dahil sa sakit nang pagbagsak ko. Imumulat ko na sana ang mata ko pero natigilan ako. Namanhid ang buo kong katawan dahil sa pakiwari ko ay may mabigat na bagay ang dumagan sa akin. “Manatili ka sa tabi ko, Catherine... bulong nito sa may punong tainga ko at ramdam ko rin ang marahang paghaplos nito sa mga labi ko. Gustuhin ko mang idilat ang mga mata ko ay hindi ko magawa. May kung anong bagay sa kanya ang nagpawala sa matinding takot ko. “Catherine!” Napadilat ako sa malakas na pagtawag sa akin ng tiyahin ko. Mukha niya agad ang nakita ko at napatanga ng ilang segundo. Imposibleng panaginip lamang ang lahat ng 'yon. “Catherine? Ayos ka lang ba?” pukaw sa akin ng tiyahin ko. Napabangon ako. “Po? O-opo!” tanging naisagot ko na lamang. Matipid naman itong ngumiti at lumabas na ng kuwarto ko. Napababa ako agad ng kama ko, laking gulat ko na sobrang dumi ng kubre kama ko at nagkalat din ang lagas na mga dahon at talulot ng mga bulaklak. Napatampal ako sa aking noo. Hindi ko panaginip iyong kanina, talagang may nagbalik sa akin rito. Napasulyap ako sa antigong relo. Malapit nang mag-gabi. Nakapagtataka dahil umaga pa nang mapadpad ako sa lugar na 'yon. Nasagi sa isip ko ang sinabi niya. 'Manatili ka sa tabi ko Catherine'. Napakagat-labi ako at napayakap ng sarili. Kung sino man siya, pinagaan niya ang loob ko at pinalis ang matinding kong takot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD