Kabanata 5
SA KALAGITNAAN ng pagbabasa ko, humangin naman bigla sa may gawi ko na siyang nagpalipad sa hibla ng mga buhok ko.
“Ugh!” biglang ungol nong isa sa mga kaklase kong lalaki at matalim na napatitig sa akin.
Nagtagis ang mga bagang nito. Sa isang iglap lang ay nagpulasan sa kanilang kinauupuan ang iba ko pang mga kaklase at inawat ang lalaki kong kaklase.
“Buwesit!” Narinig ko pang mura ni Mocha sa tabi ko at hinila ako bigla papunta sa isang sulok.
Nagwawala na ang kaklase ko. Para bang gusto niya akong patayin dahil sa tindi niyang makatitig sa akin.
“Huwag ka sabing titingin! Akin na 'yong pabango mo!” pagmamadaling utos sa akin ni Mocha kaya agad kong hinugot sa bulsa ko ang bote. Mabilis niyang iniwisik ito sa akin at halos maubos ang laman nito. Siya na rin mismo ang nagtago ng pabango ko. Paano niya nalaman ang tungkol sa pabango ko.
“Bb. Agustin, umusog ka,” mariing utos ng guro namin.
Kalmadong napausog naman si Mocha. Marahan lang na lumapit sa amin ang guro namin at parang kumalma ang mukha nito.
“Jacob! Nagkamali ka. Maari bang magsibalik na kayo sa inyong mga upuan. Bb. Agustin, maari bang ilabas mo muna si Bb. Lumibao. Pareho ko muna kayong pansamantalang ipaliban sa klase. Pagpasensiyahan mo sana ang kaguluhang ito Catherine,” sabi pa nito.
Mabilis na kinuha ni Mocha ang mga gamit namin at kinaladkad na ako palabas.
Nang makalabas kami, dinala niya ako sa isang tagong lugar na bahagi pa rin ng unibersidad. Puwersahan niya akong pinaupo at nakapamaywang na humarap sa akin.
“Sabihin mo nga sa akin ang totoo? Hindi ka kabilang sa amin,” Sabi niya pa.
Nalukot ang mukha ko sa tanong niya.
“Alam mo? Hindi ko rin maintindihan kung ano iyang mga tinutukoy mo,” inis kong sagot.
“Naamoy kita kanina, masuwerte ka dahil hindi halang ang bituka ko sa isang gaya mo.” Napanganga naman ako sinabi niya.
“Ha?” tanging nasambit ko.
Laglag ang balikat niyang umupo sa damuhan.
“Bakit ang hina mo? Tao ka, bampira kami. Nakuha mo ba 'yon?” sabi niya na para bang wala lang sa kanya ang salitang nabigkas niya. Na sa pandinig ko ay nakakagulat at nakakatakot. Napatayo ako at napaatras.
“Oh? Bakit?” kampanteng tanong niya pa.
“Diyan ka lang! Huwag kang lalapit!” sigaw ko.
Napahalukipkip naman ito at nanatiling nakaupo sa puwesto nito. Wala sa huwisyo akong napatakbo. Diyos ko! Hindi ito totoo! Takbo lang ako nang takbo sa masukal na lugar na ito kahit hindi ko na alam kung saan ako dadalhin ng mga paa ko.
“Bampira...” naibulong ko sa kawalan. Napailing ako.
“Hindi sila totoo Catherine! Praning lang si Mocha!” nasabi ko sa sarili ko.
“Sinong praning?” biglang litaw ni Mocha sa harapan ko kaya napatili ako at bumagsak sa damuhan.
Diyos ko! Ayaw ko pang mamatay! Naupo naman ito sa harapan ko.
“Pa-paanong...” hindi ko maituloy-tuloy na tanong sa kanya.
“Pa-paano nangyari na totoo kami? Ang teyorya at mga haka-haka patungkol sa amin ay totoo, Catherine. Pasalamat ka at mapili ako, ibig sabihin dugo ng hayop ang puntirya naming mga Class E. At ikaw? Tao ka, pero sa amoy mo kanina na sobra kung manuot, na kahit isang leyong maamo ay magwawala kapag naamoy ang isang gaya mo,” paliwanag niya pa.
Napailing-iling ako at napagapang sa kung saan pero laking gulat ko nang bumungad siya ulit sa harapan ko kaya napatili na naman ako sa pagkabigla. Hinawakan niya ako sa magkabilang braso ko.
“Nahihilo ako sa 'yo, hindi paman din ako sanay na magpapapalit-palit ng p'westo, nakanguso niya pang sabi.
Tinabig ko siya at napaatras ulit.
“P'wede ba!? Kung... Kung nagbibiro ka lang, bawiin mo na, nagkandautal kong sabi at pekeng napatawa ng kunti. Mataman din naman siyang napatigtig lang sa akin.
“Okay? Ah? Bampira ka? Nagiging paniki o kung ano paman, naguguluhan ko pang sabi.
Bigla naman siyang nawala sa harapan ko at sa isang kisap-mata lang ay katabi ko na siya.
“Hindi ako mahikero,” ani niya. Napatawa ako ng malakas.
“Weh? Wala ka kayang pangil, biro ko pa dahil wala naman talaga akong makita. Napatayo naman siya at pumuwesto sa harapan ko.
“Dahil nag-aanyong tao kami, maliban na lang sa malamig na parang yelo ang balat namin dahil katangian na namin iyon. Pero ito ang totoong ako... biglang seryoso niyang saad.
Nanglaki ang mata ko nang bigla na lang magbago ang kulay ng buhok niya. Naging kulay ginto na mapusyaw ito at siya ring pagbago ng kulay ng mga mata niya. Naging para itong mata ng pusa, pati na ang mga kuko niya ay biglang nagsitubo at ang panghuli ay ang paglabas ng pangil nito. Nagimbal ako sa nakita ko at biglang nawalan ng ulirat.
“HMM...” ungol ko at bahagyang napakurap muna bago tuluyang ibinuka ang aking mga mata.
“Oh...” Inabutan ako ni Mocha ng tubig. Mabilis ko itong kinuha at ininom lahat ang laman nito.
“Sana pala hindi ko na ginawa 'yon, nahimatay ka tuloy,” ani Mocha. Nanlaki ang mga mata ko at napaatras.
“To-Totoo 'yon!?” gulat kong sambit. Napatango naman ito.
Napatakip ako ng mukha. Diyos ko po! Mababaliw ako nito.
“Kalma na, p'wede?” Napailing ako.
“Ako lang ba? Ako lang ba ang nag-iisang tao rito?” tanong ko. Sumersoyo naman ang mukha nito.
“Sa pagkakaalam ko ay oo,” sagot niya at hinila na ako patayo.
“Umalis na tayo dito, balwarte na ito ng iba. Class B. Mapapahamak tayo dito kapag nagtagal tayo,” pabulong niyang sabi sa akin.
Napatikom na lang ako ng aking bibig at sumunod sa kanya. Sa bilis ng lakad namin na halos madapa na ako ay narating namin ang maliit na lawa. Naupo kami sa lilim ng puno. Napahilot ako sa sintido ko. Sumasakit ang ulo ko dahil sa mga nalalaman ko ngayong araw. Humugot ako ng malalim na hininga.
“Bakit alam mo ang tungkol sa pabango ko?” una kong tanong at lakas loob na napalunok dahil ang katabi ko ay hindi normal na tao. Bahagya naman nitong inayos ang suot niyang salamin at pumaling sa akin.
“Dahil nakita ko sa bulsa mo kanina 'yan nang maupo na tayo sa mesa natin,” sagot niya sabay bigay sa akin ng pabango ko.
“Ano ba meron sa pabangong 'to? Ang bilin lang ni tiyang sa akin, gamitin ko raw bawat minute,” sagot ko din naman.
“Ginawa 'yan para ikubli ang natatagong bango ng dugo ng isang tao. At isa lang ang alam kong pamilya ang may ganyang klase ng pabango,” sabi pa nito at napahalukipkip.
Nagpabalik-balik ito ng lakad sa harapan ko.
“Kung ganoon, siya ang taga-sunod at hindi ikaw,” sabi pa nito at napapaisip.
“Kaninong pamilya ka ba nakatira?” tanong niya.
“Kina Ginang Zoldic,” sagot ko din naman.
Napatayo naman ito at napaatras. Takang-taka akong napamasid sa ikinilos niya. Napahilamos ito ng mukha at alanganin pang napasulyap ulit sa akin.
“Mocha bakit?” untag ko pa.
“Hindi mo alam kung anong pinasok mo,” seryoso niya pang saad.
“Bakit!?” kabado kong sagot.
“Saka na tayo ulit mag-usap Catherine. Umuwi ka na at pakiusap ko lang sana, gamitin mo 'yang pabango, walang emosiyon niyang saad at umalis na sa harapan ko.
Napatanga ako sa sinabi niyang iyon kaya dali-dali kong ginamit ang pabango ko at kinuha ang gamit ko. Mabilis akong naglakad hanggang sa umabot ako sa labasan. Diretso lang ako nang lakad at napapalinga rin sa paligid ko. Ako lang ang tao sa lugar na ito.
Napatalon naman ako sa gulat nang may bumusina sa gawing likuran ko. Huminto ito at muli ay pinagbuksan na naman ako ng pinto. Mga tauhan ni Ginang Zoldic ang sumundo sa akin. Dali-dali akong sumakay sa loob at nanatiling tahimik. Ako lang ang nag-iisang normal sa lugar na ito kaya mas lalo akong kinakabahan. Pati rin ba kaya ang tiyang?
“May problema po ba?” biglang ani ng mamang nagmamaneho sa akin.
Marahan akong napailing at nag-iwas ng tingin. Naalala ko ang bilin ni Mocha sa akin, huwag na huwag tumitig pabalik. Napasinghot ako, parang gusto ko nang maiyak sa sobrang takot na nararamdaman ko ngayon. Oo nga at mahilig ako sa History, sa mga teyorya pero hindi ko alam na may ganito pa sa mundong 'to. Hanggang ngayon, ayaw pa rin tanggapin ng utak ko itong lahat ng nangyayari.