Kabanata 17
Nang magmulat ako ng aking mga mata ay maayos na akong nakahiga sa kama ko. Minabuti ko ring tiningnan ang aking kamay. Wala talaga itong bahid na gasgas man lang o indikasyon na ito'y sinugatan ko. Lihim akong napangiti sa aking sarili. Ganoon pa man ay masaya ako sa tagpong nangyari kagabi kahit medyo nainis ako ng kunti rito dahil sa pinaglaruan nito ako.
Bumaba na ako sa kama ko at tinungo ang aking banyo. Matapos ang ilang oras na pag-aayos sa aking sarili ay agad din naman akong lumabas ng aking kuwarto. Nakailang hakbang pa lang ako pababa sa hagdan ay hayan na namang ang nakakapanindig balahibong tunog ng kadena.
“O? Catherine, kay aga mo yata ngayon,” salubong sa akin ni tiyang na nasa ibaba at nakaabang sa daraanan ko.
“Narinig niyo po ba iyon tiyang?” tanong ko pa rito at tuluyang nang napababa sa hagdan.
“Ang alin?” kunot-noo rin naman nitong tanong.
“Iyong kadena ho.” Bahagya namang natigilan si tiyang. Ito ang napapansin ko sa kanya sa tuwing magtatanong ako ng ganito.
“Wala akong narinig,” matipid nitong sagot at agad kumaripas nang lakad palabas ng bahay.
Mahigpit akong napahawak sa hawakan ng hagdanan. Malalaman ko rin ang inililihim mo tiyang. Kinuha ko ang mga gamit ko.
“Tiyang, narito na ho ba ang baon ko?” tawag ko pa rito.
“Nariyan na lahat anak.” Napalingon ako sa likuran ko. Si Mama ang sumagot sa tanong ko. Kapapanaog lang nito sa hagdan.
“Ganoon po ba, papasok na ho ako,” sabi ko pa.
“Hindi ka man lang ba mag-aalmusal?” pigil nito sa akin. Bahagya ko itong nilingon.
“Sa silid-aralan na lang, Mama. Medyo masama ho kasi ang aking tiyan. Mauna na po ako,” paalam ko rito.
Agad din naman akong napalabas ng bahay at sumakay na sa sasakyan. Itinukod ko ang aking siko sa bintana at tinanaw ang dinadaanan namin. Kalmado ang paligid at malakas ang simoy ng hangin.
“Binibining Catherine...” pukaw sa akin ng taga-pagmaneho ni Mama.
“Bakit ho?” sagot ko naman ng hindi nakatingin dito.
“Hindi po lingid sa aking kaalaman na alam niyo na kung sino at kung ano kami,” panimula nito. Bahagya akong natigilan at nagulat ngunit pinakalma ko ang aking sarili.
“Wala akong intensyong masama o ang isiwalat ang natuklasan ko. Napamahal na ho ako sa lugar na ito, lalo na sa naging kaibigan ko rito. Maari ho ba ay huwag niyo na lamang akong isumbong kay Mama.” Huminto na ang sasakyan nang matapat na ito sa eskwelahan ko. Lumabas na ako at naghintay pa kung ano ang magiging pasya nito.
“Makakaasa po kayo,” tugon nito at pinatakbo na ang sasakyan palayo.
Napangiti ako sa aking sarili at lumakad na papasok sa unibersidad. Napahinto ako sa aking paglakad.
“Catherine... bulong sa akin ng hangin.
Marahan kong ninamnam ang bawat pagdampi ng hangin sa aking balat. Tinatawag na naman niya ako.
“Steffano...” mahinang usal ko.
“Catherine!” pukaw sa akin ni Zairan. Napabaling ako rito at agad din namang lumakad na.
“May nagawa ba akong masama?” anito. Napahinto naman ako.
“Ayaw niya...” Natigilan ako sa nasabi ko.
“Ang ibig kong sabihin ay wala ka namang ginawa. Ayaw ko lang makihalubilo sa lalaking bampira,” paliwanag ko pa.
Muntikan na akong mabuko. Mapapagalitan na naman ako ni Steffano nito.
“Mabuti ang intensyon ko sa 'yo Catherine. Gusto ko lang maging kaibigan mo,” aniya.
Nahabag ang aking puso sa ninais nito ngunit may malaking bagay ang pumipigil sa akin.
“Pag-iisipan ko.”
Nagdadalawang isip pa ako. Ayaw kong suwayin si Steffano ngunit hindi rin naman masama ang makipag kaibigan kay Zairan. Sa pagpaling ko paharap ay natigilan ako at nanginig sa sobrang takot. Sila iyong mga nakaharap ko kahapon sa pasulit namin. Mabilis akong kumapit ng mahigpit sa braso ni Zairan.
“Catherine, bakit?” Napalunok ako dahil sa sobrang kaba at tila nawalan ako ng boses upang makapagsalita man lang.
“Zairan, kaklase mo?” bati ng isa sa mga ito.
“Oo, si Catherine,” sagot din naman ni Zairan.
“Maganda siya,” kumento namang no'ng isa pa at tuluyan nang umalis sa harapan namin.
Bahagya akong napakunot ng aking noo. Nagtataka ako kung bakit hindi man lang nila ako naalala gayong kitang-kita ko kung gaano sila kasabik na gawin akong putahe. Ano kaya ang ginawa ni Steffano sa dalawang 'yon para makalimutan ako at ang mga nangyari kagabi.
“Catherine...” untag naman sa akin ni Zairan. Napabitiw ako sa pagkakahawak ko rito.
“Una na ako,” paalam ko pa at kumaripas na nang takbo paakyat sa ika-limang palapag kung saan naroon ang silid-aralan ko.
“Catherine!”
“Ahh!” napatili ako sa gulat.
“May nangyari ba?” nag-aalala pang tanong sa akin ni Mocha.
Napasapo ako sa aking dibdib. Bigla na lang kasi itong lumitaw sa harapan ko. Kung may sakit lang ako sa puso, siguradong kanina pa ako inatake.
“W-wala!” agad ko namang sagot at pumasok na sa loob.
Naupo ako agad sa upuan ko. Pansin ko rin naman na tumabi na sa akin si Mocha. Napatungo ako sa aking mesa. Malakas pa rin ang pagpintig ng aking puso dahil sa sobrang takot. Natatakot ako na baka maalala ako ng dalawang iyon at balikan ako. Paano na? Siguradong katapusan ko na. Napabuga ako ng hangin at napaayos nang upo. Bigla namang tumunog ang aking tiyan. Pumaling naman sa akin si Mocha.
“Hindi ka kumain?” Napangiwi ako sa tanong nito. Umiling ako at napangiti ng pilit.
“May dala akong inomin. Tara sa silid-aklatan, gayak nito at walang pasubali nito akong hinila palabas. Nagpatianod lang ako sa paghila niya sa akin at walang imik na tumutol.
NANG makarating kami sa tagong parte ng silid-aklan ay agaran din naman niyang inilabas ang inomin na kakulay ang dugo at isang supot ng tinapay na may kasama pang keso. Natakam at napangiti ako sa nakita ko. Walang patumpik-tumpik ko itong nilantakan agad. Kain lang ako nang kain habang nagbabasa lang din naman ng libro itong si Mocha sa tabi ko. Kumikit-balikat lang ako at nagpatuloy na sa aking pagkain. Napapapikit pa ang aking mga mata habang sinisipsip ang inoming gawa ni Mocha. Kay sarap talaga ng inoming ito. Talagang naiiwan pa sa dila ko 'yong lasa ng mga prutas na sangkap nito.