Kabanata 27
“Steffano bakit? Magsalita ka, mahal ko,” alo ko rito. Bigla naman nito akong niyakap.
“Steffano bakit?” tanong kong muli.
Nag-angat ito ng mukha at pinagdikit ang aming mga noo.
“Hindi na sana kita ginambala pa...” makahulugan nitong wika.
“Hindi kita maintindihan.” Umiling-iling pa ako.
“Nagkamali ako. Hindi ka sana dapat nandito,” anito at humiwalay sa akin.
Mabilis na namuo ang mga luha ko sa aking mga mata.
“Ang sinasabi mo ba'y dapat wala ako rito? Na sana'y hindi kita nakilala?” Napahagulhol ako.
Bahagya naman din itong natigilan at agad akong niyakap.
“Hindi ko intensyong saktan ka,” aniya.
Tinugunan ko rin ito ng mahigpit na yakap. Nasaktan ako sa sinabi niya.
“Mamatay man ako ngayon at mabuhay mang muli, ito pa rin ang pipiliin kong buhay. Mahal kita Steffano, kahit ano ka pa,” mangiyak-ngiyak kong wika. Ramdam ko ang pagdampi ng labi nito sa aking noo.
“Ang laki naman ng nasira dito,” ani ko habang napamasid sa paligid namin. Kumikit-balikat lamang ito.
“Si Akesha ba ang dahilan kung bakit ka nagwala ng ganito?” lakas-loob kong tanong.
“Hindi ko siya kilala,” tipid lamang nitong sagot sa akin.
Napaawang lang ang aking bibig at napatikom muli. Ayaw ko nang magtanong pa dahil wala rin naman akong makukuhang sagot sa kanya. Ngunit malakas ang aking pakiramdam na ang babaeng iyon ay may kagagawan nang pagwawala ni Steffano. Ngunit Cedrick ang binabanggit nitong pangalan at hindi si Steffano. Napabuga ako ng hangin. Sumasakit na ang ulo ko sa mga nangyayari. Wala na nga yatang katapusan ito.
INUWI ako ni Steffano sa bahay at agad din naman itong umalis. Wari'y mailap ito sa akin at wala pa akong ideya kung bakit. Pinilig ko na lamang ang aking ulo at nagpalit na ng damit. Pumanaog ako at tinungo ang kusina.
“Maupo ka na Catherine, gayak ni tiyang sa akin.
Naupo naman na ako at pinagmasdan lang ang ginagawa ng aking tiyahin habang inihahanda ang aming hapunan.
“Tiyang...” tawag ko rito dahilan para mapatigil ito saglit sa kanyang ginagawa.
“Bakit Catherine?” anito.
“Gusto ko ho sana kayong makausap mamaya sa aking silid. Importante lang ho,” ani ko.
Napatango ito at ngumiti sa akin. Tipid lang din naman akong tinugunan siya nang ngiti.
“Catherine... bungad ni Mama sa amin at naupo na sa tabi ko.
“Po?” Kumuha ito ng tinapay at inilagay sa plato nito.
“Lumiban ka sa klase kanina at nauwi ng maaga nang 'di namin namalayan. Ano ang dahilan?” anito. Mariin kong kinagat ang aking labi.
“Masama lang ho ang aking pakiramdam, Mama,” sagot ko at kumain na.
Hindi ako makatingin sa kanya ng diretso dahil alam kong mahahalata nito ang pagsisinungaling ko.
Minadali ko agad na tinapos ang laking hapunan at nagpaalam na sa mga ito. Tango lang ang natanggap ko kay Mama at isang panakaw naman na ngiti ang kay tiyang.
Nang makapagpaalam ako'y agaran din naman ako pumanhik sa aking kuwarto. Muli akong nagpalit ng aking damit na pantulog at naupo sa aking kama. Banayad ko ring sinuklay ang aking buhok upang hindi ito masiyadong magulo. Napasulyap ako sa antigong orasan. Mukhang papanhik na rito ang aking tiyahin anumang oras. Inilapag ko ang hawak kong suklay. Napabaling naman ako sa aking pinto dahil umawang ito dahil may pumihit sa siradora.
Iniluwa ng pinto ang aking tiyahin ng tuluyang lumuwag ang pagkakaawang ng pinto. Nang makapasok ito'y agad din naman nitong isinirado ang pinto at lumapit sa akin. Marahan itong naupo sa tabi ko at masuyong hinaplos ang aking kamay.
“Ano ang problema?” anito. Napabuntong-hininga ako.
“Paano niyo nalaman ang hardin na iyon?” taka kong tanong.
“Naikuwento lamang iyon ng alaga kong si Cedrick noon bago ito...” Napatigil ito at nangingilid ang mga luha nito sa mata. Kung ganoon ay taga rito nga si Cedrick.
“Ano ho ang nangyari sa kanya?” Tuluyang bumagsak ang mga luha ng aking tiyahin.
“Hindi ko alam Catherine. Bigla na lamang nilang ibinalita sa akin na wala na ang alaga kong si Cedrick. Wala akong ideya kung ano ang nangyari sa kanya,” anito. Napahagulhol ito.
Niyakap ko ito at hinagod ang kanyang likod. Mukhang masakit pa sa kanyang alaala ang pagkawala ni Cedrick.
Malinaw na sa akin ngayon kung sino si Cedrick at isa siyang Zoldic. Ngayon ay si Ren na naman ang hahanapin ko at ang nilalang na pag-aalayan ko ng aking buhay. Kumalas ako sa yakap ko kay tiyang.
“Tiyang, lulubusin ko na ang pagtatanong ko sa inyo. Sino ba si Ren? Labis nitong ginugulo ang aking isipan. Pinagkakamalan nila akong si Ren porke't nakatira ako rito.” Halata sa mukha nito ang pagkagulat.
“Hindi ko siya kilala Catherine,” tipid nitong sagot.
“Pero tiyang–” Napatayo na ito na ikinatigil nang sasabihin ko.
“Hindi ko talaga siya kilala Catherine kaya huwag mo na akong tanungin pa tungkol diyan,” anito at walang paalam na lumisan sa aking kuwarto.
Nais kong magtaka sa biglaang ikinilos ng aking tiyahin. Hindi nga ba niya kilala si Ren o sadyang ayaw lamang nitong pag-usapan ang tungkol sa babaeng iyon. Napahugot ako ng malalim na hininga. Pasasaan ba't malalaman ko rin ang totoo.
Sa pagsibol ng bukang liway-liway ay masigla ang aking gising. Maraming mang nangyari sa akin kahapon ngunit mas kailangan kong pagtuunan ng pansin ang aking kasalukuyan.
Bumaba na ako sa aking kama at agad na inayos ang aking sarili. Akmang lalabas na sana ako ng aking kuwarto ngunit hayan na naman ang ugong ng isang kadenang kinakaladkad. Nagsitayuan ang aking mga balahibo sa katawan at napaangat nang tingin sa kisame. Ngayon ko lang ulit narinig ang ugong ng kadena at hindi ko na iyon ikinagulat pa. Nakakatakot lang isipin na ako lang ang nakakarinig ng tunog na iyon.
Napagpasyahan ko nang lumabas ng tuluyan sa aking kuwarto ngunit laking gulat ko ng mas lalong lumakas sa aking pandinig ang ugong ng kadena. Napatakip ako ng aking tainga. Masakit sa pandinig ang pabalik-balik na pagkaladkad nito. Sumasagitsit ito na 'di ko mawari. Napaluhod na ako sa sobrang sakit nito sa aking tainga. Nangingilid na din ang aking mga luha sa aking mga mata. Nagimbal ako sa nakita kong halusinasyon sa aking isipan. Puno ng kadena ang inaapakan ko, buong sulok ng bahay ay puno ng kadena.
“...aah!” daing ko.
“Catherine!” Narinig ko pang tawag sa akin ngunit wala akong makita kundi ang mga kadena lamang.
“Catherine!” Naibalik ako sa aking katinuan nang masampal nito ako ng kay lakas.