Kabanata 14
LUMIPAS ang tanghalian at dumating na ang dapit hapon. Kinakabahan na ako sa kakaibang pasulit na ito. Kung sa normal na paaralan lamang ito, malamang ay hinding-hindi ganito ang pasulit mapaliban lamang sa eksam. Napaangat ako ng tingin sa kalangitan. Kay agang sumilip ng kabilugan ng buwan. Ngayon ko lang din napuna. Ilang beses na kung lumabas ang buwan. Napatanuyan nga nitong nasa kakaiba akong mundo.
Nasa isang lilim na kahoy kami ni Mocha. Kampante lang ito habang nagbabasa ng kanyang aklat. Limang dipa naman mula sa kinaroroonan namin ay nakaupo si Zairan sa malaking sanga ng puno. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos na maunawaan kung bakit ayaw ni Steffano na mapalapit ako rito. Mukha naman itong mabait dahil kung hindi ay matagal na niya akong nilapa noon paman.
Tumunog naman ang kampana ng unibersidad. Bigla na lamang nagsihintuan ang ibang mga estudyante. Kinabahan ako bigla. Puwede bang hukayin ko na lang ng maaga ang aking magiging libingan.
“Hudyat na. Magtago na tayo Catherine, wika nito at hinila na ako papunta sa masukal na daan.
“Mocha saan tayo pupunta?” tila kabado ko pang tanong.
“Kung saan hindi nila tayo mahahanap,” sagot nito.
Napalunok ako. Pinagpapawisan na ako sa bilis nang paglalakad namin. Panay din ang pag gamit ko sa aking pabango. Diyos ko naman! Dinala ako ni Mocha sa kung saan-saan. Ni hindi ko na alam ang daan pabalik. Sa bilis nang paglalakad ni Mocha ay halos madapa na ako. Mahigpit na rin ang aking hawak sa kamay nito upang hindi ako maiwanan. Sa pagliko namin sa masukal sa daan ay bigla na lamang may sumunggab kay Mocha. Pareho kaming dalawa na tumilapon. Napabitiw ako sa pagkakahawak sa kanya. Sa pagkakatilapon ko ay hindi ko na makita kung nasaan si Mocha.
Ang tanging nasa isip ko lamang ngayon ay ang matinding sakit ng buo kong katawan. Sa tindi ng pagtama ko sa puno, pakiramdam ko ay may nabaling mga buto sa akin. Maluha-luha akong gumapang ng pilit upang magkubli sa matataas na damuhan. Napa-aray ako sa tindi ng hapding naramdaman ko sa may hita ko. Sobrang bilis nang pag-agos ng dugo nito. Diyos ko po! Ikakapahamak ko ito kapag nagkataon.
Pinunit ko ang aking palda at itinali sa hita ko upang huminto ang pagdurugo nito. Naiiyak na akong isipin na ito na yata ang magiging katapusan ko. Napahawak ako sa aking dibdib at kinumyos ng mariin ang aking suot ng makarinig ako ng mga kaluskos.
“Dugo ng tao!” Napasinghap ako sa narinig kong iyon. Napatakip ako ng aking bibig upang kalmahin ang aking paghinga.
“Imposibleng may mapadpad rito,” ani pa noong isa.
Mangiyak-ngiyak na ako sa sobrang takot. Ang nasa utak ko ngayon ay kung nasaan si Steffano.
“Huli ka!” Napaatras ako sa gulat at takot. Bigla na lang kasi itong lumitaw sa harapan ko.
“Parang awa niyo na...” pagmamakaawa ko.
Malademonyong napahalakhak ang dalawa sa harapan ko.
“Napakaganda mo ngunit sayang dahil magiging pagkain ka namin ngayon.” Napahalakhak itong muli.
Bigla na lamang nagbago ito ng kanilang mga anyo. Mas lalo akong natakot. Pinilit kong gumapang ngunit bigla na lamang nitong pinisil ang sugat ko. Sa sobrang lakas ng pagpisil nito ay mas lalo pang dumugo ito.
“...aah!” impit na hiyaw ko.
Nanginginig na ako sa sobrang takot. Pinisil niya pa itong muli dahilan para mapahiyaw na ako sa sobrang sakit. Walang humpay din ang pagtulo ng aking luha. Bigla namang nagpulasan ang mga ibong nanahimik sa mga nagtataasang puno. Napasinghap ako dahil bigla na lamang tumilapon ang isa nitong kasamahan.
“...sino ka para saktan ang babaeng pinakamamahal ko...”
Napabaling ako sa likuran ko. Halos mapunit ang aking labi sa sobrang tuwa.
“Steffano...” mahinang usal ko.
Umangat namang bigla sa ere iyong bampirang nakahawak sa hita ko. Para itong sinasakal dahil sa hindi mapakaling paghawak nito sa kanyang leeg habang nakalutang sa ere. Halos pigilin ko ang aking hininga dahil sa mga nasaksihan ko. Ngunit mas namutawi sa aking kaisipan si Steffano. Ayaw kong makapatay siya.
“Steffano tama na!” malakas na wika ko.
Saka naman bumagsak sa harapan ko ang lalaking ito at tila wala na itong malay. Nakakapagtaka kung bakit ganoon ang nangyari sa dalawang lalaking ito gayong wala naman itong ginawa kung 'di ang tumayo lamang at titigan ang mga ito. Nanginginig ako sa sobrang takot. Mukhang napatay niya ang mga ito. Napahagulhol ako ng matindi. Ayaw kong makapatay siya. Hindi siya mapanganib at lalong hindi banta sa lahi nila.
Naramdaman ko ang aking pag-angat sa ere. Napaangat ako ng aking paningin. Karga niya na ako at tila walang emosyon ang mukha nito ngunit may lungkot akong nakikita sa mga mata nito. Napakapit ako sa batok nito at napaiyak ng matindi habang nakatago sa dibdib nito.
“...walang sino man ang puwedeng manakit sa 'yo aking mahal...” Napahikbi ako.
Ang kanina'y takot at kaba sa akin ay napalitan ito ng saya sa kaloob-looban ko. Mumunting wika nito'y nagpapagaan ng aking pakiramdam. Ramdam ko ang mabibigat nitong paghinga. Bakas na sa mukha nito ngayon ang hirap sa kanyang pigpigil sa naamoy nitong dugo sa akin. May dugo na rin ang kamay nito galing sa sugat ko. Nag-aalala ako ng husto sa kanya.
Sa isang kisap lang ng aking mga mata ay narating namin ang tagong hardin. Ibinaba ako nito at parang hinang-hina na ito dahil pasuray-suray na ito kung maglakad. Tinungo nito ang ilog at inilublob ang sarili sa tubig. Pinilit kong tumayo upang sundan ito.
“Steffano...” mahinang usal ko.
Halos gumapang na ako masundan lang ito. Inilublob ko din ang aking sarili sa tubig at sinisid si Steffano ngunit wala akong makita dahil napakadilim sa ilalim ng tubig. Napaangat akong muli at ganoon na lamang ang aking pangamba nang makita ko siyang nakadapa sa kabilang pampang. Agad akong lumangoy palapit dito.
“Steffano...” mahinang pukaw ko rito habang napapahawak sa braso nito.