Kabanata 12
Buong magdamag akong nakatingin lamang sa kawalan. Siyam na oras akong nag-antay sa kanya. Ni hindi na nga ako nakapagtanghalian at sigurado akong hinahanap na ako ng aking tiyahin. Panaka-naka rin ang pag-agos ng aking luha. Lubos talaga akong hindi mapakali. Laging sumasagi sa aking balintataw ang eksenang nakita ko. Kaya ba palaging sa dilim lamang siya nagpapakita sa akin ay dahil takot siya sa araw? Hindi ko alam kung ano na ang iisipin ko ngayon.
“Hindi ka man lang kumain. Ayaw kong magkasakit ka,” narinig kong saad nito.
Napabangon ako agad at laking tuwa ko nang makita ko siya. Malayo ito ng tatlong dipa sa akin. Nakatayo ito habang ang isang kamay ay nakapamulsa sa suot nitong kupas na maong. Gaya ng nakasanayan kong nakikita sa kanya. Nakasuot na naman ito ng tsaketa at nakakubli ang mukha nito. Alam kong gwapo ito base na rin sa pakiramdam ko ngunit para bang napakailag nito. Napatingin ako sa hawak niya.
May dala itong maliit na buslo na sa pakiwari ko ay pagkain ang dala niya. Walang pasubali akong napatakbo at napayakap sa kanya. Tuluyan nang umagos ang luha ko. Ramdam ko ang paghapit nito sa baywang ko at paghalik nito sa aking buhok.
“Nakita kita kanina...” panimula ko. Nanatili itong tahimik.
Ginagap ko ang kaliwang kamay nitong nakasilid sa bulsa niya. Napasinghap ako dahil nalapnos ang kamay nito ngunit hindi naglaon ay unti-unti rin itong gumaling at animo'y parang walang nangyari. Binawi nito ang kamay at binuhat ako bigla na parang isang sakong bigas.
“Maari bang ibaba mo ako,” inis kong pakiusap.
Hindi ito umimik. Ang hirap niyang basahin ngunit masaya ako kahit ganito siya. Ibinaba niya ako sa may lilim ng malaking puno.
“Masama ang magpalipas ng gutom,” aniya.
Napangiti ako sa iniasta nito. Daig niya pa ang isang nobyo kung mag-alala. May nangyari sa inyo, Catherine! Talak ng aking utak. Ngunit para sa akin ay hindi pa rin basihan ang isang pagtatalik para lang angkining iyo ang isang tao.
Kinuha ko ang buslong hawak nito at hinalungkat ang laman nito. Napangiti ako. Tama nga ang hinala kong pagkain ang dala niya. Isang malaking tinapay at inoming kulay pula. Napangiwi ako. Mataman kong pinagmasdan ang inoming hawak ko. Napapalunok ako ng ilang beses. Huwag niyang sabihing dugo ito!? Napabaling ito sa akin at bigla na lamang nito akong ginawaran ng halik sa aking labi.
“Hindi ko intensyong maging makitid ang aking pang-unawa ngunit hindi ko gusto ang nakikita kang kasama siya, anito at biglang tinanggal ang sumbrerong nakakabit sa tsaketa nito.
Napaawang ang aking mga labi. Kay bigat din nang aking paghinga. Hindi ko inakalang kay gandang lalaki pala nito. Mga mata nitong naging kulay berde. Nakakahalinang pagmasdan ang keguwapo nitong mukha. Ngayon ko lang din napagtantong may kahabaan ang buhok nito. Wala sa huwisyo kong nabitawan ang hawak kong inomin at nilapat ang dalawang palad ko sa magkabilang pisngi nito. Grabe! Isa siya sa mga napakagandang nilikha ng Diyos.
“Layuan mo siya,” maawtoridad nitong utos sa akin.
Mataman lang akong napatitig sa kanya. Masiyado akong nabighani sa kaguwapuhan nito.
“Catherine...” pukaw nito sa akin.
Napabitaw ako nang hawak sa mukha nito at napayakap rito.
“Hindi kita maintindihan, naguguluhan ko rin namang wika.
“Layuan mo si Zairan,” aniya.
Napatawa ako nang mahina at nag-angat nang tingin. Bakas sa mga mata nito ang masidhing galit dahil naging kulay pula ang mga mata nito.
“Masama bang makipagkaibigan sa kanya?” tanong ko.
“Akin ka lang...” saad nito.
Tila nga't ayaw niyang makipagkaibigan ako kay Zairan. Lubos din ang aking pagtataka kung bakit kilala niya ito.
“Susundin kita, ngunit paano ko gagawin iyon kung 'di ko naman alam man lang kahit ang pangalan mo,” pilya kong sagot.
“Steffano...” mariing sambit nito.
Napangiti ako pero agad ko rin namang pinalis iyon sa mukha ko. Hindi na siya estrangherong maituturing dahil may pangalan na ito.
“Bakit ba napapaso ka sa sikat ng araw gayong hindi naman iyon nangyayari sa iba?” pang-uusisa ko. Napatitig ito sa akin.
“Hindi ko alam,” matipid na sagot nito.
Napabuga ako ng hangin. Napasandal ako sa balikat nito.
“Masiyado akong nag-alala kanina. Akala ko ay kung ano na ang nangyari sa 'yo,” malungkot na saad ko. Bigla niya naman akong kinarga na ikinatili ko ng kunti dahil sa pagkagulat.
“Teka...” pagtutol ko.
“Wala man ako sa iyong tabi, lagi akong nakabantay sa iyo, Catherine,” aniya bago tuluyan akong mawalan ng malay.
“Catherine, gumising ka na, biglaang tapik ni tiyang sa aking braso.
Nadismaya ako sa nasilayan ko.
“Hindi ka kumain kaninang tanghali bata ka. Pinag-alala mo pa ako ng husto,” litanya sa akin ni tiyang. Napakamot ako sa aking sintido.
“Patawad ho, naisagot ko na lamang.
“Kumain ka na bago pa lumamig 'yan, naiiling na bilin pa ni tiyang sa akin bago tuluyang lumabas ng kuwarto ko, dala pa nito ang mga labahin ko.
“Teka tiyang, 'yong buslo, habol ko rito pero tuluyan na itong nakababa.
Kinuha ko na lang ito at inusisa ang laman. Naiinis ako sa tuwing iniuuwi ako ni Steffano ng hindi ko man lang namamalayan. Napailing na lamang ako at inusisang muli ang laman ng buslo. Dalawang itim na rosas ang nakita ko. Itong isa ay 'yong unang naibigay niya at ito namang isa ay mukhang bago lang ito. Nakalimutan ko, ito pala 'yong hawak niyang buslo kanina na may lamang pagkain. Nang matingnan ko ito'y wala na ang pagkaing nakalagay dito. Itinapon niya siguro iyon. Isinilid ko ulit ang mga rosas sa buslo. Mamaya ay hahanapan ko ito ng plorerang nababagay dito. Kinuha ko na rin ang pagkain sa lamesita para makakain na ako. Hindi man lang ako nakaramdam ng gutom kanina. Ngayong oras lang ako natakam ulit. Napasulyap ako sa antigong relo. Pasado alas-otso na nang gabi. Hindi ko man lang ito nasilayan ng matagal kanina. Napabuga ako ng hangin at kumain nang muli.
“Catherine... bulong ng hangin sa akin.
Napaismid ako at napanguso. Nayayamot ako sa tuwing nauuwi niya ako ng bahay nang hindi ko man lang nalalaman.
“Catherine...” Patuloy nitong pagtawag sa akin.
Nagpatuloy ako sa aking pagkain at hindi pinansin ang pagtawag nito. Bigla namang bumukas ang bintana ko. Pumasok ang malamig na hangin, dahilan para manginig ako sa lamig. Sa pagpaling ko paharap. Laking gulat ko ng bigla na lang akong napaangat sa kinauupuan ko. Sa isang iglap ay nakakandong na ako rito. Sa gulat ko ay nabitawan ko ang kubyertos. Umingay tuloy ang kuwarto ko na parang may nabasag na kung ano. Saglit akong napatulala at nakabawi rin matapos ang ilang segundo. Sa pagpulupot ng mga braso nito sa baywang ko ay napasinghap ako at nanlamig ang buo kong katawan.
“Nagtatampo ka...” saad nito.
Hindi patanong ang saad nito. Marahil ay alam niyang ganoon nga ang nararamdaman ko.
“T-tinakot mo ako...” pagdadahilan ko.
Hinawi nito ang buhok ko dahilan para malantad dito ang leeg ko sa kanya. Napapikit ako ng maramdaman ko ang pagdampi ng malamig nitong labi sa leeg ko. Isang milyong boltahe ang gumapang sa mga kalamnan ko. Mas lalo akong nanlamig nang pagapangin nito ang kanyang labi mula leeg hanggang balikat ko. Napapikit ako nang mariin. Maiinit din ang aking hininga. Nakakabaliw ang idinudulot nito sa akin.
“Hindi ko maatim na makita kang malungkot dahil sa akin...” Mariin kong kinagat ang aking pang-ibabang labi.
“Kung ganoon ay hayaan mo akong masilayan ka sa tuwing iniuuwi mo ako dito,” sagot ko.
“Ikasasaya mo ba iyon?” anito.
“Sobra Steffano...” tugon ko.
Humarap ako sa kanya at masuyong hinaplos ang guwapo nitong mukha. Kulay pula na naman ang mata nito. Ano kaya ang itsura nito kung sakali mang magpalit ito ng anyo. Napangiti ako. Nakakaakit ang mga mata nito, lalong lalo na ang mga labi niya.
“Nagpapalit ka rin ba ng anyo?” naitanong ko bigla.
Tinitigan niya lang ako. Kumikit-balikat na lamang ako. Ayaw siguro nito ang tanong ko. Bahagyang napaawang ang bibig nito ng kunti at kitang-kita ko ang pangil nito. Napalabi ako. Kay sarap pagmasdan nito. Inihilig ko ang aking ulo sa dibdib nito. Gaya nga nang inaasahan ko. Wala akong marinig na pagpintig ng puso nito. Masuyo naman nitong hinaplos ang pisngi ko.
“Samahan mo akong matulog...” hiling ko.
Kahangalan itong maituturing ngunit mas panatag ang loob ko sa tuwing kasama ko siya. Hindi ito kumibo, sa halip ay niyakap niya lamang ako. Nag-angat ako ng aking paningin. Kalmado na ang mga mata nito dahil hindi na ito naging kulay pula.
“Maari ba?” hiling ko muli sa kanya.
Hindi pa rin ito kumibo, bagkus ay binuhat ako nito papunta sa aking banyo. Ibinaba niya ako at walang pasabi na isirado ang pinto. Napapikit ako ng mariin at napahawak sa aking dibdib. Mahirap siyang intindihin ngunit masaya pa rin ako sa nangyari ngayong gabi.
Inabala ko na lamang ang aking sarili na makapag-ayos. Ilang minuto din ang aking inilagi sa pagbabad sa tubig bago ako tuluyang lumabas na nakatapi lamang gamit ang aking roba.
Sa paglabas ko ay bahagya pa akong nagulat at nasiyahan na rin dahil hindi ito umalis. Nakatanaw lang ito sa labas ng aking bintana habang nakasandal ito. Bahagya itong napalingon sa akin.
Hindi ko talaga maiwasang mabighani ng husto rito. Walang kupas ang kaguwapuhan nito kahit matagal na itong namumuhay rito sa mundo. Hindi ko man alam ang buong insaktong bilang ng taon ngunit hindi iyon naging kabawasan sa pagiging magandang lalaki nito.
Lumakad ito palapit sa akin at para bang tumigil ang oras ko. Masuyo nitong idanampi ang labi nito sa aking noo. Natigilan ako dahil sa hinubad nito ang aking roba. Ibig kong lumubog sa aking kinatatayuan. At laking pasasalamat ko na may suot akong pang-ibaba. Kung nagkataong wala, siguradong mahihimatay na ako. Alam kong hindi ito ang unang beses ngunit nakakahiya pa rin sa akin iyon na makita niya ako na walang saplot sa katawan.
Kinuha nito ang isa sa mga bestida ko at isinuot sa akin. Lihim akong napangiti. May respeto pa rin ito sa akin kahit papaano.
Matapos niya akong bihisan ay kinarga niya akong muli at dahan-dahan na ibinaba sa aking kama. Kinumutan niya ako at tumabi ito sa akin sa paghiga. Iniunan ko ang kanyang braso at isiniksik ang aking mukha sa leeg nito.
“Natutulog ba ang mga kagaya niyo?” naitanong ko.
Gaya nang laging ginagawa nito ay hindi ito kumibo. Sa halip na sagutin ang aking katanungan ay masuyo lamang nito akong niyakap.
“Akin ka lamang, Catherine...” Narinig kong sambit nito bago ako tuluyang hilain ng aking antok.