Kabanata 11
Sa pagmulat ko ng aking mga mata ay ganoon na lang din ang pagkamangha ko. Nakauwi ako sa bahay at nakahiga na mismo sa kama ko. Sobrang bigat ng pakiramdam ko at hindi ako makagalaw ng maayos dahil ramdam ko ang masasakit na parte ng katawan ko. Napatihaya ako ng dahan-dahan. Nanaginip lang ba ako? Sinipat kong mabuti ang ayos ko. Nakasuot ako ng bestida ko, pansin ko ring nasa paanan ko ang balabal na ginamit ko. Hindi nga ako nananaginip. Totoo ngang may nangyari talaga samin. Matamis akong napangiti. Dahan-dahan kong ikinilos ang aking katawan upang ako'y makababa sa aking kama. Sa aking pagtayo ay parang mabubuwal ako. Maagap ang aking paghawak sa haligi ng aking kama. Ibig kong gumapang na lamang papunta ng banyo dahil sa tindi ng sakit nang nararamdaman ko. Puna kong may mga pasa ako sa braso. Hindi isang normal na pagniniig ang naganap sa pagitan naming dalawa, kung 'di isa iyong kagila-gilalas. Wala akong mapagpipilian kaya hindi na ako nag-atubili pang gumapang na lamang patungo sa banyo. Kumapit ako sa seradora upang makatayo ako ng buong p'wersa. Halos nakasandal na ako sa dingding dahil sa sobrang bigat ng pakiramdam ko. Nakipagtalik ba naman ako sa isang bampira, malamang na ganito ang kahihinatnan ko. Marahan kong hinubad ang aking bestida at matamang pinagmasdan ang aking kabuuan sa harapan ng salamin. Ang dami kong pasa sa katawan. Paano ako makakapasok ngayong araw kung ganito ako. Siguradong magtataka ang tiyang sa akin. Pilit akong kumilos at naligo. Nabitawan ko ang sabong hawak ko sa gulat. Isa-isang nawala ang mga pasa ko sa katawan. Halos pigilin ko ang aking paghinga dahil sa tindi ng pagkagulat at pagkamangha. Hindi ako normal! Gumaan din ang pakiramdam ko at para bang walang nangyari sa akin. Nagmadali akong paliguan ang sarili ko at nagbihis. Kinuha ko ang gunting sa ibabaw ng tukador. Gusto kong malaman ang totoo. Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak ang gunting. Pikit-mata kong sinugatan ang aking braso ngunit hindi ko paman nasusubukan ay agad na bumukas ang pinto.
“Catherine, Iha. Nasasabik talaga akong makita, bungad sa akin ni Ginang Zoldic.
Naitago ko agad ang gunting sa ilalim ng kubre kama ko.
“Ang aga niyo naman ho,” naiilang ko pang ani. Hindi man lang nagawang kumatok nito.
“Pagpasensyahan mo na, Iha. Masiyado lang talaga akong nanabik. Mag-ayos ka na. Marami akong pasalubong sa 'yo,” aniya. Matipid akong ngumiti.
“Sige ho,” ani ko.
Ngumiti lang ito at lumabas na ng aking kuwarto. Halos tinambol ang puso ko sa sobrang kaba. Nag-ayos na ako ng aking sarili at tuluyan ng lumabas ng aking kuwarto. Bahagya akong natigilan dahil sa may itim na rosas sa may paanan ko. Pinulot ko ito at binasa ang maliit na papel na nakasukbit sa tangkay nito.
~Kabilugan man ng buwan, ganda mo'y mas nag-uumapaw.~
Napangiti ako ng malapad. Sa lahat ba naman ng kulay ng rosas ay itim pa ang ibinigay. Madaming simbolo ang itim na rosas pero para sa akin ito'y pagmamahal.
“Catherine, kanina ka pa niya hinihintay,” bungad sa akin ng aking tiyahin. Naitago ko agad sa likuran ko ang hawak kong rosas.
“Sige po,” matipid kong sagot.
Pasimple kong inilagay sa plorera ang hawak kong rosas at ikinubli ito sa iba pang mga bulaklak para hindi nila ito makita. Nang umabot ako sa hapag, naupo ako sa tabi ng Ginang.
“Pinamili kita ng mga tsaketa at bestida, Catherine. Malapit na rin ang tag-lamig,” masayang wika nito.
“Maraming salamat po–” Napatigil ako dahil sa biglaang pagsingit nito.
“Mama, tawagin mo 'kong Mama mo. Kahit pansamantala man lang.”
Kumikit-balikat pa ito. Sinulyapan ko pa ang aking tiyahin na nasa kaharap ko lang nakaupo at napatigil rin ito sa pagkain. Tinanguan ako ni tiyang Nely, na para bang ayos lang sa kanya.
“Sige po, kung 'yan ang gusto niyo,” naiilang ko pang sagot.
MAY sigla sa mukha ko nang pumasok ako ng unibersidad. Ni hindi ko inalintana ang nasa paligid ko.
“May nakain ka?” bungad sa akin ni Mocha.
“Wala naman, nakangiti kong sagot.
“Masiyado kasing presko ang itsura mo ngayon,” saad nito.
“Masaya lang ako, Mocha. Ganoon lang,” sagot ko.
Hindi na ito nag-abalang magkumento pa at sumabay na lang sa aking maglakad.
“Catherine...” Napatigil ako sa aking paghakbang.
Tinatawag na naman niya ako. Siguro ay nais niya akong masilayang muli. Ganoon din naman ang aking gusto, ang makita siya.
“May problema ba, Catherine?” baling sa akin ni Mocha.
Umiling ako at sumabay na sa kanya. Lutang ang utak ko at malalim ang aking pag-iisip habang papaakyat ng hagdan. Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganoon ang nangyari sa akin nitong umaga.
“Mocha...” pigil ko dito.
“Hmm?” baling nito sa akin.
“Maari bang samahan mo ako mamaya sa silid-aklatan. May nais lang akong basahing libro,” paanyaya ko.
“Oo naman. Halikana't tayo'y mahuhuli na sa klase. Gamitin mo na ang iyong pabango,” aniya.
Napatango ako bilang pagtugon. Pagkaabot sa aming silid-aralan, diretso agad kami sa aming upuan. Tila walang pakialam ang aming mga kaklase, pati na rin ang aming guro na panay pa rin ang pagtuturo.
“Gusto mo ba ng inomin?” bulong ni Mocha sa akin.
Napangiti ako. Ibig ko ring matikman ulit ang gawa niyang inomin.
“Mamaya, may dala akong biskwit,” saad ko.
Nginitian niya lang ako at nagpatuloy na sa pagbabasa ng libro. Nakapalumbaba akong napatanaw sa bintana. Laking gulat ko nang matanawan ko siya. Nakatayo ito sa may ibabaw ng tarangkahan habang nakapamulsa. Napatayo ako at pasimpleng lumabas. Pumuwesto ako sa beranda. Kitang-kita ng dalawa kong mata ang pagkasugat ng kamay nito habang nasisikatan ng araw. Walang pag-aatubili akong napatakbo palabas ng silid-aralan. Narinig ko pang tinawag ako ni Mocha at Zairan ngunit hindi na ako lumingon pa. Habang tumatakbo ako palabas ay hindi ko na namalayang mapaluha sa nakita ko. Diyos ko! Sabihin niyo sa aking maayos lang siya. Kinakapos ako ng hininga nang makarating ako sa may tarangkahan. Panay din ang pagpahid ko ng aking luha. Hindi ko na siya naabutan. Gaya ng palaging nangyayari, nawawala na lang ito na parang bula. Nanlulumo akong umupo na lamang. Nag-aalala ako sa kanya ng husto.
“Catherine!” tawag sa akin ni Mocha. Napahikbi ako at lumingon sa kanya.
“Anong nangyari?” nag-aalalang tanong nito.
“Gusto ko munang umuwi, naluluha kong sagot.
“Hindi pa tapos ang klase,” ani Zairan.
“Gusto kong umuwi!” pagtutol ko.
“Ihahatid ka namin. Zairan, isakay mo siya sa likuran mo. Mas mabilis ka sa akin. Kukunin ko muna ang mga gamit niya,” utos ni Mocha.
Napatango lang si Zairan. Mabilis akong napakapit kay Zairan. Ibang klase ang bilis sa pagtakbo nito. Talagang kakaiba nga sila. Gustuhin ko mang mamangha sa mga nalalaman ko ngunit mas nangingibabaw sa akin ang matinding pag-aalala. Sa isang kisap-mata ay narating agad namin ang bahay ng mga Zoldic.
“Mag-iingat ka,” makahulugang bilin nito bago tuluyang umalis.
“Ito ang mga gamit mo. Pumasok ka bukas, maari ba?” saad ni Mocha na kadarating lang din.
Tango lang ako nang tango. Walang ibang pumapasok sa utak ko, kung 'di siya lamang.
“Papasok ako bukas, pangako,” sagot ko at tuluyan ng pumasok sa loob ng bahay.
“Catherine, kay aga mo namang nauwi?” salubong sa akin ni Mama.
Naiilang akong tawagin siya ng ganyan ngunit wala rin naman akong mapagpipilian.
“Masama ho ang aking pakiramdam. Gusto ko sanang makapagpahinga,” paliwanag ko.
“Kung iyan ang gusto mo,” sagot nito at marahang hinaplos ang aking pisngi.
Ngumiti lang ako at diretso ako agad na pumasok sa aking kuwarto. Nagpalit ako ng damit at lumabas ng aking silid. Kinuha ko ang itim na rosas na inilagay ko sa plorera. Lumabas ako ng bahay nang walang nakakapansin sa akin.
Gaya ng nakagawian, sa likod ng bahay ako dumadaan upang makarating sa tagong hardin. Nang umabot ako ay agad akong napahiga sa mayayabong na damuhan. Nag-aalala talaga ako ng husto sa kanya. Nagtataka din ako kung bakit nasusugatan siya habang nakabilad sa araw, gayong hindi naman nangyayari kina Mocha at Zairan iyon.
“Nasaan ka na...” naibulong ko sa kawalan. Ibig kong masilayan siyang muli. Makumusta kung mabuti ba ang lagay niya.