Kabanata 3
MATAMAN kong pinagmasdan ang sarili ko sa harap ng salamin. Naiilang ako sa suot kong damit na diretso lang ang tabas nito– na hanggang tuhod ko lang. Ganito lahat ang damit ko sa kabinet, maliban na lang sa mga damit kong dala at aminado akong hindi ako sanay sa ganito.
Panay ang hatak ko pababa dahil parang makikitaan ako dito sa suot ko sa oras na liparin ito ng hangin.
“Catherine? Oras na nang hapunan.” Napapitlag ako sa tawag ng aking tiyahin mula sa labas ng kuwarto ko kaya mabilis kong binuksan ang pinto.
“Pasensiya na po,” paumanhin ko pa.
Nginitian lang ako ni tiyang at nagpatiuna na nang lakad kaya sumunod na rin ako. Nang umabot kami sa hapag ay ibig kong mamangha sa haba ng mesa at pagkaing nakahanda rito.
“Catherine, maupo ka,” tawag sa akin ni Ginang Zoldic at bahagya pang tinapik ang upuan sa gilid niya.
Matipid akong ngumiti at bahagya pang napalingon sa tiyahin ko, saka naupo.
“Nely, sumabay ka na rin,” yaya pa ni Ginang Zoldic sa tiyahin ko.
Matipid lang itong napatango at umupo na rin sa tabi ko. Ibig ko yatang magreklamo dahil sa dami ng kubyertos na nasa harapan ko. Wala pa naman akong alam sa mga ganito. Dinampot ko na lang 'yong kutsara at tinidor na sa tingin ko ay angkop para rito. Si tiyang Nely na rin ang naglagay ng pagkain sa plato ko.
Nagsimula na kaming kumain at tanging ingay lang ng mga kubyertos ang maririnig sa kabuuan ng bahay. Mariin akong napalunok dahil hindi ako sanay sa ganito. Si tiyang naman, parang wala lang sa kanya ang ganitong bagay. Minadali kong tapusin ang pagkain ko at agad na nagpaalam sa kanila.
Lumabas ako ng bahay ng lingid sa kaalaman nila. Pansin kong sobrang laki ng lugar at para bang kami lang ang nakatira rito. Lakad ako nang lakad hanggang sa may nabangga ako.
“Nako pasensiya po!” mabilis kong paumanhin.
Yumukod naman siya sa akin. Siya 'yong isa sa mga bantay kanina sa tarangkahan.
“Bawal po kayong gumala sa gabi,” seryoso niya pang sabi.
“Ganoon ba? Ahm... Puwede mo ba akong samahan pabalik?” sabi ko pa dahil nakalimutan ko na ang daan.
Ang tanga ko lang! Hindi niya ako kinibo, bagkus ay umuna na nang lakad. Bakit ba napakapormal nila at puro nakaitim pa. Ako lang yata ang nakaputi dahil sa damit kong suot. Sumunod na lang ako at 'di na nagtanong pa. Nang umabot kami sa malaking bahay ay yumukod lang siya ulit at umalis na. Napabuga ako ng hangin at pumasok na sa loob.
“Catherine...” Narinig ko pang tawag sa akin.
Nagmumula 'yon sa itaas. Napahakbang ako patungo sa ika-dalawang palapag.
“Catherine...” tawag sa akin ulit.
Nagtatayuan ang mga balahibo ko pero pinalis ko sa isip ko ang takot at humakbang ulit. Umabot ako sa ika-apat na palapag ng bahay. Hanggang apat na palapag lang ang bahay na ito.
“Catherine!” tawag sa akin ni Ginang Zoldic nang hindi pa man ako nakakahakbang ng tuluyan.
Napakagat-labi ako. Agad akong napabalik nang hakbang pababa.
“Pakiusap ko lang sana ay huwag kang aakyat sa palapag na iyan. Nagkakaintindihan ba tayo?” seryosong saad niya.
Napatango ako agad at humingi ng despensa. Sinamahan niya pa akong makabalik sa kuwarto ko. Nang makapasok ako, napasandal ako sa pinto. Iniisip ko pa rin kung sino ang tuwatawag sa pangalan ko kanina o baka guni-guni ko na lamang iyon. Wala akong nagawa kundi ang matulog na lang ng maaga. Marahan kong inilapat ang katawan ko sa kama at mabilis na hinila ng antok.
NAPABALIKWAS ako ng bangon dahil ulit sa panaginip kong iyon na paulit-ulit na lang ang eksena. Napalingon ako sa pinto ng marinig kong may malakas na kalabog. Napagawi ang tingin ko sa antigong orasan. Ala-una na ng madaling araw. Bumalik ako nang higa at muli't muli ay narinig ko na naman ang matinding pagkalabog at sa mismong ikatlong palapag na nanggagaling ang tunog.
Mataman lang akong nakiramdam sa paligid ko. Ilang minuto din akong nakatanga ng marinig ko ang boses ni Ginang Zoldic sa labas mismo ng kuwarto ko. Marahan akong bumaba ng kama at naglakad palapit sa pinto.
“Nakikiusap ako sa 'yo. Makinig ka naman sa akin. Ayaw ko lang na mapahamak ka, lalo na sa kalagayan mo ngayon.” Umiiyak pang pakiusap ni Ginang Zoldic.
Wala akong narinig na may sumagot sa kanya. Isa lang ang tanging narinig ko. Mga yabag ng mga kadena sa sahig. Napasinghap ako at agad na bumalik nang higa sa kama ko. Nagkunwari ako agad na tulog dahil ramdam ko ang pagbukas ng kuwarto ko at ang pagkabig nito pasara.
Kung hindi ako nagkakamali ay malamang na tinitingnan ako ni Ginang Zoldic kung tulog ba ako. Pakiramdam ko tuloy ay may kakaibang nangyayari dito. Isinantabi ko na lang ang kaisipang iyon at muling nagpahila na sa antok.
“CATHERINE, bumangon ka na, mahuhuli ka sa klase niyan.” Narinig ko pang tawag sa akin ng tiyahin ko na nasa labas ng aking kuwarto.
Napabalikwas ako ng bangon. Ang totoo, kanina pa mulat ang mga mata ko. Siguro ay naninibago pa ang katawan ko dahil sa bago ang kuwarto ko at nakahiga pa ako sa malambot na kama– na kung dati ay nasa papag lang na may kasama pang kulambo at nakakainis na kagat ng mga lamok na mambubulahaw sa 'yo.
Bumaba na ako ng kama at tinungo ang banyo. Mabilis akong naligo at nagpalit ng uniporme ko. Sa sobrang eksi ng palda ko ay panay ang hatak ko nito pababa hanggang sa napuno na ako sa pagkainis kaya nagsuot na lang ako ng maiksing karsonsilyo bilang panloob nito.
Minadali ko na ring itinirentas ang buhok ko at pinusod ito. Ilang segundo ko pang pinagmasdan ang sarili ko sa harapan ng salamin bago tuluyang lumayo dito at lumabas ng kuwarto ko.
Unang araw ko itong papasok sa kolehiyo at aminado akong kabado. Tinungo ko na ang kusina at nadatnan ko si Ginang Zoldic na nakaupo na sa hapag at para bang ako na lang ang hinihintay nito para makapag-umpisa na. Marahan kong hinila ang isang silya at naupo sa tabi niya. Naiilang ako sa ganito, lalo pa at napakalimitado lang nang dapat kong ikilos.
“Kumusta ang tulog mo?” tanong niya pa sa akin habang kumakain ng tinapay. Pasimple ko siyang hinapyawan ng tingin.
“Maayos naman po,” tipid kong sagot.
Napapaurong ang dila ko dahil may nais talaga akong itanong tungkol sa mga narinig ko kagabi pero baka isipin niyang napakapakialamera ko. Tahimik lang kaming kumain.
Matapos kong kumain, agad na akong nagpaalam at pinuntahan ang tiyahin kong nasa kusina. Nagulat pa ako ng may inihanda na itong kabalyas at baon ko.
“Salamat po tiyang. Kumain na ho ba kayo?” tanong ko pa.
“Kanina lang, Catherine...” sagot niya at hinawakan ang kamay ko at ibinigay sa akin 'yong mamahaling pabango.
“Huwag na huwag mo sanang kalimutang gamitin ito bawat minuto, dagdag niya pa.
Napakunot-noo ako at hindi na lamang kumibo, bagkus ay napatango ng may pag-aanlinlangan. Matipid akong ngumiti at kinuha na ang gamit ko.
“Alis na ho ako,” paalam ko sabay halik sa pisngi ng tiyahin ko.
Dali-dali na akong lumabas ng bahay at bumungad sa akin ang isang magarang sasakyan. May nagbukas ng pinto para sa akin. Nag-aalangan man pero hindi pa rin ako kumibo. Naiinis akong isipin ang pakiramdam na ito, na para bang ang trato nila sa akin ay isang prinsesang 'di makabasag pinggan at taliwas 'yon sa ugali ko.