Kabanata 4
PANAY ang sulyap ko sa mamahaling relong suot ko. Ayaw ko mang isuot ito ay masiyadong mapilit ang tiyang. Napabuntong-hininga ako. Binibilang ko ang bawat minuto. Pagkahinto ng sasakyan, agad na akong bumaba at hindi na nag-abalang hintayin pa na pagbuksan ako. Hindi naman ako baldado para tratuhin ng ganito ka espisyal.
“Tatlumpong minuto... bulong ko sa kawalan.
Tatlumpong minuto ang itinagal nang biyahe namin mula sa bahay papunta dito sa paaralan. Kung tutuusin ay kaya naman nang lakaran lang. Mabagal lang din naman ang takbo ng sasakyan kaya wala pa siguro sa tatlumpong minuto 'yon. Pagkalabas ko ay agad din naman silang umalis. Sa unang tingin ko pa lang sa lugar ay namangha na ako. Ang laki ng unibersidad na ito para sa akin.
“Bb. Catherine Lumibao?” tawag pa sa akin mula sa likuran ko.
“Po?” nagtataka ko namang sagot.
Bahagya niya akong tinaasan ng kilay at tinalikuran ako.
“Sumunod ka sa akin,” utos niya.
Wala akong nagawa kundi ang sumunod. Habang papasok kami sa loob ay pansin kong matamang nakatingin sa akin ang mga estudyanteng nadadaanan namin. Sobrang lagkit sila kung makatingin sa akin. Pakiramdam ko tuloy ay kung may dumi ba ako sa muka o may mali ba sa damit kong suot.
“Catherine...” untag pa sa akin ng babaeng may edad na ito at ginayak ako papasok sa isang malaking kuwarto.
Kung makikita mo, mga sinauna pang muwebles ang gamit at dekorasyon nito.
“Maupo ka...” utos niya muli kaya tumalima ako agad.
Binigyan naman niya ako ng isang maliit libro. Medyo may kalumaan na ito pero maayos pa naman ang bawat pahina.
“Nandiyan lahat ng patakaran, mga dapat gawin at hindi dapat...” paliwanag niya pa.
“At ako ang taga-pamahala ng eskwelahang ito...” dagdag niya muli.
Tango lang ako ng tango. Nakakatakot 'yong awra niya.
“Ito ang numero ng klase mo at makakaalis ka na.”
Napatayo naman ako agad sa sinabi niyang iyon dahil hindi talaga maganda ang pakiramdam ko sa kanya. Simpleng paumanhin lang din ang itinugon ko at tuluyan nang lumabas ng opisina niya. Napatanga ako sa hawak kong susi ng magiging lagayan ng mga gamit ko at pati na sa klase kung saan man ako kabilang.
“Class A-R1...” naibulong ko sa sarili ko.
Tahimik na ang buong pasilyo at ako na lang ang mag-isang naglalakad at patingin-tingin sa mga pasilyo para hanapin ang silid-aralan ko. Sa pagpaling ko paharap ay tumilapon na lang ako bigla dahil sa lakas nang pagkakabunggo sa akin.
Napadaing ako dahil sa tindi nang pagbagsak ko pero hindi ko iyon inalintana dahil mas itinuon ko ang atensiyon ko sa kaharap ko. Pakapa-kapa ito sa sahig. Mabilis akong napatayo kahit na pakiramdam ko'y kumikirot pa ang balakang ko. Pinulot ko 'yong malaki niyang salamin na may grado. At ako na mismo ang nagsuot nito sa kanya at tinulungang makatayo. Nakasuot din siya ng unipormeng gaya ko. Nakalugay lang buhok nito at medyo maalon-alon na kulay itim.
“Ayos ka lang?” pang-uusisa ko.
Napaangat naman siya ng tingin sa akin dahil bahagya akong mas mataas kumpara sa kanya.
“Ha? Dapat ako magtanong niyan sa 'yo eh. Ayos ka lang din ba? Pasensiya na talaga, nagmamadali lang talaga ako,” paumanhin niya.
Marahan akong napatango at tipid na ngumiti. Pinulot naman niya 'yong susi ko.
“Class A-R1!?” basa niya sa hawak nito at bahagyang nagulat.
Bahagya rin siyang napaatras at napayukod. Napakunot ako ng noo ko.
“May problema ba?” nagtataka kong tanong at kinuha ang hawak niya. Saka din naman siya napaayos ng tayo at hindi makatingin sa akin ng diretso.
“Wala! Tara na sa klase,” yaya niya.
Nagtataka man ngunit mas pinili ko na lang ang sumunod nang lakad. Mukhang matagal na siyang nag-aaral dito, base na rin sa ikinilos niya kanina nang malaman niya kung anong klase ako nabibilang.
SA IKA-LIMANG palapag pa pala ang silid-aralan ko. Ang tanga ko lang! Pansin ko lang na sobrang tahimik. Disiplinado siguro ng mabuti.
“Ump!” impit na ungol ko dahil biglang napatigil itong kasama ko.
Nakasunod pa man din ako sa kanya ng wala sa huwisyo. Napatingin ako sa harapan namin. Isang malaking pinto na may nakasulat na CLASS-A-R1 sa ibabaw nito. Para yatang kinabahan ako bigla. Marahan niyang pinihit ito at bumungad sa akin ang isang may edad na babae na nakaupo sa mesa nito at may kung anong inaatupag na basahin sa kaharap nitong libro.
Sa gawing kaliwa ko naman, mga kaklase kong napaangat ang tingin sa amin. Sa tantiya ng pagbilang ko, nasa dalawampung estudyante lang ang nandito. Kasama na kaming dalawa nitong kasama ko sa bilang ko.
Mabibigat ang mga hakbang ng paa ko habang papasok sa loob. Sa lakas ng pagpintig ng puso ko, parang ito lang ang naririnig ko.
“Bb. Catherine Lumibao. Maligayang pagdating!” biglang masiglang ani ng guro namin. Napairap ito nang makita ang katabi ko.
“Sa iyo din, Bb. Agustin, baling niya sa katabi ko.
“Maari na kayong maupo, dagdag pa nito.
Napatanga ako dahil sa mga titig ng mga kaklase ko. Para bang may iba sa kanila na hindi ko mawari. Namalayan ko na lang na hinihila na ako nitong kasama ko patungo sa upuan namin.
“Bumalik ka sa huwisyo mo, Catherine! Hindi mo sila dapat titigan pabalik,” pabulong niyang sita sa akin. Napaigtad ako at napayuko.
“Patawad nga pala kanina. Ako nga pala si Mocha Agustin, kanang kamay ni Maestro Keanno. Ikaw?”
Napakurap ako. Ayaw pumasok sa kukute ko 'yong sinabi niya.
“Ah? Iyon...iyon na nga...Catherine Lumibao. Iyon lang!” alanganin ko pang sagot at pinaglalaruan ang mga daliri ko. Ganito ako kapag kabado ako. Kanang kamay!? Maestro Keanno? Pagsasatinig ng bahagi ng utak ko.
“Sigurado ka ba?” kunot-noo niyang tanong.
Napatango-tango ako. Diyos ko Catherine! Ano ba nangyayari!?
“Sige. Ikaw bahala kung ayaw mong ibahagi,” sabi rin naman niya kalaunan.
Nakahinga ako ng maluwag dahil sa totoo lang, hindi ko alam kung anong sinasabi niya. Nagsimula na ang klase pero lahat sila, hindi naman nakikinig. Maliban na lang siguro sa aming dalawa ni Mocha.
“Anong klase ka?” pukaw bigla sa akin ni Mocha.
Nakakatuwa ang pangalan niya dahil lasa ng pagkain ang naiisip ko. Nagsalubong ang mga kilay ko.
“Klase? Dito...” sagot ko pa.
Napabuntong-hininga naman siya.
“Hindi ka man lang ba binigyan ng pagsubok at impormasiyon bago ka makarating sa lugar na 'to?” mangha naman niyang usisa sa akin.
“Ah...” tanging naisambit ko at napailing.
Napatampal naman ito sa noo.
“Kung ganoon paano ka nakapasok dito?” pang-uusisa niya ulit.
“Bb. Agustin! Tahimik!” madiing sita bigla ng guro namin. Pareho kaming napayuko ni Mocha.
“Patawad... ani ko ng pabulong. Marahan naman siyang napailing.
“Wala iyon. Mamaya na lang kita tatanungin,” pabulong din niyang sagot sa akin at itinuon na ang atensiyon sa hawak na libro.
Napabuntong-hininga na lang ako at inaliw ang aking sarili sa pagbabasa ng libro.