NAGTATAKA na tinignan ni Kamille isa-isa ang mga kasama niya doon sila nakatambay sa tapat ng Mini-Grocery na pag-aari ng bago niyang kakilala na si Olay. Naglabas ng upuan ang mga ito at doon sila nagpapalipas ng oras. Pawang mga nakakunot-noo ang mga ito at nakatitig sa kanya. Gusto niyang isipin na tila binabasa ng mga ito ang isip niya.
"Hoy! Mga baklang 'to! Baka naman ma-tsugi si Kamille sa kakatitig n'yo!" pukaw ni Olay sa mga ito.
"Huwag kang magulo, Olay. Binabasa ko isip ni Kamille." Sagot naman ni Marisse.
"Ano naman alam mo sa mind reading?" tanong pa ni Jhanine dito.
"Wala, feeling ko lang." sagot naman ni Marisse.
"Makikiusisa lang kami tungkol sa breakfast date n'yo ni Jester!" diretsong sabad ni Razz.
"Kayo na, 'ne?" nakangising tanong naman ni Sam.
"No! Don't say anything, you'll break my heart if your answer is Yes." Uma-acting na sabi naman ni Kim.
Pabirong dinutdot ni Marisse ang ilong nito. "Aruuu! Hindi bagay sa'yo!" pang-aasar pa nito.
"Tse!"
"Hindi kayo bagay ni Jester! Mas bagay kayo ni Mark!" dagdag pa ni Jhanine.
"Uh huh! Ang inyong mga puso ay sadyang itinadhana sa isa't isa." Sabi pa ni Olay.
Tinikom nito ang bibig, saka pabirong umirap at bumulong-bulong. "Ewan ko sa inyo!" singhal nito.
"O teka, balik nga tayo dito kay Baby Tsina. Ano nga? Anong nangyari sa date n'yo?" tanong ni Razz.
"Kumain ng breakfast," inosente niyang sagot.
"Mismo! Alangan naman kasi na mag-dinner kayo sa umaga," papilosopong sabad ni Marisse.
Natawa siya. "Sorry naman. Eh kasi kayo kung makausisa. Wala! Bukod sa kumain, nagkuwentuhan lang kami ganoon."
"Ang boring naman," ani Razz.
"Grabe! Wala man lang kilig moments?" tanong pa ni Jhanine.
Agad na nagbalik sa alaala niya ng yakapin siya ni Jester matapos nitong aminin ang alam nito tungkol sa kanya. Ang pangako nitong binitiwan na kailan naman ay hindi siya nito iiwan. Tumagos sa puso niyang lahat ng mga salitang iyon. Alam niyang walang assurance sa mga sinabi nito, bukod sa kapitbahay niya ito doon sa Tanangco. Bagong magkakilala pa lamang sila. Pero binubulong ng puso't isip niya ang kabutihan ni Jester, na dapat siyang magtiwala dito. Sapat na sigurong dahilan iyon, upang ibigay niya ang tiwala dito ng paunti-unti. Wala naman sigurong masama kung bigyan niya ng pag-asa ang sarili na muling sumaya. She smiled. A kind of smile that reached not only her eyes but also her heart.
"That was the best morning I've ever had." Makahulugang sagot niya.
"Ayun naman, mukhang pumapalakpak ang puso mong kulay pink!" sabi ni Razz. Natawa silang lahat sa sinabi nito.
"Kaloka 'tong Agapitang 'to! Dagdagan natin ng fur sa itaas para mukha ng panabit sa cellphone!" dagdag pa ni Olay. Lalong napuno ng tawanan ang kahabaan ng Tanangco.
"Kung si Jester ang makakapagpasaya sa'yo. Then, so be it. Alam ko naman hindi ka niya sasaktan." Seryosong komento ni Sam.
"Right, ako na nagsasabi sa'yo. Mabait 'yon." Sang-ayon naman ni Marisse.
"Ay mga palaka! Nalilibang kayo, alas-singko y medya na ng hapon. Magbihis at magpaganda na kayo. Malapit ng magsimula ang Valentine's Dance sa covered court." Paalala ni Olay.
"Parang ayokong sumama," aniya.
"Ngayon ka pa hindi sasama, kung kailan kulay pink na puso mo!" sabi ni Sam.
"Naman! Kaya sasama ka!" dagdag ni Jhanine.
"Oy ha? Magde-dress tayo ah? Iyong casual lang, oy Kamille, huwag kang magtatago. Dadaanan kita." sabi pa ni Marisse.
"Sige na nga," pagpayag niya.
Hindi alam ni Kamille kung ano ang mangyayari sa gabing iyon. Basta ang alam niya, kinakabahan siya. Sumagi lang sa isip niya si Jester, kumakabog na ang puso niya.
NAKAUPO si Kamille sa isang tabi kasama si Kim habang ang mga kaibigan nila ay may kasayaw na. Kahit maingay sa paligid, dahil sa malakas na musika. Pakiramdam niya ay may naririnig siyang kuliglig sa paligid, dahil sa katahimikan ni Kim. Nag-aalangan kasi siyang magsalita o kausapin ito. Baka kasi supladahan siya nito. Sinabi kasi ni Sam sa kanya na malaki ang pagkakagusto nito kay Jester. Ngayon na sila ang naili-link sa isa't isa. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman nito.
Agad na gumuhit ang ngiti niya sa labi ng biglang lumingon ito sa kanya.
"Okay ka lang ba?" tanong nito.
"H-ha? Uhm, Oo." Sagot niya.
"Ang tahimik mo kasi eh," anito.
"Kasi ano, medyo nahihiya ako. Ang dami kasing tao." Pagdadahilan niya.
"Ay sus, huwag kang mahiya no? Mga pengkum ang mga 'yan!" nakangiti pang wika nito.
"Kim,"
"Hmmm?"
"May itatanong sana ako," aniya.
"Sure, ano 'yon?"
Huminga muna siya ng malalim bago muling magsalita. "Galit ka ba sa akin?" lakas-looob niyang tanong.
Nakita niya sa mata nito na bahagya itong nagulat sa tanong niya, pero agad din naman itong nakabawi. Pagkatapos ay ngumiti ito sa kanya, hinawakan pa nito ang isa niyang kamay.
"No, of course not." Sagot nito. "Kamille, hindi mo kailangan akong intindihin. Wala ka dapat ipagselos. Dahil 'yong sa akin, crush lang 'yon. Madalas ko lang ine-exaggerate, pang-asar kay Jester. Kaya huwag kang mag-alala. Alam ko naman na ikaw ang gusto niya, nakita ko 'yon the moment nakita ko kayong magkasama. He never looked that way on a girl before." Paliwanag nito.
"Naku, ano. Uhm, hi-hindi naman ako nag-aalala." Biglang bawi niya. mabuti na lang at medyo malamlam ang ilaw sa paligid, hindi nito makikita ang pagba-blush niya. Pakiramdam tuloy ni Kamille, ay biglang uminit sa paligid. Kung bakit ba naman kasi nagtanong pa siya.
Tumawa si Kim. "Sige, sabi mo eh." Anito.
Hindi pa man din siya nakakabawi sa simpleng hirit ni Kim. Nang biglang dumating ang lalaking paksa nila. Lumukso ang puso niya ng ngumiti ito pagkakita sa kanya.
"There you are," anito. "Kanina pa kita hinahanap ah."
"Nandito lang naman ako." Aniya.
"Weh, ang sabihin mo nagtatago ka." Sabad ni Kim sa usapan.
"Hindi ah," tanggi niya.
"Let's dance," yaya sa kanya ni Jester.
Mabilis siyang umiling. "No, no! I don't know how to dance." Pagtanggi niya.
"Akong bahala sa'yo,"
"Hindi na, dito na lang ako."
"Huwag kang gumaya dito kay Kim, nagbubutas ng bangko." Sabi pa nito.
"Tinamaan ka ng pengkum! Pagkatapos kitang build up kay Kamille, ilalaglag mo ako!" tungayaw niya.
"Hala ka, ayan na si Mark!" pang-aasar pa ni Jester dito.
Bigla itong tumayo at naglakad palayo. Siya naman daan ni Mark. "Oy Kim, tara! Sayaw tayo!" habol pa nito sa babae.
Natawa sila ni Jester, habang patuloy nilang pinapanood ang tila pagpapatintero ng dalawa. Pagkatapos ay siya naman ang binalingan nito.
"Let's go," anito sabay hawak sa kamay niya at hila sa kanya.
"Jester, no." giit niya.
Hindi ito nagsalita, bagkus ay ngumiti lang ito habang hawak nito ng mahigpit ang kamay niya. Gaya ng naramdaman niya kanina ng makulong siya sa loob ng mga bisig nito. Tila nagkaroon ng kapanatagan sa dibdib niya. She suddenly felt secured. Safe. Like nobody can ever harm her. Sa pagkakataon na iyon, hindi na pumalag pa si Kamille. Hinayaan na niyang hilahin siya nito, kasama ang puso niya. Kasama ang pagharap niya sa mga darating na araw. Dala niya ang pangako nito na kailan man ay hindi siya nito iiwan. Handa siyang muling sumugal, kung ang magiging kapalit naman nito ay ang kasiyahan na habang buhay niyang makakamtan.
Pagdating sa gitna ng dancefloor. Tila naging hudyat iyon para mapalitan ang musika. Isang love song ang biglang pumailanlang sa buong paligid. Humakbang ito ng isa, palapit sa kanya. Then, he placed her two arms around his neck and he placed his hands around her waist. Sa sandaling iyon, pakiramdam ni Kamille ay sampung paruparo ang umiikot sa tiyan niya. Bukod pa ang sangkaterbang kaba sa dibdib niya. Hindi na maintindihan ni Kamille ang gagawin niya sa nararamdaman niya para kay Jester. Minsan, pilit na tumututol ang isip niya at sumisiksik doon si Adrian. Ngunit natatalo ng lakas ng sigaw ng puso niya ang isip niya. Naghuhumiyaw doon ang isang mahiwagang damdamin para sa lalaking nasa harap niya ngayon. At gusto niya ang nararamdamang ito.
Pinipilit ni Kamille na pakalmahin ang sarili. Feeling niya, ano man oras ay sasabog ang dibdib niya sa lakas ng kaba niya. Sino nga bang babae ang hindi makakaramdam ng ganoon? Kung ganito kaguwapo ang kasayaw, at halos gasinulid lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. Hindi niya maiwasan na mailing. Titig na titig kasi ito sa kanya. She saw an emotion in his eyes. Pero hindi niya maipaliwanag kung ano ito.
"Kamille,"
"Yes?"
"Masaya ka ba?" tanong ni Jester.
Ngumiti siya. "Oo naman," sagot niya. "Bakit mo naitanong?"
"Wala naman. It's just that, I don't want to see you sad anymore." Sabi pa ni Jester.
May kung anong mainit na pakiramdam ang humaplos sa puso niya matapos niyang marinig iyon.
"Jester, bakit mo ginagawa ito?" tanong niya.
"Huwag mo akong tanungin, dahil hindi kita kayang sagutin."
"Ha?"
"Hindi ko kayang ipaliwanag sa'yo kung bakit kita tinutulungan makalimutan ang nakaraan mo. Basta, ang alam ko lang. Gusto kong makita ang saya sa mga mata mo. You were so devastated the first time I saw you. For the past year, you cried too much. You're hurting over and over again. Ngayon, gusto kong ako ang maging dahilan mo para muli kang makita nakangiti."
Nangilid ang luha niya sa sinabi nito.
"Hindi ko alam kung anong kabutihan ang ginawa ko para bigyan ako ng Diyos ng isang katulad mo." Aniya.
"Hindi mo kailangan alamin, ang mahalaga, magpasalamat tayo sa Kanya sa sino man ang ipadala niya sa atin na magmimistulang biyaya sa atin."
Napangiti siya. "So, feeling mo ikaw talaga 'yon?" biro pa niya dito.
Ngumisi ito, saka nagkibit balikat. "Malay mo naman." sabi pa nito.
"One of these days, dadalhin kita sa furniture shop ko. Gusto ko makita mo ang mundong ginagalawan ko sa labas ng Carwash ni Lolo Badong." Wika ni Jester.
"Sure!" pagpayag niya.
Nasa kalagitnaan ng kanta ng umakyat sa stage ang organizer ng Valentine's Party na iyon. Nasa itaas ng stage na iyon ang isang maliit na babae, sa unang tingin ay mukha itong foreigner. Mahaba ang buhok nito, at medyo umbok ang tiyan. Kung hindi siya nagkakamali ay buntis ito.
"Hello Mic test! Hello Hello mic test! Test mic! One two, one two. Test Mic!" sabi pa nito sa tapat ng mikropono.
Huminto silang lahat sa pagsasayaw. At tumingin lahat sa babaeng nasa itaas ng stage. Habang ang ibang mga tao doon ay nagtatawanan dahil nag-rap pa ito.
"Sino siya?" tanong niya.
Natatawa si Jester habang pinapanood ang babae. "Si Panyang,"
"Buntis ba siya?" tanong ulit niya.
"Oo, pakinggan mo magsalita 'yan. Mas makulit pa kay Marisse 'yan. Balita ko sa susunod na barangay eleksiyon. Tatakbong Barangay Captain 'yan."
"Hi fans! Magandang Gabi mga Pengkum!" bati pa nito. "Ano? Maligayang araw ng mga Puso! Kumusta naman ang mga puso n'yo diyan? Busog na ba? O baka naman mamaya aatakehin na kayo diyan sa sobrang saya n'yo!"
"O Eto na nga! Naisip ko lang. Ay teka, ako muna ay magpapakilala para sa mga hindi pa kilala ang kagandahan ko. Ako ang inyong abang lingkod, at isa sa promotor ng sayawan na ito. Si Pamela Anastacia Aramburo-Cagalingan. Ang Grabriela Silang ng Tanangco. O tapos, eto na nga! May special award tayo. Couple of the Night. May second runner up, at siyempre ang grand winner. Ang second runner up, may free dinner date diyan sa Rio's Finest, libreng Chicharon at suka sa tindahan ni Olay at s**o't gulaman ni Aling Pasing. Ang grand winner naman, special date exclusively sa Skyland Intercontinental Hotel. Malinaw na ha?" mahabang paliwanag nito.
Napuno ng tawanan ang buong court. "Nasaan na si Meralco Boy? Manong! Paki tapatan na nga ng spotlight ang second runner up oh," sabi pa ni Panyang.
Nagulat sila ni Jester ng sa kanila tumapat ang ilaw.
"Ayon, oy Jester ikaw pala 'yan! Halika na dito, dalhin mo si Miss Beautiful." Sabi pa ni Panyang. Umakyat sila sa stage.
"Anong name mo?" tanong nito sa kanya, sabay tapat ng mic sa kanya.
"Kamille Tan." Sagot niya.
"Ah, si Baby Tsina. Ako pala Panyang. Ikaw ganda babae, di bagay dito Jester. Ito lalaki, panget. Pengkum." Pagbibiro pa nito. Ginagaya nito ang mga Chinese na barok magtagalog. Nagtawanan sila.
"Hindi Joke lang," sabi nito. "Congratulations, kayo ang second runner up!"
"Thank you," aniya.
"Meralco Boy! Yung grand winner na!" sabi pa nito sa nag-ooperate ng spotlight.
Nagulat sila ng kay Marisse at Kevin tumapat ang spotlight. Hindi pa halos kumukurap ang dalawa habang nakatitig sa isa't isa.
"Hala, mukhang may moment pa sila. Hoy Marisse! Pengkum ka! Kumurap naman kayo!" malakas na sigaw ni Panyang. Napapitlag ang dalawa. Nagulat pa ang mga ito ng makitang sa kanila nakatuon ang atensiyon ng lahat.
"Congratulations! You have a special dinner date tomorrow at Skyland Intercontinental Hotel! Happy Valentines sa lahat! Sayawan na ulit! My Love! Sayaw tayo!"
Sa loob ng dalawang buwan na pananatili niya doon. Masasabi niyang mas masaya at tahimik ang buhay niya doon. Marahil, kapag natapos na ang problem niya sa pamilya. Hindi na siya aalis pa doon. Napamahal na sa kanya ang lugar na iyon. Pakiramdam niya, maging si Jester ay unti unti na rin napapalapit sa kanya. Habang tumatagal ang pananatili niya sa Tanangco. Mas lalong nararamdaman ni Kamille, na tama ang naging desiyon niyang umalis sa bahay nila. Hindi man sapat ang sayang nararamdaman niya, dahil hindi pa sila nagkakaayos ng Daddy niya. Kahit paano, ay unti unti na siyang nakakabangon mula sa pagkakasadlak sa madilim na nakaraan. Alam niyang kakayanin niyang bumangon na muli. Dahil nariyan si Jester na handang umalalay sa kanya. Ang lalaking ngayon ay nakakapagpasaya sa kanya.