Chapter Four

3106 Words
ISANG linggo na ang nakakalipas simula ng dumating siya doon sa Tanangco. Sa loob ng ilang araw na iyon, marami na agad siyang nakilala. Mga bagong kapitbahay, ang mga Mondejar. Maging ang mga kaibigan ni Sam ay kaibigan na rin niya. Pitong araw na ring tahimik ang buhay niya. Walang Norris na nanggugulo. Wala ang Daddy niyang dinidiktahan siya. Ngunit hindi niya maiwasan na maisip ang mga kapatid at Mommy niya. She missed them so much. Pero kailangan niyang tiisin ang mga ito, para sa kaligtasan niya. Sa pitong araw na iyon, sa tuwina ay si Jester ang palaging kasama niya. Naging magkasundo sila sa lahat ng bagay. Ito ang nakaalalay sa kanya sa pag-a-adjust niya sa bagong lugar na iyon. At dahil sa tulong nito, madaling napalagay ang loob niya sa Tanangco. Inipon ni Kamille lahat ng lakas niya para maitulak ang TV Stand na ilalagay niya sa sulok. Dahan-dahan niyang tinulak iyon, dahil nakapatong sa ibabaw niyon ang isang thirty two inches na flat screen television. Naurong niya ito ng bahagya, medyo malayo pa ito doon sa parte ng sala na iyon kung saan niya gustong ipuwesto ito. Tumayo siya ng tuwid at nag-inat ng kaunti. Medyo masakit na katawan niya, pero marami pa siyang aayusin. Napangisi siya ng ilibot niya ang mata sa paligid. She just bought brand new appliances. Using her credit card. Maging sa pamimili ng appliances ay si Jester ang kasama niya. Mabuti na lang at nakaipon siya ng malaki galing sa kita niya sa sarili niyang negosyo. Kamille has her own boutique. She has casual dresses, blouses, self-made designed jeans, and many more. Meron din siyang mga accessories. Kaya patok sa mga kabataan na mahihilig sa fashion ang produkto niya. Sa ngayon, mayroon na siyang tatlong branches sa magkakaibang mall dito sa Metro Manila. At dahil nga sa naging problema niya nitong mga nakaraang linggo. Nag-desisyon siyang mag-leave muna sa trabaho. Ang kanyang secretary na siyang napapagkatiwalaan niya sa lahat ng bagay ang pansamantala niyang ginawang OIC. Kapag may mga bagay na kailangan ikonsulta muna sa kanya bago mag-desisyon ay tumatawag ito sa kanya. Isa ang boutique niyang iyon sa bunga ng pagre-rebelde niya, laban sa sariling Ama. Nang makatapos siya ng College, gustong-gusto niyang hawakan ang isa sa mga negosyo ng Ama. Pero mariin itong tumanggi. Babae daw kasi siya. Mahina. Dapat lang daw sa kanila ng Ate niya ay nasa bahay lang. Kaya ang Kuya Kurt niya ang humawak sa lahat. Kaya para patunayan niya ang sarili sa Daddy niya, gumawa siya ng paraan. Gamit ang naipon niya pera simula pagkabata, kasama na pati ang sikretong pagtulong sa kanya ng Mommy niya. Dahil mahilig siya sa damit at fashion, boutique ang naisip niyang itayong negosyo. Pumunta siya sa Bangkok, Thailand para doon mamili ng unang set ng damit na tininda niya. Sa loob ng tatlong buwan, naitayo niya ang unang branch ng Bernice Fashion. Sa pagdaan ng mga araw, naging popular sila sa kabataan. Mapa-lalaki o babae man. At sa loob nga lang ng limang taon, naitayo niya ang ikalawa at ikatlong branch ng boutique niya. Nang ipagmalaki niya ang achievement sa Daddy niya. Hindi siya nito pinansin, para siyang nakipag-usap sa hangin. Ilang araw ang nakalipas, aksidente niyang narinig ang sinabi ng Daddy niya. Sa konting tagumpay daw ay nagyayabang na siya. Kumpara sa narating nito sa pagne-negosyo. Lalong nadagdagan ang hinanakit niya sa Ama. Minsan nga, sa pag-aaway nila. Tinanong pa niya ito kung ampon siya. Dahil hindi niya maramdaman ang pagmamahal nito bilang isang Ama. Hindi niya ramdam ang pagiging padre de pamilya nito. Mas ramdam niya na tau-tauhan sila nito, na kailangan sundin sa lahat ng oras at wala silang karapatang tumanggi. At sa lahat ng paghihirap niyang iyon, si Adrian ang madalas na nasa tabi niya. Hanggang sa nangyari ang trahedyang iyon. Inasahan niyang sa pagkakataong iyon, ay iiral ang pagiging Ama nito. Na mas dadamayan siya nito dahil sa pagluluksa niya sa pagkawala ni Adrian. Na maniniwala ito na si Norris at ang mga tauhan nito ang pumatay dito. Pero nagbulag-bulagan ito, mas naging importante ang merger ng negosyo nito at negosyo ng pamilya ni Norris. Binalewala siya nito. Dahil sa mga masasakit na pangyayaring iyon, nagkimkim siya ng galit laban sa Ama, na siyang naging resulta sa lantaran niyang pagrebelde. At harapan niyang pagsuway sa mga gusto nito. Napakurap ng mata si Kamille, saka mabilis na pinahid ang mga luha na hindi niya namalayan na pumatak na pala. Alam niyang maging ang Mommy niya ay nadadamay sa ginagawa niya. Pero wala siyang alam na paraan para ipagtanggol ang sarili, laban sa pangmamaliit ng sarili niyang Ama. Laban sa pagdidikta nito sa kung sino ang gusto niyang makasama habang buhay. Kung sana'y narito lang si Adrian. "Are you okay?" Napapitlag siya, saka napalingon. Bumungad sa kanya ang guwapong mukha ni Jester. Nakatayo ito sa tapat ng gate ng apartment niya. Habang mataman itong nakamasid sa kanya. "Je-jester, Kanina ka pa ba?" tanong pa niya. Mabilis niyang tinungo ang gate at pinagbukas ito. "Tuloy ka," paanyaya niya. "Salamat," sagot nito. Pumasok ito sa loob ng bahay niya. "Pasensiya ka na, ha? Medyo magulo pa." sabi niya. "Ikaw lang mag-isa ang gumagawa dito? Nasaan si Sam?" tanong pa nito. "May client yata sila ni Marisse ngayon eh." Sagot niya. "Eh bakit hindi mo ako tinatawag?" tanong ulit nito. "Jester, you've done enough. Nakakahiya na, besides, alam kong may ginagawa ka rin sa trabaho mo." Sagot ulit niya. Tumingin ito sa kanya. "Trabaho? Anong alam mo sa trabaho ko?" curious na tanong nito. "Trabaho, iyong Carwash. Hindi ba trabaho mo 'yon?" Lumukso ang puso niya ng ngumiti ito, saka magaan siyang kinurot nito sa pisngi. "Ang cute mo," sabi pa nito. "Tse!" kunwaring pagsusuplada niya dito. "Eh hindi ba diyan ka pumapasok?" Malutong na humalakhak ito. "Hindi ko trabaho 'yan. Saka hindi ako nangangamuhan diyan. Ang Lolo ko ang may-ari niyang Carwash na 'yan. And kami, bilang mga apo niya. Obligado kaming tumulong sa pagka-carwash. I run my own business. I owned Rodrigo Furnitures Incorporated." Pagtatama nito sa kanya. Napanganga siya. Kilala niya ang furniture company na binanggit nito. Sikat iyon sa buong bansa, maging sa America. Ilang beses na itong napabalita na ilang Hollywood stars na ang bumili ng furnitures na gawa ng Rodrigo Furnitures. Maging ang ilang muwebles na binili niya ay galing din ito. Ang ipinagtataka lang niya, bakit hindi nito sinabi agad na ito pala ang may-ari niyon. "Really? May binili ako kahapon na furnitures ninyo pero hindi ka nagsalita." Aniya. "Kamille, I really don't brag. Hindi ko sinasabi sa isang tao hangga't hindi hinihingi ng pagkakataon." Paliwanag nito. "Grabe! Nakakahiya! Pasensiya ka na, napagkamalan pa kitang Carwash Boy." Hinging paumanhin niya. "No, it's okay. In fact, I'm proud to be a Carwash Boy. Iyon nga ang tawag sa amin dito." "Kaya pala ng una kong malaman na Carwash Boy ka, sabi ko, hindi ka mukhang ganoon. Sa guwapo mong 'yan. Mas bagay kang model." Walang preno niyang sabi. Huli na para ma-realize niya ang sinabi. Natutop niya ang labi. Sabay tingin kay Jester. "Ah, talaga? Naga-guwapuhan ka sa akin? Hmm..." "A-ano, Ano... Hindi ah! Medyo lang." kandautal niyang sagot. Ramdam ni Kamille na ang pag-iinit ng magkabilang pisngi niya. "Uhm ano, total narito ka na rin lang. Tulungan mo naman akong mag-ayos dito. Ang bigat ng mga appliances, hindi ko kayang iurong." Pag-iiba niya sa usapan. "Okay," sagot nito. Pero hindi pa rin inaalis nito ang mga mata sa kanya, maging ang nakaka-pang akit na ngiti nito. Naisip lang niya, ano kaya kung suotan niya ito ng maskara? Para kahit paano matakpan ang guwapong mukha nito. Nadi-distract kasi siya eh. Hindi niya alam kung anong klaseng mahika ang taglay ng lalaking ito. Hindi niya maintindihan ang sarili. Sa loob lang ng maikling panahon ng pagkakakilala nila. Nagagawa na nitong pabilisin ang t***k ng puso niya sa isang tingin at ngiti lang nito. Valentine's Day. Nagising si Kamille ng umagang iyon ng marinig niya ang tila malakas na sirena. Dali siyang bumangon at sumilip sa bintana. Mobile Patrol pala iyon ng barangay, at ang isang opisyal ay nakasakay doon. May hawak pa itong megaphone. "Magandang Umaga po sa inyong lahat! Una po, gusto namin bumati ng Happy Valentines! Ikalawa, nais po namin ipaalam sa inyo na magkakaroon po ng isang sayawan sa Barangay Buting Covered Court. Ito po ay handog ni Kapitan para sa mga kadalagahan at kabinataan ng ating barangay. Uulitin ko po, open ito para sa mga single na lalaki at babae. Kung ikaw po ay may asawa na, ay huwag na po tayong pumunta, ano ho? Sa bahay na lang po kayo mag-date ni Mister o ni Misis. Ang sayawan pong ito ay magaganap mamayang alas-siyete impunto ng gabi. Maraming Salamat po! Uulitin ko, pawang sa mga single lamang. Kaya 'wag na mag-protesta pa ang may mga asawa. Huwag makulit. Magandang umaga po ulit. Sa mga naistorbo ang tulog, pasensiya naman. Napag-utusan lang." Anunsiyo nito. Nakangiting napailing na lang siya. Nakakatuwa naman mag-announcement iyon. Mayamaya pa ay natanaw niya si Sam na naglalakad. Tinawag niya ito. "Samantha!" Lumingon ito. "Hoy! Lumabas ka na diyan!" anito. Nagmadali siyang nagbihis ng damit pambahay pagkatapos ay lumabas siya ng bahay. "Happy Valentines!" bati niya dito. "Happy Valentines din! Teka, punta tayo doon ah!" anito. "Ha? Ay, ayoko nga." Tanggi niya. "Grabe! Pa-special ka naman eh. Huwag ka na nga, basta sasama tayo!" giit nito. "Nakakahiya, bago pa lang nga ako dito." sabi pa niya. "Eh ano naman?" Hindi na siya nakasagot pa ng mapalingon siya sa bandang likod ni Sam. Napangiti siya. Sabay sulyap sa kaibigan niya. "Bakit ka ba nakangiti diyan?" nagtatakang tanong nito. "Sa likod mo," sagot niya. Nakakunot-noo pa rin na tiningnan nito ang tinuro niya. Kitang-kita niya ng magliwanag ang mukha nito kasabay ng pagmumula ng pisngi nito. Si Jefti kasi iyon, at may hawak itong isang pumpon ng isang dosenang pulang rosas. "Excuse me, Kamille. Hiramin ko lang muna itong betfriend ko." Sabi ni Jefti. "Sure," sagot niya na may halong panunukso kay Sam. Hindi pa nakakalayo ng matanaw naman niya na nagkasalubong si Marisse at Kevin, may hawak din na bouquet of flowers ang huli. Inabot nito iyon sa dito. Kita din niya ang saya sa mga mata ni Marisse. Hindi lang niya maintindihan kung bakit tinatago nito ang saya na iyon sa likod ng pagsusungit nito. Pero sa kabila ng pagsimangot at pagtataray nito kay Kevin. Tinanggap pa rin iyon ni Marisse. Nang makatalikod na si Kevin. Saka ito ngumiti, inamoy pa nito ang bulaklak na hawak nito. Natutuwa siyang pagmasdan ang nag-uumapaw na pagmamahalan sa kahabaan ng kalyeng iyon. Muli na naman sumagi sa isip niya si Adrian, eksaktong isang taon na rin simula ng mawala ito. Today is his first year death anniversary. Valentines Day noon ng kunin ang buhay nito. Nabalot ng lungkot ang puso niya. Adrian, masaya ka na ba ngayon? Dadalawin ko mamaya ang puntod mo. "Happy Valentines," Napalingon siya nagsalitang iyon. Sa isang iglap ay parang hinipan ng hangin ang kanina lamang ay lungkot na lumukob sa kanya. Tila pinawi ni Jester ang lungkot na iyon. Nakangiti na naman kasi ito sa kanya, isang klase ng ngiti na hindi niya maipaliwanag. Muli na naman lumundag ang puso niya sa saya. "Happy Valentines," bati din niya dito. Hindi agad ito nagsalita, nanatili lamang itong nakatitig sa kanya. Ang titig na iyon ay halos magpatunaw sa kanya, ang hindi nito alam, habang tumatagal ay palakas ng palakas ang kaba sa dibdib niya. At hindi niya maipaliwanag kung bakit kailangan niyang kabahan. Kasabay niyon ay tila panlalamig ng kamay niya. She was completely mesmerized by his eyes. "Uhm, I was just wondering if you can have breakfast with me?" tanong nito. Ngumiti siya. "Breakfast? Wait, are you asking me out on a date?" tanong pa niya, pinagdiinan pa niya ang huling kataga. Nagkibit-balikat ito. "Uhm, yes. Sort of." Sagot nito. Natawa siya. "Saan ba tayo pupunta? Mukhang casual lang yata ang suot mo?" tanong ulit niya. "Basta! Wear casual." Sabi pa nito. "Okay, pasok ka muna. Magbibihis lang ako." Anyaya nito. "Hindi na, maghihintay na lang ako dito." sagot nito. "Okay." Usal niya. Mabilis siyang naligo, pagkatapos ay nagbihis siya. Isang hanggang tuhod na casual dress ang sinuot niya at sandals naman sa paa. Naglagay din siya ng light make up, saka niya sinuklay ang hanggang balikat na buhok niya at hinayaan lamang niya na nakalugay iyon. Paglabas niya ay naroon na sa tapat ng gate niya ang kotse nito. At gusto niyang malula ng makita ang sasakyan nito. It's a metallic gray Jaguar XJ. "All set?" nakangiti pang tanong nito ng makita siya. "Yes," sagot niya. "Let's go." Pinagbukas pa siya nito ng gate, maging ng pinto ng kotse. Bago siya sumakay doon ay napalingon silang dalawa ng biglang may magsigawan mula sa hindi kalayuan. Natawa siya ng kumakaway pa na nakamasid sa kanila ang mga pinsan nito at mga kaibigan niya. "Kabog manligaw ang pinsan ko!" sigaw pa ni Marisse. "Ang aga ng diskarte mo!" dagdag pa ni Marvin. Hindi nito inintindi ang pang-aasar ng mga pinsan nito. "Sakay na, pabayaan mo nga ang mga 'yan!" sabi nito. Pagsakay niya sa kotse nito ay agad na nilibot ng mga mata niya ang interiors ng kotse nito. Halatang mahal iyon, kahit siguro pagsama-samahin niya ang kita ng tatlong branches ng boutique niya. Hindi niya magagawang bumili ng ganito kamahal ng sasakyan. Tama nga ang sinasabi ng mga taga-roon, may sinabi sa buhay ang pamilya Mondejar. Pero nananatili ang pagiging simple ng pagkatao ng mga ito. Dinala siya nito sa rooftop ng Skyland Intercontinental Hotel. Ayon dito, ang hotel na iyon ay pag-aari ng isa sa mga kaibigan nito na taga-Tanangco din. Doon ay may naka-set up na table for two. May dalawang waiter na naghihintay sa kanila. The table was well arranged. Inalalayan pa siya nitong umupo, pagkatapos ay inabot nito sa kanya ang isang bouquet ng pink roses na hawak ng isa sa waiter. "For you," anito. "Thank you," nakangiting wika niya. Nang maupo ito sa katapat na silya. Inayos na ng waiters ang kakainin nila. Naglakas loob siyang magtanong dito. "Can I ask you something?" tanong niya. "Sure," "Bakit ang bait mo sa akin? Bakit ako ang dinala mo dito at hindi ang ibang babae diyan na matagal mo ng kilala? Why are you doing this?" sunod sunod na tanong niya. Natawa ito ng malakas saka umiling. "Ang dami mo naman tanong," anito. Pabirong umingos siya. "Sagutin mo na lang kaya ang mga tanong ko." "Okay, first. Kaya ako mabait sa'yo dahil alam kong mabait ka. Magaan ang loob ko sa'yo. Gusto ko na madalas kang nakikita, lalo na sa umaga." Muli ay naroon na naman ang malakas na kabog ng puso niya. Lalong nakapagpadagdag ng kaba niya ay ang pagtitig nito ng diretso sa mata niya. Parang may gusto itong malaman mula sa pagkatao niya. "Second, ikaw ang dinala ko dito dahil ikaw lang ang gusto kong makasama ngayong espesyal na araw na ito." Sagot nito sa pangalawang tanong niya. "Unless, na may magagalit sa akin na ikaw ang ka-date ko ngayong Valentines." Sumagi sa isip niya si Adrian. Kung nabubuhay lamang ito, sigurado siyang magseselos ito. "Wa-wala," mahina ang boses na sagot niya. "And last, I want to be there beside you. Habang pinipilit mong bumangon mula sa masakit na nakaraan mo. Hindi ko alam kung ang kakahinatnan nitong ginagawa kong pagpasok sa buhay mo. Pero kahit na ano pang maging resulta nito, gusto ko pa rin subukan. Alam kong maaga pa para dito, Kamille. But I want you to know that I like you." Pag-amin nito. Napakunot-noo siya. "Nakaraan? Anong nakaraan ang sinasabi mo?" nagtatakang tanong niya. "I have a confession to make. Ako 'yong lalaking tumulong sa'yo sa Bar noong gabing lasing na lasing ka. Hindi ko rin sinadya na makita kita doon, nagkataon lang na ang Bar na iyon ay pag-aari ni Karl. Nakuha mo ang atensiyon ko ng makita kitang halos walang malay sa sobrang kalasingan. Hindi ko alam kung ilang beses mong binanggit ang pangalan ni Adrian, at kung gaano mo siya kamahal. Tinawagan ko si Sam, tinanong ko siya kung sino ang maaari kong tawagan sa pamilya mo. Sinabi niyang may Ate ka daw. Ang Ate mo ang nag-kuwento sa akin ng buong pangyayari ng malaman niyang kaibigan ako ni Sam." Paglalahad nito. Gustong manliit ni Kamille, dahil sa narinig. Nakita at nalaman na rin nito kung gaano kamiserable ang buhay niya. Nagmadali siyang kunin ang bag niya. "I have to go," aniya. Mabilis siyang tumayo at naglakad palayo. Pero inabutan siya ni Jester. Nahawakan nito ang isang braso niya. "Hindi mo kailangan umiwas, Kamille. I'm sorry kung hindi ko agad sinabi sa'yo. Alam ko na kasi na ganito ang magiging reaksiyon mo. Isa lang ang pakiusap ko sa'yo. Hayaan mong maging parte ako ng buhay mo. Hayaan mong ako ang magbalik ng saya sa mata mo, ang mga ngiti sa labi mo. Pinapangako ko sa'yo na hindi kita iiwan." Dahil sa sinabi nito. Hindi napigilan ni Kamille ang mapaiyak. Hindi na rin niya napigil ang sarili na yumakap dito, at doon siya umiyak ng umiyak. Binuhos niya ang lahat ng sakit na nakatago sa dibdib niya. Naramdaman niya ng ikulong siya sa mga bisig nito, mahigpit ang mga yakap nito. Hindi naman siguro mamasamain ni Adrian kung uumpisahan na niyang umusad sa buhay niya. Matagal ng nabalot ng dilim ang buhay niya, nagliwanag iyon ng mahalin niya si Adrian. Ngunit muling nagdilim ng mawala ito. Ngayon, muli na naman niyang nasisilip ang liwanag sa pamamagitan ni Jester. At ayaw na niyang pakawalan ang pagkakataon na ito. "Help me, Jester." Bulong niya dito. "I will. I won't leave you." Sagot nito. Sa kabila ng nalaman niya, tuluyan ng gumaan ang loob ni Kamille. Tila nabawasan ang bigat ng dibdib niya, na kaytagal din na nabalot ng galit. Pakiramdam niya dahil sa nangyari, naging mas malapit sila sa isa't isa ni Jester. Naging masaya ang breakfast na iyon. It was the most romantic breakfast she ever had. Tinanong din niya dito kung bakit madalas breakfast siya nito niyaya. Ang sagot nito. "Breakfast is the most important meal of the day. Saka para maiba naman, lagi na lang dinner ang date. Puwede naman breakfast o lunch. Isa pa, masamang kumain ng marami sa gabi. Baka hindi ka matunawan." Natawa siya ng husto sa sinabi nito. Pagkatapos niyon. Nag-desisyon siyang ipakilala ito kay Adrian. Dinala niya ito kung saan nakalibing ang bestfriend niya. "Adrian, gusto kong ipakilala sa'yo si Jester." Aniya. Tumingin si Jester sa kanya, hindi siya tumanggi ng hawakan nito ang kamay niya. Ramdam niya ang init na hatid ng balat nito. Kasabay niyon ay ang patuloy na pag-ahon ng kaba sa dibdib niya. "Pare, alam kong nakikita mo kami mula diyan sa mataas na kinalalagyan mo. Gusto kong malaman mo na wala kang dapat ipag-alala. Aalagaan ko si Kamille, hindi ko siya papabayaan." Pagkausap pa nito sa puntod ng kaibigan niya. "Salamat," bulong niya kay Jester. Ngumiti lang ito, sabay pisil sa kamay niyang hawak nito. Alam ni Kamille, na hindi ordinaryo ang nararamdaman niyang iyon. At hindi niya mamadaliin ang lahat, gusto niyang maka-move on muna bago harapin ang lalaking nagpapasaya sa kanya ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD