"BAKIT hindi ka pa nakabihis?" tanong ni Karmela pagpasok nito sa silid ni Kamille.
"Ano bang meron?" balik-tanong niya.
"May mga darating na bisita." Anito.
Bumuntong-hininga siya. "Kayo na lang. Dito na lang ako sa kuwarto, makikipag-plastikan lang naman ako sa mga bisita ni Daddy." Sabi niya.
"Kailangan mong sumama sa dinner. Sige na please, para wala ng gulo. Nakakasawa na lang ang maya't maya na away n'yo ni Dad." Pakiusap pa nito.
Tinignan niya si Karmela. Naawa naman siya dito, kapag hindi kasi siya sumama sa family dinner na iyon. Ito na naman ang maghahabi ng dahilan para hindi na naman siya pagalitan ng Daddy niya.
"Sige na nga," pagpayag niya.
"Wear this," anang Ate niya. Saka nilapag sa kama niya ang pulang Cheongsam o qipao. Ito ang Chinese Traditional Dress na madalas nilang isuot tuwing may formal gathering.
"Why? Sino ba ang mga darating at kailangan ko pang isuot 'yan?" tanong niya. Hindi ito kumibo, pero pansin niya sa mga mata nito ang lungkot. Tila ba labag sa loob nito ang ginagawa.
"Achi, anong nangyayari?" tanong niya. Kasunod niyon ay ang pag-ahon ng kaba sa dibdib niya.
"W-wala," sagot nito.
"Hindi ka kasing galing kong magsinungaling, Ate. Tell me, what's happening?"
Tinignan siya nito. "Darating sila Norris at ang pamilya niya. Ngayon gabi mangyayari ang engagement ninyo. Sinubukan kong pigilan si Daddy, pero ayaw niyang makinig sa akin."
Ang kabang naramdaman niya ay dumoble matapos niyang marinig ang rebelasyon ng Ate niya.
"Ayokong magpakasal ka sa Norris na 'yon. Ayokong maranasan mo ang hirap ng buhay na naranasan ko ng magpakasal ako sa lalaking hindi ko gusto at mas lalong hindi ko kilala." Anang Ate niya.
Bente tres anyos pa lang ito ng ipagkasundo ito ng Daddy niya sa isang anak ng kasosyo nito sa negosyo. Ngayon naman, siya sa edad na bente sais, bilang bunso at kaisa-isang wala pang asawa. Siya naman ang pilit na ipapakasal. Baka maatim pa niya ang arrange marriage na iyon, kung hindi si Norris ang lalaki. Hindi niya alam kung dapat ba niyang ipagpasalamat ang pagkakaroon niya ng tapang para suwayin ang Ama sa kagustuhan nito. Pero hindi siya papayag na diktahan nito ang buhay niya, lalo na ang puso niya.
"Ate,"
"Gumawa ka ng paraan para makaalis dito. Tutulungan kita. Kapag hindi ka umalis at natuloy ang engagement mo. Hindi ka na makakaatras pa." payo pa nito.
"Akong bahala, Ate. May plano ako." Aniya.
Mabilis niyang sinuot ang cheongsam at nag-ayos. Habang ang Ate naman niya ay naglalagay ng mga damit niya sa isang malaking traveling bag. Kasabwat ang mapagkakatiwalaang mayordoma nila. Dinala ng mga ito ang gamit niya sa may likod bahay, may daan din kasi doon palabas ng bahay nila. Saka nag-abang ng taxi at siyang pinaghintay para paglabas niya ay mabilis siyang makakaalis agad. Nang matapos na ang lahat, sabay silang bumaba sa living room.
"Anong nangyayari?" kunwa'y gulat niyang tanong.
"Narito si Norris at ang pamilya niya para sa engagement ninyong dalawa." Nakangiti pang sabi ng Daddy niya.
"Engagement na naman? Hanggang ngayon ba hindi pa kayo nagsasawa? Ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na ayoko sa lalaking 'yan!" giit niya.
Pasimple na nilapitan siya ng Daddy niya. "Sumunod ka na lang. Hindi mo ako ipapahiya sa harapan ng mga magulang ni Norris sa ikalawang pagkakataon." Bulong pa nito.
"Kung ayaw ninyong mapahiya kayo. Pabayaan n'yo ako." Sagot niya.
"Magpapakasal ka kay Norris at iyon ang susundin mo. Maiaahon mula sa bankruptcy ang negosyo natin. Mas susuwertehin tayo. Mas lalaki ang kikitain natin." Sabi pa ng Daddy niya.
"Will it always be about money? Iyong kaligayahan namin habang buhay hindi na ninyo inisip? Ang impyernong buhay na naghihintay sa akin pagkatapos ng kasal." Galit na wika niya. Pagkatapos ay binalingan ni Kamille ang mga bisita.
"With all due respect, Mister and Misis Liu. Hindi ko kayang pakasalan si Norris. Dahil bukod sa siya ang nagpapatay sa bestfriend ko, I hate him with all my heart. Ayokong habang buhay kaming magdusa sa piling ng isa't isa. Pasensiya na po, pero nagkataon lang na may puso ako." Matapang niyang sabi sa mga ito.
Nang tignan niya si Norris ay halos namumula na ito sa galit. Nagtatagis na rin ang mga bagang nito. Ngunit hindi siya nagpadala sa nakikita niyang reaksiyon nito. Sa halip ay inirapan pa niya ito, sabay talikod. Naglalakad na siya papunta ng dirty kitchen para tumakas. Nang mahagip ni Norris ang isang braso niya, mahigpit ang pagkakahawak nito sa kanya.
"Aray ko! Nasasaktan ako!" sigaw niya dito, pilit niyang binabawi ang brasong hawak nito, ngunit mas lalo lang nitong hinihigpitan ang pagkakahawak nito.
"Hindi mo puwedeng gawin sa akin 'to, Kamille! Hindi ikaw ang babaeng magpapahiya sa akin!" Anito.
"Well, guess what? I just did." Mataray niya sagot. Sabay tulak ng malakas dito.
"Kamille! Bumalik ka dito!" anang Daddy niya.
"Im sorry, Dad." Sabi niya. Pagkatapos ay mabilis siyang tumakbo palabas. Dumiretso siya sa likod kung saan naghihintay ang taxi. Naroon din nag-aabang ang Yaya niya. Niyakap niya ito bago sumakay.
Habang lulan ng taxi, hindi na niya napigilan na tumulo ang luha niya. Labag sa loob niyang suwayin ang Daddy niya. Kahit na madalas silang nag-aaway nito. Mahal pa rin niya ito. Dahil ito ang Ama niya. Ngunit, kailangan din niyang isipin ang buhay niya. Alam niyang hindi matinong tao si Norris. At ng dahil sa pera at negosyo kaya siya ipipilit ng mga magulang niya dito.
Pinunasan niya ang luha, saka kinuha ang cellphone niya. Dinaial niya ang numero ni Sam.
"Sam, okay na?" tanong agad niya pagsagot nito.
"Oo," sagot nito sa kabilang linya.
"Papunta na ako diyan."
NAG-INAT si Kamille ng dalawang braso pagdilat niya ng umagang 'yon. Kasunod ng pagguhit ng magandang ngiti sa labi. Iyon na ang ikalawang araw niya sa apartment na tinutuluyan matapos niyang tumakas mula sa engagement dinner nila ni Norris. Sa wakas, nakatulog na rin siya ng mapayapa matapos ang isang taon na tila naging bangungot para sa kanya ang bawat gabi. Dalangin niya na sana'y manatiling ganoon kapayapa ang buhay niya simula sa araw na iyon.
Naupo siya sa gilid ng kama at umusal ng maikling panalangin ng pasasalamat sa Poong Maykapal. Pagkatapos ay naghilamos at nag-toothbrush siya. Pagbukas niya ng front door. Muli siyang nag-inat at pumikit sabay sigaw.
"Good Morning Everybody!"
Nang dumilat siya, bigla ay gusto niyang tumakbo pabalik ng kuwarto niya. Sa lakas ng boses niya, napahinto ang mga naglalakad at nakatingin sa kanya. Kasama na doon ang mga nakilala niyang mga bagong kaibigan at ang mga Mondejar. Lalo na si Jester.
Alanganin siyang napangiti, saka kunwaring kumaway sa mga ito.
"Uhm, hi! Sorry, ang ingay ko." Aniya.
Dumako ang paningin niya kay Jester. He was staring at her, with amusement in his eyes. Nakangiti ito sa kanya. Pakiramdam ni Kamille ay parang natutuwa ang puso niya sa klase ng ngiti ng lalaking iyon. At para bang, sa tuwina ay nais niya itong makita. Sabagay, guwapo naman kasi ito at mukha pang mabait. Napakunot-noo siya ng biglang may sumagi sa isip niya. Naalala niya ang gabing lango siya sa alak, ayon sa Ate niya at base sa pagkakatanda niya. Isang lalaki ang nag magandang loob na tumulong sa kanya ng hindi siya pinagsasamantalahan. Muli ay sinulyapan niya si Jester. Hindi kaya? Bakit ba ito ang naiisip niyang tumulong sa kanya?
Biglang kumabog ang dibdib niya ng makitang naglalakad ito palapit sa bahay niya.
"Good Morning," bati nito.
"Good Morning din,"
Dumukwang pa ito sa gate ng apartment niya. "Mukhang ang ganda ng gising mo ngayon ah." Anito.
Nagkibit-balikat siya. "Uhm, Oo nga eh. Nakahinga kasi ako ng maluwag." Sagot naman niya.
"By the way, Welcome here in Tanangco! I'm sure mag-e-enjoy ka dito. Malilimutan mo kahit paano ang problema mo." sabi pa nito.
"P-paano mo nalaman?" nagtatakang tanong niya.
"Ang alin?"
"Na may problema ako?"
Ngumiti itong muli, na siyang nagpalukso na naman sa puso niya. "In your eyes." Anito.
Wala sa loob na napahawak siya sa gilid ng mata niya. Ganoon ba siya ka-obvious? Nakikita sa mga mata niya.
"I hope you'll be fine." Sabi ni Jester. "Whatever it is. Just pray." Payo pa nito.
Napangiti siya. Sino nga ba ito para payuhan siya? Kung tutuusin, wala ito dapat pakialam sa kanya. Ni hindi pa nga sila magkaibigan dahil kakikilala pa lang nila. Pero heto ito at pinapalakas ang loob niya.
"Salamat," aniya.
"Let's go," sabi nito.
"Saan?" kunot-noong tanong niya.
Tinuro nito ang Jefti's. "Doon, magbe-breakfast." Sagot nito. "My treat."
"Okay." Pagpayag niya.
NANLAKI ang mga mata ni Kamille, matapos ilapag ng isa sa crew ng Jefti's ang dalawang order ng Tapsilog, coffee, at tatlong extra rice. Napatingin siya dito. Pagkatapos ay hindi niya mapigilan ang matawa. Inosente itong tumingin sa kanya at kumunot ang noo nito. Aaminin ni Kamille, that innocence of his look makes him so adorable. He in fact looks really cute. Gusto tuloy niyang kurutin ang pisngi nito.
"What?" inosenteng tanong nito.
"Ha? Anong what?" tanong din niya.
"You're laughing. Why are you laughing?"
Umiling siya. "Wala naman. Natatawa lang ako sa inorder mo. Pakiramdam ko kasi huling araw ko na dito sa lupa. Para akong bibitayin sa dami ng inorder mo." Sagot niya.
Nanlaki pa ang mata nito saka napanganga. Pagkatapos ay umiling ito saka pumalatak.
"Ngayon alam ko na kung bakit payatot ka." Anito.
Pabiro siyang sumingot, saka eksaheradang umirap dito. Bigla siyang napaiwas nang bigla nitong kurutin ng marahan ang baba niya.
"Uy joke lang, 'to naman!" biglang bawi nito.
Agad naman siyang ngumiti. "Joke lang din. Aminado naman ako na payat ako eh." Aniya.
"Iyon naman pala eh, teka, ano ba kasi usually ang kinakain mo?" usisa pa nito.
"Uhm, coffee and cereal." Kaswal niyang sagot.
Tila hindi makapaniwala itong tumingin sa kanya, saka muling umiling.
"Cereal? Buti may energy ka pa kapag nagta-trabaho ka? Kung may balak kang magtagal dito sa Tanangco, ako na nagsasabi sa'yo. Ngayon pa lang, simulan mo ng mag-practice kumain ng marami. Dahil dito, hindi uso ang salitang 'kain'. Uso dito ang 'lamon'." Paliwanag pa nito.
Napatingin siya sa mga pagkain sa harapan niya. Hindi yata niya kayang ubusin 'yon.
"Lunch at dinner ko na itong ganito kadami." Aniya.
"Noon 'yon! Dito sa Tanangco, hindi puwede ang ganyan. Para kang ipis kung kumain. Ubusin mo 'yan ah!" sabi pa nito.
Kamille was amused. Who is this man confindently telling her what to do? Lihim siyang napangiti. Imbes na magalit siya ay kinatuwa niya iyon. Parang nagagalak pa ang puso niya.
"Why are you so confident na susundin kita? I usually hate people telling me what to do." Tanong niya.
"Dahil alam kong may konsensiya ka. Isipin mo, kapag hindi mo kinain 'yan. Nagsayang ka lang ng pagkain, sa kabila ng maraming kababayan natin diyan ang hindi nakakakain ng tatlong beses isang araw." Mahabang paliwanag nito.
"Fine! Wala na akong sinabi." Wika niya.
"Good! Eat na!"
Habang kumakain ay wala silang ginawa kung hindi ang magtawanan at magkuwentuhan. Hindi niya maintindihan kung bakit sa sandaling panahon ay tila ba kay gaan ng loob niya kay Jester. Gusto niyang makasama ito ng mas matagal at mas makilala pa ito ng lubos. Nasa kalagitnaan sila ng pagkain ng magsidatingan sila Sam kasama ang mga kaibigan at pinsan ni Jester.
"Whoa! What is this?" kunwa'y gulat na tanong ni Jefti, habang nakatingin ito sa kanila.
"Sino ba ang intsik? Si Kamille o ikaw, insan?" tanong pa ng isang pinsan nito, nakilala niya ito noong nakaraang gabi. Ayon kay Jester, Kevin ang pangalan nito.
"Nga naman, parang sa gabi ang ligaw hindi sa umaga." Sabi pa ng boyfriend ni Razz na si Marvin.
"Ano Kamille? Kayo na ba?" diretsong tanong sa kanya ni Jefti.
Alanganin siyang napangiti. Palihim niyang sinapa ang paa ni Jester sa ilalim ng mesa, saka pasimpleng pinandilatan niya ito. Hindi kasi niya alam ang isasagot. Nagugulat siya sa pagka-prangka ng mga ito.
"Hey! Yo! Chill mga pinsan! Huwag n'yo ngang takutin si Kamille!" singhal ni Marisse sa mga ito.
"Saka tumahimik nga kayo! Baka hindi kami matunawan sa ingay n'yo!" dagdag pa ni Jester.
"Teka nga! Ang gugulo n'yo eh! Huwag n'yo naman bulasin sa kaprangkahan n'yo si Kamille. Hindi sanay 'yan sa mga Pengkum na tulad n'yo!" sabad naman ni Sam.
"Hindi, okay lang ako." Aniya.
Nag-kanya kanya ng upo ang mga ito sa paligid. Naging mistula tambayan nila ang Jefti's, dahil naokupa na nila halos ang buong lugar.
"Hindi bale, masasanay ka rin dito." sabi pa ni Jhanine.
"Mukha naman hindi kayo mahirap pakisamahan. Ang bait n'yo, kahit na bago pa lang ako dito." aniya.
"Ay oo naman! Lalo na 'yang nasa tapat mo. Siya ang pinakamabait sa amin, kulang na nga lang tubuan na 'yan ng pakpak eh." Sabi pa ng isa sa magpi-pinsan na si Mark, sabay turo sa may tapat niya.
Wala sa loob na napatingin siya sa tinuro nito. At parang may sumikdo sa dibdib niya ng magtama ang mga paningin niya. Pakiramdam niya ay unti-unting bumibilis ang t***k ng puso niya. Pasimple siyang tumikhim para ibalik sa normal ang t***k niyon.
Bakit ba ganito na lang kabilis ang t***k ng puso ko?
"Uhm, Oo nga. Mabait si Jester." Sang-ayon niya.
"Yun oh!"
"Ayieee!"
"Nakanang! Mukhang may bagong namumuong pag-ibig dito ah!" sabi pa ni Daryl.
"Para sa akin, okay lang magka-love life ang kaibigan ko. Baka kasi, panahon na para sumaya siya ulit." Makahulugang sabi ni Sam. Nakangiti pa ito habang nakatingin sa kanya.
"Sam," nangingilid ang luha na usal niya. Sa puso niya ay ramdam niya ang sinseridad ng kaibigan niya para sa kagustuhan nitong sumaya ulit siya.
"Hoy mga puge! May paparating kayong gawain." Anang isang bagong dating na babae, nakasuot ito ng uniporme na pang-kasambahay.
Sabay-sabay na nagtayuan ang mga ito. Kasunod ng pagdating ng mga tatlong magagarang sasakyan. Bumaba doon ang tatlong guwapong kalalakihan. Napakunot-noo na naman si Kamille, sabay linga sa buong paligid niya. Isa lang ang napansin niya noon pa, sa lugar na iyon. Ang Tanangco ay pugad ng mga guwapong lalaki at magagandang mga babae. Hindi na siguro dapat siyang magtaka, bawal sa lugar na iyon ang naka-simangot. Masayahin ang mga tao doon, kaya siguro mukhang bata at artistahin ang mga ito.
"Sino sila?" tanong niya kay Sam. Mukha kasing mga milyonaryo ang mga tao. At sa klase ng kotse na dala ng mga ito, puro mga luxury cars.
"Ah, sila ang Tanangco Boys. Ang gu-guwapo no? Kaso off limits na ang mga 'yan. May mga asawa't anak na kasi. Si Jared, Victor at Roy." Sagot nito.
"Ang galing naman," natutuwang wika niya, sabay linga sa buong kahabaan ng Tanangco.
"Friend," ani Sam sa kanya. "Masaya akong nakikita kang nakangiti na ulit. Iyong ngiti na umaabot na sa mga mata mo. Hindi 'yung napilitan lang. At nakikita ko rin na si Jester ang nagpabalik ng mga ngiting iyon sa'yo."
Napipilan siya. Oo nga. Napansin na rin niya iyon simula ng kanina ng magkausap sila. Wala na siyang ginawa kung hindi ang tumawa. Nang mapansin niya ang pinggan niya. Ubos na rin ang pagkain niya.
"Sam, pero si Adrian." Aniya.
"Huwag mo na siyang isipin. I'm sure, masaya na rin 'yon na nakikita ka niyang mag-move on." Sabi pa nito.
Sasagot pa sana siya ng magulat siya ng biglang maghubad ng suot na t-shirt si Jester. Napalunok siya ng tumambad sa harapan niya ang matipunong katawan nito. Wala sa loob na napalunok siya. Nagulat na lang siya ng biglang dumilim ang paligid. Tinakpan pala ni Sam ang mata niya. Pero agad din niyang nilagyan ng puwang sa mga pagitan ng daliri nito nang sa gayon ay may makita pa rin siya. Mayamaya, nagtawanan na sila ni Sam.
Kung ganito kagaan ang buhay na makakagisnan niya sa bawat umaga na gigising siya. Hindi na siya aalis pa doon. Hindi baleng mawala ang lahat ng pera niya, basta ang mahalaga sa kanya ay panatag ang puso niya. Malayo sa taong gustong angkinin ang buhay niya. Malamang, sa pamamagitan ng pagtira niya doon. Muli niyang mahanap ang dating Kamille na kilala niya.
"Kamille, maiwan muna kita. May huhugasan kaming kotse." Ani Jester.
"H-ha? Uhm, Oo, sige." Kandautal na sagot niya.
Nang makaalis na ang mga kalalakihan. Bumulong si Sam sa kanya, sabay sundot sa tagiliran niya. "Uy, crush mo si Jester no?" tudyo nito.
"Ha? Wala ah!" tanggi niya.
"Crush mo eh,"
"Tigilan mo nga ako, Samantha. Napaka-elementary nito, crush ka diyan."
Depensa pa niya sa sarili.
"Talaga? hindi?" paniniguro pa nito.
"Oo nga!" sagot niya.
"Eh bakit ka nagba-blush ngayon?" pambubuking pa nito. Sabay tawa ng malakas.
Mabilis niyang nahawakan ang magkabilang pisngi niya. Isang malutong na tawa na naman ang ginawa ni Sam.
"Hindi kaya!" tanggi pa niya. "Mainit lang kaya namumula ang pisngi ko." Pagdadahilan pa niya.
"Teka, iyan lang ang pinagkakakitaan ni Jester? Carwash Boys siya?" pag-uusisa pa niya.
"Hindi ah! Ikaw na lang ang magtanong sa kanya kung anong totoong trabaho niya. Alamin mo! Baka malula ka." Sagot pa nito.
Lalong napaisip si Kamille. Paanong ang isang napaka-guwapong lalaki na gaya ni Jester ay tila ba kuntento na lang sa pagka-carwash? Paano din niya mapipigilan na ang bilis ng t***k ng puso niya sa tuwing magtatama ang paningin nila. Bigla ay naalala niya si Adrian.
Adrian, hindi ko alam kung ito na nga ba ang tamang panahon para makalimutan ko na ang sakit ng nakaraan. Pero handa akong subukan. Gusto na ulit sumaya. Gusto ko na rin ng tahimik na buhay.